Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 136

Awit ng Pagpapasalamat

136 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Ang Panginoon ng mga panginoon ay ating pasalamatan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

Dakilang himala at kababalaghan, tanging kanya lamang.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Itong(B) kalangitan kanyang ginawa nang buong kahusayan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Nilikha(C) ang lupa at pati ang tubig nitong kalaliman.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Siya(D) ang lumikha, siya ang gumawa, ng araw at buwan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Nilikha ang araw upang sa maghapon ay siyang tumanglaw.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
At kanyang nilikhang pananglaw kung gabi, bituin at buwan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

10 Ang(E) mga panganay ng mga Egipcio ay kanyang pinatay.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
11 Mula(F) sa Egipto kanyang inilabas ang bayang hinirang.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
12 Ang ginamit niya'y mga kamay niyang makapangyarihan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
13 Ang(G) Dagat na Pula,[a] kanyang inutusan at nahati naman.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
14 Ang pinili niyang bayan ng Israel ay doon dumaan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
15 Ngunit nilunod niya itong Faraon at hukbong sandatahan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

16 Nang mailabas na'y siya ang kasama habang nasa ilang.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
17 Pinagpapatay niya yaong mga haring may kapangyarihan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
18 Maging mga haring bantog noong una ay kanyang pinatay.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
19 Siya(H) ang pumatay sa haring Amoreo, ang haring si Sihon.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
20 Siya(I) rin ang pumatay sa bantog na si Og, ang hari ng Bashan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
21 Ang lupain nila'y ipinamahagi sa kanyang hinirang.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
22 Ipinamahagi niya sa Israel, bayang minamahal.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

23 Di niya nilimot nang tayo'y malupig ng mga kaaway.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
24 Pinalaya tayo, nang tayo'y masakop ng mga kalaban.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
25 Lahat ng pagkain ng tao at hayop, siya'ng nagbibigay.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

26 Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

Mga Awit 118

Awit ng Pagtatagumpay

118 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
Kayong mga pari
ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay:
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

Lahat ng may takot
kay Yahweh, dapat magpahayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
Nang ako'y magipit,
ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag;
sinagot niya ako't kanyang iniligtas.
Kung(B) itong si Yahweh
ang aking kasama at laging kapiling,
walang pagkatakot sa aking darating.
Si Yahweh ang siyang
sa aki'y tumutulong laban sa kaaway,
malulupig sila't aking mamamasdan.
Higit na mabuti
na doon kay Yahweh magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.

10 Sa aking paligid
laging gumagala ang mga kaaway,
winasak ko sila
at lakas ni Yahweh ang naging patnubay.
11 Kahit saang dako
ako naroroon ay nakapaligid,
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig.
12 Ang katulad nila
ay mga bubuyog na sumasalakay,
dagliang nasunog, sa apoy nadarang;
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ang aking sanggalang.
13 Sinalakay ako't
halos magtagumpay ang mga kaaway,
subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan.
14 Si(C) Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.

15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”

17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh,
taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.

19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.

20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!

21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.

22 Ang(D) (E) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
25 Kami(F) ay iligtas,
tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas!
At pagtagumpayin sa layuni't hangad.

26 Pinagpala(G) ang dumarating sa pangalan ni Yahweh;
magmula sa templo,
mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
27 Si Yahweh ang Diyos,
pagkabuti niya sa mga hinirang.
Tayo ay magdala
ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang,
at tayo'y lumapit sa dambanang banal.

28 Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako'y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
29 O pasalamatan
ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.

Exodo 13:1-2

Ang Pagtatalaga sa Panganay

13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ilaan(A) ninyo sa akin ang mga panganay sapagkat akin ang lahat ng panganay na lalaki sa Israel, maging tao o hayop.”

Exodo 13:11-16

Ang mga Panganay na Lalaki

11 “Dadalhin kayo ni Yahweh sa lupain ng mga Cananeo, sa lupaing ipinangako niya sa inyo at sa inyong mga ninuno. Pagdating doon, 12 ibukod(A) ninyo para sa kanya ang lahat ng panganay na lalaki. Kanya rin ang lahat ng panganay na lalaki ng inyong mga hayop. 13 Lahat ng panganay na lalaki ng mga asno ay tutubusin ninyo ng tupa; kung ayaw ninyong tubusin, baliin ninyo ang leeg nito. Tutubusin din ninyo ang mga anak ninyong panganay. 14 Darating ang araw na itatanong ng inyong mga anak kung bakit ninyo ginagawa ito. Sabihin ninyo sa kanila na kayo'y iniligtas ni Yahweh mula sa pagkaalipin sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 15 Sabihin ninyo na nang magmatigas ang Faraon at ayaw kayong payagang umalis sa Egipto, pinatay ni Yahweh ang lahat nilang panganay, maging tao o hayop. Ito ang dahilan kaya ninyo inihahandog sa kanya ang lahat ng panganay na lalaki, ngunit ang anak ninyong panganay ay inyong tinutubos. 16 Ang paghahandog na ito'y magsisilbing palatandaan, tulad ng tatak sa inyong kamay o sa inyong noo; ito'y pag-alala sa ginawa ni Yahweh nang kayo'y ilabas niya sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.”

1 Corinto 15:51-58

51 Isang(A) hiwaga ang sinasabi ko sa inyo, hindi lahat tayo'y mamamatay ngunit lahat tayo'y babaguhin, 52 sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat. 53 Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay. 54 Kapag(B) ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!”

55 “Nasaan,(C) O kamatayan, ang iyong tagumpay?
    Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?”

56 Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan.

57 Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!

58 Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo palagi sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya.

Lucas 24:1-12

Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)

24 Maagang-maaga pa ng araw ng Linggo, ang mga babae ay nagbalik sa libingan, dala ang mga pabangong inihanda nila. Nang dumating sila doon, nakita nilang naigulong na ang batong nakatakip sa libingan. Ngunit nang pumasok sila, wala roon ang bangkay ng Panginoong Jesus. Samantalang nagtataka sila kung ano ang nangyari, biglang lumitaw sa tabi nila ang dalawang lalaking nakakasilaw ang damit. Dahil sa matinding takot, sila'y nagpatirapa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa lugar ng mga patay? Wala(B) siya rito, siya'y muling nabuhay! Alalahanin ninyo ang sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya, ‘Ang Anak ng Tao ay kailangang ipagkanulo sa mga makasalanan at ipako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.’”

Naalala nga ng mga babae ang mga sinabi ni Jesus noong una, kaya't umuwi sila at isinalaysay nila sa labing-isa at sa iba pa nilang kasamahan ang buong pangyayari. 10 Ang mga babaing ito'y sina Maria Magdalena, Juana, at Maria na ina ni Santiago; sila at ang iba pang mga babaing kasama nila ang nagbalita sa mga apostol. 11 Akala ng mga apostol ay kahibangan lamang ang kanilang sinasabi kaya ayaw nilang paniwalaan ang mga kababaihan. [12 Ngunit tumayo si Pedro at patakbong nagpunta sa libingan. Yumuko siya, at pagtingin sa loob ay wala siyang nakita kundi ang mga telang lino na ipinambalot kay Jesus. Kaya't umuwi siyang nagtataka sa nangyari.][a]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.