Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:145-176

145 Panginoon, buong puso akong tumatawag sa inyo;
    sagutin nʼyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.
146 Tumatawag ako sa inyo;
    iligtas nʼyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.
147 Gising na ako bago pa sumikat ang araw
    at humihingi ng tulong sa inyo,
    dahil nagtitiwala ako sa inyong pangako.
148 Akoʼy nagpuyat ng buong magdamag, upang pagbulay-bulayan ang inyong mga pangako.
149 Panginoon, dinggin nʼyo ako ayon sa inyong pagmamahal;
    panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong paghatol.[a]
150 Palapit na nang palapit ang masasamang umuusig sa akin, ang mga taong tumatanggi sa inyong kautusan.
151 Ngunit malapit kayo sa akin, Panginoon; at ang inyong mga utos ay maaasahan.
152 Sa pag-aaral ko ng inyong mga turo, naunawaan ko noon pa man na ang inyong mga katuruan ay magpapatuloy magpakailanman.

153 Masdan nʼyo ang dinaranas kong paghihirap at akoʼy inyong iligtas,
    dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.
154 Ipagtanggol nʼyo ako at iligtas,
    panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
155 Hindi maliligtas ang masasama,
    dahil hindi nila ipinamumuhay ang inyong mga tuntunin.
156 Napakamaawain nʼyo Panginoon;
    panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong paghatol.[b]
157 Marami ang umuusig sa akin,
    ngunit hindi ako lumayo sa inyong mga turo.
158 Kinasusuklaman ko ang mga hindi tapat sa inyo,
    dahil hindi nila sinusunod ang inyong salita.
159 Tingnan nʼyo Panginoon kung paano ko sinusunod ang inyong mga tuntunin.
    Panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong tapat na pag-ibig.
160 Totoo ang lahat ng inyong salita,
    at ang inyong mga utos ay makatuwiran magpakailanman.

161 Inuusig ako ng mga namumuno ng walang dahilan,
    ngunit salita nʼyo lang ang aking kinatatakutan.
162 Nagagalak ako sa inyong mga pangako na tulad ng isang taong nakatuklas ng malaking kayamanan.
163 Namumuhi ako at nasusuklam sa kasinungalingan,
    ngunit iniibig ko ang inyong kautusan.
164 Pitong beses[c] akong nagpupuri sa inyo bawat araw dahil matuwid ang inyong mga utos.
165 Magiging payapaʼt tiwasay ang kalagayan ng mga umiibig sa inyong kautusan,
    at silaʼy hindi mabubuwal.
166 Panginoon umaasa ako na akoʼy inyong ililigtas,
    at sinusunod ko ang inyong mga utos.
167 Buong puso kong iniibig ang inyong mga turo,
    at itoʼy sinusunod ko.
168 Ang lahat kong ginagawa ay inyong nalalaman,
    kaya sinusunod ko ang inyong mga tuntunin at katuruan.

169 Panginoon, pakinggan nʼyo sana ang aking hinaing.
    Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa ayon sa inyong pangako.
170 Sanaʼy dinggin nʼyo ang aking dalangin, at iligtas ako katulad ng inyong ipinangako.
171 Lagi akong magpupuri sa inyo,
    dahil tinuturuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
172 Akoʼy aawit tungkol sa inyong mga salita,
    dahil matuwid ang lahat nʼyong mga utos.
173 Palagi sana kayong maging handa na akoʼy tulungan,
    dahil pinili kong sundin ang inyong mga tuntunin.
174 Panginoon, nananabik ako sa inyong pagliligtas.
    Ang kautusan nʼyo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan.
175 Panatilihin nʼyo ang aking buhay upang kayoʼy aking mapapurihan,
    at sanaʼy tulungan ako ng inyong mga utos na masunod ang inyong kalooban.
176 Para akong tupang naligaw at nawala,
    kaya hanapin nʼyo ako na inyong lingkod,
    dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong mga utos.

Salmo 128-130

Ang Gantimpala ng Pagsunod sa Panginoon

128 Mapalad kayong may takot sa Panginoon, na namumuhay ayon sa kanyang pamamaraan.
    Ang inyong pinaghirapan ay magiging sapat sa inyong pangangailangan,
    at kayoʼy magiging maunlad at maligaya.
Ang inyong asawa ay magiging katulad ng ubasan sa inyong tahanan, na sagana sa bunga,
    at ang inyong mga anak na nakapaligid sa inyong hapag-kainan ay parang mga bagong tanim na olibo.
Ganito pagpapalain ang sinumang may takot sa Panginoon.
Pagpalain sana kayo ng Panginoon mula sa kanyang templo.
    Makita sana ninyong umuunlad ang Jerusalem habang kayoʼy nabubuhay.
Makita sana ninyo ang inyong mga apo.

    Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan!

Dalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel

129 Mga taga-Israel, sabihin ninyo kung paano kayo pinahirapan ng inyong mga kaaway mula nang itatag ang inyong bansa.
“Maraming beses nila kaming pinahirapan mula pa nang itatag ang aming bansa.
    Ngunit hindi sila nagtagumpay laban sa amin.
Sinugatan nila ng malalim ang aming likod, na parang lupang inararo.
Ngunit ang Panginoon ay matuwid, pinalaya niya kami sa pagkaalipin mula sa masasama.”

Magsitakas sana dahil sa kahihiyan ang lahat ng namumuhi sa Zion.
Matulad sana sila sa damong tumutubo sa bubungan ng bahay, na nang tumubo ay agad ding namatay.
Walang nagtitipon ng ganitong damo o nagdadala nito na nakabigkis.
Sanaʼy walang sinumang dumadaan na magsasabi sa kanila,
    “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon!
    Pinagpapala namin kayo sa pangalan ng Panginoon.”

Pagtitiwala sa Panginoon sa Oras ng Paghihirap

130 Panginoon, sa labis kong paghihirap akoʼy tumatawag sa inyo.
Dinggin nʼyo po ang aking pagsusumamo.
Kung inililista nʼyo ang aming mga kasalanan,
    sino kaya sa amin ang matitira sa inyong presensya?[a]
Ngunit pinapatawad nʼyo kami, upang matuto kaming gumalang sa inyo.
Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo,
    at umaasa sa inyong mga salita.
Naghihintay ako sa inyo higit pa sa tagabantay na naghihintay na dumating ang umaga.

Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon,
    dahil siyaʼy mapagmahal at laging handang magligtas.
Siya ang magliligtas sa inyo sa lahat ng inyong mga kasalanan.

2 Samuel 18:19-23

Ipinagluksa ni David ang Pagkamatay ni Absalom

19 Sinabi ng anak ni Zadok na si Ahimaaz, kay Joab, “Payagan mo akong pumunta kay David para ibalita sa kanya na iniligtas siya ng Panginoon sa mga kalaban niya.” 20 Sinabi ni Joab, “Hindi ka magbabalita sa hari sa araw na ito. Pwede sa ibang araw, pero hindi ngayon, dahil namatay ang anak ng hari.” 21 Sinabi ni Joab sa isang tao na galing sa Etiopia,[a] “Puntahan mo si Haring David at sabihin mo ang nakita mo.” Yumukod muna ito kay Joab bago patakbong umalis. 22 Muling sinabi ni Ahimaaz kay Joab, “Kahit ano pa ang mangyari, payagan mo akong sumunod sa taong taga-Etiopia.” Sinabi ni Joab, “Anak, bakit gusto mong gawin ito? Wala ka namang makukuhang gantimpala sa pagbabalita mo.” 23 Sinabi ni Ahimaaz, “Kahit anong mangyari, aalis ako.” Kaya sinabi ni Joab sa kanya, “Sige, umalis ka!” Kaya tumakbo si Ahimaaz at tinahak ang daan papuntang kapatagan ng Jordan, at naunahan pa niya ang taong taga-Etiopia.

Gawa 23:23-35

Ipinadala si Pablo sa Cesarea

23 Ipinatawag agad ng kumander ang dalawa sa kanyang mga kapitan at sinabi sa kanila, “Maghanda kayo ng 200 sundalo at ipapadala ko kayo sa Cesarea. Magdala rin kayo ng 70 sundalong nakakabayo at 200 sundalong may sibat. At lumakad kayo mamayang gabi, mga alas nuwebe. 24 Maghanda rin kayo ng mga kabayo na sasakyan ni Pablo. Bantayan ninyo siyang mabuti para walang mangyari sa kanya hanggang sa makarating siya kay Gobernador Felix.” 25 At sumulat ang kumander sa gobernador ng ganito:

26 Mula kay Claudius Lysias.

“Mahal at kagalang-galang na Gobernador Felix:

27 “Ang taong ito na ipinadala ko sa iyo ay dinakip ng mga Judio, at papatayin na sana. Pero nang malaman kong isa pala siyang Romano, nagsama ako ng mga sundalo at iniligtas siya. 28 Dinala ko siya sa kanilang Korte para malaman kung ano ang kanyang nagawang kasalanan. 29 Natuklasan ko na ang akusasyon sa kanya ay tungkol lang sa mga bagay na may kinalaman sa kautusan ng kanilang relihiyon. Wala talagang sapat na dahilan para ipakulong siya o ipapatay. 30 Kaya nang malaman kong may plano ang mga Judio na patayin siya, agad ko siyang ipinadala sa inyo. At sinabihan ko ang mga nag-akusa sa kanya na sa inyo na sila magreklamo.”

31 Sinunod ng mga sundalo ang utos sa kanila. At nang gabing iyon, dinala nila si Pablo sa Antipatris. 32 Kinabukasan, bumalik ang mga sundalo sa kampo, samantalang nagpaiwan ang mga sundalong nakakabayo para samahan si Pablo. 33 Nang dumating sila sa Cesarea, iniharap nila si Pablo sa gobernador at ibinigay ang sulat. 34 Binasa ito ng gobernador at pagkatapos ay tinanong si Pablo kung saang lalawigan siya nanggaling. Nang malaman niyang taga-Cilicia si Pablo, 35 sinabi niya, “Pakikinggan ko ang kaso mo kapag dumating na ang mga nag-aakusa sa iyo.” At pinabantayan ng gobernador si Pablo sa palasyo na ipinagawa ni Herodes.

Marcos 12:13-27

Ang Tanong tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(A)

13 Pinapunta ng mga pinuno ng mga Judio kay Jesus ang ilang Pariseo at ilang tauhan ni Herodes upang subaybayan ang mga sinasabi niya para may maiparatang sila laban sa kanya. 14 Kaya lumapit sila kay Jesus at nagtanong, “Guro, alam po naming totoo ang mga sinasabi nʼyo, at wala kayong pinapaboran. Sapagkat hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao, kundi kung ano ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios ang siyang itinuturo ninyo. Ngayon, tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma?[a] Dapat po ba tayong magbayad o hindi?” 15 Pero alam ni Jesus na nagkukunwari sila, kaya sinabi niya, “Bakit ninyo ako sinusubukang hulihin sa tanong na iyan? Magdala nga kayo rito ng pera[b] at titingnan ko.” 16 Dinalhan nga nila ng pera si Jesus. Nagtanong si Jesus, “Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa pera?” Sumagot sila, “Sa Emperador.” 17 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” Namangha sila sa kanyang sagot.

Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(B)

18 May mga Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. (Ang mga taong ito ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.) 19 Sinabi nila, “Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, para magkaanak sila para sa kanya.[c] 20 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. 21 Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Pero namatay din siya nang wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo 22 hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat nang walang anak sa babae. At sa huli, namatay din ang babae. 23 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil napangasawa niya silang lahat?”

24 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang Kasulatan at ang kapangyarihan ng Dios. 25 Sapagkat sa muling pagkabuhay ay wala nang pag-aasawa. Magiging tulad sila ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi nʼyo ba nabasa ang isinulat ni Moises? Noong naroon siya sa may nagliliyab na mababang punongkahoy, sinabi sa kanya ng Dios, ‘Ako ang Dios nila Abraham, Isaac, at Jacob.’ 27 Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay. Kaya maling-mali kayo!”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®