Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 16-17

Panalangin ng Pagtitiwala sa Dios

16 O Dios, ingatan nʼyo po ako,
    dahil sa inyo ako nanganganlong.
Kayo ang aking Panginoon.
    Lahat ng kabutihang nakamtan ko ay mula sa inyo.
Tungkol sa inyong mga taong banal na nasa lupain ng Israel,
    lubos ko silang kinalulugdan.
Ngunit ang mga sumusunod sa mga dios-diosan ay lalong mahihirapan.
    Hindi ako sasama sa paghahandog nila ng dugo sa kanilang mga dios-diosan,
    at ayaw kong banggitin man lang ang pangalan ng mga ito.

Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.
    Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
    Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin ay parang malawak na taniman, kahanga-hangang tunay.
    Tunay na napakaganda ng kaloob na ibinigay nʼyo sa akin.
Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.
    At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
Panginoon palagi ko kayong iniisip,
    at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
Kayaʼt nagagalak ang puso ko,
    at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10 Sapagkat hindi nʼyo pababayaan na ang aking kaluluwa ay mapunta sa lugar ng mga patay;
    hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan ang matapat nʼyong lingkod.
11 Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay na puno ng kasiyahan,
    at sa piling nʼyo, aking matatagpuan ang ligayang walang hanggan.

Ang Dalangin ng Taong Matuwid

17 O Panginoon, pakinggan nʼyo ang taimtim kong dalangin.
    Dinggin nʼyo po ang hiling kong katarungan.
Alam nʼyo kung sino ang gumagawa ng matuwid,
    kaya sabihin nʼyo na wala akong kasalanan.
Siniyasat nʼyo ang puso ko, at kahit sa gabiʼy sinusubukan nʼyo ako,
    ngunit wala kayong nakitang anumang kasalanan sa akin.
    Napagpasyahan ko na hindi ako magsasalita ng masama
gaya ng ginagawa ng iba.
    Dahil sa inyong mga salita,
    iniiwasan ko ang paggawa ng masama at kalupitan.
Palagi kong sinusunod ang inyong kagustuhan,
    at hindi ako bumabaling sa kaliwa o sa kanan man.

O Dios sa inyo akoʼy dumadalangin,
    dahil alam kong akoʼy inyong diringgin.
    Pakinggan nʼyo po ang aking mga hiling.
Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang gawa.
    Alam ko, sa inyong kapangyarihan, inyong inililigtas ang mga taong nanganganlong sa inyo mula sa kanilang mga kaaway.
Ingatan nʼyo ako katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mga mata,
    at kalingain nʼyo gaya ng pagtatakip ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
Ipagtanggol nʼyo po ako sa aking mga kaaway
    na nakapaligid sa akin at pinagtatangkaan ang aking buhay.
10 Silaʼy mayayabang sa kanilang pagsasalita at mga walang awa.
11 Akoʼy hinanap nila at ngayoʼy kanilang napapaligiran.
    Naghihintay na lamang sila ng pagkakataong itumba ako.
12 Para silang mga leon na kumukubli at nag-aabang,
    at nakahandang sumakmal ng mga biktima.

13 Sige na po Panginoon, labanan nʼyo na at talunin sila.
    At iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
14 Iligtas nʼyo ako sa mga makamundong tao na ang gusto lamang ay ang mga bagay ng sanlibutan.

Kaming mga minamahal nʼyo ay biyayaan nʼyo ng kasaganaan,
    pati ang aming mga anak, hanggang sa aming kaapu-apuhan.

15 Dahil akoʼy matuwid, makikita ko kayo.
    At sapat na sa akin ang makita ka sa aking paggising.

Salmo 22

Panawagan sa Dios para Tulungan

22 Dios ko! Dios ko! Bakit nʼyo ako pinabayaan?
    Bakit kay layo nʼyo sa akin?
    Dumadaing ako sa hirap, ngunit hindi nʼyo pa rin ako tinutulungan.
Dios ko, araw-gabiʼy tumatawag ako sa inyo,
    ngunit hindi nʼyo ako sinasagot,
    kaya wala akong kapahingahan.
Ngunit banal ka, at nakaluklok ka sa iyong trono,
    at pinupuri ng mga Israelita.
Ang aming mga ninuno ay sa inyo nagtiwala,
    at silaʼy inyong iniligtas.
Tinulungan nʼyo sila nang sila ay tumawag sa inyo.
    Sila ay nagtiwala at hindi nabigo.

Akoʼy hinahamak at hinihiya ng mga tao.
    Sinasabi nila na para akong higad at hindi tao.
Bawat makakita sa akin ay nangungutya, nang-aasar,
    at iiling-iling na nagsasabi,
“Hindi baʼt nagtitiwala ka sa Panginoon,
    bakit hindi ka niya iniligtas?
    Hindi baʼt nalulugod siya sa iyo, bakit hindi ka niya tinulungan?”
Ngunit kayo ang naglabas sa akin sa sinapupunan ng aking ina,
    at mula noong dumedede pa ako, iningatan nʼyo na ako.
10 Mula kapanganakan ko, nakadepende na ako sa inyo,
    at mula noon, kayo lang ang aking Dios.
11 Kaya huwag nʼyo akong pababayaan,
    dahil malapit nang dumating ang kaguluhan,
    at wala na akong ibang maaasahan.

12 Napapaligiran ako ng maraming kaaway,
    na para bang mababangis na mga toro mula sa Bashan.
13 Para rin silang mga leong umaatungal
    at nakanganga na handa akong lapain.

14 Nawalan ako ng lakas na parang tubig na ibinubuhos,
    at ang aking mga buto ay parang nalinsad[a] lahat.
    At nawalan ako ng lakas ng loob, para akong nauupos na kandila.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang tigang na lupa,
    at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngala-ngala.
    O Panginoon, pinabayaan nʼyo ako sa lupa na parang isang patay.
16 Pinaligiran ako ng mga taong masama na parang mga aso.
    At binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Naglalabasan na ang lahat ng aking mga buto,
    ngunit akoʼy kanilang tinitingnan lamang.
18 Ang aking mga damit ay kanilang pinaghati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan.
19 Ngunit kayo, Panginoon, huwag nʼyo akong lalayuan.
    Kayo ang aking kalakasan;
    magmadali kayo at akoʼy tulungan.
20 Iligtas nʼyo ang buhay ko sa espada ng aking mga kaaway na tulad ng mga pangil ng aso,
21 o mga kuko ng leon, o sungay ng toro. Sagutin nʼyo po ang aking dalangin.
22 Ikukuwento ko sa aking mga kababayan ang lahat ng tungkol sa inyo.
    At sa gitna ng kanilang pagtitipon, kayo ay aking papupurihan.

23 Kayong may takot sa Panginoon,
    purihin ninyo siya!
    Kayong mga lahi ni Jacob na siyang bayan ng Israel,
    parangalan ninyo siya
    at matakot kayo sa kanya!
24 Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap.
    Hindi niya sila tinatalikuran,
    sa halip ay pinakikinggan pa niya ang kanilang mga pagtawag.

25 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kasiglahan na magpuri sa inyo sa gitna ng buong sambayanan.
    Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
    tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26 Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
    Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
    Sanaʼy sumakanila ang mabuti at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao sa buong mundo,
    at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28 sapagkat kayo ang naghahari,
    at namumuno sa lahat ng bansa.
29 Kaya magdiriwang at sasamba sa inyo ang lahat ng mayayaman sa buong mundo.
    Luluhod sa inyo ang lahat ng mga mortal, ang mga babalik sa alikabok.
30 Ang susunod na salinlahi ay maglilingkod sa inyo.
    At tuturuan nila ang kanilang mga anak ng tungkol sa inyo, Panginoon.
31 Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak ay malalaman ang mga ginawa nʼyo,
    at maging ang pagliligtas nʼyo sa inyong mga mamamayan.

1 Hari 5:1-6

Ang Paghahanda sa Pagpapatayo ng Templo(A)

Matagal nang magkaibigan si Haring Hiram ng Tyre at si Haring David. Kaya nang mabalitaan ni Hiram na pinalitan ni Solomon ang ama niyang si David bilang hari, nagpadala siya ng mga opisyal kay Solomon. Pagkatapos, nagpadala si Solomon ng mensahe kay Hiram:

“Nalalaman mong hindi nakapagpatayo ang aking amang si David ng templo para sa Panginoon na kanyang Dios dahil palagi siyang nakikipaglaban sa mga kalabang bansa sa palibot. Hindi siya makakapagpatayo nito hanggang hindi pa ipinapatalo sa kanya ng Panginoon ang lahat ng kanyang kalaban. Pero ngayon ay binigyan ako ng Panginoon na aking Dios ng kapayapaan sa paligid, wala na akong mga kalaban at wala na ring panganib. Kaya naisip ko na magpatayo na ng templo para sa karangalan ng Panginoon na aking Dios, ayon sa sinabi ng Panginoon sa aking amang si David. Ito ang kanyang sinabi, ‘Ang iyong anak, na ipapalit ko sa iyo bilang hari ang siyang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.’

“Kaya iutos mo sa iyong mga tauhan na pumutol ng mga puno ng sedro sa Lebanon para sa akin. Patutulungin ko sa kanila ang mga tauhan ko at uupahan ko ang mga tauhan mo ayon sa gusto mo. At alam mo rin na wala talaga kaming tao na mahusay pumutol ng mga puno tulad ng mga tauhan mong Sidoneo.”

Tuwang-tuwa si Hiram nang matanggap niya ang mensahe ni Solomon. Sinabi niya, “Purihin natin ang Panginoon sa araw na ito, dahil binigyan niya si David ng matalinong anak para pamahalaan ang makapangyarihang bansang ito!” Kaya nagpadala si Hiram ng mensahe kay Solomon na nagsasabi:

“Natanggap ko ang ipinadala mong mensahe, at ibibigay ko sa iyo ang mga kailangan mong kahoy na sedro at sipres.[a] Hahakutin ito ng mga tauhan ko mula sa Lebanon hanggang sa dagat at gagawin nila itong parang balsa, at palulutangin papunta sa lugar na pipiliin mo. At doon ito kakalagin ng mga tauhan ko at kayo na ang bahalang kumuha nito. Bilang kabayaran, bigyan mo ako ng pagkain para sa mga tauhan ko sa palasyo.”

10 Pinadalhan nga ni Hiram si Solomon ng lahat ng kahoy na sedro at sipres na kailangan niya. 11 At pinadalhan naman ni Solomon si Hiram ng 60,000 sakong trigo at 110,000 galong langis ng olibo bawat taon. 12 Binigyan ng Panginoon si Solomon ng karunungan ayon sa kanyang ipinangako. Maganda ang relasyon nina Solomon at Hiram, at gumawa sila ng kasunduan na hindi sila maglalaban.

13 Pagkatapos, sapilitang pinagtrabaho ni Haring Solomon ang 30,000 tao mula sa buong Israel. 14 Pinagpangkat sila ayon sa bilang na 10,000 bawat isang pangkat at ipinapadala sa Lebanon bawat buwan. Kaya ang bawat grupo ay isang buwan sa Lebanon at dalawang buwan sa kanilang lugar. Si Adoniram ang tagapamahala ng mga trabahador na ito. 15 May 70,000 tao si Solomon na tagahakot ng mga materyales at 80,000 tao na tagatabas ng bato sa kabundukan. 16 Mayroon din siyang 3,300 kapatas na namamahala sa trabaho at mga trabahador. 17 At sa utos niya, nagtabas sila ng malalakiʼt magagandang uri ng bato para sa pundasyon ng templo. 18 Kaya inihanda ng mga tauhan nina Solomon at Hiram, kasama ng mga taga-Gebal,[b] ang mga bato at mga kahoy para sa pagpapatayo ng templo.

Ang Pagpapatayo ni Solomon ng Templo

Sinimulan ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon nang ikalawang buwan, ang buwan ng Ziv, sa ikaapat na taon ng paghahari niya sa Israel. Ika-480 taon iyon ng paglaya ng mga Israelita sa Egipto.

1 Hari 6:7

Nang ipinatayo ang templo, ang mga bato na ginamit ay tinabas na sa pinagkunan nito, kaya wala nang maririnig na pukpok ng martilyo, pait o anumang gamit na bakal.

Gawa 28:1-16

Sa Malta

28 Nang makaahon na kami at ligtas na sa panganib, nalaman namin na ang islang iyon ay tinatawag na Malta. Napakabait sa amin ng mga taga-roon at mabuti ang kanilang pagtanggap sa aming lahat. Nagsiga sila para makapagpainit kami, dahil umuulan at maginaw. Nanguha si Pablo ng isang bigkis ng kahoy na panggatong. Pero nang mailagay na niya ang mga kahoy sa apoy, biglang lumabas ang makamandag na ahas dahil sa init ng apoy, at tinuklaw ang kanyang kamay. Pagkakita ng mga taga-roon sa ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, sinabi nila, “Tiyak na kriminal ang taong ito. Nakaligtas siya sa dagat pero ayaw pumayag ng dios ng katarungan na mabuhay pa siya.” Pero ipinagpag lang ni Pablo ang ahas doon sa apoy at hindi siya napano. Hinihintay ng mga tao na mamaga ang kamay ni Pablo o kayaʼy matumba siya at mamatay. Pero matapos nilang maghintay nang matagal, walang nangyari kay Pablo. Kaya nagbago ang kanilang iniisip. Sinabi nila, “Isa siyang dios!”

Ang pangalan ng pinuno ng lugar na iyon ay si Publius. Ang kanyang lupa ay malapit lang sa lugar kung saan kami umahon. Mabuti ang kanyang pagtanggap sa amin, at doon kami tumuloy sa kanila sa loob ng tatlong araw. Nagkataon noon na ang ama ni Publius ay may sakit. May lagnat siya at disintirya. Kaya pumasok si Pablo sa kanyang silid at nanalangin. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa may sakit at gumaling ito. Dahil sa pangyayaring iyon, ang lahat ng may sakit sa isla ay pumunta sa amin at pinagaling din sila. 10 Marami silang ibinigay sa amin na regalo. At nang paalis na kami, binigyan pa nila kami[a] ng mga kakailanganin namin sa paglalakbay.

Mula Malta Papuntang Roma

11 Matapos ang tatlong buwan na pananatili namin sa isla ng Malta, sumakay kami sa isang barkong nagpalipas doon ng tag-unos. Ang barkong itoʼy galing sa Alexandria, at nakalarawan sa unahan nito ang kambal na dios. 12 Mula sa Malta, pumunta kami sa Syracuse at tatlong araw kami roon. 13 Mula roon, bumiyahe kami hanggang sa nakarating kami sa Regium. Kinabukasan, umihip ang habagat, at sa loob ng dalawang araw ay nakarating kami sa Puteoli. 14 Doon may nakita kaming mga kapatid sa Panginoon. Hiniling nila sa amin na manatili roon ng isang linggo. Pagkatapos, dumiretso kami sa Roma. 15 Nang marinig ng mga kapatid sa Roma na dumating kami, sinalubong nila kami sa Pamilihan ng Apius[b] at sa Tres Tabernas. Nang makita ni Pablo ang mga kapatid, nagpasalamat siya sa Dios at lumakas ang kanyang loob.

Sa Roma

16 Pagdating namin sa Roma, pinahintulutan si Pablo na tumira kahit saan niya gusto, pero may isang sundalong magbabantay sa kanya.

Marcos 14:27-42

Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(A)

27 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Iiwan ninyo akong lahat, dahil sinabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magsisipangalat ang mga tupa.’[a] 28 Ngunit pagkatapos na ako ay muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” 29 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Kahit iwanan po kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” 30 Sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok nang pangalawang beses ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” 31 Pero iginiit pa rin ni Pedro, “Hinding-hindi ko kayo ikakaila, kahit na patayin pa akong kasama ninyo.” At ganoon din ang sinabi ng iba pa niyang kasamahan.

Nanalangin si Jesus sa Getsemane(B)

32 Pagkatapos, pumunta sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemane. Pagdating nila roon, sinabi ni Jesus sa kanila, “Maupo kayo rito habang nananalangin ako.” 33 Isinama niya sina Pedro, Santiago, at Juan sa di-kalayuan. Balisang-balisa at nababahala si Jesus. 34 Sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at magpuyat.” 35 Lumayo siya nang kaunti, lumuhod sa lupa at nanalangin na kung maaari ay huwag na niyang danasin ang paghihirap na kanyang haharapin. 36 Sinabi niya, “Ama, magagawa nʼyo ang lahat ng bagay. Kung maaari, ilayo nʼyo sa akin ang mga paghihirap na darating.[b] Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.”

37 Binalikan ni Jesus ang tatlo niyang tagasunod at dinatnan silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka ba? Hindi ka ba makapagpuyat kahit isang oras lang?” 38 At sinabi niya sa kanila, “Magpuyat kayo at manalangin para hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay handang sumunod, ngunit mahina ang laman.”[c]

39 Muling lumayo si Jesus at nanalangin. Ganoon pa rin ang kanyang dalangin. 40 Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga tagasunod niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila. At nang gisingin sila ni Jesus, nahiya sila at hindi nila alam kung ano ang sasabihin nila kay Jesus. 41 Sa ikatlong pagbalik ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na iyan! Dumating na ang oras na ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan. 42 Tayo na! Narito na ang nagtatraydor sa akin.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®