Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 25

Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan

Katha ni David.

25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
    sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
    at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
    at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
    at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
    sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
    sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
    na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
    ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!

Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
    itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
    sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
    sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.

11 Ang iyong pangako, Yahweh, sana'y tuparin,
    ang marami kong sala'y iyong patawarin.
12 Ang taong kay Yahweh ay gumagalang,
    matututo ng landas na dapat niyang lakaran.
13 Ang buhay nila'y palaging sasagana,
    mga anak nila'y magmamana sa lupa.
14 Sa mga masunurin, si Yahweh'y isang kaibigan,
    ipinapaunawa niya sa kanila, kanyang kasunduan.

15 Si Yahweh lang ang laging inaasahan,
    na magliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Lingapin mo ako, at ako'y kahabagan,
    pagkat nangungulila at nanlulupaypay.
17 Pagaanin mo ang aking mga pasanin,
    mga gulo sa buhay ko'y iyong payapain.
18 Alalahanin mo ang hirap ko at suliranin,
    at lahat ng sala ko ay iyong patawarin.

19 Tingnan mo't napakarami ng aking kaaway,
    at labis nila akong kinamumuhian!
20 Ipagtanggol mo ako't iligtas ang aking buhay,
    huwag tulutang ako'y malagay sa kahihiyan,
    pagkat kaligtasan ko'y sa iyo nakasalalay.
21 Iligtas nawa ako ng kabutihan ko't katapatan,
    sapagkat ikaw ang aking pinagtitiwalaan.

22 Hanguin mo, O Diyos, ang bayang Israel,
    sa kanilang kaguluhan at mga suliranin!

Mga Awit 9

Pasasalamat sa Diyos Dahil sa Kanyang Katarungan

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Muth-labben.[a]

Pupurihin kita, Yahweh, nang buong puso ko,
    mga kahanga-hangang ginawa mo'y ipahahayag ko.
Dahil sa iyo, ako ay aawit na may kagalakan,
    pupurihin kita, O Diyos na Kataas-taasan.

Makita ka lang ay umuurong na ang aking mga kaaway,
    sila'y nabubuwal at namamatay sa iyong harapan.
Patas at makatarungan ka sa iyong paghatol,
    matuwid kong panig ay iyong ipinagtanggol.

Binalaan mo ang mga bansa, nilipol ang masasama;
    binura mo silang lahat sa balat ng lupa.

Ang mga kalaban nami'y naglaho nang lubusan,
    ang kanilang mga lunsod, iyo nang winakasan,
    at sa aming alaala'y nalimot nang tuluyan.

Ngunit si Yahweh ay naghaharing walang putol,
    itinatag niya ang kanyang trono para sa paghahatol.
Pinapamahalaan niya ang daigdig ayon sa katuwiran,
    hinahatulan niya ang mga bansa ayon sa katarungan.

Si Yahweh ang takbuhan ng mga pinahihirapan,
    matibay na kanlungan sa oras ng kaguluhan.
10 Nananalig sa iyo, Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan,
    dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.

11 Kay Yahweh na hari ng Zion ay umawit tayo ng papuri,
    sa lahat ng bansa ang ginawa niya'y ipagbunyi!
12 Inaalala ng Diyos ang mga nahihirapan,
    mga karaingan nila'y di niya nakakalimutan.

13 O(A) Yahweh, ako sana'y iyong kahabagan,
    masdan ang pahirap na dinaranas ko mula sa kaaway!
Iligtas mo ako sa bingit ng kamatayan,
14     upang sa harapan ng Lunsod ng Zion, aking isalaysay.
Dahil sa iyong pagliligtas, papuri ko'y ibibigay.

15 Nahulog ang mga bansa, sa patibong na gawa nila;
    sa bitag para sa akin, ang nahuli ay sila!
16 Sa matuwid niyang hatol si Yahweh ay nagpakilala,
    at ang masasama'y nahuhuli sa mga bitag na gawa nila. (Higgaion,[b] Selah[c])

17 Sa daigdig ng mga patay doon sila matatapos,
    pati ang lahat ng bansang nagtakwil sa Diyos.
18 Hindi habang panahong pababayaan ang dukha;
    hindi na rin mawawala, pag-asa ng maralita.

19 Huwag mong tulutan, Yahweh, na labanan ka ng mga tao!
    Tipunin mong lahat ang mga bansa at sila'y hatulan mo.
20 Takutin mo, O Yahweh, ang lahat ng bayan,
    at iyong ipabatid na sila'y tao lamang. (Selah)[d]

Mga Awit 15

Ang Hinihiling ng Diyos

Awit ni David.

15 O Yahweh, sino kayang makakapasok sa iyong Templo?
    Sinong karapat-dapat sumamba sa iyong burol na sagrado?

Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay,
    at laging gumagawa ayon sa katuwiran,
mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan,
    at ang kapwa'y hindi niya sisiraan.
Di siya gumagawa ng masama sa kanyang kaibigan,
    tungkol sa kapwa'y di nagkakalat ng kasinungalingan.
Ang itinakwil ng Diyos ay di niya pinapakisamahan,
    mga may takot kay Yahweh, kanyang pinaparangalan.
Sa pangakong binitiwan, siya'y laging tapat,
    anuman ang mangyari, salita'y tinutupad.
Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pinautang,
    di nasusuhulan para ipahamak ang walang kasalanan.

Ang ganitong tao'y di matitinag kailanman.

Exodo 18:13-27

Ang Paghirang sa mga Hukom(A)

13 Kinabukasan, naupo si Moises upang mamagitan at humatol sa mga usapin ng mga tao. Inabot siya ng gabi sa dami ng taong lumalapit sa kanya. 14 Nang makita ni Jetro ang hirap na inaabot ni Moises sa kanyang ginagawa, tinanong niya ito, “Ano ba ang ginagawa mo sa mga tao? Bakit mag-isa mong ginagawa ito at ang mga tao'y maghapong nakapaligid sa iyo?”

15 Sumagot si Moises, “Mangyari po lumalapit sila sa akin para alamin ang kalooban ng Diyos. 16 Kapag may dalawang taong may pinagtatalunan, lumalapit sila sa akin at sinasabi ko naman sa kanila kung sino ang may katuwiran. Bukod doon, ipinaliliwanag ko sa kanila ang mga utos at tuntunin ng Diyos.”

17 Sinabi ni Jetro, “Hindi ganyan ang dapat mong gawin. 18 Pinahihirapan mo ang iyong sarili pati ang mga tao. Napakalaking gawain iyan para sa iyo at hindi mo iyan kayang mag-isa. 19 Pakinggan mo itong ipapayo ko sa iyo at tutulungan ka ng Diyos. Ikaw ang lalapit sa Diyos para sa kanila at magdadala sa kanya ng kanilang mga usapin. 20 Ikaw ang magtuturo sa kanila ng mga kautusan at mga tuntunin, at ikaw rin ang magpapaliwanag sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin. 21 Ngunit pumili ka ng mga taong may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan at di masusuhulan. Gawin mo silang tagapangasiwa sa libu-libo, daan-daan, lima-limampu at sampu-sampu. 22 Sila na ang bahalang humatol sa maliliit na usapin, at ang mabibigat na kaso lamang ang ihaharap sa iyo. Sa gayon, hindi ka masyadong mahihirapan sapagkat matutulungan ka nila sa iyong gawain. 23 Kung ganoon ang gagawin mo, na siya namang utos ng Diyos, hindi ka mahihirapan at madali pang maaayos ang anumang suliranin ng taong-bayan.”

24 Pinakinggan ni Moises ang payo ng kanyang biyenan at sinunod niya ito. 25 Pumili nga siya ng mga lalaking may kakayahan at ginawa niyang tagapangasiwa sa Israel: para sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu at sa sampu-sampu. 26 Sila ang naging palagiang hukom ng bayan. Ang malalaking usapin na lamang ang dinadala nila kay Moises at sila na ang lumulutas sa maliliit na kaso.

27 Pagkatapos nito'y nagpaalam na si Jetro kay Moises at umuwi sa sariling bayan.

1 Pedro 5

Pangangalaga at Pagiging Handa

Sa matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo, bilang saksi sa mga paghihirap ni Cristo at sapagkat makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. Pangalagaan(A) ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. [Iyan ang nais ng Diyos].[a] Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan. At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman.

At(B) kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa matatandang pinuno ng iglesya. At kayong lahat ay magpakumbaba sapagkat, “Sinasalungat ng Diyos ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob.” Kaya(C) nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala(D) ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.

Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa. Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng mga kahirapan, kundi gayundin ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. 10 Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo. 11 Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.

Pangwakas na Tagubilin

12 Sinulatan(E) ko kayo sa tulong ni Silas,[b] na isa nating kapatid at lubos kong pinagkakatiwalaan. Sa pamamagitan ng maikling sulat na ito ay nais kong palakasin ang inyong loob at magpatotoo na ito nga ang kagandahang-loob ng Diyos. Manatili kayo sa pagpapalang ito.

13 Kinukumusta(F) kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga pinili ring katulad ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, na aking anak sa pananampalataya. 14 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[c]

Ang kapayapaan ay sumainyong lahat na mga nakipag-isa kay Cristo.

Mateo 1:1-17

Talaan ng mga Ninuno ni Jesu-Cristo(A)

Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.

2-11 Mula kay Abraham hanggang kay Haring David, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: Abraham, Isaac, Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid; Juda na ama ni Fares at Zara kay Tamar; Fares, Esrom, Aram, Aminadab, Naason, Salmon, Boaz na anak ni Salmon kay Rahab; Obed na anak ni Boaz kay Ruth; at Jesse na ama ni Haring David.

6b-11 Mula(B) naman kay Haring David hanggang sa naging bihag ang mga taga-Juda sa Babilonia, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: David, Solomon na anak ni Haring David sa asawa ni Urias, Rehoboam, Abias, Asa, Jehoshafat, Joram, Ozias, Jotam, Acaz, Ezequias, Manases, Ammon, Josias, Jeconias at ang mga kapatid nito.

12-16 At pagkatapos na sila'y maging bihag sa Babilonia hanggang sa ipanganak si Jesus, ang mga ninuno niya ay sina: Jeconias, Salatiel, Zerubabel, Abiud, Eliakim, Azor, Sadoc, Aquim, Eliud, Eleazar, Matan, Jacob, at si Jose na asawa ni Maria. Si Maria ang ina ni Jesus—ang tinatawag na Cristo.

17 Samakatuwid, may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia at labing-apat din mula sa pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo.

Mateo 3:1-6

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Nang mga panahong iyon, dumating si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. Ganito(B) ang kanyang sinasabi, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!” Si(C) Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,

“Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
    gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”

Gawa(D) sa balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at sa balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. Dinarayo siya ng mga tao mula sa Jerusalem, sa buong Judea at sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.