Book of Common Prayer
Dalangin para Magtagumpay ang Kaibigan
20 Sa oras ng kaguluhan, pakinggan sana ng Panginoon ang iyong mga daing.
At sanaʼy ingatan ka ng Dios ni Jacob.
2 Sanaʼy tulungan ka niya mula sa kanyang templo roon sa Zion.
3 Sanaʼy tanggapin niya ang iyong mga handog,
pati na ang iyong mga haing sinusunog.
4 Sanaʼy ibigay niya ang iyong kahilingan,
at ang iyong mga binabalak ay magtagumpay.
5 Sa pagtatagumpay mo kami ay sisigaw sa kagalakan,
at magdiriwang na nagpupuri sa ating Dios.
Ibigay nawa ng Panginoon ang lahat mong kahilingan.
6 Ngayon ay alam kong ang Dios ang nagbibigay ng tagumpay sa haring kanyang hinirang,
at sinasagot niya mula sa banal na langit ang kanyang dalangin,
at lagi niyang pinagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
7 May mga umaasa sa kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma,
ngunit kami ay umaasa sa Panginoon naming Dios.
8 Silaʼy manghihina at tuluyang babagsak,
ngunit kami ay magiging matatag at magtatagumpay.
9 Panginoon, pagtagumpayin nʼyo ang hinirang nʼyong hari.
At sagutin nʼyo kami kapag kami ay tumawag sa inyo.
Pagpupuri sa Pagtatagumpay
21 Panginoon, sobrang galak ng hari
dahil binigyan nʼyo siya ng kalakasan.
Siyaʼy tuwang-tuwa dahil binigyan nʼyo siya ng tagumpay.
2 Ibinigay nʼyo sa kanya ang kanyang hinahangad;
hindi nʼyo ipinagkait ang kanyang kahilingan.
3 Tinanggap nʼyo siya, at pinagkalooban ng masaganang pagpapala.
Pinutungan nʼyo ang ulo niya ng koronang yari sa purong ginto.
4 Hiniling niya sa inyo na dagdagan ang buhay niya,
at binigyan nʼyo siya ng mahabang buhay.
5 Dahil sa pagbibigay nʼyo ng tagumpay sa kanya,
naging tanyag siya at makapangyarihan.
6-7 Dahil nagtitiwala siya sa inyo, Panginoon,
pinagpala nʼyo siya ng mga pagpapalang walang katapusan,
at pinasaya nʼyo siya sa inyong piling.
At dahil minamahal nʼyo siya nang tapat, Kataas-taasang Dios,
hindi siya mabubuwal.
8 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
matatalo nʼyo ang lahat nʼyong mga kaaway.
9 At kapag kayo ay dumating Panginoon, lilipulin nʼyo sila.
Dahil sa galit nʼyo, tutupukin sila na parang dayami sa naglalagablab na apoy.
10 Uubusin nʼyo ang lahat ng mga anak nila sa buong kalupaan,
upang wala nang magpatuloy ng kanilang lahing masama.
11 Nagbabalak sila ng masama laban sa inyo,
ngunit hindi sila magtatagumpay.
12 Tatakas sila kapag nakita nilang nakatutok na sa kanila ang inyong pana.
13 Panginoon, pinupuri namin kayo
dahil sa inyong kalakasan.
Aawit kami ng mga papuri
dahil sa inyong kapangyarihan.
Ang Panginoon at ang Kanyang Hinirang na Hari
110 Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,[a]
“Maupo ka sa kanan ko hanggang mapasuko ko sa iyo ang mga kaaway mo.”
2 Palalawakin ng Panginoon ang iyong kaharian mula sa Zion,
at paghaharian mo ang iyong mga kaaway.
3 Sa panahon ng iyong pakikidigma sa mga kaaway, kusang-loob na tutulong sa iyo ang iyong mga tao.
Ang mga kabataang iyong nasasakupan ay pupunta sa iyo doon sa banal na burol katulad ng hamog tuwing umaga.
4 Ang Panginoon ay sumumpa at hindi magbabago ang pasya niya,
na ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melkizedek.
5 Ang Panginoon ay kasama mo.
Parurusahan niya ang maraming hari sa oras ng kanyang galit.
6 Parurusahan niya ang mga bansa,
at marami ang kanyang papatayin.
Lilipulin niya ang mga namumuno sa buong mundo.
7 Mahal na Hari, kayo ay iinom sa sapa na nasa tabi ng daan,
kaya muli kayong lalakas at magtatagumpay.
Ang Dios ang Nagliligtas ng Tao sa Kamatayan
116 Mahal ko ang Panginoon,
dahil dinidinig niya ang paghingi ko ng tulong sa kanya.
2 Dahil pinakikinggan niya ako,
patuloy akong tatawag sa kanya habang akoʼy nabubuhay.
3 Natakot ako dahil nararamdaman kong malapit na akong mamatay.
Ang kamatayan ay parang tali na pumupulupot sa akin.
Nag-aalala ako at naguguluhan,
4 kaya tumawag ako sa Panginoon,
“Panginoon, iligtas nʼyo po ako.”
5 Ang Panginoon nating Dios ay mabuti, matuwid at mahabagin.
6 Iniingatan ng Panginoon ang mga walang sapat na kaalaman.
Nang wala na akong magawa, akoʼy kanyang iniligtas.
7 Magpapakatatag ako,
dahil ang Panginoon ay mabuti sa akin,
8 sapagkat iniligtas niya ako sa kamatayan, sa kalungkutan at kapahamakan.
9 Kaya mamumuhay ako na malapit sa Panginoon dito sa mundo ng mga buhay.
10 Kahit na sinabi kong, “Sukdulan na ang paghihirap ko,” nagtitiwala pa rin ako sa kanya.
11 Sa aking pagkabalisa ay nasabi kong, “Wala ni isang taong mapagkatiwalaan.”
12 Ano kaya ang maigaganti ko sa Panginoon sa lahat ng kabutihan niya sa akin?
13 Sasambahin ko ang Panginoon, at maghahandog ako sa kanya ng pasasalamat sa kanyang pagliligtas sa akin.
14 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa Panginoon sa harap ng kanyang mga mamamayan.
15 Nasasaktan ang Panginoon kung mamatay ang kanyang mga tapat na mga mamamayan.[a]
16 Panginoon, ako nga ay inyong lingkod.[b]
Iniligtas nʼyo ako sa pagkabihag.
17 Sasamba ako sa inyo
at mag-aalay ng handog bilang pasasalamat.
18 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo sa harap ng inyong mga mamamayan,
19 doon sa inyong templo sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Papuri sa Panginoon
117 Purihin nʼyo at parangalan ang Panginoon, kayong lahat ng mamamayan ng mga bansa!
2 Dahil napakadakila ng pag-ibig sa atin ng Panginoon,
at ang kanyang katapatan ay walang hanggan.
Purihin ninyo ang Panginoon!
31 Nakarating kay Saul ang mga sinabi ni David. Kaya ipinatawag niya ito. 32 Pagdating ni David, sinabi niya kay Saul, “Wala po ni isa man sa atin ang dapat na panghinaan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako na po na inyong lingkod ang makikipaglaban sa kanya.” 33 Sumagot si Saul, “Hindi mo kayang makipaglaban sa kanya. Bata ka pa, habang siyaʼy mandirigma na mula pa sa kanyang pagkabata.” 34 Pero sumagot si David, “Matagal na po akong nagbabantay sa mga tupa ng aking ama. Kung may leon o oso na tatangay sa mga tupa, 35 tinutugis ko po ito at binubugbog, at kinukuha ang tupa. Kung lalaban ito hinuhuli ko ito sa leeg[a] at hinahampas hanggang sa mamatay. 36 Nagawa ko po ito sa mga leon at oso, at gagawin ko rin ito sa Filisteong iyon na hindi nakakakilala sa Dios dahil hinahamon po niya ang mga sundalo ng buhay na Dios. 37 Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga leon at oso ang siya ring magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong iyon.”
Sinabi ni Saul kay David, “Sige, lumakad ka na. Patnubayan ka sana ng Dios.” 38 Ibinigay niya at ipinasuot kay David ang mga kasuotan niyang pandigma – ang tansong helmet at panangga sa dibdib. 39 Pagkatapos, isinukbit ni David ang espada ni Saul at sinubukang lumakad. Ngunit, dahil hindi pa siya sanay na gumamit ng mga ito, sinabi niya kay Saul, “Hindi po ako makikipaglaban na suot ang mga ito, hindi po ako sanay.” Kaya hinubad niya ang lahat ng ito. 40 Pagkatapos, kinuha niya ang kanyang tungkod, pumulot ng limang makikinis na bato sa sapa at inilagay sa balat na lalagyan. Dala-dala ang kanyang tirador, lumapit siya kay Goliat.
41 Lumapit si Goliat kay David na pinangungunahan ng tagapagdala niya ng armas. 42 Nang makita niyang binatilyo lamang si David, magandang lalaki at may mamula-mulang pisngi, hinamak niya ito. 43 Sinabi niya kay David, “Aso ba ako at patpat iyang dala-dala mo?” At isinumpa niya si David sa ngalan ng kanyang mga dios. 44 Sinabi pa niya, “Lumapit ka rito at ipapakain ko ang bangkay mo sa mga ibon at sa mababangis na hayop!” 45 Sumagot si David, “Makikipaglaban ka sa akin na ang dalaʼy espada, sibat, at punyal, pero lalabanan kita sa pangalan ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng hukbo ng Israel na iyong hinahamon. 46 Sa araw na ito ibibigay ka sa akin ng Panginoon. Papatayin at pupugutan kita ng ulo. Ngayong araw ding ito, ang mga bangkay ng mga kasama mong Filisteo ay ipapakain ko sa mga ibon at mababangis na hayop, at malalaman ng buong mundo na may Dios ang Israel. 47 Malalaman ng lahat ng nagkakatipon dito na kayang iligtas ng Panginoon ang kanyang bayan kahit na walang espada o sibat. Sapagkat ang Panginoon ang makikipaglaban at ibibigay niya kayong lahat sa amin.”
48 Habang lumalapit si Goliat sa kanya, patakbo naman siyang sinalubong ni David. 49 Kumuha siya ng bato sa kanyang lalagyan at tinirador sa noo si Goliat. Tumama ito at bumaon sa noo ni Goliat at natumba siya nang padapa sa lupa.
Ipinaliwanag ni Pedro ang Kanyang Ginawa
11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa Judea na ang mga hindi Judio ay tumanggap din ng salita ng Dios. 2 Kaya pagbalik ni Pedro sa Jerusalem, sinalungat siya ng mga kapatid na Judio na naniniwalang ang mga hindi Judio ay kinakailangang magpatuli muna bago maging kaanib nila. 3 Sinabi nila kay Pedro, “Ikaw ay isang Judio, bakit ka nakituloy at nakikain sa bahay ng mga hindi Judio na hindi tuli?” 4 Kaya ipinaliwanag ni Pedro sa kanila ang buong pangyayari mula sa simula.
5 Sinabi niya, “Habang nananalangin ako sa lungsod ng Jopa, may ipinakita sa akin ang Dios. Nakita ko ang parang malapad na kumot na bumababa mula sa langit. May tali ito sa apat na sulok, at ibinaba sa tabi ko. 6 Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad kasama na rito ang mababangis, mga gumagapang, at mga lumilipad. 7 At narinig ko ang boses na nagsasabi sa akin, ‘Pedro tumayo ka! Magkatay ka at kumain.’ 8 Pero sumagot ako, ‘Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.’ 9 Pagkatapos, muling nagsalita ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang kahit na anong bagay na nilinis na ng Dios.’ 10 Tatlong beses naulit ang pangyayaring ito, at pagkatapos ay hinila na pataas ang kumot. 11 Nang mga oras ding iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaki na galing sa Cesarea. Inutusan sila na sunduin ako. 12 Sinabi ng Banal na Espiritu sa akin na huwag akong mag-alinlangang sumama sa kanila. At nang umalis na kami papunta sa bahay ni Cornelius sa Cesarea, sumama sa akin itong anim na kapatid natin na taga-Jopa. 13 Pagpasok namin doon, ikinuwento ni Cornelius sa amin na may nakita siyang anghel sa loob ng kanyang bahay na nagsabi sa kanya, ‘Magsugo ka sa Jopa para sunduin si Simon na tinatawag na Pedro. 14 Sasabihin niya sa iyo kung paano ka maliligtas at ang iyong buong pamilya.’ 15 At nang magsalita na ako, napuspos sila ng Banal na Espiritu tulad din ng nangyari sa atin noon. 16 At naalala ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.’ 17 Kaya ang nangyari sa kanila ay nagpapatunay na ang ibinigay ng Dios sa ating mga Judio, nang sumampalataya tayo sa Panginoong Jesu-Cristo ay ibinigay din niya sa mga hindi Judio. At kung ganoon ang gusto ng Dios, sino ba ako para hadlangan siya?” 18 Nang marinig ito ng mga kapatid na Judio, hindi na nila binatikos si Pedro, sa halip ay nagpuri sila sa Dios. Sinabi nila, “Kung ganoon, ibinigay din ng Dios sa mga hindi Judio ang pagkakataon na magsisi para matanggap nila ang buhay na walang hanggan.”
Tinawag ni Jesus ang Apat na Mangingisda(A)
14 Nang mabilanggo si Juan na tagapagbautismo, pumunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balita na mula sa Dios. 15 Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon! Malapit na[a] ang paghahari ng Dios. Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Magandang Balita!”
16 Isang araw, habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon at Andres. Naghahagis sila ng lambat. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.”[b] 18 Iniwan nila agad ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
19 Nagpatuloy si Jesus sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang dalawang anak ni Zebedee na sina Santiago at Juan na nag-aayos ng kanilang lambat sa bangka nila. 20 Agad silang tinawag ni Jesus. Iniwan nila sa bangka ang ama nilang si Zebedee at ang mga tauhan nila, at sumunod kay Jesus.
Ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu(B)
21 Pumunta sina Jesus sa Capernaum. Nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio at doon ay nangaral si Jesus. 22 Namangha ang mga tao sa mga aral niya, dahil nangangaral siya nang may awtoridad, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.
23 May isang tao roon na sinasaniban ng masamang espiritu ang biglang nagsisigaw: 24 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na sugo ng Dios!” 25 Pero sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” 26 Pinangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumigaw siya habang lumalabas. 27 Namangha ang lahat ng naroon, at sinabi nila sa isaʼt isa, “Ano ito? Isang bagong aral na may kapangyarihan! Pati ang masasamang espiritu ay nauutusan niya at sumusunod sila!” 28 At mabilis na kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong Galilea.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®