Book of Common Prayer
Awit ng Tagumpay ni David(A)
18 Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.
2 Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang.
Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
3 Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,
dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.
4-5 Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking dadaanan,
na para ring malakas na agos na tumatangay sa akin.
6 Kinakabahan ako! Humingi ako ng tulong sa inyo, Panginoon kong Dios,
at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko sa inyong templo.
7 Nagalit kayo, at lumindol, maging ang pundasyon ng mga bundok ay nayanig.
8 Umusok din ang inyong ilong,
at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy at mga nagliliyab na baga.
9 Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumaba,
at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.
10 Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
11 Ginawa nʼyong talukbong ang kadiliman,
at nagtago kayo sa maitim na ulap.
12 Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,
at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.
13 Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Dios na aming Panginoon, ay dumadagundong mula sa langit.
14 Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban
at nataranta silang nagsitakas.
15 Sa inyong tinig at matinding galit, natuyo ang dagat at nakita ang lupa sa ilalim nito,
pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.
16 At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
at inahon mula sa malalim na tubig.
17 Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng aking mga kalaban na hindi ko kayang labanan.
18 Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.
Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon.
19 Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan dahil nalulugod kayo sa akin.
20 Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
21 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
at hindi ko kayo tinalikuran, Panginoon na aking Dios.
22 Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
23 Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan,
at iniiwasan ko ang kasamaan.
24 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.
25 Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
at mabuti kayo sa mabubuting tao.
26 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
ngunit tuso kayo sa mga taong masama.
27 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
ngunit ang nagmamataas ay inyong ibinababa.
28 Panginoon kong Dios, kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag.
Sa gitna ng kadiliman kayo ang aking tanglaw.
29 Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo,
at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
30 Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian.
Ang inyong mga salita ay maaasahan.
Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan[a] sa inyo.
31 Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba.
At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan.
32 Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,
at nagbabantay sa aking daraanan.
33 Pinatatatag nʼyo ang aking paa tulad ng paa ng usa,
upang maging ligtas ang pag-akyat ko sa matataas na lugar.
34 Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban, tulad ng pagbanat ng matibay na pana.
35 Ang katulad nʼyo ay kalasag na nag-iingat sa akin.
Inaakay nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
at dahil sa tulong nʼyo, naging tanyag ako.
36 Pinaluwang nʼyo ang aking dadaanan,
kaya hindi ako natitisod.
37 Hinabol ko ang aking mga kalaban at inabutan ko sila,
at hindi ako tumigil hanggang sa naubos ko sila.
38 Hinampas ko sila hanggang sa magsibagsak,
at hindi na makabangon sa aking paanan.
39 Binigyan nʼyo ako ng lakas sa pakikipaglaban,
kaya natalo ko ang aking mga kalaban.
40 Dahil sa inyo, umatras ang aking mga kaaway na may galit sa akin,
at silaʼy pinatay ko.
41 Humingi sila ng tulong, ngunit walang sinumang tumulong.
Tumawag din sila sa inyo Panginoon, ngunit kayoʼy hindi tumugon.
42 Dinurog ko sila hanggang sa naging alikabok na lang na inililipad ng hangin,
at tinatapak-tapakan na parang putik sa kalsada.
43 Akoʼy iniligtas nʼyo sa mga rebelde,
at ginawa nʼyo akong pinuno ng maraming bansa.
Kahit akoʼy hindi nila kilala, pinaglingkuran nila ako.
44 Yumuyukod sila sa aking harapan.
Naririnig pa lang nila ang tungkol sa akin, sumusunod agad sila sa utos ko.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
kaya lumalabas sila sa kanilang pinagtataguan na nanginginig sa takot.
46 Buhay kayo, Panginoon!
Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,
O Dios na aking batong kanlungan at Tagapagligtas!
47 Pinaghigantihan nʼyo ang aking mga kaaway,
at ipinasailalim mo ang mga bansa sa aking kapangyarihan.
48 Inililigtas nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,
at pinagtagumpay nʼyo ako sa kanila.
49 Kaya pararangalan ko kayo sa mga bansa.
O Panginoon, aawitan ko kayo ng mga papuri.
50 Sa hinirang nʼyong hari ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.
Ang inyong pagmamahal ay ipinadama nʼyo kay David at sa kanyang lahi magpakailanman.
Naglingkod si David kay Saul
14 Umalis kay Saul ang Espiritu ng Panginoon, at pinahirapan siya ng masamang espiritu na ipinadala ng Panginoon. 15 Sinabi ng mga utusan ni Saul sa kanya, “Malinaw po na pinahihirapan kayo ng masamang espiritu na ipinadala ng Dios. 16 Kaya kung papayag po kayo, hahanap kami ng marunong tumugtog ng alpa. At tuwing pahihirapan kayo ng masamang espiritu na ipinadala ng tutugtugan po niya kayo ng alpa at bubuti na ang pakiramdam ninyo.” 17 Sinabi ni Saul sa kanyang mga utusan, “Sige, humanap kayo ng taong marunong tumugtog ng alpa at dalhin nʼyo siya sa akin.” 18 Sumagot ang isa sa kanyang mga utusan, “Nakita ko po na ang isa sa mga anak ni Jesse na taga-Betlehem ay magaling tumugtog ng alpa. Bukod pa roon, matapang po siya at mahusay makipaglaban, magandang lalaki, mahusay magsalita at sumasakanya ang Panginoon.”
19 Nagsugo si Saul ng mga mensahero kay Jesse para papuntahin sa kanya ang anak ni Jesse na si David na pastol ng mga tupa. 20 Kaya pinapunta ni Jesse si David kay Saul na may dalang mga regalo: isang asno na may kargang tinapay, isang balat na sisidlan na puno ng katas ng ubas at isang batang kambing.
21 Naglingkod si David kay Saul at nagustuhan siya ni Saul, kaya ginawa niyang tagapagdala ng armas si David. 22 Pagkatapos, nagpadala ng mensahe si Saul kay Jesse na nagsasabi, “Hayaan mong manatili rito si David para maglingkod sa akin dahil natutuwa ako sa kanya.”
23 Sa tuwing dumarating kay Saul ang masamang espiritu na ipinapadala ng Dios, tinutugtog ni David ang kanyang alpa. Pagkatapos, umaalis kay Saul ang masamang espiritu at bumubuti ang kanyang pakiramdam.
Si David at si Goliat
17 Tinipon ng mga Filisteo ang mga sundalo nila sa Soco na sakop ng Juda para makipagdigma. Nagkampo sila sa Efes Damim, sa gitna ng Soco at Azeka. 2 Tinipon din ni Saul ang mga Israelita, at nagkampo sila malapit sa Lambak ng Elah. Naghanda sila sa pakikipagdigma laban sa mga Filisteo. 3 Ang mga Filisteoʼy nasa isang burol at ang mga Israelita namaʼy nasa kabilang burol, nasa gitna nila ang lambak.
4 Ngayon, may isang mahusay at matapang na mandirigmang taga-Gat na ang pangalan ay Goliat. Lumabas siya sa kampo ng mga Filisteo, at lumapit sa kampo ng mga Israelita. May siyam na talampakan[a] ang kanyang taas. 5 Tanso ang helmet niya at tanso rin ang kanyang panangga sa dibdib na tumitimbang ng 60 kilo. 6 Tanso rin ang nakabalot sa kanyang binti at hita, at may tansong sibat na nakasukbit sa kanyang balikat. 7 Ang hawakan naman ng kanyang sibat ay mabigat at makapal; ang dulo nitoʼy tumitimbang ng pitong kilo. Nasa unahan naman niya ang tagapagdala ng kanyang kalasag.
8 Huminto si Goliat at sumigaw sa mga Israelita, “Kailangan nʼyo pa ba ng buong hukbo para makipaglaban? Ako ang Filisteo at kayo ang mga utusan ni Saul. Pumili na lang kayo ng isang taong kakatawan sa inyo na lalaban sa akin. 9 Kung mapapatay niya ako, magpapaalipin kami sa inyo; pero kung mapapatay ko siya, magpapaalipin kayo at maglilingkod sa amin. 10 Ngayon, hinahamon ko kayo! Papuntahin ninyo rito ang makikipaglaban sa akin.” 11 Nang marinig ito ni Saul at ng mga Israelita, natakot sila nang husto.
17 Habang naguguluhan si Pedro at iniisip kung ano ang ibig sabihin ng nakita niya, dumating naman sa lugar na iyon ang mga taong inutusan ni Cornelius. Nang malaman nila kung saan ang bahay ni Simon, pumunta sila roon. At pagdating nila sa pinto ng bakod, 18 tumawag sila at nagtanong kung doon ba nanunuluyan si Simon na tinatawag na Pedro. 19 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanya, “May tatlong taong naghahanap sa iyo. 20 Tumayo ka at bumaba. Huwag kang mag-alinlangang sumama sa kanila, dahil ako ang nag-utos sa kanila.” 21 Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang kailangan ninyo sa akin?” 22 Sumagot sila, “Inutusan kami rito ni Kapitan Cornelius. Mabuti siyang tao at sumasamba sa Dios. Iginagalang siya ng lahat ng Judio. Sinabihan siya ng anghel ng Dios na imbitahan ka sa kanyang bahay para marinig niya kung ano ang iyong sasabihin.” 23 Pinapasok sila ni Pedro, at doon sila natulog nang gabing iyon.
Kinabukasan, sumama si Pedro sa kanila, kasama ang ilang kapatid na taga-Jopa. 24 Dumating sila sa Cesarea pagkaraan ng isang araw. Naghihintay sa kanila si Cornelius at ang kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan na inimbitahan niyang dumalo. 25 Nang dumating si Pedro, sinalubong siya ni Cornelius at lumuhod para sambahin siya. 26 Pero pinatayo siya ni Pedro at sinabi, “Tumayo ka, dahil akoʼy tao ring katulad mo.” 27 At patuloy ang kanilang pag-uusap habang papasok sila sa bahay. Sa loob ng bahay, nakita ni Pedro na maraming tao ang nagkakatipon doon. 28 Nagsalita si Pedro sa kanila, “Alam ninyo na kaming mga Judio ay pinagbabawalan ng aming relihiyon na dumalaw o makisama sa mga hindi Judio. Pero ipinaliwanag sa akin ng Dios na hindi ko dapat ituring na marumi ang sinuman. 29 Kaya nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Kaya gusto ko ngayong malaman kung bakit ipinatawag ninyo ako.”
30 Sumagot si Cornelius, “Tatlong araw na ngayon ang lumipas nang nananalangin ako rito sa bahay, at ganito ring oras, mga alas tres ng hapon. Habang nananalangin ako, biglang nagpakita sa akin ang isang taong may damit na nakakasilaw. 31 Sinabi niya sa akin, ‘Cornelius, dininig ng Dios ang iyong panalangin at hindi niya nakalimutan ang pagtulong mo sa mga mahihirap. 32 Magsugo ka ngayon ng mga tao sa Jopa at ipasundo si Simon na tinatawag na Pedro. Doon siya nakatira sa bahay ni Simon na mangungulti ng balat. Ang kanyang bahay ay sa tabi ng dagat.’ 33 Kaya ipinatawag kita agad. Salamat naman at dumating ka. At ngayon, narito kami sa presensya ng Dios para pakinggan ang ipinapasabi sa inyo ng Panginoon.”
Nagpakita si Jesus sa mga Tagasunod Niya(A)
36 Habang pinag-uusapan nila ito, nagpakita si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila, at binati sila, “Sumainyo ang kapayapaan!” 37 Pero nagulat sila at natakot dahil akala nila ay multo ang nakita nila. 38 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit kayo natatakot? At bakit kayo nag-aalinlangan? 39 Ako talaga ito. Tingnan ninyo ang mga bakas ng mga pako sa mga kamay at paa ko. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Hindi ako multo. Ang multo ay walang laman at buto pero ako ay mayroon.” 40 [Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.] 41 Sa kagalakan nila at pagkamangha, halos hindi pa rin sila makapaniwala. Kaya tinanong sila ni Jesus, “Mayroon ba kayong pagkain dito?” 42 Binigyan nila si Jesus ng isang hiwa ng inihaw na isda. 43 Kinuha niya iyon at kinain sa harap nila.
44 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo noong magkasama pa tayo na kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga isinulat ng mga propeta at sa mga Salmo.” 45 At binuksan ni Jesus ang isip nila upang maunawaan nila ang Kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Ayon sa Kasulatan, kailangang magtiis ng hirap at mamatay ang Cristo ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47 At dapat ipangaral sa buong mundo, mula sa Jerusalem, na sa pamamagitan niyaʼy patatawarin ng Dios ang nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. 48 Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49 Isusugo ko sa inyo ang Banal na Espiritung ipinangako ng Ama, kaya manatili muna kayo rito sa Jerusalem hanggang sa dumating sa inyo ang kapangyarihan mula sa langit.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(B)
50 Pagkatapos, isinama sila ni Jesus sa Betania. Pagdating doon, itinaas niya ang mga kamay niya at pinagpala sila. 51 At habang pinagpapala niya sila, iniwan niya sila at iniakyat siya sa langit. 52 Siya ay sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na punong-puno ng kagalakan. 53 At palagi silang nasa templo na nagpupuri sa Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®