Book of Common Prayer
Mapalad ang Taong Matuwid
1 Mapalad ang taong hindi namumuhay ayon sa payo ng masasama,
o sumusunod sa mali nilang halimbawa,
at hindi nakikisama sa mgataong nangungutya.
2 Sa halip ay nagagalak siyang sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon,
at araw-gabi ito ay kanyang pinagbubulay-bulayan.
3 Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa,
na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon.
Magtatagumpay siya sa anumang kanyang ginagawa.
4 Ngunit iba ang mga taong masama;
silaʼy parang ipa na tinatangay ng hangin.
5 Parurusahan sila ng Dios sa araw ng paghatol,
at ihihiwalay sa mga matuwid.
6 Sapagkat pinapatnubayan ng Panginoon ang mga matuwid,
ngunit ang buhay ng taong masama ay hahantong sa kapahamakan.
Ang Haring Hinirang ng Panginoon
2 Bakit nagsipagtipon ang mga bansa sa pagpaplano ng masama?
Bakit sila nagpaplano ng wala namang patutunguhan?
2 Ang mga hari at mga pinuno sa mundo ay nagsama-sama,
at nagsipaghanda sa pakikipaglaban sa Panginoon,
at sa hari na kanyang hinirang.
3 Sinabi nila,
“Huwag tayong pasakop o sumunod man sa kanilang pamamahala!”
4 Ngunit siyang nakaupo sa kanyang trono sa langit ay natatawa lang, at kumukutya sa kanila.
5 Sa galit ng Dios, silaʼy binigyang babala,
at sa tindi ng kanyang poot silaʼy natatakot.
6 Sinabi niya,
“Iniluklok ko na ang hinirang kong hari sa kanyang trono sa Zion,[a] sa banal kong bundok.”
7 Sinabi ng hari na hinirang ng Dios,
“Sasabihin ko ang sinabi sa akin ng Panginoon: ‘Ikaw ang Anak ko,
at ngayon, ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.[b]
8 Hilingin mo sa akin ang mga bansa sa buong mundo,
at ibibigay ko ito sa iyo bilang mana mo.
9 Pamumunuan mo sila,
at walang sasalungat sa iyong pamamahala.
Silaʼy magiging parang palayok na iyong dudurugin.’ ”
10 Kaya kayong mga hari at pinuno sa buong mundo,
unawain ninyo ang mga salitang ito at pakinggan ang mga babala laban sa inyo.
11 Paglingkuran ninyo ang Panginoon nang may takot,
at magalak kayo sa kanya.
12 Magpasakop kayo sa hari na kanyang hinirang,
kung hindi ay baka magalit siya at kayoʼy ipahamak niya.
Mapalad ang mga nanganganlong sa Panginoon.
Panalangin sa Oras ng Panganib
3 Panginoon, kay dami kong kaaway;
kay daming kumakalaban sa akin!
2 Sinasabi nilang hindi nʼyo raw ako ililigtas.
3 Ngunit kayo ang aking kalasag.
Pinalalakas nʼyo ako at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
4 Tumawag ako sa inyo Panginoon at sinagot nʼyo ako mula sa inyong banal[c] na bundok.
5 At dahil iniingatan nʼyo ako, nakakatulog ako at nagigising pa.
6 Hindi ako matatakot kahit ilang libo pang kaaway ang nakapalibot sa akin.
7 Pumarito kayo, Panginoon!
Iligtas nʼyo po ako, Dios ko,
dahil noon ay inilagay nʼyo sa kahihiyan ang lahat ng mga kaaway ko,
at inalis mo sa mga masamang tao ang kanilang kakayahang saktan ako.
8 Kayo, Panginoon, ang nagliligtas.
Kayo rin po ang nagpapala sa inyong mga mamamayan.
Panalangin sa Gabi
4 O Dios na aking Tagapagtanggol, sagutin nʼyo po ako kapag akoʼy tumatawag sa inyo.
Hindi ba noon tinulungan nʼyo ako nang akoʼy nasa kagipitan?
Kaya ngayon, maawa kayo sa akin at pakinggan ang dalangin ko.
2 Kayong mga kumakalaban sa akin,
kailan kayo titigil sa inyong paninirang puri sa akin?
Hanggang kailan ninyo iibigin ang mga bagay na walang kabuluhan at magpapatuloy sa kasinungalingan?[d]
3 Dapat ninyong malaman na ibinukod ng Panginoon ang mga banal para sa kanyang sarili.
Kaya kung tatawag ako sa Panginoon, pakikinggan niya ako.
4 Kapag kayoʼy nagagalit, huwag kayong magkakasala.
Habang nakahiga kayo sa inyong higaan, tumahimik kayo at magbulay-bulay.
5 Magtiwala kayo sa Panginoon at mag-alay sa kanya ng tamang mga handog.
6 Marami ang nagsasabi,
“Sino ang magpapala sa amin?”
Panginoon, kaawaan nʼyo po kami!
7 Pinaliligaya nʼyo ako,
higit pa kaysa sa mga taong sagana sa pagkain at inumin.
8 Kaya nakakatulog ako ng mapayapa,
dahil binabantayan nʼyo ako, O Panginoon.
Palaging Tama ang Ginagawa ng Dios
7 Panginoon kong Dios, nanganganlong ako sa inyo.
Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin.
2 Baka patayin nila ako,
katulad ng pagluray ng leon sa kanyang mga biktima,
kung walang magliligtas sa akin.
3 Panginoon kong Dios, kung talagang ginawa ko ang mga kasalanang ito –
4 kung ginantihan ko nga ng masama ang ginawang mabuti ng aking kaibigan,
o kung sinamsam ko ang mga ari-arian ng aking mga kaaway nang walang dahilan,
5 hayaan nʼyong usigin ako ng aking mga kaaway at talunin.
Hayaan nʼyong tapakan nila ako hanggang sa mamatay, at pabayaan sa lupa ang aking bangkay.
6 Sige na po, O Panginoon kong Dios,
ipakita nʼyo ang inyong galit sa aking mga kaaway,
dahil nais nʼyo rin ang katarungan.
7 Tipunin nʼyo ang lahat ng bansa sa palibot nʼyo,
at pamahalaan nʼyo sila mula sa langit.
8 Kayo Panginoon ang humahatol sa lahat ng tao.
Patunayan nʼyo sa kanila na mali ang kanilang mga paratang laban sa akin,
dahil alam nʼyo na akoʼy matuwid,
at namumuhay nang wasto.
9 Pigilan nʼyo ang kasamaang ginagawa ng mga tao,
at pagpalain nʼyo ang mga matuwid,
dahil kayo ay Dios na matuwid,
at sinisiyasat nʼyo ang aming mga pusoʼt isipan.
10 Kayo, O Dios, ang nag-iingat sa akin.
Inililigtas nʼyo ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Kayo ang matuwid na hukom, at sa araw-araw ay ipinapakita nʼyo ang inyong galit sa masasama.
12-13 Kung ayaw nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan,
ikaw namaʼy nakahandang silaʼy parusahan.
Katulad nʼyo ay isang sundalong nakahanda na ang mga nakamamatay na sandata.
Nahasa na niya ang kanyang espada,
at nakaumang na ang palasong nagbabaga.
14 Mapag-isip sila ng gulo at kasamaan,
kaya nakakapanloko sila ng kapwa.
15-16 Pero sila mismo ang mapapahamak sa kanilang binabalak na panggugulo at karahasan.
Ang katulad nila ay humuhukay ng bitag para mahulog ang iba,
pero sila rin ang mahuhulog sa hinukay nila.
17 Pinasasalamatan ko kayo Panginoon, dahil matuwid kayo.
Aawitan ko kayo ng mga papuri, Kataas-taasang Dios.
Ang Parusa sa Bansang Israel
6 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Israel,[a] parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbibili nila bilang alipin ang mga taong walang kasalanan dahil lamang sa kanilang utang. Ginagawa rin nila ito sa mga mahihirap kahit na isang pares lang na sandalyas ang utang. 7 Ginigipit nila ang mga mahihirap at hindi binibigyan ng katarungan. Mayroon sa kanila na mag-amang nakikipagtalik sa iisang babae. Dahil dito nilalapastangan nila ang aking banal na pangalan. 8 Natutulog sila sa kanilang sambahan[b] na suot ang damit na isinangla sa kanila ng mga mahihirap.[c] At nag-iinuman sila sa aking templo ng alak na binili galing sa ibinayad ng mga mahihirap na may utang sa kanila. 9 Pero ako, ang ginawa ko para sa kanila na mga taga-Israel, nilipol ko ang mga Amoreo, kahit na kasintaas sila ng punong sedro at kasintibay ng punong ensina. Nilipol ko silang lahat at walang itinirang buhay. 10 Inilabas ko rin sa Egipto ang mga ninuno ng mga taga-Israel at pinatnubayan ko sila sa ilang sa loob ng 40 taon upang makuha nila ang lupain ng mga Amoreo. 11 Pinili ko ang ilan sa mga anak nila na maging propeta at Nazareo. Mga taga-Israel, hindi baʼt totoo itong sinasabi ko? 12 Pero ano ang ginawa ninyo? Pinainom ninyo ng alak ang mga Nazareo[d] at pinagbawalan ninyo ang mga propeta na sabihin ang ipinapasabi ko. 13 Kaya makinig kayo! Pahihirapan ko kayo katulad ng kariton na hindi na halos makausad dahil sa bigat ng karga. 14 Kaya kahit na ang mabilis tumakbo sa inyo ay hindi makakatakas, ang malalakas ay manghihina, at ang mga sundalo ay hindi maililigtas ang kanilang sarili. 15 Kahit na ang mga sundalong namamana sa labanan ay uurong. Ang mga sundalong mabilis tumakbo ay hindi makakatakas, at silang mga nakasakay sa kabayo ay hindi rin makakaligtas. 16 Sa araw na iyon, kahit ang pinakamatapang na sundalo ay tatakas na nakahubad. Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.”
Pagbati Mula kay Pedro
1 Mula kay Simon Pedro na lingkod at apostol ni Jesu-Cristo.
Mahal kong mga kapatid na kabahagi sa napakahalagang pananampalataya na tinanggap din namin. Ang pananampalatayang itoʼy ibinigay sa atin ni Jesu-Cristo na ating Dios at Tagapagligtas, dahil matuwid siya.
2 Sumainyo nawa ang higit pang biyaya at kapayapaan dahil sa pagkakakilala ninyo sa ating Dios at Panginoong Jesu-Cristo.
Pinili Tayo ng Dios na Maging mga Anak Niya
3 Ang kapangyarihan ng Dios ang nagbigay sa atin ng lahat ng kailangan natin para mamuhay nang may kabanalan. Itoʼy sa pamamagitan ng pagkakakilala natin sa kanya na tumawag sa atin. Tinawag niya tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan niya at kabutihan. 4 At sa pamamagitan din nito, ipinagkaloob niya sa atin ang mahahalaga at dakila niyang mga pangako. Ginawa niya ito para makabahagi tayo sa kabanalan ng Dios at matakasan ang mapanirang pagnanasa na umiiral sa mundong ito. 5 Dahil dito, pagsikapan ninyong maidagdag sa pananampalataya nʼyo ang kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman; 6 sa kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa pagpipigil sa sarili, ang pagtitiis; sa pagtitiis, ang kabanalan; 7 sa kabanalan, ang pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo; at sa pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo, ang pag-ibig sa lahat. 8 Sapagkat kung ang mga katangiang ito ay nasa inyo at lumalago, nagiging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang pagkakakilala nʼyo sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 9 Ngunit ang mga nagkukulang sa mga katangiang ito ay mga bulag sa katotohanan. Nakalimutan na nilang nilinis na sila ng Dios sa dati nilang mga kasalanan.
10 Kaya nga, minamahal kong mga kapatid kay Cristo, pagsikapan ninyong mapatunayan na mga tinawag nga kayo at pinili ng Dios. Sapagkat kung gagawin nʼyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod, 11 kundi buong galak kayong tatanggapin sa walang katapusang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
Ang Matagumpay na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem(A)
21 Malapit na sina Jesus sa Jerusalem. Pagdating nila sa nayon ng Betfage na nasa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Jesus ang dalawa niyang tagasunod 2 at sinabi, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Makikita ninyo roon ang isang asno na nakatali, kasama ang bisiro nito. Kalagan ninyo ang mga ito at dalhin dito sa akin. 3 Kapag may sumita sa inyo, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon, at hahayaan na niya kayo.” 4 Nangyari ito upang matupad ang sinabi ng propeta:
5 “Sabihin ninyo sa mga naninirahan sa Zion na paparating na ang kanilang hari!
Mapagpakumbaba siya, at nakasakay sa asno, sa isang bisirong asno.”[a]
6 Lumakad nga ang mga tagasunod at ginawa ang iniutos ni Jesus. 7 Dinala nila ang asno at ang bisiro nito kay Jesus. Sinapinan nila ang mga ito ng kanilang mga balabal at sumakay si Jesus. 8 Maraming tao ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga ng kahoy at inilatag din sa daan. 9 Ang mga tao sa unahan ni Jesus at ang mga nasa hulihan ay sumisigaw, “Purihin ang Anak ni David![b] Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Dios!”[c] 10 Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, nagkagulo ang buong lungsod, at nagtanungan ang mga tao, “Sino ang taong iyan?” 11 Sumagot ang mga kasama ni Jesus, “Siya ang propetang si Jesus na taga-Nazaret, na sakop ng Galilea.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®