Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 1-4

UNANG AKLAT

Ang Tunay na Kagalakan

Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama,
    at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa.
    Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya
    at hindi nakikisangkot sa gawaing masama.
Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh.
    Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.
Katulad(A) niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan,
    laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon.
Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.

Hindi gayon ang sinumang gumagawa ng masama,
    ito ay tulad ng ipa, hangin ang siyang nagtatangay.
Sa araw ng paghuhukom, parusa niya'y nakalaan
    siya'y ihihiwalay sa grupo ng mga banal.
Sa taong matuwid, si Yahweh ang pumapatnubay,
    ngunit ang taong masama, kapahamakan ang hantungan.

Ang Haring Pinili ni Yahweh

Bakit(B) nagbabalak maghimagsik ang mga bansa?
    Sa sabwatan nilang ito'y anong kanilang mapapala?
Mga hari ng lupa'y nagkasundo at sama-samang lumalaban,
    hinahamon si Yahweh at ang kanyang hinirang:
Sinasabi nila: “Ang paghahari nila sa atin ay dapat nang matapos;
    dapat na tayong lumaya at kumawala sa gapos.”

Si Yahweh na nakaupo sa langit ay natatawa lamang,
    lahat ng plano nila ay wala namang katuturan.
Sa tindi ng kanyang galit, sila'y kanyang binalaan;
    sa tindi ng poot, sila'y kanyang sinabihan,
“Doon sa Zion, sa bundok na banal,
    ang haring pinili ko'y aking itinalaga.”

“Ipahahayag(C) ko ang sinabi sa akin ni Yahweh,
    ‘Ikaw ang aking anak,
    mula ngayo'y ako na ang iyong ama.
Hingin mo ang mga bansa't ibibigay ko sa iyo,
    maging ang buong daigdig ay ipapamana ko.
Dudurugin(D) mo sila ng tungkod na bakal;
    tulad ng palayok, sila'y magkakabasag-basag.’”

10 Kaya't magpakatalino kayo, mga hari ng mundo,
    ang babalang ito'y unawain ninyo:
11 Paglingkuran ninyo si Yahweh nang may takot at paggalang,
    sa paanan ng kanyang anak

12 yumukod kayo't magparangal,

baka magalit siya't bigla kayong parusahan.
Mapalad ang taong ang Diyos ang kanlungan.

Panalangin sa Umaga

Awit(E) ni David nang siya'y tumatakas mula kay Absalom.

O Yahweh, napakarami pong kaaway,
    na sa akin ay kumakalaban!
Ang lagi nilang pinag-uusapan,
    ako raw, O Diyos, ay di mo tutulungan! (Selah)[a]

Ngunit ikaw, Yahweh, ang aking sanggalang,
    binibigyan mo ako ng tagumpay at karangalan.
Tumatawag ako kay Yahweh at humihingi ng tulong,
    sinasagot niya ako mula sa banal na bundok. (Selah)[b]

Ako'y nakakatulog at nagigising,
    buong gabi'y si Yahweh ang tumitingin.
Sa maraming kalaba'y di ako matatakot,
    magsipag-abang man sila sa aking palibot.

Yahweh na aking Diyos, iligtas mo ako!
Parusahang lahat, mga kaaway ko,
    kapangyarihan nila'y iyong igupo.
Si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay;
    pagpalain mo nawa ang iyong bayan! (Selah)[c]

Panalangin sa Gabi

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng instrumentong may kuwerdas.

Sagutin mo po ang aking pagtawag,
    O Diyos, na aking kalasag!
Sa kagipitan ko, ako'y iyong tinulungan,
    kaawaan mo ako ngayon, dalangin ko'y pakinggan.

Kayong mga tao, hanggang kailan ninyo ako hahamakin?
    Ang walang kabuluhan at kasinungalingan,
    hanggang kailan ninyo iibigin? (Selah)[d]

Dapat ninyong malamang itinalaga ni Yahweh ang matuwid,
    kapag tumatawag ako sa kanya, siya'y nakikinig.

Huwag(F) hayaang magkasala ka nang dahil sa galit;
    sa iyong silid, pag-isipa't ika'y manahimik. (Selah)[e]
Nararapat na handog, inyong ialay,
    pagtitiwala n'yo'y kay Yahweh ibigay.

Tanong ng marami, “Sinong tutulong sa atin?”
    Ikaw, O Yahweh, ang totoong mahabagin!
Puso ko'y iyong pinuno ng lubos na kagalakan,
    higit pa sa pagkain at alak na inumin.

Sa aking paghiga, nakakatulog nang mahimbing,
    pagkat ikaw, Yahweh, ang nag-iingat sa akin.

Mga Awit 7

Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan

Shigaion[a] ni David na kanyang inawit kay Yahweh; patungkol kay Cus, na isang Benjaminita.

O Yahweh, aking Diyos, sa iyo ako lumalapit,
    iligtas mo ako sa mga taong sa aki'y tumutugis,
kundi, sila'y parang leon na lalapa sa akin
    kung walang magliligtas, ako nga ay papatayin.
O Yahweh, aking Diyos, kung ako ma'y nagkasala,
    at kung aking mga kamay ay puminsala sa iba,
    kung ako ay naging taksil sa tapat kong kaibigan,
    kung ako po'y naminsala o nang-api ng kaaway,
payag akong hulihin, patayin kung kailangan,
    iwan akong walang buhay at sa lupa'y mahandusay. (Selah)[b]

O Yahweh, bumangon ka, puksain mo ang kaaway,
    ako'y iyong ipagtanggol sa malupit nilang kamay!
    Gumising ka't sagipin mo, ako ngayon ay tulungan,
    dahil ang hangad mo'y maghari ang katarungan.
Tipunin mo sa iyong piling ang lahat ng mga bansa,
    at mula sa trono sa kaitaasan, ikaw, Yahweh, ang mamahala.
Sa lahat ng mga bayan, ikaw ang hukom na dakila,
    humatol ka sa panig ko sapagkat ako'y taong tapat.
Ikaw(A) ay isang Diyos na matuwid,
    batid mo ang aming damdamin at pag-iisip;
sugpuin mo ang gawain ng masasama,
    at ang mabubuti'y bigyan mo ng gantimpala.

10 Ang Diyos ang aking sanggalang;
    inililigtas niya ang may pusong makatarungan.
11 Ang Diyos ay isang hukom na makatarungan,
    at nagpaparusa sa masama sa bawat araw.
12 Kung di sila magbabago sa masasama nilang gawa,
    ang tabak ng Diyos ay kanyang ihahasa;
    pati ang kanyang pana ay kanyang ihahanda.
13 Mga pamatay na sandata ay kanyang itatakda,
    kanya ring iuumang ang mga palasong nagbabaga.

14 Pagmasdan mo ang masama, sa baluktot niyang isip,
    ipinaglilihi niya ang kalokohan at ipinanganganak niya ang kasamaan.
15 Humuhukay ng patibong para sa ibang tao,
    subalit siya rin mismo ang nahuhulog dito.
16 Siya rin ang may gawa sa parusang tinatanggap,
    sa sariling karahasan, siya ngayo'y naghihirap.

17 Pasasalamatan ko si Yahweh sa kanyang katarungan,
    aawitan ko ng papuri ang Kataas-taasan niyang ngalan.

Exodo 14:21-31

21 Itinapat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng dagat. Magdamag na pinaihip ni Yahweh ang isang malakas na hangin mula sa silangan at nahati ang tubig. 22 Ang(A) mga Israelita'y tumawid sa dagat na ang nilakara'y tuyong lupa, sa pagitan ng tubig na parang pader. 23 Hinabol sila ng mga Egipcio hanggang sa dagat. Ang mga ito'y mga kawal ng Faraon na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo. 24 Nang magbubukang-liwayway na, ang mga Egipcio'y ginulo ni Yahweh mula sa haliging apoy at ulap. 25 Napabaon[a] ang gulong ng mga karwahe at hindi na sila makahabol nang matulin. Kaya sinabi nila, “Umalis na tayo rito sapagkat si Yahweh na ang kalaban natin.”

26 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Itapat mo ang iyong tungkod sa ibabaw ng dagat at tatabunan ng tubig ang mga Egipcio pati ang kanilang mga karwahe.” 27 Ganoon nga ang ginawa ni Moises, at sa pagbubukang-liwayway, nanumbalik sa dati ang dagat. Ang mga Egipcio'y nagsikap makatakas ngunit pinalakas ni Yahweh ang pagdagsa ng tubig kaya't nalunod silang lahat. 28 Nang bumalik sa dati ang dagat, natabunan ang mga karwahe't kabayo ng Faraon, pati ang kanyang buong hukbo at wala ni isa mang natira. 29 Ngunit ang mga Israelita'y nakatawid sa dagat, na tuyong lupa ang dinaanan, sa pagitan ng tubig na parang pader.

30 Nang araw na iyon ang mga Israelita'y iniligtas ni Yahweh sa mga Egipcio; nakita nila ang bangkay ng mga Egipcio, nagkalat sa tabing dagat. 31 Dahil sa kapangyarihang ipinakita ni Yahweh laban sa mga Egipcio, nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya at sa lingkod niyang si Moises.

1 Pedro 1:1-12

Mula kay Pedro, isang apostol ni Jesu-Cristo—

Sa mga hinirang ng Diyos na nakikipamayan sa mga lalawigan ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia. Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang layunin sa mula't mula pa at pinabanal ng Espiritu Santo, upang maging masunurin kay Jesu-Cristo at nilinis sa pamamagitan ng kanyang dugo.

Sumagana nawa sa inyo ang kagandahang-loob at kapayapaan.

Isang Buháy na Pag-asa

Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa na magmamana tayo ng kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang nakahandang ihayag sa katapusan ng panahon.

Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang ginto, bagama't nasisira, ay pinapadaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay sinusubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. Hindi ninyo siya nakita ngunit siya'y inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong[a] pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong buhay.

10 Tungkol sa kaligtasang ito masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang nagpahayag tungkol sa pagpapalang nakalaan sa inyo. 11 Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang unang ipahayag nito ang hirap na titiisin ni Cristo at ang karangalang tatamuhin niya. 12 Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila ay para sa inyo, at hindi para sa kanila. Ang mga katotohanang ito'y narinig ninyo ngayon sa mga nangangaral ng Magandang Balita sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na isinugo mula sa langit. Maging ang mga anghel sa langit ay nanabik na maunawaan ang mga katotohanang ito.

Juan 14:1-17

Si Jesus ang Daan

14 “Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.”

Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?”

Sumagot(A) si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako'y kilala ninyo,[a] kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.”

Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.”

Sumagot si Jesus, “Kay tagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? 10 Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nananatili sa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. 12 Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. 13 At anumang hilingin ninyo sa pangalan ko ay gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa pamamagitan ng Anak. 14 Kung hihiling kayo ng anuman sa pangalan ko, ito ay aking gagawin.”

Ang Pangako tungkol sa Espiritu Santo

15 “Kung(B) iniibig ninyo ako, tutuparin[b] ninyo ang aking mga utos. 16 Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. 17 Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili[c] sa inyo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.