Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 89

Ang Kasunduan ng Dios kay David

89 Panginoon, aawitin ko ang tungkol sa inyong tapat na pag-ibig magpakailanman.
    Ihahayag ko sa lahat ng salinlahi ang inyong katapatan.
Ipapahayag ko na matatag ang inyong walang hanggang pag-ibig, at mananatili gaya ng kalangitan.
At inyong sinabi, “Gumawa ako ng kasunduan sa aking lingkod na si David na aking pinili upang maging hari.
    Ito ang ipinangako ko sa kanya:
Ang bawat hari ng Israel ay manggagaling sa iyong lahi;
    ang iyong kaharian ay magpapatuloy magpakailanman.”
Panginoon, pupurihin ng mga nilalang sa langit ang inyong katapatan at mga kahanga-hangang gawa.
Walang sinuman doon sa langit ang katulad nʼyo, Panginoon.
    Sino sa mga naroon[a] ang katulad nʼyo, Panginoon?
Iginagalang kayo sa pagtitipon ng mga banal sa langit.
    Higit kayong kahanga-hanga, at silang lahat na nakapalibot sa inyoʼy may malaking takot sa inyo.
O Panginoong Dios na Makapangyarihan, wala kayong katulad;
    makapangyarihan kayo Panginoon at tapat sa lahat ng inyong ginagawa.
Nasa ilalim ng kapangyarihan nʼyo ang nagngangalit na dagat,
    pinatatahimik nʼyo ang mga malalaking alon.
10 Dinurog nʼyo ang dragon na si Rahab, at namatay ito.
    Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihaʼy ipinangalat nʼyo ang inyong mga kaaway.
11 Sa inyo ang langit at ang lupa, ang mundo at ang lahat ng naritoʼy kayo ang lumikha.
12 Nilikha nʼyo ang hilaga at ang timog.
    Ang mga bundok ng Tabor at Hermon ay parang mga taong umaawit sa inyo nang may kagalakan.
13 Ang lakas nʼyo ay walang kapantay, at ang inyong kanang kamay ay nakataas at napakamakapangyarihan!
14 Katuwiran at katarungan ang pundasyon ng inyong paghahari
    na pinangungunahan ng tapat na pag-ibig at katotohanan.
15 Panginoon, mapalad ang mga taong nakaranas na sumigaw dahil sa kagalakan para sa inyo.
    Namumuhay sila sa liwanag na nagmumula sa inyo.
16 Dahil sa inyo palagi silang masaya.
    At ang inyong pagiging makatuwiran ay pinupuri nila.
17 Pinupuri namin kayo dahil kayo ang aming dakilang kalakasan,
    at dahil sa inyong kabutihan kami ay magtatagumpay.
18 Panginoon, Banal na Dios ng Israel,
    ikaw ang naghirang sa hari na sa amin ay nagtatanggol.
19 Noon, nagsalita kayo sa inyong mga tapat na lingkod sa pamamagitan ng pangitain.
    Sinabi nʼyo, “May hinubog akong isang mandirigma.
    Pinili ko siya mula sa mga karaniwang tao,
    at ginawang hari.
20 Si David na aking lingkod ang pinili kong hari sa pamamagitan ng pagpahid sa kanya ng banal na langis.
21 Ang kapangyarihan ko ang makakasama niya, at magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kanyang mga kaaway.
    Hindi magtatagumpay laban sa kanya ang masasama.
23 Dudurugin ko sa kanyang harapan ang kanyang mga kaaway,
    at lilipulin ang mga may galit sa kanya.
24 Mamahalin ko siya at dadamayan.
    At sa pamamagitan ng aking kapangyarihan
    ay magtatagumpay siya.
25 Paghahariin ko siya mula sa Dagat ng Mediteraneo hanggang sa Ilog ng Eufrates.[b]
26 Sasabihin niya sa akin, ‘Kayo ang aking Ama at Dios;
    kayo ang bato na aking kanlungan at kaligtasan.’
27 Ituturing ko siyang panganay kong anak,
    ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng hari.
28 Ang pag-ibig ko sa kanyaʼy magpakailanman at ang kasunduan ko sa kanyaʼy mananatili.
29 Ang bawat hari ng Israel ay magmumula sa kanyang angkan;
    ang kanyang paghahari ay magiging matatag tulad ng kalangitan at mananatili magpakailanman.
30 Ngunit kung ang mga anak niya ay tumalikod sa aking kautusan at hindi mamuhay ayon sa aking pamamaraan,
31 at kung labagin nila ang aking mga tuntunin at kautusan,
32 parurusahan ko sila sa kanilang mga kasalanan.
33 Ngunit mamahalin ko pa rin at dadamayan si David.
34 Hindi ko sisirain ang aking kasunduan sa kanya,
    at hindi ko babawiin ang aking ipinangako sa kanya.
35 Nangako na ako kay David ayon sa aking kabanalan at hindi ako maaaring magsinungaling.
36 Ang bawat hari ng Israel ay magmumula sa kanyang lahi magpakailanman gaya ng araw,
37 at magpapatuloy ito magpakailanman
    katulad ng buwan na itinuturing na tapat na saksi sa kalangitan.”
38 Ngunit, Panginoon, nagalit kayo sa inyong piniling hari;
    itinakwil nʼyo siya at iniwanan.
39 Binawi nʼyo ang kasunduan sa inyong lingkod at kinuha sa kanya ang kapangyarihan bilang hari.
40 Winasak ninyo ang mga pader ng kanyang lungsod at ginuho ang mga pinagtataguan nila.
41 Kaya lahat ng dumadaan sa kanyang kaharian ay nananamantala,
    pinagsasamsam ang mga kagamitan sa lungsod.
    Pinagtatawanan siya ng mga katabing bansa.
42 Pinagtagumpay nʼyo ang kanyang mga kaaway at pinasaya silang lahat.
43 Winalang kabuluhan ninyo ang kanyang mga sandata at ipinatalo siya sa labanan.
44 Winakasan nʼyo ang kanyang katanyagan pati na ang kanyang kapangyarihan bilang hari.
45 At dahil ditoʼy, nagmukha siyang matanda sa bata niyang edad.
    Inilagay nʼyo siya sa kahihiyan.
46 Panginoon, hanggang kailan nʼyo kami pagtataguan?
    Wala na ba itong katapusan?
    Hanggang kailan mag-aapoy ang inyong galit sa amin?
47 Alalahanin nʼyo kung gaano kaiksi ang buhay ng tao.
    Alalahanin nʼyong nilikha nʼyo ang tao na may kamatayan.
48 Sinong tao ang hindi mamamatay?
    Maiiwasan ba ng tao ang kamatayan?
49 Panginoon, nasaan na ang dati ninyong pag-ibig?
    Ang pag-ibig na ipinangako nʼyo kay David ayon sa inyong katapatan sa kanya?
50 Alalahanin nʼyo, Panginoon, kung paanong hiniya ng maraming bansa ang iyong lingkod[c] at ito ay aking tiniis.
51 Ang mga kaaway nʼyo, Panginoon, ang siyang kumukutya sa pinili nʼyong hari, saan man siya magpunta.
52 Purihin ang Panginoon magpakailanman!
    Amen! Amen!

2 Samuel 13:23-39

Pinatay ni Absalom si Amnon

23 Pagkaraan ng dalawang taon, nang pinapagupitan ni Absalom ang mga tupa niya sa Baal Hazor, malapit sa Efraim, inimbita niya ang lahat ng anak ng hari na sumama para magdiwang doon. 24 Nagpunta siya kay Haring David at sinabi, “Nagpapagupit po ako ng mga tupa, makakapunta po ba kayo at ang mga opisyal nʼyo sa okasyong ito?” 25 Sumagot ang hari, “Hindi na lang anak, mahihirapan ka lang kung sasama kaming lahat.” Pinilit siya ni Absalom pero hindi siya pumayag. Binasbasan na lang niya si Absalom. 26 Sinabi ni Absalom, “Kung hindi po kayo pupunta, si Amnon na lang na kapatid ko ang payagan nʼyong pumunta.” Nagtanong ang hari, “Bakit gusto mo siyang papuntahin doon?” 27 Sa halip na sumagot, nagpumilit pa rin si Absalom, kaya ipinasama na lang ni David si Amnon, at ang iba pa niyang mga anak na lalaki.

28 Sinabi ni Absalom sa mga tauhan niya, “Hintayin nʼyong malasing si Amnon, at pagsenyas ko, patayin nʼyo siya. Huwag kayong matakot; ako ang nag-uutos sa inyo. Lakasan nʼyo ang loob ninyo at huwag kayong magdalawang-isip!” 29 Kaya pinatay ng mga tauhan ni Absalom si Amnon ayon sa utos niya. Sumakay agad ang ibang anak na lalaki ng hari sa kani-kanilang mola[a] at nagsitakas. 30 Habang pauwi na sila sa Jerusalem, may nakapagbalita kay David na pinagpapatay ni Absalom ang mga anak niyang lalaki at walang natira kahit isa. 31 Tumayo si David at pinunit ang damit niya bilang pagluluksa, at dumapa siya sa lupa. Pinunit din ng mga lingkod niya na nakatayo roon ang kanilang damit gaya ng ginawa ni David. 32 Pero sinabi ni Jonadab na anak ng kapatid ni David na si Shimea, “Mahal na Hari, hindi po napatay ang lahat ng anak ninyo kundi si Amnon lang po. Matagal na pong plano ni Absalom na patayin si Amnon mula pa nang pagsamantalahan nito ang kapatid niyang si Tamar. 33 Huwag kayong maniwalang namatay ang lahat ng anak nʼyong lalaki. Si Amnon lang po ang pinatay.” 34 Samantala, tumakas si Absalom.

Nang mga oras ding iyon, may nakita ang mga tagapagbantay sa pader ng Jerusalem na may isang grupong paparating mula sa gilid ng burol sa gawing kanluran. Pumunta ang isang tagapagbantay sa hari at sinabi, “May nakita po kaming mga tao sa daan ng Horonaim, sa gilid ng burol.”[b] 35 Sinabi ni Jonadab sa hari, “Mahal na Hari, tingnan nʼyo po! Nandiyan po ang mga anak ninyong lalaki gaya ng sinabi ko.” 36 Pagkatapos niyang magsalita, dumating ang mga anak na lalaki ni David na umiiyak. Labis ding umiyak si David at ang lahat ng lingkod niya. 37-38 Ipinagluksa ni David ang anak niyang si Amnon sa loob ng mahabang panahon.

Nang tumakas si Absalom, pumunta siya kay Haring Talmai ng Geshur na anak ni Amihud. Doon siya nanirahan sa loob ng tatlong taon. 39 Nang lumipas na ang pangungulila ni Haring David kay Amnon, nangulila naman siya kay Absalom.[c]

Gawa 20:17-38

Ang Pamamaalam ni Pablo sa mga Namumuno ng Iglesya sa Efeso

17 Habang nasa Miletus si Pablo, may pinapunta siya sa Efeso para sabihin sa mga namumuno sa iglesya na makipagkita sa kanya. 18 Pagdating nila, sinabi ni Pablo sa kanila, “Alam ninyo kung paano akong namuhay noong kasama pa ninyo ako, mula nang dumating ako sa lalawigan ng Asia. 19 Naglingkod ako sa Panginoon nang may kapakumbabaan at pagluha.[a] Maraming kahirapan ang tiniis ko dahil sa masasamang balak ng mga Judio laban sa akin. 20 Alam din ninyo na wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa mga bagay na para sa inyong ikabubuti, na itinuro ko sa publiko at sa bahay-bahay. 21 Pinaalalahanan ko ang mga Judio at mga hindi Judio na kailangan nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Dios, at sumampalataya sa ating Panginoong Jesus. 22 Ngayon, pupunta ako sa Jerusalem dahil ito ang utos ng Banal na Espiritu sa akin. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang alam ko lang, kahit saang lungsod ako pumunta, pinapaalalahanan ako ng Banal na Espiritu na bilangguan at pag-uusig ang naghihintay sa akin. 24 Pero hindi mahalaga sa akin kung ano man ang mangyari sa akin, matapos ko lamang ang gawain na ibinigay sa akin ng Panginoong Jesus, na maipangaral ang Magandang Balita tungkol sa biyaya ng Dios.

25 “Napuntahan ko kayong lahat sa aking pangangaral tungkol sa paghahari ng Dios, at ngayon alam kong hindi na tayo magkikita pang muli. 26 Kaya sasabihin ko sa inyo ngayon, na kung mayroon sa inyo na hindi maliligtas, wala na akong pananagutan sa Dios. 27 Sapagkat wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa buong layunin at plano ng Dios. 28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang lahat ng mga mananampalatayang[b] pinababantayan sa inyo ng Banal na Espiritu. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Dios na kanyang tinubos sa pamamagitan ng sariling dugo. 29 Sapagkat alam kong pagkaalis koʼy may mga tagapagturo riyan na katulad ng mga lobo na papasok sa inyo at sisira sa inyong grupo. 30 Darating din ang panahon na may magtuturo ng kasinungalingan mula mismo sa inyong grupo at ililigaw nila ang mga tagasunod ni Jesus para sila ang kanilang sundin. 31 Kaya mag-ingat kayo, at alalahanin ninyong sa loob ng tatlong taon, walang tigil ko kayong pinaalalahanan araw at gabi nang may pagluha.

32 “At ngayon, ipinagkakatiwala ko kayo sa Dios at sa kanyang salita na tungkol sa kanyang biyaya. Makapagpapatibay ito sa inyong pananampalataya at makapagbibigay ng lahat ng pagpapalang inilaan ng Dios para sa lahat ng taong itinuring niyang sa kanya. 33 Hindi ko hinangad ang inyong mga kayamanan at mga damit. 34 Alam ninyong nagtrabaho ako para matustusan ang mga pangangailangan namin ng aking mga kasamahan. 35 Ginawa ko ito upang maipakita sa inyo na sa ganitong pagsusumikap ay matutulungan natin ang mga dukha. Lagi nating alalahanin ang sinabi ng Panginoong Jesus na mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”

36 Pagkatapos magsalita ni Pablo, sama-sama silang lumuhod at nanalangin. 37 Umiyak silang lahat, at niyakap nila si Pablo at hinalikan. 38 Labis nilang ikinalungkot ang sinabi ni Pablo na hindi na sila magkikitang muli. Pagkatapos, inihatid nila si Pablo sa barko.

Marcos 9:42-50

Mga Dahilan ng Pagkakasala(A)

42 “Ngunit ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa dagat. 43-44 Kung ang kamay mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mas mabuti pang isa lang ang kamay mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang kamay mo pero sa impyerno ka naman mapupunta, kung saan ang apoy ay hindi namamatay. 45-46 Kung ang paa mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mas mabuti pang isa lang ang paa mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang paa mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 47 At kung ang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo! Mas mabuti pang isa lang ang mata mo pero kabilang ka sa kaharian ng Dios, kaysa sa dalawa ang mata mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 48 Ang mga uod doon ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi rin namamatay.

49 “Sapagkat ang lahat ay aasinan[a] sa apoy. 50 Mabuti ang asin, pero kung mawalan ng lasa,[b] wala nang magagawa upang ibalik ang lasa nito. Dapat maging tulad kayo sa asin na nakakatulong sa tao. Tulungan ninyo ang isaʼt isa upang maging mapayapa ang pagsasamahan ninyo.”[c]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®