Book of Common Prayer
36 Kaya't dapat malaman ng buong sambahayan ng Israel, na itong si Jesus na inyong ipinako sa krus ay itinalaga ng Diyos na Panginoon at Cristo.” 37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig nila ang sinabi ni Pedro, kaya't nagtanong sila kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sumagot si Pedro, “Talikuran ninyo ang inyong kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang patawarin kayo, at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Banal na Espiritu. 39 Sapagkat para sa inyo ang pangako, at para sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, at sa lahat ng tatawagin ng ating Panginoong Diyos tungo sa kanya.” 40 Marami pang sinabi si Pedro bilang patunay upang sila'y himukin. Nakiusap siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa masamang lahing ito.” 41 Kaya't nagpabautismo ang tumanggap sa kanyang sinabi. At nang araw na iyon, may tatlong libong katao ang nadagdag sa mga alagad. 42 Masigasig silang nanatili sa mga turo ng apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa pananalangin.
Ang Buhay ng Magkakapatid
43 Naghari sa lahat ang takot, at maraming kababalaghan at himala ang naganap sa pamamagitan ng mga apostol. 44 At (A) nagsama-sama ang lahat ng mga mananampalataya at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 46 Araw-araw silang nagsasama-sama sa templo, at nagpuputul-putol ng tinapay sa bahay-bahay. Ginagawa nila ang mga ito nang may galak at bukás na kalooban. 47 Habang nagpupuri sila sa Diyos at kinalulugdan ng lahat ng mga tao, ay araw-araw namang idinaragdag ng Panginoon sa kanila ang kanyang mga inililigtas.
15 (A)“Kung minamahal ninyo ako, susundin ninyo ang aking mga utos. 16 At hihiling ako sa Ama, at bibigyan niya kayo ng isa pang Kaagapay na makakasama ninyo magpakailanman. 17 Ito ang Espiritu ng katotohanan na hindi kayang tanggapin ng sanlibutan sapagkat siya'y hindi nito nakikita o nakikilala. Kilala ninyo siya, dahil nananatili siya sa inyo, at siya ay sasainyo. 18 Hindi ko kayo iiwang parang mga ulila. Darating ako sa inyo. 19 Sandaling panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan, ngunit makikita ninyo ako. Dahil ako ay buháy, kayo rin ay mabubuhay. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyo na ako ay nasa Ama, at kayo ay nasa akin, at ako ay nasa inyo. 21 (B)Ang nagtataglay ng mga utos ko at tumutupad sa mga ito ay siyang nagmamahal sa akin. At siya na nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama. Mamahalin ko siya at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.” 22 Si Judas, hindi si Iscariote, ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, bakit po ninyo ihahayag ang inyong sarili sa amin, at hindi sa sanlibutan?” 23 Sumagot si Jesus sa kanya, “Sinumang nagmamahal sa akin ay tutupad sa aking salita, at mamahalin siya ng aking Ama. Darating kami sa kanya at maninirahan kaming kasama niya. 24 Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita, at ang salitang naririnig ninyo ay hindi sa akin, kundi mula sa Ama na nagsugo sa akin.
25 “Sinabi ko ang mga ito sa inyo habang kasama pa ninyo ako. 26 Subalit ang Kaagapay, ang Banal na Espiritu na isusugo ng Ama sa pangalan ko ay magtuturo sa inyo ng lahat, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng sinabi ko sa inyo. 27 Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi tulad ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag ninyong hayaang mabagabag ang inyong kalooban o kaya'y matakot. 28 Narinig ninyo na sinabi ko sa inyo, ‘Aalis ako, at darating ako sa inyo.’ Kung minamahal ninyo ako, magagalak kayo na pupunta ako sa Ama, sapagkat ang Ama ay higit na dakila kaysa akin. 29 At ngayon, sinabi ko na ito sa inyo, bago pa ito mangyari, upang kapag nangyari na ito, ay maniwala kayo. 30 Kaunti na lang ang masasabi ko sa inyo, dahil dumarating na ang pinuno ng sanlibutan. Ngunit wala siyang karapatan sa akin. 31 Ngunit upang malaman ng sanlibutan na minamahal ko ang Ama, ginagawa ko kung ano ang iniutos niya sa akin. Tumayo na kayo. Umalis na tayo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.