Book of Common Prayer
2 Gaya ng mga sanggol, manabik kayo sa dalisay na gatas espirituwal, upang sa pamamagitan nito ay lumago kayo sa inyong karanasan ng kaligtasan, 3 yamang naranasan (A) na ninyo ang kabutihan ng Panginoon. 4 Sa paglapit ninyo sa kanya, ang batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin, 5 kayo mismo, tulad ng mga batong buháy, ay itinatayo bilang bahagi ng isang templong espirituwal upang maging mga paring itinalaga para sa Diyos. Kaya't mag-alay kayo ng mga espirituwal na handog na kalugud-lugod sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 6 Sapagkat (B) ito ang isinasaad ng kasulatan:
“Masdan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng isang batong panulok, pinili at mahalaga;
hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”
7 Ngayon, (C) sa inyong mga sumasampalataya, siya'y mahalaga; subalit sa mga hindi sumasampalataya,
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo
ang siyang naging batong panulok,”
8 at, (D)
“Isang batong katitisuran ng mga tao
at dahilan ng kanilang pagkadapa.”
Sila'y natisod dahil sa pagsuway nila sa salita, at iyon din naman ang kanilang kahihinatnan.
9 Ngunit (E) kayo'y isang lahing pinili, mga paring naglilingkod sa hari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos. Hinirang kayo upang inyong ipahayag ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na tumawag sa inyo mula sa kadiliman at nagdala sa inyo sa kanyang kahanga-hangang liwanag. 10 Noon ay (F) hindi kayo sambayanan, ngunit ngayo'y sambayanan kayo ng Diyos. Noon ay pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo'y kinahahabagan kayo.
Ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay
14 “Huwag ninyong hayaang mabagabag ang inyong kalooban. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi ito totoo, bakit ko pa sasabihin sa inyo na aalis ako upang ipaghanda kayo ng lugar? 3 At kung aalis ako at ipaghahanda kayo ng lugar para sa inyo, babalik ako at isasama ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako, naroon din kayo. 4 At nalalaman ninyo ang daan tungo sa pupuntahan ko.” 5 Sinabi ni Tomas, “Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo pupunta. Paano po namin malalaman ang daan?” 6 (A)Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makararating sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang Ama ko. Mula ngayon, siya'y kilala na ninyo at siya'y nakita na ninyo.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.