Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 72

Panalangin para sa Hari

72 O Dios, ituro nʼyo po sa hari ang iyong pamamaraan sa paghatol at katuwiran,
para makatarungan siyang makapaghatol sa inyong mga mamamayan, pati na sa mga dukha.
Sumagana sana ang mga kabundukan upang mapagpala ang inyong mga mamamayan dahil matuwid ang hari.
Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol ang mga dukha
    at durugin ang mga umaapi sa kanila.
Manatili sana siya[a] magpakailanman,
    habang may araw at buwan.
Maging tulad sana siya ng ulan na dumidilig sa lupa.
Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid sa panahon ng kanyang pamumuno,
    at maging maayos ang kalagayan ng tao hanggang sa wakas ng panahon.
Lumawak sana nang lumawak ang kanyang kaharian,[b]
    mula sa ilog ng Eufrates hanggang sa pinakadulo ng mundo.[c]
Magpasakop sana sa kanya ang mga kaaway niyang nakatira sa ilang.
10 Magbigay sana ng mga kaloob sa kanya ang mga hari ng Tarshish,
    ng malalayong isla, ng Sheba at Seba.
11 Magpasakop sana ang lahat ng hari sa kanya
    at ang lahat ng bansa ay maglingkod sa kanya.
12 Dahil tinutulungan niya ang mga napabayaang dukha
    na humingi ng tulong sa kanya.
13 Kahahabagan niya ang mga dukha at nangangailangan at silaʼy kanyang tutulungan.
14 Ililigtas niya sila sa mga malulupit at mapang-api dahil para sa kanya, ang buhay nilaʼy mahalaga.
15 Mabuhay sana ang hari nang matagal.
    Sanaʼy mabigyan siya ng ginto mula sa Sheba.
    Sanaʼy idalangin palagi ng mga tao na pagpalain siya ng Dios.
16 Sumagana sana ang ani sa lupain kahit na sa tuktok ng bundok, katulad ng mga ani sa Lebanon.
    At dumami rin sana ang mga tao sa mga lungsod,
    kasindami ng damo sa mga parang.
17 Huwag sanang malimutan ang pangalan ng hari magpakailanman, habang sumisikat pa ang araw.
    Sa pamamagitan sana niya ay pagpalain ng Dios ang lahat ng bansa,
    at sabihin sana ng mga ito na siyaʼy pinagpala ng Dios.
18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,
    na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.
19 Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman!
    Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian.
    Amen! Amen!

20 Dito nagwawakas ang mga panalangin ni David na anak ni Jesse.

Salmo 119:73-96

73 Akoʼy nilikha at hinubog nʼyo;
    kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang matutunan ko ang inyong mga utos.
74 Matutuwa ang mga may takot sa inyo kapag akoʼy kanilang nakita,
    dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong salita.
75 Panginoon alam kong matuwid ang inyong mga utos.
    At dahil kayo ay matapat, akoʼy inyong dinisiplina.
76 Sanaʼy aliwin nʼyo ako ng inyong pagmamahal ayon sa pangako nʼyo sa akin na inyong lingkod.
77 Kahabagan nʼyo ako upang patuloy akong mabuhay,
    dahil nagagalak akong sumunod sa inyong kautusan.
78 Mapahiya sana ang mga mapagmataas dahil sa kanilang paninira sa akin.
    Subalit ako ay magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
79 Magsilapit sana sa akin ang mga may takot sa inyo at nakakaalam ng inyong mga turo.
80 Sanaʼy masunod ko nang buong puso ang inyong mga tuntunin upang hindi ako mapahiya.

81 Napapagod na ako sa paghihintay ng inyong pagliligtas sa akin,
    ngunit umaasa pa rin ako sa inyong mga salita.
82 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay ng pangako nʼyo sa akin.
    Ang tanong koʼy, “Kailan nʼyo pa ako palalakasin at aaliwin?”
83 Kahit na ako ay para nang sisidlang-balat na nilalagyan ng inumin na parang hindi na mapakinabangan, hindi ko pa rin nakakalimutan ang inyong mga tuntunin.
84 Hanggang kailan pa kaya ang aking paghihintay?
    Kailan nʼyo parurusahan ang mga umuusig sa akin na inyong lingkod?
85 Ang mga mapagmataas na hindi sumusunod sa inyong mga kautusan ay naghukay ng mga patibong upang akoʼy hulihin.
86-87 Kaya tulungan nʼyo ako dahil akoʼy kanilang inuusig nang walang dahilan,
    hanggang sa akoʼy nabingit na sa kamatayan.
    Ngunit hindi ko tinalikuran ang inyong mga tuntunin dahil maaasahan ang inyong mga utos.
88 Ingatan nʼyo ang aking buhay ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin,
    upang masunod ko ang mga turong ibinigay ninyo.

89 Panginoon, ang salita mo ay mananatili magpakailanman;
    hindi ito magbabago tulad ng kalangitan.
90 Ang inyong katapatan ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi.
    Matibay nʼyong itinatag ang mundo, kaya itoʼy nananatili.
91 Ang lahat ng bagay ay nananatili hanggang ngayon ayon sa inyong nais.
    Dahil ang lahat ng bagay ay sumusunod sa inyo.
92 Kung ang inyong kautusan ay hindi nagbibigay sa akin ng kaaliwan, namatay na sana ako dahil sa pagdadalamhati.
93 Hindi ko kailanman lilimutin ang inyong mga tuntunin,
    dahil sa pamamagitan nitoʼy patuloy nʼyo akong binubuhay.
94 Akoʼy inyo, kaya iligtas nʼyo po ako!
    Dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
95 Nag-aabang ang masasama upang akoʼy patayin,
    ngunit iisipin ko ang inyong mga turo.
96 Nakita kong ang lahat ng bagay ay may katapusan,
    ngunit ang inyong mga utos ay mananatili magpakailanman.

2 Samuel 3:22-39

Pinatay ni Joab si Abner

22 Dumating si Joab at ang ibang tauhan ni David sa Hebron mula sa pagsalakay, at marami silang dalang samsam mula sa labanan. Pero wala na roon si Abner dahil pinaalis na siya ni David ng matiwasay. 23 Nang mabalitaan ni Joab na pumunta si Abner sa hari at pinaalis ng matiwasay, 24 pumunta si Joab sa hari at sinabi, “Ano po ang ginawa nʼyo? Pumunta na sa inyo si Abner, bakit pinaalis pa ninyo? Ngayon, wala na siya! 25 Kilala nʼyo naman si Abner na anak ni Ner, pumunta siya rito para dayain at obserbahan ang bawat kilos ninyo.” 26 Iniwan agad ni Joab si David, at nag-utos siyang habulin si Abner. Inabutan nila ito sa balon ng Sira at dinala pabalik sa Hebron. Pero hindi ito alam ni David. 27 Nang naroon na si Abner sa Hebron, dinala siya ni Joab sa may pintuan ng lungsod at kunwariʼy kakausapin niya ito nang silang dalawa lang. At doon sinaksak ni Joab si Abner sa tiyan bilang paghihiganti sa pagpatay ni Abner sa kapatid niyang si Asahel. At namatay si Abner.

28 Nang mabalitaan ito ni David, sinabi niya, “Alam ng Panginoon na inosente ako at ang mga tauhan ko sa pagkamatay ni Abner na anak ni Ner. 29 Si Joab at ang pamilya niya ang may pananagutan dito. Sumpain nawa ang pamilya niya at huwag mawalan ng may sakit na tulo, malubhang sakit sa balat,[a] pilay, mamamatay sa labanan, at namamalimos.” 30 (Kaya pinatay ni Joab at ng kapatid niyang si Abishai si Abner dahil pinatay nito ang kapatid nilang si Asahel sa labanan doon sa Gibeon.)

31 Pagkatapos, sinabi ni David kay Joab at sa lahat ng kasama niya, “Punitin ninyo ang inyong mga damit at magsuot kayo ng sako. Magluksa kayo habang naglalakad sa unahan ng bangkay ni Abner sa paglilibing sa kanya.” Nakipaglibing din si Haring David na sumusunod sa bangkay. 32 Inilibing si Abner sa Hebron, at labis ang pag-iyak ni Haring David doon sa pinaglibingan. Ganoon din ang lahat ng tao na nakipaglibing. 33 Inawit ni Haring David ang awit ng kalungkutan para kay Abner:

“Bakit namatay si Abner na gaya ng isang kriminal?
34 Hindi iginapos ang mga kamay niya ni ikinadena ang mga paa niya, pero pinatay siya ng masasamang tao.”

Muling iniyakan ng mga tao si Abner. 35 Nang araw na iyon, hindi kumain si David, kaya pinilit siya ng mga tao na kumain. Pero nanumpa si David, “Parusahan sana ako nang matindi ng Dios kapag kumain ako ng anuman bago lumubog ang araw.” 36 Natuwa ang mga tao sa mga sinabi ni David. Pati na rin ang lahat ng ginagawa ni David ay kanilang ikinatuwa. 37 Kaya nalaman ng lahat ng mamamayan ng Israel na walang kinalaman si Haring David sa pagkamatay ni Abner.

38 Pagkatapos, sinabi ni David sa mga tauhan niya, “Hindi nʼyo ba naiisip na napatay ang isang makapangyarihang pinuno ng Israel sa araw na ito? 39 At kahit ako ang piniling hari ngayon, hindi ko kaya sina Joab at Abishai na mga anak ni Zeruya. Mas malakas sila sa akin. Kaya ang Panginoon na lang ang maghihiganti sa masasamang taong ito dahil sa kasamaang ginawa nila.”

Gawa 16:16-24

Sina Pablo at Silas sa Bilangguan

16 Isang araw, habang papunta kami sa lugar na pinagtitipunan para manalangin, sinalubong kami ng isang dalagitang alipin. Ang dalagitang iyon ay sinasaniban ng masamang espiritu na nagbibigay sa kanya ng kakayahang manghula. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. 17 Palagi kaming sinusundan ng babaeng ito at ganito ang kanyang isinisigaw, “Ang mga taong ito ay mga lingkod ng Kataas-taasang Dios! Ipinangangaral nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!”

18 Araw-araw, iyon ang ginagawa niya hanggang sa nainis na si Pablo. Kaya hinarap niya ang babae at sinabi sa masamang espiritung nasa kanya, “Sa pangalan ni Jesu-Cristo, inuutusan kitang lumabas sa kanya!” At agad namang lumabas ang masamang espiritu. 19 Nang makita ng kanyang mga amo na nawalan sila ng pagkakakitaan, hinuli nila sina Pablo at Silas at kinaladkad sa plasa para iharap sa mga opisyal ng lungsod. 20 Sinabi nila sa mga opisyal, “Ang mga taong ito ay mga Judio at nanggugulo sa ating lungsod. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang labag sa kautusan nating mga Romano. Hindi natin pwedeng sundin ang mga itinuturo nila.” 22 Nakiisa ang mga tao sa pag-uusig[a] kina Pablo. Pinahubaran sila ng mga opisyal at ipinahagupit. 23 At nang mahagupit na sila nang husto, ikinulong sila. At inutusan ang guwardya na bantayan silang mabuti. 24 Kaya ipinasok sila ng guwardya sa kaloob-looban ng selda at itinali ang kanilang mga paa.

Marcos 6:47-56

47 Nang gumabi na, nasa laot na ang bangka at siya na lang ang naiwan. 48 Nakita niyang hirap sa pagsagwan ang mga tagasunod niya, dahil salungat sila sa hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Lalampasan na lang sana niya sila, 49-50 pero nakita siya ng mga tagasunod niya na lumalakad sa ibabaw ng tubig. Natakot sila at nagsigawan, dahil akala nila ay multo siya. Pero nagsalita agad si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.” 51 Sumakay siya sa bangka at biglang tumigil ang malakas na hangin. Namangha sila nang husto, 52 dahil hindi pa rin sila nakakaunawa kahit nakita na nila ang himalang ginawa ni Jesus sa tinapay. Ayaw nilang maniwala dahil matigas ang puso nila.

Pinagaling ni Jesus ang mga May Sakit sa Genesaret(A)

53 Nang makatawid na sila sa lawa, dumating sila sa Genesaret at doon nila idinaong ang bangka. 54 Pagbaba nila, nakilala agad si Jesus ng mga tao roon. 55 Kaya nagmamadaling pumunta ang mga tao sa mga karatig lugar, inilagay sa mga higaan ang mga may sakit at dinala kay Jesus saan man nila mabalitaang naroon siya. 56 Kahit saan siya pumunta, sa nayon, sa bayan, o sa kabukiran, dinadala ng mga tao ang mga may sakit sa kanila sa mga lugar na pinagtitipunan ng mga tao. Nagmamakaawa sila kay Jesus na kung maaari ay pahipuin niya ang mga may sakit kahit man lang sa laylayan[a] ng kanyang damit. At ang lahat ng nakahipo ay gumaling.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®