Book of Common Prayer
Panalangin ng Pagtitiwala sa Dios
16 O Dios, ingatan nʼyo po ako,
dahil sa inyo ako nanganganlong.
2 Kayo ang aking Panginoon.
Lahat ng kabutihang nakamtan ko ay mula sa inyo.
3 Tungkol sa inyong mga taong banal na nasa lupain ng Israel,
lubos ko silang kinalulugdan.
4 Ngunit ang mga sumusunod sa mga dios-diosan ay lalong mahihirapan.
Hindi ako sasama sa paghahandog nila ng dugo sa kanilang mga dios-diosan,
at ayaw kong banggitin man lang ang pangalan ng mga ito.
5 Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.
Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
6 Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin ay parang malawak na taniman, kahanga-hangang tunay.
Tunay na napakaganda ng kaloob na ibinigay nʼyo sa akin.
7 Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.
At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
8 Panginoon palagi ko kayong iniisip,
at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
9 Kayaʼt nagagalak ang puso ko,
at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10 Sapagkat hindi nʼyo pababayaan na ang aking kaluluwa ay mapunta sa lugar ng mga patay;
hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan ang matapat nʼyong lingkod.
11 Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay na puno ng kasiyahan,
at sa piling nʼyo, aking matatagpuan ang ligayang walang hanggan.
Ang Dalangin ng Taong Matuwid
17 O Panginoon, pakinggan nʼyo ang taimtim kong dalangin.
Dinggin nʼyo po ang hiling kong katarungan.
2 Alam nʼyo kung sino ang gumagawa ng matuwid,
kaya sabihin nʼyo na wala akong kasalanan.
3 Siniyasat nʼyo ang puso ko, at kahit sa gabiʼy sinusubukan nʼyo ako,
ngunit wala kayong nakitang anumang kasalanan sa akin.
Napagpasyahan ko na hindi ako magsasalita ng masama
4 gaya ng ginagawa ng iba.
Dahil sa inyong mga salita,
iniiwasan ko ang paggawa ng masama at kalupitan.
5 Palagi kong sinusunod ang inyong kagustuhan,
at hindi ako bumabaling sa kaliwa o sa kanan man.
6 O Dios sa inyo akoʼy dumadalangin,
dahil alam kong akoʼy inyong diringgin.
Pakinggan nʼyo po ang aking mga hiling.
7 Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang gawa.
Alam ko, sa inyong kapangyarihan, inyong inililigtas ang mga taong nanganganlong sa inyo mula sa kanilang mga kaaway.
8 Ingatan nʼyo ako katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mga mata,
at kalingain nʼyo gaya ng pagtatakip ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
9 Ipagtanggol nʼyo po ako sa aking mga kaaway
na nakapaligid sa akin at pinagtatangkaan ang aking buhay.
10 Silaʼy mayayabang sa kanilang pagsasalita at mga walang awa.
11 Akoʼy hinanap nila at ngayoʼy kanilang napapaligiran.
Naghihintay na lamang sila ng pagkakataong itumba ako.
12 Para silang mga leon na kumukubli at nag-aabang,
at nakahandang sumakmal ng mga biktima.
13 Sige na po Panginoon, labanan nʼyo na at talunin sila.
At iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
14 Iligtas nʼyo ako sa mga makamundong tao na ang gusto lamang ay ang mga bagay ng sanlibutan.
Kaming mga minamahal nʼyo ay biyayaan nʼyo ng kasaganaan,
pati ang aming mga anak, hanggang sa aming kaapu-apuhan.
15 Dahil akoʼy matuwid, makikita ko kayo.
At sapat na sa akin ang makita ka sa aking paggising.
Panawagan sa Dios para Tulungan
22 Dios ko! Dios ko! Bakit nʼyo ako pinabayaan?
Bakit kay layo nʼyo sa akin?
Dumadaing ako sa hirap, ngunit hindi nʼyo pa rin ako tinutulungan.
2 Dios ko, araw-gabiʼy tumatawag ako sa inyo,
ngunit hindi nʼyo ako sinasagot,
kaya wala akong kapahingahan.
3 Ngunit banal ka, at nakaluklok ka sa iyong trono,
at pinupuri ng mga Israelita.
4 Ang aming mga ninuno ay sa inyo nagtiwala,
at silaʼy inyong iniligtas.
5 Tinulungan nʼyo sila nang sila ay tumawag sa inyo.
Sila ay nagtiwala at hindi nabigo.
6 Akoʼy hinahamak at hinihiya ng mga tao.
Sinasabi nila na para akong higad at hindi tao.
7 Bawat makakita sa akin ay nangungutya, nang-aasar,
at iiling-iling na nagsasabi,
8 “Hindi baʼt nagtitiwala ka sa Panginoon,
bakit hindi ka niya iniligtas?
Hindi baʼt nalulugod siya sa iyo, bakit hindi ka niya tinulungan?”
9 Ngunit kayo ang naglabas sa akin sa sinapupunan ng aking ina,
at mula noong dumedede pa ako, iningatan nʼyo na ako.
10 Mula kapanganakan ko, nakadepende na ako sa inyo,
at mula noon, kayo lang ang aking Dios.
11 Kaya huwag nʼyo akong pababayaan,
dahil malapit nang dumating ang kaguluhan,
at wala na akong ibang maaasahan.
12 Napapaligiran ako ng maraming kaaway,
na para bang mababangis na mga toro mula sa Bashan.
13 Para rin silang mga leong umaatungal
at nakanganga na handa akong lapain.
14 Nawalan ako ng lakas na parang tubig na ibinubuhos,
at ang aking mga buto ay parang nalinsad[a] lahat.
At nawalan ako ng lakas ng loob, para akong nauupos na kandila.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang tigang na lupa,
at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngala-ngala.
O Panginoon, pinabayaan nʼyo ako sa lupa na parang isang patay.
16 Pinaligiran ako ng mga taong masama na parang mga aso.
At binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Naglalabasan na ang lahat ng aking mga buto,
ngunit akoʼy kanilang tinitingnan lamang.
18 Ang aking mga damit ay kanilang pinaghati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan.
19 Ngunit kayo, Panginoon, huwag nʼyo akong lalayuan.
Kayo ang aking kalakasan;
magmadali kayo at akoʼy tulungan.
20 Iligtas nʼyo ang buhay ko sa espada ng aking mga kaaway na tulad ng mga pangil ng aso,
21 o mga kuko ng leon, o sungay ng toro. Sagutin nʼyo po ang aking dalangin.
22 Ikukuwento ko sa aking mga kababayan ang lahat ng tungkol sa inyo.
At sa gitna ng kanilang pagtitipon, kayo ay aking papupurihan.
23 Kayong may takot sa Panginoon,
purihin ninyo siya!
Kayong mga lahi ni Jacob na siyang bayan ng Israel,
parangalan ninyo siya
at matakot kayo sa kanya!
24 Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap.
Hindi niya sila tinatalikuran,
sa halip ay pinakikinggan pa niya ang kanilang mga pagtawag.
25 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kasiglahan na magpuri sa inyo sa gitna ng buong sambayanan.
Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26 Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
Sanaʼy sumakanila ang mabuti at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao sa buong mundo,
at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28 sapagkat kayo ang naghahari,
at namumuno sa lahat ng bansa.
29 Kaya magdiriwang at sasamba sa inyo ang lahat ng mayayaman sa buong mundo.
Luluhod sa inyo ang lahat ng mga mortal, ang mga babalik sa alikabok.
30 Ang susunod na salinlahi ay maglilingkod sa inyo.
At tuturuan nila ang kanilang mga anak ng tungkol sa inyo, Panginoon.
31 Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak ay malalaman ang mga ginawa nʼyo,
at maging ang pagliligtas nʼyo sa inyong mga mamamayan.
17 Isang araw, sinabi ni Jesse kay David, “Anak, dalhin mo agad itong kalahating sako ng binusang trigo at sampung pirasong tinapay sa mga kapatid mo na nasa kampo. 18 Dalhin mo rin itong sampung pirasong keso sa pinuno ng hukbo. Kumustahin mo rin ang kalagayan ng mga kapatid mo roon. At sa pagbalik mo rito, magdala ka ng katunayan na mabuti ang kalagayan nila. 19 Naroon sila ngayon sa Lambak ng Elah at nakikipaglaban sa mga Filisteo kasama ni Saul at ng iba pang mga Israelita.” 20 Kaya kinabukasan, madaling-araw pa lang ay bumangon na si David at inihanda ang mga pagkaing dadalhin niya. Iniwan niya ang mga tupa sa isang pastol at siyaʼy umalis ayon sa iniutos ni Jesse. Nang dumating siya sa kampo ng mga Israelita, palabas na ang mga sundalong nagsisigawan para makipaglaban. 21 Maya-maya, magkaharap na ang mga Israelita at mga Filisteo na handa nang maglaban. 22 Iniwan ni David ang mga dala-dala niya sa tagapag-asikaso ng mga kailangan ng hukbo, at tumakbo siya sa lugar ng labanan at kinamusta ang mga kapatid niya. 23 Habang kinakausap niya sila, lumabas si Goliat, ang mahusay na mandirigma na taga-Gat, at pumunta sa unahan ng mga Filisteo, at hinamon na naman niya ang mga Israelita. Narinig ito ni David. 24 Nang makita ng mga Israelita si Goliat, nagtakbuhan sila sa sobrang takot. 25 Nag-usap-usap sila, “Nakita ba ninyo ang lalaking iyon na sumusugod para hamunin ang Israel? Bibigyan ng hari ng malaking gantimpala ang sinumang makakapatay sa kanya. Hindi lang iyan, ibibigay pa niya rito para maging asawa ang isa sa mga anak niyang babae, at ang buo niyang sambahayan ay hindi na magbabayad ng buwis sa Israel.”
26 Nagtanong si David sa mga taong nakatayo malapit sa kanya, “Sino ba ang Filisteong iyon na hindi nakakakilala sa Dios[a] na humahamon sa mga sundalo ng buhay na Dios? Ano ba ang matatanggap ng taong makakapatay sa kanya para matigil na ang panghihiya niya sa Israel?” 27 At sumagot ang mga tao, “Tulad ng narinig mo, iyon nga ang gantimpala sa makakapatay kay Goliat.”
28 Nang marinig ito ni Eliab, ang nakatatandang kapatid ni David, na nakikipag-usap si David sa mga tao, nagalit siya. Sinabi niya kay David, “Bakit ka pumunta rito? Sino ang pinagbantay mo sa iilang tupa natin doon sa ilang? Akala mo kung sino ka. Alam ko kung gaano ka kayabang. Pumunta ka lang dito para manood ng labanan.” 29 Sinabi ni David, “Ano ba ang ginawa ko? Nagtatanong lang ako.” 30 Tinalikuran niya si Eliab at nagtanong sa iba para linawin ang mga nalaman niya kanina at ganoon din ang sagot na natanggap niya.
Nangaral si Pedro sa Bahay ni Cornelius
34 Kaya nagsalita si Pedro, “Ngayon alam ko nang walang pinapaboran ang Dios. 35 Kung ang tao ay may takot sa Dios at tama ang kanyang ginagawa, kahit ano ang lahi niyaʼy tatanggapin siya ng Dios. 36 Narinig ninyo ang Magandang Balita na ipinahayag ng Dios sa aming mga Israelita, na ang taoʼy magkakaroon na ng magandang relasyon sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo na siyang Panginoon ng lahat. 37-38 Alam din ninyo ang mga nangyari sa buong Judea tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Nagsimula ito sa Galilea matapos mangaral ni Juan tungkol sa bautismo. Binigyan ng Dios si Jesus ng Banal na Espiritu at kapangyarihan. At dahil kasama niya ang Dios, pumunta siya sa ibaʼt ibang lugar at gumawa ng kabutihan. Pinagaling niya ang lahat ng sinaniban at pinahirapan ng diyablo. 39 Kami mismo ay makakapagpatotoo sa lahat ng ginawa niya, dahil nakita namin ito sa Jerusalem at sa iba pang mga bayan ng mga Judio. Pinatay siya ng mga Judio sa pamamagitan ng pagpako sa krus. 40 Pero muli siyang binuhay ng Dios sa ikatlong araw at nagpakita sa amin na siyaʼy buhay. 41 Hindi siya nagpakita sa lahat kundi sa amin lamang na mga pinili ng Dios na maging saksi para ipamalita sa iba ang tungkol sa kanya. Nakasama pa nga namin siyang kumain at uminom pagkatapos na siyaʼy muling nabuhay. 42 Inutusan niya kaming mangaral ng Magandang Balita sa mga tao at magpatotoo na siya ang tunay na pinili ng Dios na maging tagahatol ng mga buhay at ng mga patay. 43 Si Jesu-Cristo ang tinutukoy ng lahat ng propeta nang ipahayag nila na ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay patatawarin sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”
Dumating ang Banal na Espiritu sa mga Hindi Judio
44 Habang nagsasalita pa si Pedro, napuspos ng Banal na Espiritu ang lahat ng nakikinig. 45 Ang mga mananampalatayang Judio na sumama kay Pedro mula sa Jopa ay namangha dahil ipinagkaloob din ng Dios ang Banal na Espiritu sa mga hindi Judio. 46 Dahil narinig nilang nagsasalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan at nagpupuri sila sa Dios. Kaya sinabi ni Pedro, 47 “Natanggap na nila ang Banal na Espiritu tulad natin kahit hindi sila mga Judio. Kaya wala nang makakapigil sa kanila para bautismuhan sila sa tubig.” 48 At iniutos ni Pedro na bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos noon, pinakiusapan nila si Pedro na manatili muna sa kanila ng ilang araw.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
1 1-2 Ito ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo na Anak ng Dios. Nagsimula ito nang matupad ang isinulat ni Propeta Isaias tungkol sa sinabi ng Dios sa kanyang Anak: “Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.[a] 3 Maririnig ang kanyang sigaw sa ilang, na nagsasabi,
‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon,
tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan.’ ”[b]
4-5 At natupad ito noong dumating si Juan na tagapagbautismo roon sa ilang. Napakaraming tao ang pumunta sa kanya galing sa Jerusalem at sa buong lalawigan ng Judea. Nangaral si Juan sa mga tao, “Magsisi kayo at talikdan ang inyong mga kasalanan; magpabautismo kayo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan.” Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at binautismuhan sila ni Juan sa Ilog ng Jordan. 6 Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyaʼy gawa sa balat ng hayop. Ang kanyang kinakain ay balang at pulot pukyutan. 7 Ito ang ipinapahayag niya, “May isang darating na kasunod ko, mas makapangyarihan siya kaysa sa akin at hindi man lang ako karapat-dapat na maging alipin niya.[c] 8 Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.”
Ang Pagbautismo at Pagtukso kay Jesus(B)
9 Sa panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret na sakop ng Galilea at nagpabautismo kay Juan sa Ilog ng Jordan. 10 Pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang langit at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu tulad ng isang kalapati. 11 At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.”
12 At noon din ay pinapunta siya ng Banal na Espiritu sa ilang. 13 Nanatili siya roon ng 40 araw na tinutukso ni Satanas. May mababangis na hayop doon, pero tinulungan si Jesus ng mga anghel.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®