Book of Common Prayer
Ang Dalangin ng Taong may Sakit
41 Mapalad ang taong nagmamalasakit sa mga mahihirap.
Tutulungan siya ng Panginoon sa panahon ng kaguluhan.
2 Ipagtatanggol siya ng Panginoon, at iingatan ang kanyang buhay.
Pagpapalain din siya sa lupain natin.
At hindi siya isusuko sa kanyang mga kaaway.
3 Tutulungan siya ng Panginoon kung siya ay may sakit,
at pagagalingin siya sa kanyang karamdaman.
4 Sinabi ko,
“O Panginoon, nagkasala ako sa inyo.
Maawa kayo sa akin, at pagalingin ako.”
5 Ang aking mga kaaway ay nagsasalita laban sa akin.
Sinasabi nila,
“Kailan pa ba siya mamamatay upang makalimutan na siya?”
6 Kapag dumadalaw sila sa akin, nagkukunwari silang nangungumusta,
pero nag-iipon lang pala sila ng masasabi laban sa akin.
Kapag silaʼy lumabas na, ikinakalat nila ito.
7 Ang lahat ng galit sa akin ay masama ang iniisip tungkol sa akin,
at pinagbubulung-bulungan nila ito.
8 Sinasabi nila,
“Malala na ang karamdaman niyan,
kaya hindi na iyan makakatayo!”
9 Kahit ang pinakamatalik kong kaibigan na kasalo ko lagi sa pagkain at pinagkakatiwalaan –
nagawa akong pagtaksilan!
10 Ngunit kayo Panginoon, akoʼy inyong kahabagan.
Pagalingin nʼyo ako upang makaganti na ako sa aking mga kaaway.
11 Alam ko na kayoʼy nalulugod sa akin,
dahil hindi ako natatalo ng aking mga kaaway.
12 Dahil akoʼy taong matuwid,
tinutulungan nʼyo ako at pinapanatili sa inyong presensya magpakailanman.
13 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
Amen! Amen!
Ang Paghatol at Habag ng Dios
52 Ikaw, taong mapagmataas,
bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo?
Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo?
2 Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
at lagi kang nagsisinungaling.
3 Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan,
at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan.
4 Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita.
5 Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan.
Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay.
6 Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
7 “Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan.
Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan,
at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.”
8 Ngunit ako ay tulad ng punong olibo
na yumayabong sa loob ng inyong templo.
Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman.
9 Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo.
At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.
Dalangin para Iligtas ng Dios
44 O Dios, narinig namin mula sa aming mga ninuno
ang tungkol sa mga ginawa nʼyo sa kanila noong kanilang kapanahunan.
Matagal nang panahon ang lumipas.
2 Ang mga bansang hindi naniniwala sa inyo
ay pinalayas nʼyo sa kanilang mga lupain at pinarusahan,
samantalang ang aming mga ninuno ay itinanim nʼyo roon at pinalago.
3 Nasakop nila ang lupain,
hindi dahil sa kanilang mga armas.
Nagtagumpay sila hindi dahil sa kanilang lakas,
kundi sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, pagpapala at kakayahan,
dahil mahal nʼyo sila.
4 O Dios, kayo ang aking Hari na nagbigay ng tagumpay sa amin na lahi ni Jacob.
5 Sa pamamagitan nʼyo pinatumbaʼt tinapak-tapakan namin ang aming mga kaaway.
6 Hindi ako nagtitiwala sa aking espada at pana upang akoʼy magtagumpay,
7 dahil kayo ang nagpapatagumpay sa amin.
Hinihiya nʼyo ang mga kumakalaban sa amin.
8 O Dios, kayo ang lagi naming ipinagmamalaki,
at pupurihin namin kayo magpakailanman.
9 Ngunit ngayoʼy itinakwil nʼyo na kami at inilagay sa kahihiyan.
Ang mga sundalo namin ay hindi nʼyo na sinasamahan.
10 Pinaatras nʼyo kami sa aming mga kaaway,
at ang aming mga ari-arian ay kanilang sinamsam.
11 Pinabayaan nʼyong kami ay lapain na parang mga tupa.
Pinangalat nʼyo kami sa mga bansa.
12 Kami na inyong mga mamamayan ay ipinagbili nʼyo sa kaunting halaga.
Parang wala kaming kwenta sa inyo.
13 Ginawa nʼyo kaming kahiya-hiya;
iniinsulto at pinagtatawanan kami ng aming mga kalapit na bansa.
14 Ginawa nʼyo kaming katawa-tawa sa mga bansa,
at pailing-iling pa sila habang nang-iinsulto.
15 Akoʼy palaging inilalagay sa kahihiyan.
Wala na akong mukhang maihaharap pa,
16 dahil sa pangungutya at insulto sa akin ng aking mga kaaway na gumaganti sa akin.
17 Ang lahat ng ito ay nangyari sa amin
kahit na kami ay hindi nakalimot sa inyo,
o lumabag man sa inyong kasunduan.
18 Hindi kami tumalikod sa inyo,
at hindi kami lumihis sa inyong pamamaraan.
19 Ngunit kami ay inilugmok nʼyo at pinabayaan sa dakong madilim na tinitirhan ng mga asong-gubat.[a]
20 O Dios, kung kayo ay nakalimutan namin,
at sa ibang dios, kami ay nanalangin,
21 hindi baʼt iyon ay malalaman nʼyo rin?
Dahil alam nʼyo kahit ang mga lihim sa isip ng tao.
22 Ngunit dahil sa aming pananampalataya sa inyo,
kami ay palaging nasa panganib ang aming buhay.
Para kaming mga tupang kakatayin.
23 Sige na po, Panginoon! Kumilos na kayo!
Huwag nʼyo kaming itakwil magpakailanman.
24 Bakit nʼyo kami binabalewala?
Bakit hindi nʼyo pinapansin ang aming pagdurusa at ang pang-aapi sa amin?
25 Nagsibagsak na kami sa lupa at hindi na makabangon.
26 Sige na po, tulungan nʼyo na kami.
Iligtas nʼyo na kami dahil sa inyong pagmamahal sa amin.
Hindi Pinatay ni David si Saul
24 Nang bumalik si Saul mula sa pakikipaglaban sa mga Filisteo, sinabi sa kanya na naroon si David sa disyerto ng En Gedi. 2 Kaya pumili si Saul ng 3,000 tao galing sa buong Israel at lumakad sila para hanapin si David, malapit sa mabatong lugar na tinitirhan ng maiilap na kambing.
3 Nakarating si Saul sa kulungan ng mga tupa sa tabi ng daan, kung saan may kweba roon. Pumasok siya sa loob ng kweba at doon dumumi. Doon pala sa kaloob-loobang bahagi ng kweba nagtatago si David at ang mga tauhan niya. 4 Sinabi ng mga tauhan ni David, “Dumating na ang panahong sinabi ng Panginoon na ibibigay niya sa iyo ang iyong kaaway at ikaw na ang bahala kung ano ang gusto mong gawin sa kanya.” Dahan-dahang lumapit si David kay Saul at pumutol ng kapirasong tela sa laylayan ng damit nito nang hindi nito namamalayan. 5 Pero nakonsensya si David dahil pinutol niya ang laylayan ng damit ni Saul. 6 Sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag sanang ipahintulot ng Panginoon na gawan ko ng masama ang aking hari, ang hinirang ng Panginoon na maging hari.” 7 Sa sinabing ito ni David, sinaway niya ang kanyang mga tauhan, at hindi niya sila pinayagang salakayin si Saul. Umalis si Saul at nagpatuloy sa paglalakbay.
8 Maya-maya, lumabas ng kweba si David at tinawag si Saul, “Mahal na Hari!” Nang lumingon si Saul, nagpatirapa si David sa kanyang harapan bilang paggalang. 9 At sinabi niya kay Saul, “Bakit kayo naniniwala sa mga taong nagsasabi na nagbabalak akong patayin kayo? 10 Sa araw na ito, nakita nʼyo kung paano kayo ibinigay ng Panginoon sa aking mga kamay doon sa loob ng kweba. Sinabi sa akin ng iba kong mga tauhan na patayin kayo pero hindi ko ginawa. Sinabi ko sa kanila na hindi ko sasaktan ang aking hari[a] dahil pinili siya ng Panginoon na maging hari. 11 Ama ko, tingnan ninyo ang kapirasong tela na hawak ko, galing ito sa laylayan ng damit ninyo. Pinutol ko ito pero hindi ko kayo pinatay. Nagpapatunay ito na wala akong masamang plano o pagrerebelde laban sa inyo. Wala akong kasalanan sa inyo, pero tinutugis nʼyo ako para patayin. 12 Ang Panginoon sana ang humatol sa ating dalawa, at parusahan kayo ng Panginoon sa mga ginagawa nʼyo sa akin. Pero wala akong gagawing masama sa inyo, 13 sabi nga ng kasabihan, ‘Ang masamang tao lang ang gumagawa ng masama.’ Kaya hindi ko kayo gagawan ng masama. 14 Sino po ba ako at hinahabol ako ng hari ng Israel? Katulad lang ako ng isang patay na aso o isang pulgas. 15 Ang Panginoon sana ang humatol at magdesisyon kung sino po ang may kasalanan sa ating dalawa. Sanaʼy mapansin niya at matugunan ang usaping ito at mailigtas ako mula sa iyong mga kamay.”
16 Matapos magsalita ni David, sinabi ni Saul, “Ikaw ba iyan, David, anak ko?” At humagulgol si Saul. 17 Sinabi pa niya, “Mas matuwid ka kaysa sa akin. Masama ang trato ko sa iyo pero mabuti ang iginanti mo sa akin. 18 Sa araw na ito, ipinakita mo ang iyong kabutihan. Ibinigay ako ng Panginoon sa mga kamay mo para patayin pero hindi mo ito ginawa. 19 Ang ibaʼy hindi pinababayaang makatakas ang kanilang kaaway kapag nakita na nila ito. Gantimpalaan ka sana ng Panginoon sa kabutihang ipinakita mo sa akin ngayon. 20 Tinatanggap ko na ngayon, ikaw na ang magiging hari at ang kaharian ng Israel ay magiging matatag sa ilalim ng iyong pamumuno. 21 Ngayon, mangako ka sa akin sa pangalan ng Panginoon na hindi mo papatayin ang aking angkan para hindi mawala ang pangalan ng pamilya ko.” 22 Kaya sumumpa si David kay Saul. Pagkatapos, umuwi si Saul, pero si David at ang mga tauhan niyaʼy bumalik sa pinagtataguan nila.
Bumaling si Pablo sa mga Hindi Judio
44 Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng naninirahan sa Antioc ay nagtipon sa sambahan ng mga Judio para makinig sa salita ng Panginoon. 45 Nang makita ng mga pinuno ng mga Judio na maraming tao ang dumalo, nainggit sila. Sinalungat nila si Pablo at pinagsalitaan nang hindi maganda. 46 Pero buong tapang silang sinagot nina Pablo at Bernabe, “Dapat sanaʼy sa inyo munang mga Judio ipapangaral ang salita ng Dios. Ngunit dahil tinanggihan ninyo ito, nangangahulugan lang na hindi kayo karapat-dapat bigyan ng buhay na walang hanggan. Kaya mula ngayon, sa mga hindi Judio na kami mangangaral ng Magandang Balita. 47 Sapagkat ito ang utos ng Panginoon sa amin:
‘Ginawa kitang ilaw sa mga hindi Judio, upang sa pamamagitan mo ang kaligtasan ay makarating sa buong mundo.’ ”
48 Nang marinig iyon ng mga hindi Judio, natuwa sila at kanilang sinabi, “Kahanga-hanga ang salita ng Panginoon.” At ang lahat ng itinalaga para sa buhay na walang hanggan ay naging mananampalataya.
49 Kaya kumalat ang salita ng Panginoon sa lugar na iyon. 50 Pero sinulsulan ng mga pinuno ng mga Judio ang mga namumuno sa lungsod, pati na rin ang mga relihiyoso at mga kilalang babae, na kalabanin sina Pablo. Kaya inusig nila sina Pablo at Bernabe, at pinalayas sa lugar na iyon. 51 Ipinagpag nina Pablo at Bernabe ang alikabok sa kanilang mga paa bilang babala laban sa kanila. At tumuloy sila sa Iconium. 52 Ang mga tagasunod ni Jesus doon sa Antioc ay puspos ng Banal na Espiritu at masayang-masaya.
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)
4 Muling nagturo si Jesus sa tabi ng lawa ng Galilea. At dahil sa dami ng taong nakapalibot sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon umupo, habang ang mga tao namaʼy nasa dalampasigan. 2 Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, 3 “Makinig kayo! May isang magsasakang naghasik ng binhi. 4 Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga binhing iyon. 5 May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar, kung saan walang gaanong lupa. Mabilis na tumubo ang binhi dahil mababaw ang lupa. 6 Ngunit natuyo rin ito nang masikatan ng araw, at dahil hindi malalim ang ugat, namatay ito. 7 May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at natakpan ang mga tumubong binhi kaya hindi namunga. 8 Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa. Tumubo at lumago ang mga ito, at namunga. Ang ibaʼy katamtaman lang ang bunga; ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy napakarami.”[a] 9 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan.”[b]
Ang Layunin ng mga Talinghaga(B)
10 Nang nakauwi na ang mga tao, tinanong siya ng 12 apostol at ng iba pang mga tagasunod niya kung ano ang kahulugan ng talinghagang iyon. 11 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios, ngunit sa iba[c] ay ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga, 12 upang matupad ang nakasulat sa Kasulatan,
‘Tumingin man sila nang tumingin, hindi sila makakakita.
Makinig man sila nang makinig, hindi sila makakaunawa.
Dahil kung makakaunawa sila, magsisisi sila sa kanilang kasalanan at patatawarin sila ng Dios.’[d]”
Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa Manghahasik(C)
13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung hindi ninyo nauunawaan ang talinghaga na ito, paano ninyo mauunawaan ang iba ko pang mga talinghaga? 14 Ang inihahasik ng manghahasik ay ang salita ng Dios. 15 Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios. Ngunit dumating agad si Satanas at inagaw ang salita ng Dios na narinig nila. 16 Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi, ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios at masaya itong tinanggap kaagad. 17 Ngunit hindi taimtim sa puso ang pagtanggap nila, kaya hindi tumatagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa salita ng Dios na tinanggap nila, tumatalikod sila kaagad sa kanilang pananampalataya. 18 Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios. 19 Ngunit dahil sa mga alalahanin dito sa mundo, paghahangad na yumaman, at paghahabol sa marami pang mga bagay, nakakalimutan nila ang salita ng Dios, kaya hindi namumunga ang salita sa kanilang buhay. 20 Ngunit ang mabuting lupa na hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig ng salita ng Dios at tumanggap nito. Kaya namumunga ito sa kanilang buhay. Ang ibaʼy katamtaman lang ang bunga; ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy napakarami.”[e]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®