Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 70-71

Dalangin para Tulungan ng Dios

(Salmo 40:13-17)

70 Panginoong Dios,
    iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
Mapahiya sana at malito ang mga nagnanais na mamatay ako.
    Magsitakas sana na hiyang-hiya ang mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
Mapaatras sana sa kahihiyan ang mga kumukutya sa akin.
Ngunit labis sanang magalak sa inyo ang mga lumalapit sa inyo.
    Ang lahat sana ng nagnanais ng inyong pagliligtas ay laging magsabi, “Dakila ka, o Dios!”
Ngunit ako, akoʼy dukha at nangangailangan.
    O Dios, agad nʼyo po akong lapitan!
    Kayo ang tumutulong sa akin at aking Tagapagligtas.
    Panginoon, agad nʼyo po akong tulungan.

Panalangin para sa Habang Buhay na Pagliligtas

71 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
    Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.
Tulungan nʼyo ako at iligtas sapagkat ikaw ay matuwid.
    Dinggin nʼyo ako at iligtas.
Kayo ang aking maging batong kanlungan na lagi kong malalapitan.
    Ipag-utos nʼyo na iligtas ako, dahil kayo ang aking matibay na batong pananggalang.
O Dios ko, iligtas nʼyo ako mula sa kamay ng masasama at malulupit na tao.
Kayo ang aking pag-asa, O Panginoong Dios.
    Mula noong akoʼy bata pa, nagtiwala na ako sa inyo.
Mula nang akoʼy isilang, kasama na kita at akoʼy inyong iningatan.
    Pupurihin ko kayo magpakailanman.
Naging halimbawa ang buhay ko para sa marami,
    dahil kayo ang aking naging kalakasan at tagapag-ingat.
Maghapon ko kayong pinapupurihan dahil sa inyong kahanga-hangang kagandahan.
Huwag nʼyo akong iiwan kapag akoʼy matanda na.
    Huwag nʼyo akong pababayaan kapag akoʼy mahina na.
10 Dahil nag-uusap-usap ang aking mga kaaway at nagpaplano na akoʼy patayin.
11 Sinasabi nilang, “Pinabayaan na siya ng Dios,
    kaya habulin natin siya at dakpin dahil wala namang magliligtas sa kanya.”
12 O Dios ko, huwag nʼyo po akong layuan;
    at agad akong tulungan.
13 Nawa silang nagpaparatang sa akin ay mapahiya at mapahamak.
    Ang mga nagnanais na akoʼy saktan ang siya sanang kutyain at malagay sa kahihiyan.
14 Ngunit ako, O Dios ay palaging aasa at lalo pang magpupuri sa inyo.
15 Maghapon kong sasabihin
    na matuwid kayo at nagliligtas,
    kahit na hindi ko lubusang maunawaan.
16 Pupunta ako sa inyong templo Panginoong Dios
    at pupurihin ko ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
    Ihahayag ko sa mga tao na kayo ay makatarungan.
17 O Dios, mula pagkabataʼy itinuro nʼyo na sa akin ang tungkol sa inyong mga kahanga-hangang gawa at hanggang ngayon,
    inihahayag ko ito sa mga tao.
18 At ngayong akoʼy matanda na at maputi na ang buhok,
    huwag nʼyo akong pabayaan, O Dios.
    Maihayag ko sana ang inyong lakas at kapangyarihan sa susunod na henerasyon,
    at sa lahat ng mga darating sa hinaharap.
19 O Dios, ang inyong katuwiran ay hindi kayang maunawaan ng lubusan.
    Kahanga-hanga ang inyong mga gawa.
    Tunay ngang walang sinuman ang tulad ninyo.
20 Bagamaʼt pinaranas nʼyo ako ng maraming hirap, bibigyan nʼyo akong muli ng bagong buhay.
    Katulad koʼy patay na muli nʼyong bubuhayin.
21 Bibigyan nʼyo ako ng mas higit na karangalan,
    at muli akong aaliwin.
22 O Dios ko, dahil sa inyong katapatan pupurihin ko kayo sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa.
    O Banal na Dios ng Israel,
    aawit ako ng mga papuri sa inyo sa pamamagitan ng pagtugtog ng lira.
23 Dahil akoʼy iniligtas nʼyo, sisigaw ako sa tuwa habang tumutugtog
    at umaawit ng papuri sa inyo.
24 Lagi kong ipapahayag na kayo ay matuwid dahil nabigo at nalagay sa kahihiyan ang mga nagnais na mapahamak ako.

Salmo 74

Panalangin para sa Bansa sa Oras ng Kaguluhan

74 O Dios, hanggang kailan mo kami itatakwil?
    Bakit kayo nagagalit sa mga taong inyong kinakalinga?
Alalahanin nʼyo ang mga mamamayan na inyong pinili, ang lahing tinubos nʼyo, mula pa noong una at ginawa nʼyong pinakatangi-tanging kayamanan.
    Alalahanin nʼyo rin ang bundok ng Zion na inyong tahanan.
Puntahan nʼyo ang lugar na sira pa rin hanggang ngayon;
    tingnan nʼyo kung paanong sinira ng mga kaaway ang lahat sa templo.
Sumigaw sila sa loob ng inyong templo.
    Nagtaas pa sila roon ng mga bandila bilang simbolo ng kanilang tagumpay.
Sinibak nila ang templo na parang pumuputol ng punongkahoy sa gubat gamit ang palakol.
Winasak nila ang mga inukit na mga kagamitan sa pamamagitan ng mga palakol.
Nilapastangan at sinunog nila ang inyong tahanan.
Sinabi nila sa kanilang sarili, “Lipulin natin silang lahat!”
    Sinunog nila ang lahat ng lugar na pinagsasambahan sa inyo, O Dios.
Wala nang palatandaan na kasama namin kayo.
    Wala nang propetang naiwan at walang nakakaalam kung hanggang kailan matatapos ang mga nangyayaring ito sa amin.
10 O Dios, hanggang kailan kayo kukutyain ng aming mga kaaway?
    Papayagan nʼyo ba silang lapastanganin ang inyong pangalan habang buhay?
11 Bakit wala kayong ginagawa?
    Kumilos na kayo![a]
    Puksain nʼyo na sila!
12 Kayo, O Dios, ang aming Hari mula pa noong una.
    Paulit-ulit nʼyo nang iniligtas ang mga tao sa mundo.[b]
13 Hinati nʼyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at dinurog ang ulo ng mga dambuhalang hayop sa dagat.
14 Dinurog nʼyo ang ulo ng dragon na Leviatan at ipinakain ang bangkay nito sa mga hayop sa ilang.
15 Kayo ang nagpapadaloy ng mga bukal at mga batis, at ang ilog na hindi natutuyo ay pinapatuyo ninyo.
16 Kayo ang gumawa ng araw at ng gabi at naglagay ng araw at ng buwan sa kanilang kinalalagyan.
17 Kayo rin ang naglagay ng mga hangganan sa mundo
    at lumikha ng tag-araw at taglamig.
18 Alalahanin nʼyo Panginoon, kung paano kayo pinahiya at kinutya ng mga hangal na kaaway.
    Kung paano nilapastangan ng mga mangmang na ito ang inyong pangalan.
19 Huwag nʼyong ibigay sa kanilang mga kaaway na parang mababangis na hayop ang inyong mga mamamayan na parang kalapati.
    Huwag nʼyong lubusang kalimutan ang inyong mga mamamayan na laging inaapi.
20 Alalahanin nʼyo ang kasunduan ninyo sa amin,
    dahil laganap ang kalupitan sa madidilim na lugar ng lupaing ito.
21 Huwag nʼyong payagang mapahiya ang mga mahihirap at nangangailangan.
    Purihin sana nila kayo.
22 Sige na po, O Dios, ipagtanggol nʼyo ang inyong karangalan.
    Alalahanin nʼyo kung paano kayo laging hinihiya ng mga hangal na ito.
23 Huwag nʼyong balewalain ang walang tigil na paghiyaw ng inyong mga kaaway upang ipakita ang kanilang galit.

2 Samuel 4

Pinatay si Ishboshet

Nang marinig ni Ishboshet na anak ni Saul, na pinatay si Abner sa Hebron, pinagharian siya ng matinding takot pati na ang lahat ng mamamayan ng Israel. May dalawang tauhan si Ishboshet na namumuno sa pagsalakay sa mga lungsod ng mga kalaban: sina Baana at Recab. Mga anak sila ni Rimon na taga-Beerot, mula sa lahi ni Benjamin. Ang Beerot ay sakop ngayon ng Benjamin dahil tumakas ang mga unang naninirahan dito papuntang Gittaim. Hanggang ngayon, naninirahan pa rin sila roon bilang mga dayuhan.

(Ang isa pang anak ni Saul na si Jonatan ay may anak na nalumpo, si Mefiboset. Limang taong gulang ito nang dumating ang balitang napatay sina Saul at Jonatan sa labanan sa Jezreel. Nang marinig ng tagapag-alaga ni Mefiboset ang balita, binuhat niya ito at tumakas. Pero dahil sa pagmamadali, nabitawan niya ang bata at nalumpo.)

Isang araw, nagpunta sa bahay ni Ishboshet sina Recab at Baana na mga anak ni Rimon na taga-Beerot. Tanghaling-tapat nang dumating sila habang nagpapahinga si Ishboshet. 6-7 Pumasok sila sa bahay na kunwariʼy kukuha ng trigo. Dumiretso sila sa kwarto ni Ishboshet kung saan nakahiga ito sa kama niya at pagkatapos, sinaksak nila ito sa tiyan. Pinutol nila ang ulo ni Ishboshet at dinala nila ito sa kanilang pagtakas. Buong gabi silang naglakbay sa Lambak ng Jordan.[a]

Pagdating nila sa Hebron, dinala nila kay David ang ulo ni Ishboshet at sinabi, “Narito po ang ulo ni Ishboshet ang anak ni Saul na kalaban nʼyo, na nagtangka sa inyong buhay. Sa araw na ito, ipinaghiganti kayo ng Panginoon laban kay Saul at sa angkan niya.” Sumagot si David, “Sasabihin ko sa inyo ang totoo sa presensya ng Panginoon na buhay, na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan. 10 Noon ay may taong pumunta sa akin sa Ziklag at sinabing patay na si Saul, akala niyaʼy magandang balita ang dala niya sa akin. Sa halip, ipinadakip ko siya at ipinapatay. Iyon ang gantimpalang ibinigay ko sa balitang inihatid niya sa akin. 11 Ngayon, anong gantimpala ang ibibigay ko sa masasamang taong gaya nʼyo na pumatay ng isang inosenteng tao sa sarili nitong tahanan at sa sarili niyang higaan? Hindi baʼt nararapat na patayin ko kayo para mawala na kayo sa mundo?”

12 Kaya iniutos ni David sa mga tauhan niya na patayin sina Recab at Baana, at sinunod nila ito. Pinutol nila ang mga kamay at paa ng magkapatid, at ibinitin ang kanilang katawan malapit sa Imbakan ng Tubig ng Hebron. Pagkatapos, kinuha nila ang ulo ni Ishboshet, at inilibing sa libingan ni Abner sa Hebron.

Gawa 16:25-40

25 Nang maghahatinggabi na, nananalangin sina Pablo at Silas at umaawit ng mga papuri sa Dios. Nakikinig naman sa kanila ang ibang mga bilanggo. 26 Walang anu-anoʼy biglang lumindol nang malakas at nayanig ang bilangguan. Nabuksan ang lahat ng pintuan ng bilangguan at natanggal ang mga kadena ng lahat ng bilanggo. 27 Nagising ang guwardya at nakita niyang bukas ang mga pintuan. Akala niyaʼy tumakas na ang mga bilanggo, kaya hinugot niya ang kanyang espada at magpapakamatay na sana. 28 Pero sumigaw si Pablo, “Huwag kang magpakamatay! Narito kaming lahat!” 29 Nagpakuha ng ilaw ang guwardya at dali-daling pumasok sa loob at nanginginig na lumuhod sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Pagkatapos, dinala niya sina Pablo sa labas at tinanong, “Ano ang dapat kong gawin para maligtas?” 31 Sumagot sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka at ang iyong pamilya.” 32 At ipinangaral nina Pablo ang salita ng Dios sa kanya at sa lahat ng miyembro ng kanyang pamilya. 33 Nang gabing iyon, hinugasan ng guwardya ang kanilang mga sugat at nagpabautismo siya at ang kanyang buong pamilya. 34 Pagkatapos, isinama niya sina Pablo sa kanyang bahay at pinakain. Natuwa ang guwardya at ang kanyang buong pamilya na silaʼy sumasampalataya na sa Dios.

35 Kinaumagahan, nag-utos ang mga opisyal sa mga pulis na palayain na sina Pablo. 36 At itoʼy ibinalita ng guwardya kay Pablo. Sinabi niya, “Nagpautos ang mga opisyal na palayain na kayo. Kaya maaari na kayong lumabas at umalis nang mapayapa.” 37 Pero sinabi ni Pablo sa mga pulis na inutusan, “Nilabag ng mga opisyal ang kautusan ng Roma dahil ipinahagupit nila kami sa publiko at ipinabilanggo nang walang paglilitis, kahit na mga Romano kami. At ngayon gusto nilang palayain kami nang palihim. Hindi maaari! Sila mismong mga opisyal ang dapat pumunta rito at magpalaya sa amin.” 38 Kaya bumalik ang mga pulis sa mga opisyal at ipinaalam sa kanila ang sinabi ni Pablo. Nang malaman nilang mga Romano pala sina Pablo, natakot sila. 39 Kaya pumunta ang mga opisyal sa bilangguan at humingi ng paumanhin kina Pablo. Pagkatapos, pinalabas sila at pinakiusapang umalis na sa lungsod na iyon. 40 Nang makalabas na sina Pablo at Silas sa bilangguan, pumunta sila kaagad sa bahay ni Lydia. Nakipagkita sila roon sa mga kapatid, at pinalakas nila ang pananampalataya ng mga ito. Pagkatapos, umalis na sila.

Marcos 7:1-23

Ang mga Tradisyon(A)

May mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na dumating galing sa Jerusalem at nagtipon sa paligid ni Jesus. Napansin nila na ang ilan sa mga tagasunod ni Jesus ay hindi naghugas ng kamay bago kumain.

Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo ay hindi kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay bilang pagsunod sa tradisyon ng kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang nabili sa palengke nang hindi muna nila ginagawa ang ritwal ng paglilinis.[a] Marami pa silang mga tradisyong tulad nito, gaya ng paghuhugas ng mga kopa, pitsel at lutuang tanso.

Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sinusunod ng mga tagasunod mo ang mga tradisyon ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain!” Sinagot sila ni Jesus, “Tamang-tama ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo na mga pakitang-tao. Ayon sa isinulat niya, sinabi ng Dios na,

    ‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila,
    ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.
Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba sa akin
    dahil ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’[b]

Sinusuway ninyo ang utos ng Dios, at ang sinusunod ay mga tradisyon ng tao.”

Sinabi pa ni Jesus, “Mahusay kayo sa pagpapawalang-bisa sa mga utos ng Dios para masunod ninyo ang inyong mga tradisyon. 10 Halimbawa na lang, sinabi ni Moises, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’[c] at ‘Ang lumapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’[d] 11 Pero itinuturo nʼyo naman na kapag sinabi ng isang anak sa mga magulang niya na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay Korban (ang ibig sabihin, nakalaan na sa Dios), 12 hindi na siya obligadong tumulong pa sa kanila. 13 Pinapawalang-halaga ninyo ang utos ng Dios sa pamamagitan ng mga tradisyong minana ninyo sa inyong mga ninuno. At marami pa kayong ginagawa na tulad nito.”

Ang Nagpaparumi sa Tao(B)

14 Muling tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko. 15 Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya, kundi ang mga lumalabas sa kanya.” 16 [Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!]

17 Pagkatapos, iniwan niya ang mga tao at pumasok sa bahay. Nang nasa loob na siya, tinanong siya ng mga tagasunod niya kung ano ang ibig sabihin ng talinghaga na iyon. 18 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit, hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan? Hindi nʼyo ba alam na anumang kainin ng tao ay hindi nakakapagparumi sa kanya? 19 Sapagkat anuman ang kainin niya ay hindi naman sa puso pumupunta kundi sa kanyang tiyan, at idudumi rin niya iyon.” (Sa sinabing ito ni Jesus, ipinahayag niya na lahat ng pagkain ay maaaring kainin.) 20 Sinabi pa ni Jesus, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Dios. 21 Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya na gumawa ng sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22 pangangalunya, kasakiman, at paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan tulad ng pandaraya, kabastusan, inggitan, paninira sa kapwa, pagyayabang, at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®