Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 56-58

Dalangin ng Pagtitiwala sa Dios[a]

56 O Dios, maawa kayo sa akin dahil sinasalakay ako ng aking mga kaaway.
    Palagi nila akong pinahihirapan.
Kinukutya nila ako at laging sinasalakay.
    Kay dami nilang kumakalaban sa akin,
    O Kataas-taasang Dios.[b]
Kapag akoʼy natatakot, magtitiwala ako sa inyo.
O Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong pangako.
    Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
    Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
Binabaluktot lagi ng aking mga kaaway ang mga sinasabi ko.
    Lagi silang nagpaplano na saktan ako.
Nagsasama-sama sila at nagsisipagtago,
    binabantayan nila ang lahat ng kilos ko at naghihintay ng pagkakataon upang patayin ako.
Huwag nʼyo silang hayaang matakasan ang parusa ng kanilang kasamaan.
    Lipulin nʼyo sila sa inyong matinding galit.
Nalalaman nʼyo ang aking kalungkutan at napapansin nʼyo ang aking mga pag-iyak.
    Hindi baʼt inilista nʼyo ito sa inyong aklat?
Kapag tumawag ako sa inyo, O Dios, magsisitakas ang aking mga kaaway.
Alam ko ito dahil ikaw ay aking kakampi.
10 Panginoong Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong mga salita at pangako.
11 Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
    Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
12 Tutuparin ko, O Dios, ang mga pangako ko sa inyo.
    Maghahandog ako ng alay ng pasasalamat sa inyo.
13 Dahil iniligtas nʼyo ako sa kamatayan
    at hindi nʼyo ako pinabayaang madapa.
    Para mamuhay akong kasama kayo, O Dios,
    sa inyong liwanag na nagbibigay-buhay.

Dalangin para Tulungan ng Dios

57 O Dios, maawa kayo sa akin, dahil sa inyo ako nanganganlong.
    Katulad ng sisiw na sumisilong sa ilalim ng pakpak ng inahing manok, sisilong ako sa inyo hanggang sa wala ng kapahamakan.
Tumatawag ako sa inyo, Kataas-taasang Dios,
    sa inyo na nagsasagawa ng layunin sa aking buhay.
Mula sa langit ay magpapadala kayo ng tulong upang akoʼy iligtas.
    Ilalagay nʼyo sa kahihiyan ang mga kaaway ko.
    Ipapakita nʼyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa akin.
Napapaligiran ako ng mga kaaway,
    parang mga leong handang lumapa ng tao.
    Ang mga ngipin nilaʼy parang sibat at pana,
    mga dilaʼy kasintalim ng espada.
O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
Nabagabag ako dahil naglagay ng bitag ang aking mga kaaway.
    Naghukay rin sila sa aking dadaanan, ngunit sila rin ang nahulog dito.
O Dios, lubos akong nagtitiwala sa inyo.
    Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
Gigising ako ng maaga at ihahanda ko ang aking sarili at ang aking instrumentong may mga kwerdas para magpuri sa inyo.
Panginoon, pupurihin ko kayo sa gitna ng mga mamamayan.
    At sa gitna ng mga bansa, ikaw ay aking aawitan.
10 Dahil ang pag-ibig nʼyo at katapatan ay hindi mapantayan at lampas pa sa kalangitan.
11 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa buong kalangitan at sa buong mundo.

Mapapahamak ang Masasama

58 Kayong mga pinuno, matuwid ba ang paghatol ninyo sa mga tao?
Hindi! Dahil paggawa ng masama ang laging iniisip ninyo at namiminsala kayo sa iba saanman kayo naroroon.
Ang masasama ay lumalayo sa Dios
    at mula nang isilang ay nagsisinungaling na.
4-5 Para silang mga ahas na makamandag.
    Parang kobrang hindi nakikinig sa tinig ng mahuhusay na tagapagpaamo niya.
O Panginoong Dios, sirain nʼyo ang kanilang kakayahan sa pamiminsala
    na parang binabali nʼyo ang kanilang mga ngipin na parang pangil ng mga leon!
Mawala sana silang tulad ng tubig na natutuyo
    at gawin mo ring walang silbi ang kanilang mga armas.
Maging tulad sana sila ng kuhol na parang natutunaw habang gumagapang,
    o ng sanggol na patay nang ipinanganak, na hindi pa nakakita ng liwanag.

Mabilis silang tatangayin ng Dios,
    maging ang mga nabubuhay pa,
    mabilis pa sa pag-init ng palayok na inaapuyan ng malakas.
10 Magagalak ang mga matuwid kapag nakita na nilang pinaghigantihan ng Dios ang masasama, at dumanak na ang kanilang dugo.[c]
11 At sasabihin ng mga tao, “Tunay ngang may gantimpala ang matutuwid
    at mayroong Dios na humahatol sa mga tao sa mundo.”

Salmo 64-65

Ang Parusa sa Masasamang Tao

64 O Dios, pakinggan nʼyo ang daing ko!
    Ingatan nʼyo ang buhay ko mula sa banta ng aking mga kaaway.
Ingatan nʼyo ako sa kasamaang pinaplano nila.
Naghahanda sila ng matatalim na salita,
    na gaya ng espada at palasong nakakasugat.
Nagsasalita sila ng masakit sa likod ng mga taong matuwid
    na parang namamana nang patago.
    Bigla nila itong ginagawa nang walang katakot-takot.
Hinihikayat nila ang isaʼt isa na gumawa ng kasamaan
    at pinag-uusapan nila kung saan maglalagay ng bitag.
    Sinasabi nila, “Walang makakakita nito.”
Nagpaplano sila ng masama at sinasabi, “Napakaganda ng plano natin!”
    Talagang napakatuso ng isip at puso ng tao!
Ngunit papanain sila ng Dios at bigla na lang silang masusugatan.
Mapapahamak sila dahil sa masasama nilang sinabi,
    kukutyain sila ng mga makakakita sa kanila.
At lahat ng tao ay matatakot.
    Pag-iisipan nila ang mga ginawa ng Dios at ipahahayag ito sa iba.
10 Magagalak at manganganlong sa Panginoon ang lahat ng matuwid.
At magpupuri sa kanya ang mga gumagawa ng tama.

Pagpupuri at Pagpapasalamat

65 O Dios, marapat ka naming purihin sa Zion!
    Ang mga ipinangako namin sa inyo ay aming tutuparin.
Sa inyo lalapit ang lahat ng tao,
    dahil dinidinig nʼyo ang mga panalangin.
Napakarami ng aming kasalanan,
    ngunit pinapatawad nʼyo pa rin ang mga ito.
Mapalad ang taong pinili nʼyo at inanyayahang manirahan sa inyong templo.
    Lubos kaming magagalak sa mga kabutihang nasa inyong tahanan,
    ang inyong banal na templo.
O Dios na aming Tagapagligtas,
    tinugon nʼyo ang aming mga dalangin
    sa pamamagitan ng inyong kamangha-manghang pagliligtas sa amin.
    Kayo ang pag-asa ng tao sa lahat ng lupain at maging ng manlalayag sa malawak na dagat.
Itinatag nʼyo ang mga bundok
    sa pamamagitan ng inyong lakas.
    Tunay ngang kayoʼy makapangyarihan.
Pinatatahimik nʼyo ang ingay ng mga alon,
    ang hampas ng karagatan,
    at ang pagkakagulo ng mga tao.
Dahil sa inyong mga kahanga-hangang ginawa,
    namamangha sa inyo pati ang mga nakatira sa malayong lugar.
    Mula sa silangan hanggang kanluran,
    ang mga tao ay napapasigaw sa tuwa dahil sa inyo.
Inaalagaan nʼyo ang lupa at dinidiligan ng ulan.
    Pinabubunga at pinatataba nʼyo ito.
    Ang mga ilog, O Dios, ay patuloy nʼyong pinaaagos.
    Binibigyan nʼyo ng ani ang mga tao.
    Ganito ang itinakda ninyo.
10 Pinaulanan nʼyong mabuti ang lupang binungkal
    hanggang sa itoʼy lumambot at mapuno na ng tubig.
    Pagkatapos ay pinagpapala nʼyo ang mga pananim.
11 Pinag-aapaw nʼyo ang panahon ng anihan,
    at saan ka man dumaan ay puno ng kasaganaan.
12 Kahit na ang ilang ay naging pastulan dahil sagana sa mga damo at ang mga burol ay parang mga taong puno ng kagalakan.
13 Ang mga parang ay punong-puno ng mga grupo ng tupa at kambing at pawang mga pananim[a] ang makikita sa kapatagan.
    Ang lahat ng mga lugar na ito ay parang mga taong umaawit at sumisigaw sa kagalakan.

2 Samuel 2:1-11

Ginawang Hari ng Juda si David

Pagkatapos nito, nagtanong si David sa Panginoon, “Pupunta po ba ako sa isa sa mga bayan ng Juda?” Sumagot ang Panginoon, “Pumunta ka.” Muling nagtanong si David, “Saan po roon?” Sumagot ang Panginoon, “Sa Hebron.” Kaya pumunta roon si David kasama ang dalawa niyang asawang sina Ahinoam na taga-Jezreel at Abigail na biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Isinama rin ni David ang mga tauhan niya at mga pamilya nila, at doon sila tumira sa Hebron at sa mga lugar sa paligid nito. Di nagtagal, pumunta ang mga pinuno ng Juda sa Hebron, at pinahiran ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Juda.

Nang mabalitaan ni David na ang mga taga-Jabes Gilead ang naglibing kay Saul, nagpadala siya ng mga mensahero na nagsabi, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon sa ipinakita nʼyong kabutihan kay Saul na hari ninyo sa pamamagitan ng paglilibing sa kanya. Ipakita sana ng Panginoon ang pagmamahal at katapatan niya sa inyo, at ipapakita ko rin sa inyo ang kabutihan ko dahil sa ginawa ninyo. At ngayon, magpakatatag kayo at lakasan nʼyo ang loob nʼyo kahit patay na ang hari[a] ninyong si Saul. Ako naman ay pinili ng mga taga-Juda bilang kanilang hari.”

Ang Alitan sa Pagitan ng Pamilya nina David at Saul

Ngayon, ang kumander ng mga sundalo ni Saul, na si Abner na anak ni Ner ay pumunta sa Mahanaim kasama si Ishboshet na anak ni Saul. Doon, hinirang niyang hari ng buong Israel si Ishboshet, kasama na rito ang mga lugar ng Gilead, Ashuri, Jezreel, Efraim at Benjamin. 10 Si Ishboshet ay 40 taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya sa loob ng dalawang taon. Si David naman ang kinikilalang hari ng mga taga-Juda, 11 at naghari siya sa Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan. Doon siya nanirahan sa Hebron.

Gawa 15:36-16:5

Naghiwalay sina Pablo at Bernabe

36 Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Bumalik tayo sa lahat ng bayan na pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at dalawin natin ang ating mga kapatid para malaman natin ang kalagayan nila.” 37 Sumang-ayon si Bernabe pero gusto niyang isama si Juan na tinatawag ding Marcos. 38 Pero ayaw pumayag ni Pablo, dahil noong una nakasama nila si Marcos pero iniwan sila nito noong nasa Pamfilia sila. 39 Matindi ang kanilang pagtatalo, kaya naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos at pumunta sila sa Cyprus. 40 Isinama naman ni Pablo si Silas. Bago sila umalis, ipinanalangin sila ng mga kapatid na tulungan sila ng Panginoon sa kanilang paglalakbay. 41 Pumunta sina Pablo sa Syria at sa Cilicia at pinatatag nila ang mga iglesya roon.

Ang Pangalawang Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero

16 Nagpatuloy sina Pablo sa paglalakbay sa Derbe at Lystra. May tagasunod ni Jesus doon sa Lystra na ang pangalan ay Timoteo. Ang kanyang ina ay Judio at mananampalataya rin, pero ang kanyang ama ay Griego. Ayon sa mga kapatid doon sa Lystra at sa Iconium, si Timoteo ay mabuting tao. Gusto ni Pablo na isama si Timoteo, kaya tinuli niya ito para walang masabi ang mga Judio laban kay Timoteo, dahil ang lahat ng Judio na nakatira sa lugar na iyon ay nakakaalam na Griego ang ama nito. Pagkatapos, pinuntahan nila ang mga bayan at ipinaalam nila sa mga mananampalataya ang mga patakarang napagkasunduan ng mga apostol at ng mga namumuno sa iglesya sa Jerusalem. Sinabihan nila ang mga mananampalataya na sundin ang mga patakarang ito. Kaya lalong tumibay ang pananampalataya ng mga iglesya, at araw-araw ay nadadagdagan pa ang bilang ng mga mananampalataya.

Marcos 6:14-29

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(A)

14 Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol kay Jesus dahil kilalang-kilala na siya kahit saan. May mga nagsasabi, “Siya ay si Juan na tagapagbautismo na muling nabuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.” 15 Ang sabi naman ng iba, “Siya ay si Elias.” At may mga nagsasabi rin na siya ay isang propeta na tulad ng mga propeta noong unang panahon.

16 Pero nang mabalitaan ni Herodes ang mga sinabing iyon ng mga tao, sinabi niya, “Muling nabuhay si Juan na pinapugutan ko ng ulo!” 17 Ipinahuli noon ni Herodes si Juan at ipinabilanggo, dahil tinutuligsa ni Juan ang relasyon niya kay Herodias. Si Herodias ay asawa ng kapatid ni Herodes na si Felipe. Pero kinuha siya ni Herodes bilang asawa. 18 Laging sinasabihan ni Juan si Herodes na hindi tama na kunin niya ang asawa ng kanyang kapatid. 19 Kaya nagkimkim ng galit si Herodias kay Juan, at gusto niya itong ipapatay. Pero hindi niya magawa, dahil ayaw pumayag ni Herodes. 20 Takot si Herodes kay Juan dahil alam niyang matuwid at mabuting tao si Juan. Kaya ipinagtatanggol niya ito. Kahit nababagabag siya sa mga sinasabi ni Juan, gustong-gusto pa rin niyang makinig dito.

21 Pero sa wakas ay dumating din ang pagkakataong hinihintay ni Herodias. Kaarawan noon ni Herodes at nagdaos siya ng malaking handaan. Inimbita niya ang mga opisyal ng Galilea, mga kumander ng mga sundalong Romano at iba pang mga kilalang tao roon. 22 Nang oras na ng kasiyahan, pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga bisita niya. Kaya sinabi ni Herodes sa dalaga, “Humingi ka sa akin ng kahit anong gusto mo at ibibigay ko.” 23 At sumumpa pa siya na ibibigay niya sa dalaga kahit ang kalahati pa ng kanyang kaharian. 24 Lumabas muna ang dalaga at tinanong ang kanyang ina kung ano ang hihilingin niya. Sinabihan siya ng kanyang ina na hingin ang ulo ni Juan na tagapagbautismo. 25 Kaya dali-daling bumalik ang dalaga sa hari at sinabi, “Gusto ko pong ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na tagapagbautismo, na nakalagay sa isang bandehado.” 26 Labis itong ikinalungkot ng hari, pero dahil nangako siya sa harap ng mga bisita niya, hindi siya makatanggi sa dalaga. 27 Kaya pinapunta niya agad sa bilangguan ang isang sundalo upang dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Pumunta ang sundalo sa bilangguan at pinugutan ng ulo si Juan, 28 inilagay niya ang ulo sa bandehado at ibinigay sa dalaga. At ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. 29 Nang mabalitaan ng mga tagasunod ni Juan ang nangyari, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®