Book of Common Prayer
Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
2 Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.
3 Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
4 Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
5 “Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
6 Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]
7 “Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
8 Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
9 bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.
12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
kayo'y aking ililigtas,
ako'y inyong pupurihin.”
16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
“Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.
19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[a] nang pamanmanan ni Saul ang kanyang bahay upang siya'y mapatay.
59 Sa aking kaaway,
iligtas mo ako, O aking Diyos;
ingatan mo ako kapag sila'y lumusob.
2 Sa masamang tao,
ako ay iligtas, at sa pumapatay
agawin mo ako at iyong ingatan.
3 Sila'y nag-aabang,
pagmasdan mo yaong taong mababagsik;
nagtipo't ang layon ako ay iligpit.
Ang dahilan nito,
di dahil sa ako'y may pagkakamali,
4 o may pagkukulang na ako ang sanhi;
O Diyos, masdan sila at nagdudumali.
5 Tulungan mo ako,
Yahweh, Makapangyarihang Diyos.
Ikaw ang magmasid, O Diyos ng Israel!
Ikaw ay gumising,
at ang mga bansa'y iyong parusahan;
yaong mga taksil, huwag mong kahabagan. (Selah)[b]
6 Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
7 Dinggin ang salita't
parang mga tabak ang dila ng bibig!
Ngunit nagtatanong:
“Sa amin ay sino ang makikinig?”
8 Ngunit ikaw, Yahweh,
tinatawanan mo't iyong kinukutya;
gayon ang gawa mo sa may salang bansa.
9 Ikaw, Panginoon,
ang aking Diyos, aking kalakasan;
ikaw ang muog ko at aking kanlungan.
10 Ako'y minamahal,
mahal ako ng Diyos, ako'y lalapitan
upang ipamalas ang kanyang paglupig sa mga kaaway.
11 Huwag mong papatayin,
nang di malimutan ng iyong mga lingkod.
Sa taglay mong lakas pangalatin sila at iyong isabog;
ikaw ang sanggalang, Yahweh, aming Diyos.
12 Sa kanilang labi'y
pawang kasamaan ang namumutawi;
sa pagmamataas, ang aking dalangin, sila ay mahuli,
pagkat sinungaling at sa pangungutya, sila'y nawiwili.
13 Wasakin mong lubos,
dahil sa iyong galit, ganap mong wasakin;
dito malalaman
ng lahat, na ika'y hari ng Israel,
at sa sansinukob ikaw ang hari din. (Selah)[c]
14 Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
15 Animo'y lagalag,
lakad lang nang lakad, pagkain ang hanap;
hindi masiyahan, kapag ang nakuha nila'y hindi sapat.
16 Ngunit aawit ako,
pagkat ang taglay mo'y pambihirang lakas,
sa tuwing umaga ang aawitin ko'y pag-ibig mong wagas;
pagkat ika'y muog, sa buhay kong ito,
at aking kanlungan kapag lugmok ako.
17 Pupurihin kita,
tagapagtanggol ko at aking kanlungan,
Diyos kong mapagmahal.
Panalangin Upang Iligtas
Upang(B) Awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Shushan Eduth.[d] Isang Miktam ni David, upang magamit sa pagtuturo, nang siya'y nakikipagdigma laban sa mga Arameong mula sa Naharaim at Zoba, at nang mapatay ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.
60 Kami'y iyong itinakwil, O Diyos, kami ay nilupig,
kami sana'y balikan mo kung ikaw man ay nagalit.
2 Yaong lupang sinaktan mo'y nanginginig na lupain,
bago lubos na mawasak, gamutin mo't pagalingin.
3 Labis na ang paghihirap nitong iyong mga lingkod,
lasing kami't langung-lango sa alak na iyong dulot.
4 Silang mga sumasamba, O Diyos, iyong hinudyatan,
upang sila'y makatakas sa kamay nitong kalaban. (Selah)[e]
5 Ang dalangin nami'y dinggin, sa lakas mo ay iligtas,
upang sila na mahal mo'y mahango sa paghihirap.
6 Sinabi nga nitong Diyos mula sa dako niyang banal,
“Hahatiin ko ang Shekem tanda ng pagtatagumpay;
ibibigay ko ang Sucot sa lingkod ko't mga hirang.
7 Ang Gilead at Manases, ang lugar na yao'y akin;
ang helmet na gagawin ko ay ang dako ng Efraim;
samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
8 Yaong bansa nitong Moab ay gagawin kong hugasan,
samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
at sa Filistia, tagumpay ko'y ipagsisigawan.”
9 Sa lunsod na kinutaan, sino'ng kasama, Panginoon?
Sino kayang magdadala sa akin sa lupang Edom?
10 Itinakwil mo ba kami, kami ba ay iniwan na?
Paano ang hukbo namin, sino ngayon ang sasama?
11 O Diyos, kami'y tulungan mo, laban sa aming kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan;
12 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.
Awit ng Paggunita sa Exodo
114 Ang(A) bayang Israel
sa bansang Egipto'y kanyang
inilabas,
nang ang lahing ito
sa bansang dayuhan lahat ay lumikas.
2 Magmula na noon
ang lupaing Juda'y naging dakong banal,
at bansang Israel
ginawa ng Diyos na sariling bayan.
3 Ang(B) Dagat ng Tambo,
nang ito'y makita, nagbigay ng daan,
magkabilang panig
ng Ilog ng Jordan ay tumigil naman.
4 Maging mga bundok,
katulad ng tupa, ay pawang nanginig,
pati mga burol,
nanginig na parang tupang maliliit.
5 Ano ang nangyari,
at ikaw, O dagat, nagbigay ng daan?
Ikaw, Ilog Jordan,
bakit ang tubig mo ay tumigil naman?
6 Kayong mga bundok,
bakit parang kambing na nagsisilundag?
Kayong mga burol,
maliit na tupa'y inyo namang katulad?
7 Ikaw, O daigdig,
sa harap ni Yahweh, ngayon ay manginig,
dapat kang matakot
sapagkat darating ang Diyos ni Jacob,
8 sa(C) malaking bato
nagpabukal siya ng saganang tubig,
at magmula roon
ang tubig na ito ay nagiging batis.
Awit para sa Iisa at Tunay na Diyos
115 Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan,
hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang;
walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan.
2 Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:
“Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.
3 Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin,
at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
4 Ginawa(D) sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos,
sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
5 Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita,
at hindi rin makakita, mga matang pinasadya;
6 di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga,
ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
7 Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam,
mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang,
ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang.
8 Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
9 Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
10 Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
11 Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
12 Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,
pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;
pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin.
13 Sa(E) lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala,
kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila.
14 Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,
anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.
15 Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,
pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.
16 Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan,
samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay.
17 Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,
niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.
18 Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,
siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.
Purihin si Yahweh!
Ang Pangalawang Tapyas na Bato(A)
34 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Tumapyas ka ng dalawang batong tulad noong una at isusulat ko roon ang nasa mga tapyas na batong binasag mo. 2 Bukas, gumayak ka nang maaga at magpunta ka sa akin sa taluktok ng Bundok ng Sinai. 3 Huwag kang magsasama kahit sino. Walang pupunta isa man sa bundok at ni isang tupa o baka ay huwag hahayaang manginain doon.” 4 Tulad ng sinabi ni Yahweh, si Moises ay tumapyas ng dalawang bato at dinala ang mga ito kinaumagahan sa Bundok ng Sinai.
5 Si Yahweh ay bumabâ sa ulap, tumayo sa tabi ni Moises at binanggit ang kanyang pangalan: Yahweh.
6 Si(B) Yahweh ay nagdaan sa harapan ni Moises at sinabi niya, “Akong si Yahweh ay mahabagin at mapagmahal. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako'y nananatiling tapat. 7 Tinutupad ko ang aking pangako maging sa libu-libo, at patuloy kong ipinapatawad ang kanilang kasamaan, pagsuway at pagkakasala. Ngunit hindi ko pinalalampas ang kasalanan ng ama at ang pagpaparusa ko'y hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”
8 At mabilis na lumuhod si Moises, at sumamba kay Yahweh. 9 Sinabi niya, “Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na po matigas ang ulo ng lahing ito. Patawarin na ninyo kami at tanggapin bilang inyong bayan.”
Inulit ang Tipan(C)
10 Sinabi ni Yahweh, “Makikipagkasundo akong muli sa bayang Israel. Sa harapan nilang lahat ay gagawa ako ng mga himalang hindi pa nangyayari sa daigdig kahit kailan. Dahil dito, makikita ng mga Israelita kung gaano ako kadakila. 11 Sundin ninyo ang mga iniutos ko ngayon at palalayasin ko sa pupuntahan ninyo ang mga Amoreo, Cananeo, Heteo, Perezeo, Hivita at mga Jebuseo. 12 Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga daratnan ninyo roon sapagkat iyon ang magiging patibong na ikapapahamak ninyo. 13 Sa(D) halip, sirain ninyo ang kanilang mga altar, durugin ninyo ang mga batong ginagamit nila sa kanilang pagsamba at ibuwal ang mga haliging kinikilala nilang sagrado.
14 “Huwag kayong sasamba sa ibang diyos sapagkat akong si Yahweh ay mapanibughuing Diyos. 15 Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tagaroon. Baka mahikayat nila kayong kumain ng mga handog sa kanilang mga diyus-diyosan kapag sila'y sumasamba sa mga ito. 16 Huwag ninyong hahayaan na ang mga anak ninyong lalaki ay mag-asawa ng babaing tagaroon. Baka mahikayat sila ng mga ito na maglingkod sa kanilang mga diyus-diyosan.
17 “Huwag(E) kayong gagawa ng diyus-diyosang metal at sasamba sa mga ito.
13 Kaya nga, palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos, sapagkat nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, hindi ninyo ito tinanggap bilang salita ng tao, kundi bilang tunay na salita ng Diyos, at ang bisa nito'y nakikita sa buhay ninyo na mga sumasampalataya. 14 Mga(A) kapatid, ang nangyari sa inyo ay tulad ng nangyari sa mga iglesya ng Diyos sa Judea, sa mga nananalig kay Cristo Jesus. Inuusig kayo ng inyong mga kababayan, tulad din ng mga taga-Judea na inusig ng kapwa nila Judio. 15 Ang(B) mga Judiong ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta. Sila rin ang umuusig sa amin. Nagagalit sa kanila ang Diyos at kaaway sila ng lahat ng tao! 16 Ang aming pangangaral sa mga Hentil upang ang mga ito'y maligtas ay kanilang hinahadlangan. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan, kaya't ngayon ay bumagsak na ang poot ng Diyos sa kanila.
Ang Hangad ni Pablo na Dalawin Silang Muli
17 At ngayon, mga kapatid, nang kami'y sandaling napahiwalay sa inyo, hindi sa alaala kundi sa paningin, labis kaming nangulila. Kaya't sabik na sabik na kaming makita kayong muli 18 at nais naming makabalik diyan. Ako mismong si Pablo ay makailang ulit na nagbalak dumalaw sa inyo, ngunit lagi kaming hinahadlangan ni Satanas. 19 Hindi ba't kayo ang aming pag-asa, kaligayahan, at ang koronang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesus pagparito niya? 20 Oo, kayo ang aming karangalan at kaligayahan.
Ang Katuruan tungkol sa Pagkagalit
21 “Narinig(A) ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ 22 Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Ulol ka!’ ay manganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno. 23 Kaya't kung mag-aalay ka ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Pagkatapos, magbalik ka at maghandog sa Diyos.
25 “Kung may ibig magsakdal sa iyo, makipag-ayos ka agad sa kanya bago makarating sa hukuman ang inyong kaso. Kung hindi ay dadalhin ka niya sa hukom, at ibibigay ka nito sa tanod, at ikukulong ka naman sa bilangguan. 26 Tandaan mo: hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang barya na dapat mong bayaran.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.