Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 40

Awit ng Pagpupuri

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

40 Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay,
    ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan;
sa balong malalim na lubhang maputik,
    iniahon niya at doo'y inalis.
Ligtas na dinala sa malaking bato,
    at naging panatag, taglay na buhay ko.
Isang bagong awit, sa aki'y itinuro,
    papuri sa Diyos, ang awit ng puso;
matatakot ang bawat makakasaksi,
    at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala,
    at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa;
    hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
Yahweh, aking Diyos, wala kang katulad
    sa maraming bagay na iyong ginanap;
kung pangahasan kong sabihin ang lahat,
    nangangamba akong may makalimutan.

Ang(A) mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
    hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob
    hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.
    Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto;
    nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
    aking itatago sa puso ang aral.”

Ang pagliligtas mo'y aking inihayag,
    saanman magtipon ang iyong mga anak;
    di ako titigil ng pagpapahayag.
10 Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi,
    di ko inilihim, hindi ko sinarili;
pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat,
    sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.

11 Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin;
    wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman.

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(B)

12 Kay rami na nitong mga suliranin,
    na sa karamiha'y di kayang bilangin.
Alipin na ako ng pagkakasala,
    na sa dami, ako'y di na makakita;
higit pa ang dami sa buhok sa ulo,
    kaya nasira na pati ang loob ko.
13 Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan! Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan.
14 Nawa ang may hangad na ako'y patayin,
    bayaang malito't ganap na talunin.
Yaong nagagalak sa suliranin ko,
    hiyain mo sila't bayaang malito!
15 Silang nangungutya sa aki'y bayaang
    manlumo nang labis, nang di magtagumpay!

16 Silang lumalapit sa iyo'y dulutan
    ng ligaya't galak na walang kapantay;
bayaang sabihing: “Si Yahweh ay Dakila!”
    ng nangaghahangad maligtas na kusa.

17 Ako ma'y mahirap at maraming kailangan,
    subalit hindi mo kinalilimutan.
Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas—
    Yahweh, aking Diyos, huwag ka nang magtagal!

Mga Awit 54

Panalangin Upang Saklolohan

Isang Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

54 Makapangyarihang Diyos, ako'y iligtas,
    ipagsanggalang mo ng iyong lakas.
Dinggin mo, O Diyos, aking panalangin,
    iyo ngang pakinggan, aking mga daing.
Ang nagmamataas ay laban sa akin,
    hangad ng malupit ang ako'y patayin,
    kanilang nilimot na ang Diyos ay sundin. (Selah)[b]

Batid kong ang Diyos ang siyang tutulong,
    tagapagsanggalang ko, aking Panginoon.
Ang hinahangad ko ay maparusahan sa gawang masama ang mga kaaway;
    ang Diyos na matapat, sila'y wawakasan.

Buong galak naman akong maghahandog
    ng pasasalamat kay Yahweh,
    dahilan sa kanyang kagandahang-loob.
Iniligtas ako sa kabagabagan, iniligtas niya sa mga kaaway,
    at aking nakitang sila ay talunan!

Mga Awit 51

Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran

Awit(A) na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.

51 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
    sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
    ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan,
    at patawarin mo'ng aking kasalanan!

Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
    di ko malilimutan, laging alaala.
Sa(B) iyo lang ako nagkasalang tunay,
    at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
    marapat na ako'y iyong parusahan.
Ako'y masama na buhat nang isilang,
    makasalanan na nang ako'y iluwal.

Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
    puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
    at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
    butong nanghihina'y muling palakasin.
Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
    lahat kong nagawang masama'y pawiin.

10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
    bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
    iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
    ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
13 Kung magkagayon na, aking tuturuang
    sa iyo lumapit ang makasalanan.

14 Ingatan mo ako, Tagapagligtas ko
    at aking ihahayag ang pagliligtas mo.
15 Tulungan mo akong makapagsalita,
    at pupurihin ka sa gitna ng madla.

16 Hindi mo na nais ang mga handog;
    di ka nalulugod, sa haing sinunog;
17 ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
    ay ang pakumbaba't pusong mapagtapat.

18 Iyong kahabagan, O Diyos, ang Zion;
    at ang Jerusalem ay muling ibangon.
19 At kung magkagayon, ang handog na haing
    dala sa dambana, torong susunugin,
    malugod na ito'y iyong tatanggapin.

Exodo 34:18-35

18 “Ipagdiwang(A) ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tulad ng sinabi ko sa inyo, pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa sa unang buwan sapagkat iyon ang buwan ng pag-alis ninyo sa Egipto.

19 “Akin(B) ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao o hayop. 20 Ang(C) panganay na asno ay tutubusin ninyo ng tupa. Kung ayaw ninyong palitan, baliin ninyo ang leeg. Tutubusin din ninyo ng tupa ang mga panganay ninyong lalaki. Huwag kayong haharap sa akin nang walang dalang handog.

21 “Anim(D) na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw kayo'y magpapahinga maging ito ma'y panahon ng pagbubungkal ng lupa o ng pag-aani.

22 “Ipagdiriwang(E) ninyo ang Pista ng mga Sanlinggo, ang unang pag-aani ng trigo, gayon din ang Pista ng mga Tolda tuwing matatapos ang taon.

23 “Tatlong beses isang taon, ang mga lalaking Israelita ay haharap sa Panginoong Yahweh, ang Diyos ng Israel. 24 Kapag napalayas ko na ang mga taong daratnan ninyo at lubusan na ninyong nasakop ang kanilang lupain, wala nang sasalakay sa inyo sa mga araw na kayo'y haharap sa akin.

25 “Huwag(F) ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa ang hayop na ihahandog ninyo sa akin. Huwag din kayong magtitira ng anumang bahagi ng hayop na pinatay para sa Pista ng Paskwa.

26 “Dadalhin(G) ninyo bilang handog sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos ang inyong mga pinakamainam na unang ani ng inyong bukirin.

“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.”

27 Pagkatapos noon, sinabi niya kay Moises, “Isulat mo ang mga sinabi ko sapagkat ito ang mga tuntunin ng pakikipagtipan ko sa iyo at sa Israel.” 28 Si Moises ay apatnapung araw at apatnapung gabing kasama ni Yahweh, hindi kumakain o umiinom. Isinulat ni Yahweh sa mga tapyas na bato ang mga tuntunin ng tipan, ang sampung utos.

Bumabâ sa Bundok si Moises

29 Mula(H) sa Bundok ng Sinai, bumabâ si Moises na dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Hindi niya namamalayan na dahil sa pakikipag-usap niya kay Yahweh ay nagniningning pala ang kanyang mukha. 30 Nang makita ito ni Aaron at ng mga Israelita, natakot silang lumapit. 31 Ngunit tinawag sila ni Moises. Lumapit naman si Aaron at ang mga namumuno sa Israel at sila'y nag-usap. 32 Pagkaraan noon, lumapit kay Moises ang lahat ng Israelita at sinabi niya sa kanila ang mga utos na ibinigay sa kanya ni Yahweh sa Bundok ng Sinai. 33 Pagkasabi nito, tinalukbungan ni Moises ang kanyang mukha. 34 Tuwing makikipag-usap at haharap siya sa presensya ni Yahweh, inaalis niya ang takip ng kanyang mukha. Paglabas dito, sinasabi niya sa mga tao kung ano ang iniuutos ni Yahweh, 35 at makikita na naman nila na nagniningning ang kanyang mukha. Kaya't tatakpan niya muli ito hanggang sa muli niyang pakikipag-usap kay Yahweh.

1 Tesalonica 3

Kaya naman, nang hindi na kami makatiis, minabuti naming magpaiwan sa Atenas at(A) suguin sa inyo si Timoteo na ating kapatid at kamanggagawa para sa Diyos[a] sa pangangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. Isinugo namin siya upang patatagin kayo at palakasin ang inyong loob alang-alang sa inyong pananampalataya, upang hindi manghina ang sinuman sa inyo dahil sa mga pag-uusig. Alam ninyong ang mga pag-uusig ay bahagi ng kalooban ng Diyos para sa atin. Ipinagpauna na namin sa inyo noong naririyan pa kami na tayo'y uusigin, at gayon nga ang nangyayari tulad ng alam ninyo. Kaya nga, nang hindi na ako makatiis ay nagpadala ako riyan ng sugo upang alamin ang kalagayan ngayon ng inyong pananampalataya sa Panginoon. Nag-aalala ako na baka natukso na kayo ng diyablo, at kung magkagayo'y mawawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal.

Ngayon(B) ay nakabalik na rito si Timoteo, at maganda ang balita niya tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya na lagi ninyo kaming naaalala at malaki ang pananabik na makita kami, gaya ng pananabik naming makita kayo. Mga kapatid, dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo ay napasigla kami sa gitna ng aming pagkabalisa at mga hirap. Nabubuhayan kami ng loob kapag kayo'y nananatiling matatag sa pananampalataya. Paano kaya namin mapapasalamatan nang sapat ang Diyos dahil sa kagalakang natamo namin dahil sa inyo? 10 Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo'y muli naming makita at mapunuan ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya.

11 Loobin nawa mismo ng ating Diyos Ama at ng ating Panginoong Jesus na makapunta kami diyan sa inyo. 12 Nawa'y palaguin at pasaganain ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. 13 Nang sa gayo'y palalakasin niya ang inyong loob upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang lahat ng kanyang mga hinirang. [Amen.][b]

Mateo 5:27-37

Ang Katuruan Laban sa Pangangalunya

27 “Narinig(A) ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso. 29 Kung(B) ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. 30 Kung(C) ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.”

Paghihiwalay Dahil sa Pangangalunya(D)

31 “Sinabi(E) rin naman, ‘Kapag makikipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, ito'y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ 32 Ngunit(F) sinasabi ko sa inyo, kapag nakipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, maliban kung ito ay nakikiapid,[a] itinutulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya, at sinumang makipag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”

Katuruan tungkol sa Panunumpa

33 “Narinig(G) din ninyong sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.’ 34 Ngunit(H) sinasabi ko sa inyo, huwag kayong manunumpa kapag kayo'y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito'y trono ng Diyos; 35 o(I) kaya'y, ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito'y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito'y lungsod ng dakilang Hari. 36 Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo, sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. 37 Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.