Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:49-72

49 Alalahanin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,
    dahil ito ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.
50 Ang inyong mga pangako ang siyang nagpapalakas,
    at umaaliw sa akin sa kahirapang aking dinaranas.
51 Palagi akong hinahamak ng mga hambog,
    ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong kautusan.
52 Panginoon, inaalala ko ang inyong katarungang ibinigay noong una,
    at itoʼy nagbibigay sa akin ng kaaliwan.
53 Akoʼy galit na galit sa masasamang tao,
    na ayaw sumunod sa inyong kautusan.
54 Umaawit ako tungkol sa inyong mga tuntunin kahit saan man ako nanunuluyan.
55 Panginoon, sa gabi ay inaalala ko kayo at iniisip ko kung paano ko masusunod ang inyong kautusan.
56 Ito ang aking kagalakan: ang sumunod sa inyong mga tuntunin.

57 Kayo lang Panginoon, ang tangi kong kailangan.
    Akoʼy nangangakong susundin ang inyong mga salita.
58 Buong puso akong nakikiusap sa inyo na ako ay inyong kahabagan ayon sa inyong pangako.
59 Pinag-isipan ko kung paano ako namuhay,
    at napagpasyahan kong sumunod sa inyong mga turo.
60 Agad kong sinunod ang inyong mga utos.
61 Kahit iginagapos ako ng masasama, hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.
62 Kahit hatinggabi ay gumigising ako upang kayoʼy pasalamatan sa inyong matuwid na mga utos.
63 Akoʼy kaibigan ng lahat ng may takot sa inyo at sumusunod sa inyong mga tuntunin.
64 Panginoon, minamahal nʼyo ang lahat ng tao sa buong mundo.
    Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.

65 Panginoon, maging mabuti kayo sa akin na inyong lingkod, ayon sa inyong pangako.
66 Bigyan nʼyo ako ng kaalaman at karunungan,
    dahil nagtitiwala ako sa inyong mga utos.
67 Nang akoʼy hindi nʼyo pa pinarurusahan, akoʼy lumayo sa inyo,
    ngunit ngayoʼy sinusunod ko na ang inyong mga salita.
68 Napakabuti nʼyo at mabuti ang inyong mga ginagawa.
    Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
69 Kahit na akoʼy sinisiraan ng mga taong mapagmataas, buong puso ko pa ring tinutupad ang inyong mga tuntunin.
70 Hindi sila nakakaunawa ng inyong kautusan,
    ngunit akoʼy sumusunod sa inyong mga utos nang may kagalakan.
71 Mabuti na pinarusahan nʼyo ako,
    dahil sa pamamagitan nito natutunan ko ang inyong mga turo.

72 Para sa akin, ang kautusang ibinigay nʼyo ay higit na mahalaga kaysa sa maraming kayamanan.

Salmo 49

Kamangmangan ang Pagtitiwala sa Kayamanan

49 Makinig kayo, lahat ng bansa,
    kayong lahat na nananahan dito sa mundo!
Dakila ka man o aba,
    mayaman ka man o dukha, makinig ka,
dahil magsasalita ako na puno ng karunungan,
    at puno rin ng pang-unawa ang aking kaisipan.
Itutuon ko ang aking pansin sa mga kawikaan,
    at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito, habang tinutugtog ko ang alpa.

Bakit ako matatakot kung may darating na panganib,
    o kung akoʼy mapaligiran ng aking mga kaaway?
Sila ay nagtitiwala sa kanilang kayamanan
    at dahil dito ay nagmamayabang.
Pero walang may kakayahang tubusin ang kanyang sarili mula sa kamatayan,
    kahit magbayad pa siya sa Dios.
Dahil napakamahal ang pagtubos sa isang buhay;
    hindi sapat ang anumang pambayad
upang ang taoʼy mabuhay magpakailanman,
    at hindi na mamatay.
10 Nakikita nga ng lahat, na kahit ang marurunong ay namamatay,
    ganoon din ang mga matitigas ang ulo at mga hangal.
    At maiiwan nila sa iba ang kanilang kayamanan.
11 Ang kanilang libingan ay magiging bahay nila magpakailanman.
    Doon sila mananahan,
    kahit may mga lupaing nakapangalan sa kanila.
12 Kahit tanyag ang tao, hindi siya magtatagal;
    mamamatay din siya katulad ng hayop.
13 Ganito rin ang kahihinatnan ng taong nagtitiwala sa sarili,
    na nasisiyahan sa sariling pananalita.
14 Silaʼy nakatakdang mamatay.
    Tulad sila ng mga tupa na ginagabayan ng kamatayan patungo sa libingan.[a]
    (Pagsapit ng umaga, pangungunahan sila ng mga matuwid.)
    Mabubulok ang bangkay nila sa libingan,
    malayo sa dati nilang tirahan.
15 Ngunit tutubusin naman ako ng Dios
    mula sa kapangyarihan ng kamatayan.
    Tiyak na ililigtas niya ako.

16 Huwag kang mangamba kung yumayaman ang iba
    at ang kanilang kayamanan ay lalo pang nadadagdagan,
17 dahil hindi nila ito madadala kapag silaʼy namatay.
    Ang kanilang kayamanan ay hindi madadala sa libingan.
18 Sa buhay na ito, itinuturing nila na pinagpala sila ng Dios,
    at pinupuri din sila ng mga tao dahil nagtagumpay sila.
19 Ngunit makakasama pa rin sila ng kanilang mga ninunong namatay na,
    doon sa lugar na hindi sila makakakita ng liwanag.
20 Ang taong mayaman na hindi nakakaunawa ng katotohanan
    ay mamamatay katulad ng mga hayop.

Salmo 53

Ang Kasamaan ng Tao

(Salmo 14)

53 “Walang Dios!”
    Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
    Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
    Ni isa ay walang gumagawa ng mabuti.
Mula sa langit, tinitingnan ng Dios ang lahat ng tao,
    kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
    Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.

Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
    Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
    At hindi sila nananalangin sa Dios.
Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
    sa takot na kahit kailan ay hindi pa nila nararanasan,
    samantalang ikakalat naman ng Dios ang mga buto ng mga sumasalakay sa inyo.
    Mailalagay sila sa kahihiyan,
    dahil itinakwil sila ng Panginoon.
Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
    Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Dios,
    kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.

Zacarias 3

Ang Pangitain Tungkol kay Josue na Punong Pari

Ipinakita sa akin ng Panginoon ang punong pari na si Josue na nakatayo sa harapan ng anghel ng Panginoon. Nakatayo naman sa gawing kanan niya si Satanas upang paratangan siya.[a] Pero sinabi ng anghel ng Panginoon kay Satanas, “Ayon sa Panginoon na pumili sa Jerusalem, mali ka Satanas. Sapagkat ang taong ito na si Josue ay iniligtas niya sa pagkakabihag katulad ng panggatong na inagaw mula sa apoy.”

Marumi ang damit ni Josue habang nakatayo siya sa harapan ng anghel. Kaya sinabi ng anghel sa iba pang mga anghel na nakatayo sa harapan ni Josue, “Hubarin ninyo ang kanyang maruming damit.” Pagkatapos, sinabi ng anghel kay Josue, “Inalis ko na ang iyong mga kasalanan. Ngayon, bibihisan kita ng bagong damit.”[b] At sinabi ko, “Suotan din ninyo siya ng malinis na turban sa ulo.” Kaya binihisan nila siya ng bagong damit at nilagyan ng malinis na turban habang nakatayo at nakatingin ang anghel ng Panginoon.

Pagkatapos, ibinilin ng anghel ng Panginoon kay Josue ang sinabi ng Makapangyarihang Panginoon: “Kung susunod ka sa aking mga pamamaraan at susundin ang aking mga iniuutos, ikaw ang mamamahala sa aking templo at sa mga bakuran nito. At papayagan kitang makalapit sa aking presensya katulad ng mga anghel na ito na nakatayo rito. Ngayon, makinig ka, Josue na punong pari: Ikaw at ang mga kapwa mo pari ay larawan ng mga pangyayaring darating. Ihahayag ko ang aking lingkod na tinatawag na Sanga.[c] Josue, tingnan mo ang batong inilagay ko sa iyong harapan, mayroon itong pitong mata.[d] Uukitan ko ito, at aalisin ang kasalanan ng lupain ng Israel sa loob lamang ng isang araw.[e] 10 Sa araw na iyon, aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang inyong mga kapitbahay upang mapayapang umupo sa ilalim ng inyong mga ubasan at puno ng igos. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Pahayag 4:1-8

Ang Pagsamba sa Langit

Pagkatapos nito, nakita kong nabuksan ang pinto sa langit. At narinig kong muli ang tinig na parang trumpeta. Sinabi niya, “Umakyat ka rito at ipapakita ko sa iyo ang mga mangyayari sa hinaharap.” Bigla na lang akong napuspos ng Banal na Espiritu. At nakita ko roon sa langit ang isang trono na may nakaupo na nagniningning tulad ng mamahaling mga batong jasper at kornalina. At nakapaikot sa trono ang bahagharing kakulay ng batong esmeralda. Nakapaligid sa trono ang 24 pang trono kung saan nakaupo ang 24 na namumuno na nakaputi at may mga koronang ginto. Mula sa tronoʼy kumikidlat, kumukulog at may umuugong. Sa harap ng tronoʼy may pitong nakasinding ilawan. Ito ang pitong Espiritu ng Dios.[a] Sa harap ng trono ay mayroon ding parang dagat na salamin na kasinglinaw ng kristal.

Nakapaligid sa trono ang apat na buhay na nilalang na punong-puno ng mga mata sa harap at likod. Ang unang nilalang ay parang leon, ang pangalawa ay parang guya,[b] ang pangatlo ay may mukha na parang tao, at ang pang-apat ay parang agilang lumilipad. Tig-aanim ang mga pakpak nila at punong-puno ng mata ang buong katawan. Araw-gabi ay wala silang tigil sa pagsasabi ng:

    “Banal! Banal! Banal ang Panginoong Dios nating makapangyarihan sa lahat.
    Siya ang Dios noon, ngayon, at sa hinaharap.”

Mateo 24:45-51

Ang Tapat at ang Hindi Tapat na Utusan(A)

45 “Ang tapat at matalinong alipin ang siyang pinamamahala ng kanyang amo sa mga kapwa niya alipin. Siya ang nagbibigay sa kanila ng pagkain nila sa tamang oras. 46 Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na gumagawa ng kanyang tungkulin. 47 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito. 48 Ngunit kawawa ang masamang alipin na nag-aakalang matatagalan pa ang pagbabalik ng kanyang amo, 49 kaya habang wala ang kanyang amo ay pagmamalupitan niya ang ibang mga utusan, makikisalo at makikipag-inuman sa mga lasenggo. 50 Darating ang kanyang amo sa araw o oras na hindi niya inaasahan, 51 at parurusahan siya nang matindi. Isasama siya sa mga mapagkunwari, at doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.”[a]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®