Book of Common Prayer
Ang Kabutihan ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan
106 Purihin nʼyo ang Panginoon!
Magpasalamat kayo sa kanya dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
2 Walang makapagsasabi at makapagpupuri nang lubos sa makapangyarihang gawa ng Panginoon.
3 Mapalad ang taong gumagawa nang tama at matuwid sa lahat ng panahon.
4 Panginoon, alalahanin nʼyo ako kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;
iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,
5 upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,
at makadama rin ng kanilang kagalakan,
at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.
6 Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;
masama ang aming ginawa.
7 Nang silaʼy nasa Egipto, hindi nila pinansin ang kahanga-hangang mga ginawa ninyo.
Nilimot nila ang mga kabutihang ipinakita nʼyo sa kanila,
at silaʼy naghimagsik sa inyo doon sa Dagat na Pula.
8 Ngunit iniligtas nʼyo pa rin sila,
upang kayo ay maparangalan
at maipakita ang inyong kapangyarihan.
9 Inutusan ng Panginoon ang Dagat na Pula na matuyo, at itoʼy natuyo;
pinangunahan niya ang kanyang mga mamamayan na makatawid na parang lumalakad lamang sa disyerto.
10 Iniligtas niya sila sa kanilang mga kaaway.
11 Tinabunan niya ng tubig ang kanilang mga kaaway,
at walang sinumang nakaligtas sa kanila.
12 Kaya naniwala sila sa kanyang mga pangako,
at umawit sila ng mga papuri sa kanya.
13 Ngunit muli nilang kinalimutan ang kanyang mga ginawa,
at hindi na nila hinintay ang kanyang mga payo.
14 Doon sa ilang, sinubok nila ang Dios dahil sa labis nilang pananabik sa pagkain.
15 Kaya ibinigay niya sa kanila ang kanilang hinihiling,
ngunit binigyan din sila ng karamdaman na nagpahina sa kanila.
16 Sa kanilang kampo, nainggit sila kay Moises at kay Aaron na itinalagang maglingkod sa Panginoon.
17 Kaya bumuka ang lupa sa kinaroroonan ni Datan at ni Abiram at ng kanilang sambahayan at silaʼy nilamon.
18 At may apoy pang naging kasunod na tumupok sa kanilang masasamang tagasunod.
19 Doon sa Horeb ay gumawa ang mga taga-Israel ng gintong baka
at sinamba nila ang dios-diosang ito.
Itoʼy ginawa nilang dios at kanilang sinamba.
20 Ang kanilang dakilang Dios ay pinalitan nila ng imahen ng toro na kumakain ng damo.
21-22 Kinalimutan nila ang Dios na nagligtas sa kanila at gumawa ng mga kamangha-manghang bagay at himala roon sa Egipto na lupain ng mga lahi ni Ham, at doon sa Dagat na Pula.
23 Nilipol na sana ng Dios ang kanyang mga mamamayan kung hindi namagitan si Moises na kanyang lingkod.
Pinakiusapan ni Moises ang Panginoon na pigilan niya ang kanyang galit upang hindi sila malipol.
24 Tinanggihan nila ang magandang lupain dahil hindi sila naniwala sa pangako ng Dios sa kanila.
25 Nagsipagreklamo sila sa loob ng kanilang mga tolda at hindi sumunod sa Panginoon.
26 Kaya sumumpa ang Panginoon na papatayin niya sila doon sa ilang,
27 at ikakalat ang kanilang mga angkan sa ibang mga bansa at nang doon na sila mamatay.
28 Inihandog nila ang kanilang mga sarili sa dios-diosang si Baal doon sa bundok ng Peor,
at kumain sila ng mga handog na inialay sa mga patay.
29 Ginalit nila ang Panginoon dahil sa kanilang masasamang gawa,
kaya dumating sa kanila ang salot.
30 Ngunit namagitan si Finehas,
kaya tumigil ang salot.
31 Ang ginawang iyon ni Finehas ay ibinilang na matuwid,
at itoʼy hindi makakalimutan ng mga tao magpakailanman.
32 Doon sa Bukal sa Meriba, ginalit ng mga taga-Israel ang Panginoon,
kaya sumama ang loob ni Moises sa kanilang ginawa.
33 Dahil nasaktan ang damdamin ni Moises, nakapagsalita siya ng mga salitang hindi na niya napag-isipan.
34 Hindi pinatay ng mga taga-Israel ang mga taga-Canaan taliwas sa utos ng Panginoon.
35 Sa halip, nakisama pa sila sa kanila at sumunod sa kanilang mga kaugalian.
36 Sinamba rin nila ang kanilang mga dios-diosan, at ito ang nagtulak sa kanila sa kapahamakan.
37 Inihandog nila ang kanilang mga anak sa mga demonyo
38 na mga dios-diosan ng Canaan.
Dahil sa pagpatay nila sa walang malay nilang mga anak, dinungisan nila ang lupain ng Canaan
39 pati ang kanilang mga sarili.
Dahil sa kanilang ginawang iyon, nagtaksil sila sa Dios katulad ng babaeng nakikiapid.
40 Kaya nagalit ang Panginoon sa kanyang mga mamamayan,
at silaʼy kanyang kinasuklaman.
41 Ipinaubaya niya sila sa mga bansang kanilang kaaway,
at sinakop sila ng mga bansang iyon.
42 Inapi sila at inalipin ng kanilang mga kaaway.
43 Maraming beses silang iniligtas ng Dios,
ngunit sinasadya nilang maghimagsik sa kanya,
kaya ibinagsak sila dahil sa kanilang kasalanan.
44 Ngunit kapag silaʼy tumatawag sa Dios, tinutulungan pa rin niya sila sa kanilang mga kahirapan.
45 Inaalaala ng Dios ang kanyang kasunduan sa kanila,
at dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa kanila,
napawi ang kanyang galit.
46 Niloob niya na silaʼy kaawaan ng mga bumihag sa kanila.
47 Panginoon naming Dios iligtas nʼyo kami,
at muling tipunin sa aming lupain mula sa mga bansa,
upang makapagpasalamat kami at makapagbigay-puri sa inyong kabanalan.
48 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
At ang lahat ay magsabing,
“Amen!”
Purihin ang Panginoon!
17 Tinipon ni Samuel ang mga Israelita sa Mizpa para sabihin sa kanila ang sinabi ng Panginoon. 18 Ito ang mensaheng ibinigay niya galing sa Panginoon, ang Dios ng Israel: “Inilabas ko kayo mula sa Egipto, iniligtas ko kayo sa mga kamay ng mga Egipcio at sa lahat ng bansang umaapi sa inyo. 19 Pero kahit na iniligtas ko kayo sa lahat ng kapahamakan at kagipitan, tinalikuran pa rin ninyo ako na inyong Dios, at humingi kayo ng hari na mamumuno sa inyo. Ngayon humarap kayo sa akin ayon sa lahi ninyo at angkan.”
20 Pinalapit ni Samuel ang bawat lahi ng Israel at ang lahi ni Benjamin ang napili. 21 Pagkatapos, pinapunta ni Samuel sa harapan ang lahi ni Benjamin ayon sa sambahayan at ang pamilya ni Matri ang napili. Si Saul na anak ni Kish ang napili sa pamilya ni Matri, pero nang hanapin nila si Saul ay hindi nila ito makita. 22 Kaya tinanong nila ang Panginoon, “Nasaan po siya?” Sumagot ang Panginoon, “Nandito siya. Nagtatago siya sa bunton ng mga bagahe.” 23 Kaya tumakbo sila papunta kay Saul at kinuha siya. Nang pinatayo siya sa gitna, siya ang pinakamatangkad sa lahat. 24 Sinabi ni Samuel sa lahat ng mga tao, “Ito ang taong pinili ng Panginoon para maghari sa inyo. Wala ni isa man sa atin na katulad niya.” At sumigaw ang lahat ng tao, “Mabuhay ang hari!”
25 Ipinaliwanag ni Samuel sa mga tao ang mga karapatan at pananagutan ng isang hari. Isinulat niya ito sa isang nakarolyong papel at itinago ito sa bahay ng Panginoon. Pagkatapos, pinauwi ni Samuel ang mga tao. 26 Umuwi rin si Saul sa bahay nila sa Gibea. Sinamahan siya ng mga sundalo na hinipo ng Dios ang puso para sumama sa kanya. 27 Dahil may masasamang taong nanlalait kay Saul na nagsabi, “Paano tayo maililigtas ng taong ito?” At hindi sila nagbigay ng regalo kay Saul bilang parangal sa kanya bilang hari. Pero hindi sila pinansin ni Saul.
44 Sinabi pa ni Esteban, “Nang naroon pa ang ating mga ninuno sa disyerto, may tolda sila kung saan naroon ang presensya ng Dios. Ginawa ang Tolda ayon sa utos ng Dios kay Moises at sa planong ipinakita sa kanya. 45 Nang namatay na ang ating mga ninuno, ang kanilang mga anak naman ang nagdala ng tolda. Ang kanilang pinuno ay si Josue. Napasakanila ang lupain na ipinangako ng Dios matapos itaboy ng Dios ang mga nakatira roon. At nanatili roon ang tolda hanggang sa panahon ng paghahari ni David. 46 Hiniling ni David sa Dios na pahintulutan siyang magpatayo ng bahay para sa Dios para makasamba roon ang mga lahi ni Jacob. Pero hindi siya pinayagan, kahit nalulugod ang Dios sa kanya. 47 Sa halip, si Solomon ang nagtayo ng templo ng Dios.
48 “Pero ang Kataas-taasang Dios ay hindi tumitira sa mga bahay na gawa ng tao. Katulad ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,
49 ‘Ang langit ang aking trono, at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Kaya anong uri ng bahay ang gagawin nʼyo para sa akin? Saan ba ang lugar na aking mapagpapahingahan? 50 Hindi baʼt ako ang gumawa ng lahat ng bagay?’ ”
51 Pagkatapos, sinabi ni Esteban, “Napakatigas ng ulo ninyo! Nagbibingi-bingihan kayo sa mga mensahe ng Dios, dahil ayaw ninyong sumunod sa mga sinasabi niya sa inyo. Palagi ninyong kinakalaban ang Banal na Espiritu. Manang-mana kayo sa ugali ng inyong mga ninuno. 52 Walang propeta sa kanilang kapanahunan na hindi nila inusig. Ang mga nagpahayag tungkol sa pagdating ng Matuwid na Lingkod[a] ay pinatay nila. At pagdating dito ni Jesus, kayo ang siyang nagkanulo at pumatay sa kanya. 53 Tumanggap kayo ng Kautusan na ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi ninyo sinunod.”
Ang Pagbato kay Esteban
54 Nang marinig iyon ng mga miyembro ng Korte, galit na galit sila kay Esteban. Nagngalit ang kanilang mga ngipin sa matinding galit. 55 Pero si Esteban na puspos ng Banal na Espiritu ay tumingala sa langit, at nakita niya ang nagniningning na kapangyarihan ng Dios at si Jesus na nakatayo sa kanan nito. 56 Sinabi ni Esteban, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukas ang langit at nakatayo si Jesus na Anak ng Tao sa kanan ng Dios!” 57 Sumigaw ang mga miyembro ng Korte at tinakpan nila ang kanilang mga tainga para hindi nila marinig ang sinasabi ni Esteban. At sabay-sabay silang sumugod sa kanya. 58 Kinaladkad nila si Esteban palabas ng lungsod at binato. Hinubad ng mga saksing laban kay Esteban ang kanilang balabal at iniwan sa isang binatang ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban, nananalangin siya. Sinabi niya, “Panginoong Jesus, tanggapin nʼyo po ang aking espiritu.” 60 Pagkatapos, lumuhod siya at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag nʼyo silang papanagutin sa kasalanang ito na ginawa nila.” At pagkasabi niya nito, namatay siya.
8 1-2 Inilibing si Esteban ng mga taong may takot sa Dios, at labis nila siyang iniyakan.
Pinag-uusig ni Saulo ang mga Mananampalataya
Mula noon, nagsimula na ang matinding pag-uusig sa mga mananampalataya sa Jerusalem. Kaya nagkawatak-watak ang mga mananampalataya sa buong lalawigan ng Judea at Samaria. Ang mga apostol lang ang hindi umalis sa Jerusalem. Si Saulo na sumang-ayon sa pagpatay kay Esteban
52 Pagkatapos, kinausap ni Jesus ang mga namamahalang pari, mga opisyal ng mga guwardya sa templo at ang mga pinuno ng mga Judio na naroon upang dakpin siya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo upang dakpin ako? 53 Araw-araw akong nasa templo, at naroon din kayo. Bakit hindi nʼyo ako dinakip? Ngunit ito na ang pagkakataong ibinigay sa inyo upang dakpin ako. At sa sandaling ito ay naghahari ang kadiliman.”
Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(A)
54 Dinakip nila si Jesus at dinala sa bahay ng punong pari. Sumunod naman si Pedro pero nasa malayo siya. 55 Nagsiga sa gitna ng bakuran ang mga naroon at naupo sila sa paligid ng siga para magpainit. Nakiupo rin si Pedro sa kanila. 56 Nakita siya ng isang utusang babae sa tabi ng siga at tiningnang mabuti. Sinabi ng babae, “Kasamahan din ni Jesus ang lalaking ito!” 57 Pero itinanggi ito ni Pedro, “Babae, hindi ko siya kilala.” 58 Maya-maya, may nakakita na naman sa kanya at nagsabi, “Kasamahan ka rin nila, di ba?” “Aba, hindi!” sagot ni Pedro. 59 Pagkalipas ng isang oras, iginiit naman ng isa, “Totoong kasamahan din ni Jesus ang taong ito, dahil taga-Galilea rin siya.” 60 Pero sumagot si Pedro, “Hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi mo!” At habang nagsasalita pa siya ay tumilaok ang manok. 61 Lumingon ang Panginoon at tiningnan si Pedro. Naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” 62 Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®