Book of Common Prayer
97 Iniibig ko ang inyong kautusan.
Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan.
98 Ang mga utos nʼyo ay nasa puso ko,
kaya mas marunong ako kaysa sa aking mga kaaway.
99 Mas marami ang aking naunawaan kaysa sa aking mga guro,
dahil ang lagi kong pinagbubulay-bulayan ay ang inyong mga turo.
100 Higit pa ang aking pang-unawa kaysa sa matatanda,
dahil sinusunod ko ang inyong mga tuntunin.
101 Iniiwasan ko ang masamang pag-uugali,
upang masunod ko ang inyong mga salita.
102 Hindi ako lumihis sa inyong mga utos,
dahil kayo ang nagtuturo sa akin.
103 Kay tamis ng inyong mga salita, mas matamis pa ito kaysa sa pulot.
104 Sa pamamagitan ng inyong mga tuntunin,
lumalawak ang aking pang-unawa,
kaya kinamumuhian ko ang lahat ng gawaing masama.
105 Ang salita nʼyo ay katulad ng ilaw na nagbibigay-liwanag sa aking dadaanan.
106 Tutuparin ko ang aking ipinangako na susundin ang inyong matuwid na mga utos.
107 Hirap na hirap na po ako Panginoon;
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
108 Tanggapin nʼyo Panginoon ang taos-puso kong pagpupuri sa inyo,
at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
109 Kahit na akoʼy palaging nasa bingit ng kamatayan,
hindi ko kinakalimutan ang inyong mga kautusan.
110 Ang masasama ay naglagay ng patibong para sa akin,
ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong mga tuntunin.
111 Ang inyong mga turo ang aking mana na walang hanggan,
dahil itoʼy nagbibigay sa akin ng kagalakan.
112 Aking napagpasyahan na susundin ko ang inyong mga tuntunin hanggang sa katapusan.
113 Kinamumuhian ko ang mga taong hindi tapat sa inyo,
ngunit iniibig ko ang inyong mga kautusan.
114 Kayo ang aking kanlungan at pananggalang;
akoʼy umaasa sa inyong mga salita.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama,
upang masunod ko ang mga utos ng aking Dios.
116 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kalakasan ayon sa inyong pangako
upang ako ay patuloy na mabuhay;
at huwag nʼyong hayaan na mabigo ako sa pag-asa ko sa inyo.
117 Tulungan nʼyo ako upang ako ay maligtas;
at nang lagi kong maituon sa inyong mga tuntunin ang aking isipan.
118 Itinakwil nʼyo ang lahat ng lumayo sa inyong mga tuntunin.
Sa totoo lang, ang kanilang panloloko ay walang kabuluhan.
119 Itinuturing nʼyo na parang basura ang lahat ng masasama rito sa mundo,
kaya iniibig ko ang inyong mga turo.
120 Nanginginig ako sa takot sa inyo;
sa hatol na inyong gagawin ay natatakot ako.
Papuri sa Kabutihan ng Dios
81 Umawit kayo nang may galak sa Dios na nagbibigay sa atin ng kalakasan.
Sumigaw kayo nang may tuwa sa Dios ni Jacob!
2 Umawit kayo at tugtugin ang tamburin kasabay ng magandang tunog ng alpa at lira.[a]
3 Patunugin ninyo ang tambuli tuwing Pista ng Pagsisimula ng Buwan na ating ipinagdiriwang tuwing kabilugan ng buwan.
4 Dahil isa itong kautusan para sa mga taga-Israel.
Itoʼy utos ng Dios ni Jacob.
5 Ibinigay niya ang kautusang ito sa lahi ni Jose nang siyaʼy sumalakay sa lupain ng Egipto.
May narinig akong tinig ngunit hindi ko kilala, na nagsasabing,
6 “Pinalaya ko kayo sa pagkaalipin;
kinuha ko ang mabibigat ninyong mga bitbit at pasanin.
7 Nang kayoʼy nahirapan, tumawag kayo sa akin at kayoʼy iniligtas ko.
Mula sa mga alapaap,
sinagot ko kayo at sinubok doon sa bukal ng Meriba.
8 Mga Israelita na aking mga mamamayan, pakinggan ninyo itong babala ko sa inyo.
Makinig sana kayo sa akin!
9 Hindi kayo dapat magkaroon ng ibang dios.
Huwag kayong sasamba sa kanila.
10 Ako ang Panginoon na inyong Dios. Ako ang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
Humingi kayo sa akin at ibibigay ko sa inyo ang mga pangangailangan ninyo.
11 Ngunit kayong mga Israelita na aking mga mamamayan, hindi kayo nakinig at sumunod sa akin.
12 Kaya hinayaan ko kayo sa katigasan ng inyong ulo[b] at ginawa ninyo ang inyong gusto.
13 Kung nakinig lang sana kayo sa akin at sumunod sa aking mga pamamaraan,
14 kaagad ko sanang nilupig at pinarusahan ang inyong mga kaaway.
15 Ang mga napopoot sa akin ay yuyukod sa takot.
Ang kaparusahan nila ay walang katapusan.
16 Ngunit kayo na aking mga mamamayan,
pakakainin ko kayo ng pinakamainam na bunga ng trigo at pulot hanggang sa mabusog kayo.”
Pinagsabihan ng Dios ang mga Namumuno
82 Pinamumunuan ng Dios ang pagtitipon ng kanyang mga mamamayan.
Sa gitna ng mga hukom[c] siya ang humahatol sa kanila.
2 Sinabi niya sa kanila, “Hanggang kailan kayo hahatol ng hindi tama?
Hanggang kailan ninyo papaboran ang masasama?
3 Bigyan ninyo ng katarungan ang mga dukha at ulila.
Ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga nangangailangan at inaapi.
4 Iligtas ninyo ang mahihina at mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao!
5 Wala silang nalalaman! Hindi sila nakakaintindi!
Wala silang pag-asa, namumuhay sila sa kadiliman at niyayanig nila ang pundasyon ng mundo.
6 Sinabi ko na sa inyo na kayo ay mga dios, mga anak ng Kataas-taasang Dios.
7 Ngunit gaya ng ibang mga namumuno ay babagsak kayo, at gaya ng ibang tao ay mamamatay din kayo.”
8 Sige na, O Dios, hatulan nʼyo na ang lahat ng bansa sa mundo, sapagkat sila namaʼy sa inyo.
Si David at si Mefiboset
9 Isang araw, nagtanong si David, “May natitira pa ba sa sambahayan ni Saul na maaari kong pakitaan ng kabutihan alang-alang kay Jonatan?” 2 Ipinatawag ni David ang isang tao na nagngangalang Ziba, isang utusan mula sa sambahayan ni Saul. Pagdating niya, tinanong siya ni David, “Ikaw ba si Ziba?” Sumagot siya, “Ako nga po.” 3 Muling nagtanong ang hari, “May natitira pa ba sa sambahayan ni Saul na maaari kong pakitaan ng kabutihan ng Dios?” Sumagot siya, “Mayroon po, ang lumpong anak na lalaki ni Jonatan.” 4 “Nasaan siya?” tanong ng hari. Sumagot si Ziba, “Naroon po sa Lo Debar, sa bahay ni Makir na anak ni Amiel.” 5 Kaya ipinasundo siya ni David mula sa bahay ni Makir.
6 Ang pangalan ng anak ni Jonatan ay Mefiboset at apo siya ni Saul. Pagdating niya kay David, yumukod siya bilang paggalang dito. Sinabi ni David sa kanya, “Ikaw pala si Mefiboset.” Sumagot siya, “Ako nga po.” 7 Sinabi ni David sa kanya, “Huwag kang matakot. Ipinatawag kita dahil gusto kitang pakitaan ng kabutihan dahil sa iyong amang si Jonatan. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ng iyong lolong si Saul, at hindi lang iyan, dito ka na palagiang kakain kasama ko.” 8 Yumukod si Mefiboset at sinabi, “Sino po ako para tratuhin nʼyo ako ng ganito? Gaya lang po ako ng isang patay na aso.” 9 Pagkatapos, ipinatawag ng hari si Ziba, ang dating utusan ni Saul at sinabi, “Ibinigay ko na sa apo ng amo mong si Saul ang lahat ng ari-arian ng kanyang lolo. 10 Ikaw, ang mga anak mo, at ang mga utusan mo ang magsasaka ng lupain para sa kanya, at dapat mong dalhin sa kanya ang mga ani para may pagkain ang sambahayan ng amo mo.[a] Pero si Mefiboset naman ay kakaing kasama ko.” (May 15 anak na lalaki at 20 utusan si Ziba.)
11 Sumagot si Ziba sa hari, “Gagawin ko po, Mahal na Hari, ang lahat ng iniutos nʼyo sa akin na inyong lingkod.” Mula noon, palaging kumakain si Mefiboset kasama ni David na parang isa sa mga anak niya. 12 May bata pang anak na lalaki si Mefiboset na nagngangalang Mica. Ang lahat ng miyembro ng pamilya ni Ziba ay naging utusan ni Mefiboset. 13 At si Mefiboset na lumpo ang dalawang paa ay nanirahan sa Jerusalem, at palagi siyang kumakain kasama ni Haring David.
Ang Pangatlong Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero
19 Habang nasa Corinto si Apolos, pumunta si Pablo sa mga bulubunduking lugar ng lalawigan hanggang sa nakarating siya sa Efeso. May nakita siyang mga tagasunod doon. 2 Tinanong niya sila, “Natanggap nʼyo na ba ang Banal na Espiritu nang sumampalataya kayo?” Sumagot sila, “Hindi nga namin narinig na may tinatawag na Banal na Espiritu.” 3 Nagtanong si Pablo sa kanila, “Sa anong bautismo kayo binautismuhan?” Sumagot sila, “Sa bautismo ni Juan.” 4 Sinabi ni Pablo sa kanila, “Ang bautismo ni Juan ay para sa mga taong nagsisisi sa kanilang kasalanan. Ngunit sinabi rin ni Juan sa mga tao na dapat silang sumampalataya sa darating na kasunod niya, na walang iba kundi si Jesus.” 5 Nang marinig nila ito, binautismuhan sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. 6 At nang ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu. Nakapagsalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at may mga ipinahayag silang mensahe mula sa Dios. 7 Labindalawang lalaki silang lahat.
8 Sa loob ng tatlong buwan, patuloy ang pagpunta ni Pablo sa sambahan ng mga Judio. Hindi siya natatakot magsalita sa mga tao. Nakipagdiskusyon siya at ipinaliwanag sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Dios. 9 Pero ang iba sa kanilaʼy matigas talaga ang ulo at ayaw maniwala, at siniraan nila sa publiko ang pamamaraan ni Jesus. Kaya umalis si Pablo sa kanilang sambahan kasama ang mga tagasunod ni Jesus, at araw-araw ay pumupunta siya sa paaralan ni Tyranus para ipagpatuloy ang pakikipagdiskusyon sa harap ng madla. 10 Sa loob ng dalawang taon, ganoon ang kanyang ginagawa, kaya ang lahat ng nakatira sa lalawigan ng Asia, Judio at hindi Judio ay nakarinig ng salita ng Dios.
34 Pagkatapos, tinawag niya ang mga tao pati na ang mga tagasunod niya at pinalapit sa kanya. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat unahin ang sarili. Dapat ay handa niyang harapin kahit ang kamatayan[a] alang-alang sa pagsunod niya sa akin. 35 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 36 Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kaluluwa niya? 37 May maibabayad ba siya para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kung ako at ang mga aral ko ay ikakahiya ninuman sa panahong ito, na ang mga taoʼy makasalanan at hindi tapat sa Dios, ikakahiya ko rin siya kapag ako na Anak ng Tao ay pumarito na taglay ang kapangyarihan ng aking Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”
9 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikitang dumarating ang paghahari ng Dios na dumarating nang may kapangyarihan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®