Book of Common Prayer
8 Mag-ingat kayo upang huwag kayong maging bihag ng sinuman sa pamamagitan ng pilosopiya at walang kabuluhang pandaraya, batay sa tradisyon ng mga tao, batay sa mga mapamahiing aral ng sanlibutan, at hindi batay kay Cristo. 9 Sapagkat sa kanya ay naninirahan ang kabuuan ng kalikasan ng pagka-Diyos sa anyong katawan. 10 At kayo'y ginawang buung-buo dahil sa pakikipag-isa ninyo na siyang ulo ng lahat ng pamunuan at pamamahala. 11 Sa kanya ay nakaranas kayo ng pagtutuling hindi ginamitan ng mga kamay, sa pamamagitan ng pagwawaksi sa makasalanang hilig ng laman, sa pagtutuling ayon kay Cristo. 12 Yamang (A) inilibing kayong kasama niya sa bautismo, kayo'y muling binuhay na kasama niya sa bisa ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na muling bumuhay sa kanya mula sa kamatayan. 13 At noong (B) kayo'y mga patay dahil sa inyong mga pagsuway at kayo'y nasa di-pagtutuli ng inyong laman, binuhay niya kayong kasama niya. Pinatawad niya tayo sa lahat ng ating mga pagsuway, 14 matapos pawiin ang nakasulat na katibayan laban sa atin na naglalaman ng ating pagkakautang. Pinawalang-bisa niya ito, matapos niyang ipako sa krus. 15 At matapos niyang tanggalan ng kapangyarihan ang mga pamunuan at mga pamamahala, sila'y inilantad niya sa madla upang ipakita ang kanyang pagwawagi laban sa kanila sa pamamagitan ng krus.
16 Kaya't (C) huwag ninyong hayaan ang sinuman na kayo'y hatulan sa mga bagay na may kinalaman sa pagkain at inumin, o sa kapistahan, o sa bagong buwan o sa mga araw ng Sabbath. 17 Ang mga ito ay anino lamang ng mga bagay na darating, ngunit ang totoong bagay ay kay Cristo. 18 Huwag ninyong hayaang mawalan kayo ng gantimpala sa pamamagitan ng huwad na pagpapakumbaba at pagsamba sa mga anghel. Pinanghahawakan ng gayong tao ang mga bagay na diumano'y kanyang nakita at nagmamalaki nang walang kadahilanan bunga ng kanyang makamundong pag-iisip. 19 Ang taong iyon ay hindi (D) nakaugnay kay Cristo, na siyang Ulo, na mula sa kanya ang buong katawan, na tinutustusan at pinagsasama-sama sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid, ay lumalaking paglagong naaayon sa Diyos.
Babala Laban sa Maling Turo
20 Kung kayo'y namatay kasama ni Cristo mula sa mga pamahiing aral ng sanlibutan, bakit nabubuhay pa kayo na parang saklaw pa rin ng sanlibutan? Bakit nagpapasakop kayo sa mga tuntuning, 21 “Bawal humipo, bawal tumikim, bawal humawak”? 22 Ang mga ito'y may kinalaman sa lahat ng mga bagay na nasisira pagkatapos gamitin. Ang mga ito'y mga utos ayon sa aral na nagmula sa mga tao. 23 Ang mga ito'y mayroong anyo ng karunungan na nakaugnay sa pagsambang itinakda ng sariling kagustuhan, sa pagpapakababa, at sa pagpapahirap sa katawan, ngunit wala namang halaga sa pagsupil sa hilig ng laman.
39 Sinabi pa niya sa kanila ang isang talinghaga, “Maaari bang akayin ng bulag ang kapwa bulag? Hindi kaya sila kapwa mahulog sa hukay? 40 Hindi makahihigit sa kanyang guro ang isang alagad; subalit ang sinumang sinanay nang lubos ay magiging tulad ng kanyang guro. 41 Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid gayong hindi mo napapansin ang troso sa iyong mata? 42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata,’ gayong ikaw mismo ay hindi nakakakita ng troso sa sarili mong mata? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata at makakakita ka nang mabuti sa pag-alis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid.”
Ang Punongkahoy at ang Bunga Nito(A)
43 “Walang mabuting punong namumunga ng masama. Gayon din naman, walang masamang punong namumunga ng mabuti. 44 Bawat puno ay nakikilala sa sarili nitong bunga. Sapagkat hindi makapipitas ng igos sa tinikan ni hindi rin makapipitas ng ubas sa dawagan. 45 Gumagawa ng kabutihan ang mabuting tao dahil sa mabuting kayamanan ng kanyang puso, ngunit ang masamang tao ay gumagawa ng masama dahil sa kanyang kasamaan. Sapagkat mula sa kayamanan ng puso ay nagsasalita ang bibig.”
Ang Dalawang Nagtayo ng Bahay(B)
46 “Bakit ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon! Panginoon!’ gayong hindi naman ninyo sinusunod ang inuutos ko? 47 Ipapakita ko sa inyo kung saan maihahalintulad ang lahat ng nagsisilapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at gumagawa nito. 48 Siya ay tulad ng isang taong sa pagtatayo ng kanyang bahay ay naghukay nang malalim at naglagay ng pundasyon sa ibabaw ng bato. Nang dumaan ang baha at humampas sa bahay na iyon ay hindi iyon natinag sapagkat mahusay ang pagkakatayo nito. 49 Ngunit ang nakarinig subalit hindi sumusunod sa mga ito at tulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay at itinayo ito sa lupang walang pundasyon. Kaya't nang hampasin ito ng agos ay agad na bumagsak. Malaki ang magiging sira ng bahay na iyon.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.