Book of Common Prayer
Ang Salita ng Buhay
1 Ipinaaalam namin sa inyo ang tungkol sa kanya na naroon na buhat pa sa simula—tungkol sa Salita ng buhay na aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming napagmasdan at nahawakan ng aming mga kamay. 2 Nahayag ang buhay na ito, nakita namin at pinapatotohanan. Ipinaaalam namin sa inyo ang nahayag sa amin—ang buhay na walang hanggan na kasama ng Ama. 3 Ang aming nakita at narinig ang ipinapahayag namin sa inyo, upang magkaroon din kayo ng pakikipagkaisa sa amin. Ang pakikipagkaisa nating ito ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. 4 Isinusulat namin ang mga ito upang maging lubos ang aming[a] kagalakan.
Ang Diyos ay Liwanag
5 Ang Diyos ay liwanag at sa kanya'y walang anumang kadiliman. Ito ang mensahe na narinig namin mula sa kanyang Anak na siya naman naming ipinahahayag sa inyo. 6 Kung sinasabi nating may pakikipagkaisa tayo sa kanya, subalit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi isinasagawa ang katotohanan. 7 Ngunit kung tayo'y namumuhay sa liwanag tulad niya na nasa liwanag, may pakikipagkaisa tayo sa isa't isa; ang dugo ng kanyang Anak na si Jesus ang naglilinis sa atin sa lahat ng kasalanan. 8 Kung sinasabi natin na wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. 9 Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at makatarungan na magpapatawad sa ating mga kasalanan at maglilinis sa atin mula sa lahat ng kasamaan. 10 Kung sinasabi natin na tayo'y hindi nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling, at ang kanyang salita ay wala sa atin.
Panalangin ni Jesus para sa mga Alagad
17 Matapos sabihin ni Jesus ang mga ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak, 2 kung paanong binigyan mo siya ng kapangyarihan sa lahat ng tao, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya. 3 (A)At ito ang buhay na walang hanggan, ang makilala ka nila na tanging tunay na Diyos at si Jesu-Cristo na iyong isinugo. 4 Niluwalhati kita sa lupa sa pagtupad ko sa gawaing ibinigay mo sa akin. 5 Kaya ngayon, Ama, sa iyong harapan ay luwalhatiin mo ako ng kaluwalhatiang taglay ko noong ako'y kasama mo bago pa man nagkaroon ng sanlibutan. 6 Inihayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at ibinigay mo sila sa akin, at sinunod nila ang iyong salita. 7 Ngayon, alam na nilang ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay galing sa iyo; 8 sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at tinanggap nila ang mga ito. Nalaman nilang totoo nga na ako'y mula sa iyo, at naniwala silang ako'y isinugo mo. 9 Nakikiusap ako para sa kanila. Hindi ako nakikiusap para sa sanlibutan, kundi para sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. 10 Lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang sa iyo ay sa akin; at ako ay naluluwalhati sa pamamagitan nila. 11 Wala na ako sa sanlibutan, ngunit sila ay nasa sanlibutan, at ako ay papunta na sa iyo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa pamamagitan ng iyong pangalan na ibinigay mo sa akin, upang sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.