Book of Common Prayer
Ang Kahihinatnan ng Masama at Mabuting Tao
37 Huwag kang mainis o mainggit man sa masasama,
2 dahil tulad ng damo, silaʼy madaling matutuyo,
at tulad ng sariwang halaman, silaʼy malalanta.
3 Magtiwala ka sa Panginoon at gumawa ng mabuti.
Sa gayon ay mananahan ka nang ligtas sa lupaing ito.
4 Sa Panginoon mo hanapin ang kaligayahan,
at ibibigay niya sa iyo ang ninanais mo.
5 Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa;
magtiwala ka sa kanya at tutulungan ka niya.
6 Ihahayag niya nang malinaw na ikaw ay matuwid at makatarungan,
kasingliwanag ng sinag ng araw sa katanghaliang tapat.
7 Pumanatag ka sa piling ng Panginoon,
at matiyagang maghintay sa gagawin niya.
Huwag mong kaiinggitan ang masasama na gumiginhawa,
kahit pa magtagumpay ang masasamang plano nila.
8 Huwag kang magagalit. Pigilan mo ang iyong poot.
Ni huwag kang mababalisa, dahil ito sa iyo ay makakasama.
9 Ang masama ay ipagtatabuyan,
ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay mananatili sa lupaing ito.
10 Hindi magtatagal at mawawala ang masasama.
At kahit hanapin mo man sila ay hindi mo na makikita.
11 Ngunit ang mga mapagpakumbaba ay patuloy na mananahan sa lupain ng Israel nang mapayapa at masagana.
12 Ang mga masama ay nagpaplano ng hindi mabuti laban sa mga matuwid,
at galit na galit sila.
13 Ngunit tinatawanan lamang ng Panginoon ang mga masama,
dahil alam niyang malapit na ang oras ng paghahatol.
14 Binunot na ng masasama ang kanilang mga espada,
at nakaumang na ang kanilang mga pana
upang patayin ang mga dukha na namumuhay nang matuwid.
15 Ngunit sila rin ang masasaksak ng kanilang sariling espada
at mababali ang kanilang mga pana.
16 Ang kaunting tinatangkilik ng matuwid ay mas mabuti
kaysa sa kayamanan ng masama.
17 Dahil tutulungan ng Panginoon ang matuwid,
ngunit mawawalan ng kakayahan ang taong masama.
18 Araw-araw, inaalagaan ng Panginoon ang mga taong matuwid.
At tatanggap sila ng gantimpalang pangwalang hanggan.
19 Sa panahon ng kahirapan hindi sila malalagay sa kahihiyan.
Kahit na taggutom, magkakaroon pa rin sila ng kasaganaan.
20 Ngunit ang mga taong masamaʼy mamamatay.
Ang mga kaaway ng Panginoon ay mamamatay tulad ng bulaklak.
Silaʼy maglalaho na gaya ng usok.
21 Ang taong masama ay nangungutang pero hindi nagbabayad,
ngunit ang taong matuwid ay naaawa at nagbibigay ng sagana.
22 Ang mga pinagpapala ng Panginoon ay patuloy na titira sa lupain ng Israel.
Ngunit silang mga isinumpa niya ay palalayasin.
23 Ginagabayan ng Panginoon ang bawat hakbang ng taong matuwid na ang buhay ay nakakalugod sa kanya.
24 Matisod man siyaʼy hindi siya mabubuwal,
dahil hinahawakan siya ng Panginoon.
25 Akoʼy naging bata at ngayoʼy matanda na,
ngunit hindi ko pa nakita kahit kailan na ang matuwid ay pinabayaan ng Panginoon
o ang kanya mang mga anak ay namalimos ng pagkain.
26 Ang matuwid ay palaging nagbibigay at nagpapahiram,
at ang kanilang mga anak ay nagiging pagpapala sa iba.
27 Iwasan ang masama at gawin ang mabuti;
nang sa gayon ay manahan ka sa lupain magpakailanman.
28 Dahil ang nais ng Panginoon ay katarungan,
at ang mga taong tapat sa kanya ay hindi niya pinapabayaan.
Silaʼy iingatan niya magpakailanman.
Ngunit ang lahi ng mga taong masama ay mawawala.
29 Ang mga matuwid ay mananahan magpakailanman sa lupain ng Israel na sa kanilaʼy ipinamana.
30 Ang taong matuwid ay nagsasalita ng tama, at may karunungan.
31 Ang Kautusan ng Dios ay iniingatan niya sa kanyang puso,
at hindi niya ito sinusuway.
32 Ang mga taong masamaʼy laging nagbabantay
upang salakayin at patayin ang taong may matuwid na pamumuhay.
33 Ngunit hindi pababayaan ng Panginoon ang taong matuwid
sa kamay ng kanyang mga kaaway,
o parurusahan man kapag siyaʼy hinatulan.
34 Magtiwala ka sa Panginoon at sundin mo ang kanyang pamamaraan.
Pararangalan ka niya at patitirahin sa lupain ng Israel,
at makikita mong itataboy niya ang mga taong masama.
35 Nakita ko ang masamang tao na nang-aapi.
Gusto niyang kilalanin siyang mataas kaysa sa iba,
katulad ng mataas na punongkahoy ng Lebanon.
36 Nang siyaʼy aking balikan, siyaʼy wala na;
hinanap ko siya ngunit hindi ko na nakita dahil siyaʼy patay na.
37 Tingnan mo ang taong totoo at matuwid.
May magandang kinabukasan at may tahimik na pamumuhay.
38 Ngunit lilipulin ang lahat ng masama,
at ang kinabukasan nila ay mawawala.
39 Ang kaligtasan ng mga matuwid ay mula sa Panginoon.
Siya ang nag-iingat sa kanila sa panahon ng kaguluhan.
40 Tinutulungan sila ng Panginoon at inililigtas sa mga taong masama,
dahil silaʼy humihingi ng kanyang kalinga.
24 Kaya nagtago si David sa bukid, at nang dumating ang Pista ng Pagsisimula ng Buwan, umupo si Haring Saul para kumain. 25 Doon siya umupo sa dati niyang inuupuan sa tabi ng dingding. Si Jonatan naman ay naupo sa tapat niya at si Abner sa tabi niya. Pero bakante ang upuan ni David. 26 Nang araw na iyon, hindi nagsalita si Saul tungkol sa pagkawala ni David dahil inisip niya na baka may nagawa si David na nagparumi sa kanya kaya hindi siya nakapunta.
27 Pero nang sumunod na araw, ang ikalawang araw ng buwan, bakante pa rin ang upuan ni David. Kaya tinanong ni Saul si Jonatan, “Bakit hindi pumupunta rito si David na anak ni Jesse para makisalo sa atin kahapon at ngayon?” 28 Sumagot si Jonatan, “Nagpaalam po siya sa akin na uuwi muna siya sa Betlehem. 29 Sabi po kasi niya, ‘Inutusan ako ng kapatid ko na sumama muna ako sa aking pamilya na maghandog, kaya humihingi ako ng pabor sa iyo, payagan mo akong makita ang aking mga kapatid.’ Iyan po ang dahilan kung bakit hindi nʼyo siya kasalo.” 30 Galit na galit si Saul kay Jonatan. Sinabi niya, “Isa kang suwail na anak! Alam kong kinakampihan mo si David. Ipinahiya mo ang iyong sarili at ang iyong ina. 31 Habang nabubuhay si David na anak ni Jesse, hindi ka magiging hari. Kaya kunin mo siya ngayon at dalhin sa akin. Dapat siyang mamatay.” 32 Nagtanong si Jonatan, “Bakit po ba kailangan siyang patayin? Ano po ba ang ginawa niya?” 33 Pero sa halip na sumagot, sinibat ni Saul si Jonatan para patayin. Kaya nalaman niya na desidido ang kanyang ama na patayin si David. 34 Dahil sa sobrang galit, umalis sa hapag-kainan si Jonatan, at hindi na siya kumain nang araw na iyon dahil masamang-masama ang loob niya sa kahiya-hiyang inasal ng kanyang ama kay David.
35 Kinaumagahan, pumunta si Jonatan sa bukid para makipagkita kay David gaya ng napagkasunduan. May kasama siyang batang lalaki. Sinabi niya sa bata, 36 “Tumakbo ka na at hanapin mo ang mga palasong ipapana ko.” Kaya tumakbo ang bata at pumana si Jonatan sa unahan nito. 37 Nang dumating ang bata sa lugar na binagsakan ng palaso, sumigaw si Jonatan, “Nasa banda pa roon ang mga palaso. 38 Magmadali ka. Pulutin mo!” Pinulot ng bata ang mga palaso at bumalik sa kanyang amo. 39 Walang kaalam-alam ang bata kung ano ang kahulugan ng mga pangyayari. Sina David at Jonatan lang ang nakakaalam. 40 Pagkatapos, ibinigay ni Jonatan ang mga palaso sa bata at sinabi, “Dalhin mo ito pabalik sa bayan.”
41 Nang makaalis na ang bata, lumabas si David sa batong pinagtataguan niya at lumuhod sa harap ni Jonatan ng tatlong beses na ang mukhaʼy nakadikit sa lupa bilang paggalang. Niyakap[a] nila ang isaʼt isa na kapwa umiiyak, pero mas malakas ang iyak ni David. 42 Sinabi ni Jonatan kay David, “Sige, sanaʼy maging matiwasay ang iyong paglalakbay. At sanaʼy tulungan tayo ng Panginoon na matupad ang mga sumpaan natin sa isaʼt isa, hanggang sa mga magiging angkan natin.” Lumakad na si David, at si Jonatan namaʼy bumalik sa bayan.
Ipinadala sina Bernabe at Saulo ng Banal na Espiritu
13 Doon sa Antioc ay may mga propeta at mga tagapagturo na miyembro ng iglesya. Silaʼy sina Bernabe, Simeon na tinatawag na Negro, Lucius na taga-Cyrene, Manaen na kababata[a] ni Gobernador Herodes, at si Saulo. 2 Habang sumasamba sila sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanila, “Italaga ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo, dahil may ipapagawa ako sa kanila.” 3 Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, pinatungan nila sina Bernabe at Saulo ng kanilang mga kamay at pinaalis na sila.
Ang Unang Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero
4 Kaya pumunta sina Bernabe at Saulo sa Seleucia ayon sa sinabi ng Banal na Espiritu. Mula roon, naglayag sila patungo sa isla ng Cyprus. 5 Pagdating nila roon sa bayan ng Salamis, nangaral sila ng salita ng Dios sa mga sambahan ng mga Judio. Kasama rin nila si Juan Marcos at tumutulong siya sa kanilang gawain. 6 Inikot nila ang buong isla hanggang sa nakarating sila sa bayan ng Pafos. May nakita sila roon na isang Judiong salamangkero na nagkukunwaring propeta ng Dios. Ang pangalan niya ay Bar Jesus. 7 Kaibigan siya ni Sergius Paulus, ang matalinong gobernador ng islang iyon. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo dahil gusto niyang makinig ng salita ng Dios. 8 Pero hinadlangan sila ng salamangkerong si Elimas. (Ito ang pangalan ni Bar Jesus sa wikang Griego.) Ginawa niya ang lahat ng paraan para huwag sumampalataya ang gobernador kay Jesus. 9 Pero si Saulo na tinatawag ding Pablo ay napuspos ng Banal na Espiritu, at tinitigan niyang mabuti si Elimas, at sinabi, 10 “Anak ka ng diyablo! Kalaban ka ng lahat ng mabuti! Panay pandaraya at panloloko ang ginagawa mo. Lagi mo na lang binabaligtad ang mga tamang pamamaraan ng Panginoon. 11 Parurusahan ka ngayon ng Panginoon. Mabubulag ka at hindi makakakita sa loob ng ilang araw.” Dumilim kaagad ang paningin ni Elimas at nabulag siya. Pakapa-kapa siyang nanghagilap ng taong aakay sa kanya. 12 Nang makita ng gobernador ang nangyari kay Elimas, sumampalataya siya, at namangha sa mga katuruan tungkol sa Panginoon.
Ang Tanong tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)
23 Isang Araw ng Pamamahinga, habang dumadaan sina Jesus sa triguhan, nagsimulang mamitas ng trigo ang mga tagasunod niya. 24 Kaya sinabi sa kanya ng mga Pariseo, “Tingnan mo ang mga tagasunod mo! Bakit nila ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?” 25 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nʼyo ba nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David at ng mga kasama niya nang magutom sila at walang makain? 26 Pumasok si David sa bahay ng Dios noong si Abiatar ang punong pari. Kinain ni David ang tinapay na inihandog sa Dios, at binigyan pa niya ang mga kasamahan niya, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain nito.” 27 At sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ginawa ang Araw ng Pamamahinga para sa ikabubuti ng tao. Hindi ginawa ang tao para sa ikabubuti ng Araw ng Pamamahinga. 28 Kaya ako na Anak ng Tao ang makapagsasabi kung ano ang nararapat gawin sa Araw ng Pamamahinga.”
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(B)
3 Muling pumasok si Jesus sa sambahan ng mga Judio. May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. 2 Araw ng Pamamahinga noon, kaya binantayang mabuti ng mga Pariseo si Jesus kung pagagalingin niya ang lalaking iyon, upang may maiparatang sila laban sa kanya. 3 Sinabi ni Jesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa harapan.” 4 Pagkatapos, tinanong niya ang mga Pariseo, “Alin ba ang ipinapahintulot ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” Pero hindi sila sumagot. 5 Galit silang tiningnan ni Jesus, pero nalungkot din siya sa katigasan ng kanilang mga puso. Bumaling siya sa lalaki at sinabi, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito. 6 Agad na umalis ang mga Pariseo at nakipagpulong sa mga tauhan ni Haring Herodes. Pinag-usapan nila kung paano nila ipapapatay si Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®