Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 16-17

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Miktam[a] ni David.

16 Ingatan mo sana ako, O Diyos, sa iyo ako nanganganlong at nagtitiwalang lubos.

Ang sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang Panginoon ko,
    kabutihang tinatamasa ko, lahat ay mula sa iyo.”

Mga lingkod ng Panginoon ay dakila't mararangal!
    Sila'y nagmumula sa iba't ibang bayan; ligaya ng sarili ang sila'y aking makapisan.

Ang mga bumabaling sa ibang diyos, sulirani'y sunud-sunod,
    sa mga paghahandog nila'y hindi ako sasama;
at sa kanilang mga diyos, ako'y hindi sasamba,
    hindi rin maglilingkod, ni pupuri sa kanila.

Ikaw lamang, Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
    lahat ng kailangan ko'y iyong ibinibigay,
    kinabukasan ko'y nasa iyong mga kamay.
Mga kaloob mo sa akin ay kahanga-hanga,
    napakaganda ng iyong pamana!

Pinupuri ko si Yahweh na sa aki'y pumapatnubay,
    at sa gabi, sa budhi ko siya ang gumagabay.
Alam(A) kong kasama ko siya sa tuwina;
    hindi ako matitinag pagkat kapiling siya.

Kaya't ako'y nagdiriwang, puso't diwa ko'y nagagalak,
    hindi ako matitinag sapagkat ako'y panatag.
10 Pagkat(B) di mo tutulutang ang mahal mo ay masadlak,
    sa daigdig ng mga patay at doon ay maagnas.
11 Ituturo mo ang landas na patungo sa buhay,
    sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;
    ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.

Panalangin ng Isang Walang Sala

Panalangin ni David.

17 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
    dinggin mo ako sa aking kahilingan;
    dalangin ko sana'y iyong pakinggan, sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.
Hahatol ka para sa aking panig,
    pagkat alam mo kung ano ang matuwid.

Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
    kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
    Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
    walang kasamaan maging sa aking bibig.
Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
    tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
    ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
    hindi ako lumihis doon kahit kailan.

Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
    kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
    at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.

Ako'y bantayan mo, ang paborito mong anak,
    at palagi mong ingatan sa lilim ng iyong pakpak;
    mula sa kuko ng masasama ako'y iyong iligtas.

Napapaligiran ako ng malulupit na kaaway,
10     mayayabang magsalita, suwail at matatapang;
11 saanman ako magpunta'y lagi akong sinusundan,
    naghihintay ng sandali na ako ay maibuwal.
12 Para silang mga leon, na sa aki'y nag-aabang,
    mga batang leon na nakahandang sumagpang.

13 Lumapit ka, O Yahweh, mga kaaway ko'y hadlangan,
    sa pamamagitan ng tabak, ako'y ipaglaban!
14 Sa lakas ng iyong bisig ako'y iyong isanggalang, sa ganitong mga taong sagana ang pamumuhay.
Ibagsak mo sa kanila ang parusang iyong laan,
    pati mga anak nila ay labis mong pahirapan
    at kanilang salinlahi sa galit mo ay idamay!

15 Dahil ako'y matuwid, ang mukha mo'y makikita;
    at sa aking paggising, sa piling mo'y liligaya.

Mga Awit 134-135

Paanyaya Upang Purihin ang Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

134 Lumapit kay Yahweh, at kayo'y magpuri,
    mga naglilingkod sa templo kung gabi.
Sa loob ng templo siya'y dalanginan,
    taas kamay na si Yahweh'y papurihan.
Pagpalain nawa kayo ni Yahweh, Diyos na lumikha ng langit at ng lupa;
    magmula sa Zion, ang iyong pagpapala.

Awit ng Pagpupuri

135 Purihin si Yahweh!

Ngalan niya ay purihin kayong mga lingkod niya.
    Kayong lahat na sa banal niyang templo'y pumapasok
    upang doon manambahan sa banal na bahay ng Diyos.
Si Yahweh ay papurihan pagkat siya ay mabuti,
    ang taglay niyang kabaitan ay marapat sa papuri.
Siya rin nga ang pumili kay Jacob na kanyang lingkod,
    ang Israel nama'y bansang pinili niya at kinupkop.

Nalalaman kong si Yahweh ang Diyos na dakila,
    higit siya sa alinmang diyus-diyosang naglipana;
anumang nais ni Yahweh sa langit man o sa lupa,
    at kahit sa karagatan, ang anumang panukala,
    ginaganap niya ito, sa sariling pagkukusa.
Nilikha niya itong ulap na laganap sa daigdig,
    maging bagyong malalakas na may kidlat na mabilis;
    sa kanya rin nagmumula itong hanging umiihip.

Pinuksa niya sa Egipto bawat anak na panganay,
    maging tao't maging hayop ang panganay ay namatay.
Nagpakita siya roon ng gawang kahanga-hanga,
    upang kanyang pagdusahin si Farao't kanyang bansa.
10 Marami rin naman siyang winasak na mga bansa,
    at maraming mga haring pawang bantog ang pinuksa.
11 Itong haring Amoreo na si Sihon ang pangalan,
    at ang haring ang ngala'y Og, isang haring taga-Bashan,
    at iba pang mga hari na pinuksa sa Canaan.
12 Ang lupain nila roon ay kinuha at sinamsam,
    ibinigay sa Israel, bayang kanyang hinirang.
13 Ang pangalan mo, O Yahweh, ay magpakailanman,
    lahat ng nilikha, Yahweh, hindi ka malilimutan.
14 Ikaw nama'y mahahabag sa lahat ng iyong lingkod,
    ang alipin ay lalaya sa kanilang pagkagapos.
15 Ang(A) mga diyos ng mga bansa'y gawa sa pilak at ginto,
    kamay ng mga tao ang humugis at bumuo.
16 Oo't mayro'n silang bibig, hindi naman maibuka,
    mga mata'y mayroon din, hindi naman makakita;
17 mayroon silang mga tainga, ngunit hindi makarinig,
    hindi sila humihinga, sa ilong man o sa bibig.
18 Ang gumawa sa kanila, at lahat nang nagtiwala,
    matutulad sa idolong sila na rin ang lumikha!

19 Si Yahweh ay papurihan, purihin siya, O Israel,
    maging kayong mga pari sa Diyos ay magpuri rin.
20 Si Yahweh ay papurihan, kayong lahat na Levita,
    lahat kayong sumasamba ay magpuring sama-sama.
21 Ang Diyos na nasa Zion ay sambahin at purihin,
    si Yahweh ay papurihan, sa templo sa Jerusalem.

Purihin si Yahweh!

Exodo 16:23-36

23 Ipinaliwanag(A) naman ni Moises sa kanila, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Bukas ay Araw ng Pamamahinga, araw na nakatalaga kay Yahweh. Lutuin na ninyo ngayon ang gusto ninyong lutuin. Ang hindi mauubos ay itira ninyo para bukas.’” 24 Tulad ng sinabi sa kanila ni Moises, nagtira sila para sa kinabukasan, at iyo'y hindi nasira at hindi inuod. 25 At sinabi ni Moises, “Ito ang kakainin ninyo ngayon. Ngayon ay Araw ng Pamamahinga; wala kayong makukuha niyan ngayon. 26 Anim na araw kayong mamumulot niyan; ngunit sa ikapito, sa Araw ng Pamamahinga, ay wala kayong makukuha.”

27 Ngunit nang ikapitong araw ay mayroon pa ring mga lumabas sa bukid para mamulot ngunit wala silang nakuha. 28 Kaya sinabi ni Yahweh kay Moises, “Hanggang kailan pa kayo susuway sa aking mga utos? 29 Tandaan ninyo na akong si Yahweh ang nagtakda sa inyo ng Araw ng Pamamahinga. Kaya, tuwing ikaanim na araw ay binibigyan ko kayo ng pagkain para sa dalawang araw. Sa ikapitong araw ay wala nang lalabas.” 30 At mula noon, nagpapahinga na lamang sila tuwing ikapitong araw.

31 Manna[a] (B) ang itinawag ng mga Israelita sa pagkaing pinupulot nila. Ito'y parang buto ng kulantro, maputi at lasang galyetas na minasa sa pulot. 32 Sinabi sa kanila ni Moises, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Kumuha kayo ng kalahating salop ng manna. Itatago ninyo ito upang makita ng inyong magiging mga anak at mga apo ang pagkaing ibinigay ko sa inyo nang ilabas ko kayo sa Egipto.’” 33 Sinabi(C) naman ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang banga at lagyan mo ng kalahating salop na manna. Pagkatapos, ialay mo sa harapan ni Yahweh upang itago para sa ating magiging mga anak at mga apo.” 34 Gaya ng iniutos ni Yahweh kay Moises, inilagay ni Aaron sa loob ng Kaban ng Tipan ang palayok ng manna. 35 Manna(D) ang kinain ng mga Israelita sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa dumating sila sa Canaan. (36 Ang isang salop ay katumbas ng higit sa apat na litro.)

1 Pedro 3:13-4:6

13 At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung masigasig kayo sa paggawa ng mabuti? 14 At(A)(B) sakali mang usigin kayo dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, pinagpala kayo! Huwag kayong matakot sa kanila at huwag kayong mabagabag. 15 Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang sumagot sa sinumang humihingi ng paliwanag sa inyo tungkol sa pag-asang nasa inyo. 16 Ngunit gawin ninyo ito nang mahinahon at may paggalang. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali bilang mga lingkod ni Cristo. 17 Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang ito'y ipahintulot ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay[a] nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo[b] sa Diyos. Siya'y pinatay sa laman, at muling binuhay sa espiritu. 19 Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. 20 Sila(C) ang mga espiritung ayaw sumunod noong matiyagang naghihintay ang Diyos nang panahon ni Noe, habang ginagawa nito ang daong. Doon ay iilang tao, walo lamang, ang nakaligtas sa tubig. 21 Ang tubig ay larawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Hindi nito nililinis ang dumi ng katawan; ito'y pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng bautismo sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo, 22 na umakyat sa langit at ngayo'y nasa kanan ng Diyos. Naghahari siya roon sa mga anghel at sa mga kapangyarihan sa langit.

Ang Panibagong Buhay

Yamang si Cristo'y nagtiis ng hirap noong siya'y nasa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtiis na ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan. Kaya nga mula ngayon ay mamuhay na tayong sumusunod sa kalooban ng Diyos, at hindi sa pagnanasa ng laman. Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga bagay na kinahuhumalingan ng mga Hentil: kahalayan, mga pagnanasa ng laman, paglalasing, walang habas na pagsasaya, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. Nagtataka nga sila kung bakit hindi na kayo sumasama ngayon sa kanilang magulong pamumuhay kaya kayo'y kinukutya nila, ngunit mananagot sila sa Diyos na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay. Ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay upang bagama't sila'y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.

Juan 16:1-15

16 “Sinabi ko ito sa inyo upang huwag ninyong talikuran ang inyong pananalig sa akin. Ititiwalag kayo sa mga sinagoga. Darating ang panahon na ang sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Diyos. At gagawin nila ito sapagkat hindi nila ako kilala, ni ang Ama. Subalit sinabi ko na ito sa inyo upang kapag dumating na ang oras na gagawin na nila ang mga ito, maaalala ninyo ang sinabi ko sa inyo tungkol sa kanila.”

Ang Gawain ng Espiritu Santo

“Hindi ko ito sinabi sa inyo noong una sapagkat kasama pa ninyo ako. Ngunit ngayo'y pupunta na ako sa nagsugo sa akin at wala ni isa man sa inyo ang nagtatanong kung saan ako pupunta. Ngayon sinabi ko na sa inyo, lubha naman kayong nalungkot. Subalit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan. Ang pag-alis ko'y sa ikabubuti ninyo, sapagkat hindi paparito sa inyo ang Patnubay kung hindi ako aalis. Ngunit pag-alis ko, isusugo ko siya sa inyo. Pagdating niya ay kanyang patutunayan na mali ang mga taga-sanlibutan tungkol sa kasalanan, tungkol sa katuwiran at tungkol sa paghatol ng Diyos. Patutunayan niya ang tungkol sa kanilang kasalanan sapagkat hindi sila naniwala sa akin. 10 Patutunayan niya ang tungkol sa katuwiran sapagkat ako'y pupunta sa Ama at hindi na ninyo makikita; 11 at ang tungkol sa paghatol ng Diyos, sapagkat hinatulan na ang pinuno ng sanlibutang ito.

12 “Marami pa akong sasabihin sa inyo subalit hindi pa ninyo kayang tanggapin sa ngayon. 13 Ngunit(A) pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan. Sapagkat ang sasabihin niya ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi ang kanyang narinig; at ipahahayag niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap. 14 Pararangalan niya ako sapagkat tatanggapin ng Espiritu mula sa akin ang ipahahayag niya sa inyo. 15 Ang lahat ng sa Ama ay sa akin, kaya ko sinabing tatanggapin ng Espiritu ang mula sa akin at ipahahayag niya ito sa inyo.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.