Book of Common Prayer
14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ang labing-isa, at nagpahayag sa malakas na tinig, “Mga kababayan kong Judio at mga naninirahan sa Jerusalem, unawain ninyo ito at makinig kayong mabuti sa sasabihin ko.
22 “Pakinggan ninyo ito, mga Israelita. Itong si Jesus na taga-Nazareth ay pinatunayan sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ng mga himala, mga kababalaghan at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat naganap ang mga ito sa gitna ninyo. 23 Sa mula't mula pa'y alam na at ipinasya na ng Diyos na ibigay sa inyo si Jesus. At ipinako ninyo siya sa krus at ipinapatay sa mga makasalanan. 24 Subalit ang Diyos ang muling bumuhay sa kanya, at nagpalaya sa kanya mula sa pagdurusa ng kamatayan, dahil wala naman itong kakayahang maghari sa kanya. 25 Gaya nga ng sinabi ni David tungkol sa kanya:
‘Noon pa'y nakita kong lagi kong kapiling ang Panginoon;
Siya'y kasama ko[a] kaya't hindi ako matitinag.
26 Dahil dito'y nagalak ang aking puso at sa dila ko'y nag-umapaw ang tuwa,
at ang aking katawan ay mabubuhay sa pag-asa.
27 Sapagkat ang kaluluwa ko'y hindi mo hahayaan sa kamatayan[b];
o ipahihintulot man lang na ang iyong Banal ay makaranas ng kabulukan.
28 Ipinakita mo sa akin ang mga daan ng buhay,
at sa piling mo'y mapupuno ako ng kagalakan.’
29 Mga kapatid, buong katiyakang sasabihin ko sa inyo na ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing. At ang libingan niya'y nasa atin hanggang ngayon. 30 Palibhasa'y propeta si David noong nabubuhay pa, nalalaman niya ang taimtim na pangako sa kanya ng Diyos: na magiging haring tulad niya ang isa mula sa kanyang angkan. 31 Nakita na at ipinahayag na ni David na muling bubuhayin ng Diyos ang Cristo nang kanyang sabihin:
‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay; ni ang katawan niya'y makaranas ng kabulukan.’
32 Ngayon, kaming lahat ay mga saksi na ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos.
Ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay
14 “Huwag ninyong hayaang mabagabag ang inyong kalooban. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi ito totoo, bakit ko pa sasabihin sa inyo na aalis ako upang ipaghanda kayo ng lugar? 3 At kung aalis ako at ipaghahanda kayo ng lugar para sa inyo, babalik ako at isasama ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako, naroon din kayo. 4 At nalalaman ninyo ang daan tungo sa pupuntahan ko.” 5 Sinabi ni Tomas, “Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo pupunta. Paano po namin malalaman ang daan?” 6 (A)Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makararating sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang Ama ko. Mula ngayon, siya'y kilala na ninyo at siya'y nakita na ninyo.” 8 Sinabi ni Felipe, “Panginoon, ipakita ninyo sa amin ang Ama, at sapat na iyon sa amin.” 9 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Matagal na tayong magkasama Felipe, at hindi mo pa rin ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. Bakit mo sinasabing, ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? 10 Hindi ba kayo naniniwalang ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay hindi galing sa akin; ang Amang nananahan sa akin ang gumagawa ng kanyang mga gawain. 11 Maniwala kayo sa akin na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin; ngunit kung hindi, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. 12 Tinitiyak ko sa inyo, ang sumasampalataya sa akin ay makagagawa rin ng mga bagay na ginagawa ko, at higit pa sa mga ito ang magagawa niya sapagkat ako'y pupunta sa Ama. 13 Gagawin ko anumang hilingin ninyo sa aking pangalan, upang ang Ama ay maluwalhati sa pamamagitan ng Anak. 14 Anuman ang hilingin ninyo sa aking pangalan, ako ang gagawa nito.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.