Book of Common Prayer
Ang Haring Hinirang ng Panginoon
2 Bakit nagsipagtipon ang mga bansa sa pagpaplano ng masama?
Bakit sila nagpaplano ng wala namang patutunguhan?
2 Ang mga hari at mga pinuno sa mundo ay nagsama-sama,
at nagsipaghanda sa pakikipaglaban sa Panginoon,
at sa hari na kanyang hinirang.
3 Sinabi nila,
“Huwag tayong pasakop o sumunod man sa kanilang pamamahala!”
4 Ngunit siyang nakaupo sa kanyang trono sa langit ay natatawa lang, at kumukutya sa kanila.
5 Sa galit ng Dios, silaʼy binigyang babala,
at sa tindi ng kanyang poot silaʼy natatakot.
6 Sinabi niya,
“Iniluklok ko na ang hinirang kong hari sa kanyang trono sa Zion,[a] sa banal kong bundok.”
7 Sinabi ng hari na hinirang ng Dios,
“Sasabihin ko ang sinabi sa akin ng Panginoon: ‘Ikaw ang Anak ko,
at ngayon, ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.[b]
8 Hilingin mo sa akin ang mga bansa sa buong mundo,
at ibibigay ko ito sa iyo bilang mana mo.
9 Pamumunuan mo sila,
at walang sasalungat sa iyong pamamahala.
Silaʼy magiging parang palayok na iyong dudurugin.’ ”
10 Kaya kayong mga hari at pinuno sa buong mundo,
unawain ninyo ang mga salitang ito at pakinggan ang mga babala laban sa inyo.
11 Paglingkuran ninyo ang Panginoon nang may takot,
at magalak kayo sa kanya.
12 Magpasakop kayo sa hari na kanyang hinirang,
kung hindi ay baka magalit siya at kayoʼy ipahamak niya.
Mapalad ang mga nanganganlong sa Panginoon.
Ang Panalangin ng Taong Matuwid
26 Patunayan nʼyo, Panginoon, na akoʼy walang kasalanan,
dahil akoʼy namumuhay nang matuwid,
at nagtitiwala sa inyo ng walang pag-aalinlangan.
2 Siyasatin at subukin nʼyo ako, Panginoon.
Suriin nʼyo ang aking pusoʼt isipan,
3 dahil lagi kong naaalala ang inyong pagmamahal,
at namumuhay ako na pinanghahawakan ang inyong katapatan.
4 Hindi ako sumasama sa mga taong sinungaling at mapagpanggap.
5 Kinaiinisan ko ang mga pagsasama-sama ng masasamang tao,
at hindi ako nakikisama sa kanila.
6-7 Naghuhugas ako ng kamay upang ipakitang akoʼy walang kasalanan.
Pagkatapos, pumupunta[a] ako sa pinaghahandugan ng hayop at ibaʼt ibang ani upang sumamba sa inyo, O Panginoon,
na umaawit ng papuriʼt pasasalamat.
Sinasabi ko sa mga tao ang lahat ng inyong mga kahanga-hangang ginawa.
8 Panginoon, mahal ko ang templo na inyong tahanan,
na siyang kinaroroonan ng inyong kaluwalhatian.
9-10 Huwag nʼyo po akong parusahang kasama ng mga makasalanan,
gaya ng mga mamamatay-tao.
Palagi silang handang gumawa ng masama,
at nanghihingi ng suhol.
11 Ngunit akoʼy namumuhay nang matuwid,
kaya iligtas nʼyo ako at inyong kahabagan.
12 Ngayon, ligtas na ako sa panganib,[b]
kaya pupurihin ko kayo, Panginoon, sa gitna ng inyong mamamayang nagtitipon-tipon.
13 Umawit ka sa tuwa, O langit. At magalak ka, O mundo! Umawit kayo, kayong mga bundok. Sapagkat kaaawaan at aaliwin ng Panginoon ang kanyang mga mamamayang nahihirapan. 14 Pero sinabi ng mga taga-Jerusalem,[a] “Pinabayaan na kami ng Panginoon; nakalimutan na niya kami.”
15 Pero sumagot ang Panginoon, “Makakalimutan ba ng isang ina ang kanyang anak? Hindi ba niya pagmamalasakitan ang isinilang niyang sanggol? Maaaring makalimot ang isang ina, pero ako, hindi makalilimot sa inyo!
16 “O Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan. Isinulat ko ang pangalan mo sa aking mga palad. Palagi kong iniisip na maitayong muli ang iyong mga pader. 17 Malapit nang dumating ang muling magtatayo sa iyo,[b] at ang mga nagwasak sa iyo ay paaalisin na. 18 Tingnan mo ang iyong paligid; nagtitipon na ang iyong mga mamamayan para umuwi sa iyo. At bilang Dios na buhay, sumusumpa akong ipagmamalaki mo sila katulad ng pagmamalaki ng nobyang ikakasal sa mga alahas na kanyang suot-suot. 19 Nawasak ka at pinabayaang giba, pero ngayon ay titirhan ka na ng iyong mga mamamayan. Hindi na sila halos magkakasya sa iyo. At ang mga nagwasak sa iyo ay lalayo na. 20 Sasabihin ng mga anak ninyong ipinanganak sa panahon ng inyong pagdadalamhati,[c] ‘Ang lugar na itoʼy napakaliit para sa amin. Kailangan namin ng mas malaking lugar.’ 21 At sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Sino ang nanganak ng mga ito para sa akin? Namatay ang karamihan ng aking mga mamamayan,[d] at dahil doon akoʼy nagluksa. Ang iba sa kanila ay binihag at dinala sa ibang bansa, at nag-iisa na lamang ako. Kaya saan galing ang mga ito? Sino ang nag-alaga sa kanila?’ ”
22 Ito ang sinabi ng Panginoong Dios: “Sesenyasan ko ang mga bansa at ibabalik nila sa iyo ang iyong mga mamamayan na parang mga sanggol na kanilang kinalinga.[e] 23 Maglilingkod sa iyo ang mga hari at mga reyna. Sila ang mag-aalaga sa iyo. Luluhod sila sa iyo bilang paggalang, at magpapasakop sa iyo.[f] Sa ganoon malalaman mong ako ang Panginoon, at ang mga nagtitiwala sa akin ay hindi mabibigo.”
Sino ang Pinakadakila?(A)
18 Nang oras ding iyon, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Sino po ba ang pinakadakila sa lahat ng kabilang sa kaharian ng Dios?” 2 Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila, at sinabi, 3 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung hindi kayo magbago at maging tulad ng maliliit na bata, hindi kayo mapapabilang sa kaharian ng Dios. 4 Ang sinumang nagpapakababa tulad ng batang ito ang siyang pinakadakila sa lahat ng kabilang sa kaharian ng Dios.
5 “At ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap din sa akin. 6 Ngunit ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa pusod ng dagat.”
Mga Dahilan ng Pagkakasala(B)
7 “Nakakaawa ang mga tao sa mundong ito dahil sa mga bagay na naging dahilan ng kanilang pagkakasala. Kung sabagay, dumarating naman talaga ang mga ito, ngunit mas nakakaawa ang taong nagiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa.
8 “Kaya nga, kung ang kamay o paa mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pang isa lang ang kamay o paa mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang kamay o paa mo pero itatapon ka naman sa walang hanggang apoy. 9 At kung ang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pang isa lang ang mata mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa nga ang mata mo pero itatapon ka naman sa apoy ng impyerno.”
Ang Nawawalang Tupa(C)
10 “Tiyakin ninyo na hindi nʼyo hahamakin ang kahit isa sa maliliit na batang ito, dahil tandaan nʼyo: ang mga anghel na nagbabantay sa kanila ay laging nasa harapan ng aking Ama sa langit. [11 Sapagkat ako, na Anak ng Tao, ay naparito sa mundo upang iligtas ang mga nawawala.]
12 “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng taong may 100 tupa kung mawala ang isa? Hindi baʼt iiwan niya ang 99 sa burol at hahanapin ang nawawala? 13 At kapag nakita na niya ang nawalang tupa, mas matutuwa pa siya rito kaysa sa 99 na hindi nawala. 14 Ganito rin naman ang nararamdaman ng inyong Amang nasa langit. Ayaw niyang mawala ang kahit isa sa maliliit na batang ito.”
Ang Kadakilaan ng Salita ng Dios
19 Ipinapakita ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios,
ang gawa ng kanyang kamay.
2 Araw at gabi, ang kalangitan ay parang nagsasabi tungkol sa kanyang kapangyarihan.
3 Kahit na walang salita o tinig kang maririnig,
4 ang kanilang mensahe ay napapakinggan pa rin sa buong daigdig.
Iginawa ng Dios ang araw ng tirahan sa kalangitan.
5 Tuwing umagaʼy sumisikat ang araw,
na parang lalaking bagong kasal na lumalabas sa bahay nila nang may galak.
O katulad din ng isang manlalarong kampeon sa takbuhan, na nasasabik na tumakbo.
6 Itoʼy sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran.
At ang kanyang init, hindi mapagtataguan.
Ang Kautusan ng Panginoon
7 Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian.
Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan.
Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan,
at nagbibigay karunungan sa mga walang kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapadalisay ng puso; mananatili ito magpakailanman.
Ang mga utos niya ay matuwid at makatarungan.
10 Ang mga itoʼy higit pa kaysa purong ginto,
at mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan.
11 Ang inyong mga utos Panginoon, ang nagbibigay babala sa akin na inyong lingkod.
May dakilang gantimpala kapag itoʼy sinusunod.
12 Hindi namin napapansin ang aming mga kamalian.
Kaya linisin nʼyo po ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.
13 Ilayo nʼyo rin ako sa kasalanang sadya kong ginagawa,
at huwag nʼyong payagan na alipinin ako nito.
Para mamuhay akong ganap at walang kapintasan,
at lubos na lalaya sa maraming kasalanan.
14 Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi.
Kayo ang aking Bato na kanlungan at Tagapagligtas!
Dalangin para Iligtas
126 Nang muling ibinalik ng Panginoon sa Zion ang mga nabihag,[a] parang itoʼy panaginip lang.
2 Kami ay nagtawanan at nag-awitan dahil sa kagalakan.
At sinabi ng mga bansang hindi kumikilala sa Panginoon,
“Gumawa ng dakilang bagay ang Panginoon sa kanila.”
3 Totoong ginawan tayo ng dakilang bagay ng Panginoon,
at punong-puno tayo ng kagalakan.
4 Panginoon, muli nʼyo kaming paunlarin,
tulad ng tuyong batis na muling nagkaroon ng tubig.
5 Silang nagtatanim na lumuluha ay mag-aaning tuwang-tuwa.
6 Ang umalis na lumuluha, na may dalang binhi na itatanim ay babalik na masaya, na may dala-dalang mga ani.
Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(A)
13 Dinala ng mga tao ang kanilang maliliit na anak kay Jesus upang patungan niya ng kamay at pagpalain. Pero pinagbawalan sila ng mga tagasunod ni Jesus. 14 Nang makita ni Jesus ang nangyari, nagalit siya at sinabi sa mga tagasunod niya, “Hayaan nʼyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag nʼyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios. 15 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Dios na gaya ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.” 16 Pagkatapos, kinalong niya ang mga bata, ipinatong ang kanyang kamay sa kanila at pinagpala.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®