Book of Common Prayer
Panalangin para Ingatan ng Dios
140 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa mga taong masama at malupit.
2 Nagpaplano sila ng masama at palaging pinag-aaway ang mga tao.
3 Ang kanilang mga dila ay parang mga makamandag na ahas;
at ang kanilang mga salita ay makakalason na parang kamandag ng ahas.
4 Panginoon, ingatan nʼyo ako sa masasama at malulupit na mga taong nagpaplanong akoʼy ipahamak.
5 Ang mga hambog ay naglagay ng mga bitag para sa akin;
naglagay sila ng lambat sa aking dinadaanan upang ako ay hulihin.
6 Panginoon, kayo ang aking Dios.
Dinggin nʼyo Panginoon ang pagsamo ko sa inyo.
7 Panginoong Dios, kayo ang aking makapangyarihang Tagapagligtas;
iniingatan nʼyo ako sa panahon ng digmaan.
8 Panginoon, huwag nʼyong ipagkaloob sa masama ang kanilang mga hinahangad.
Huwag nʼyong payagang silaʼy magtagumpay sa kanilang mga plano,
baka silaʼy magmalaki.
9 Sana ang masasamang plano ng aking mga kaaway na nakapaligid sa akin ay mangyari sa kanila.
10 Bagsakan sana sila ng mga nagniningas na baga,
at ihulog sana sila sa hukay nang hindi na sila makabangon pa.
11 Madali sanang mawala sa lupa ang mga taong nagpaparatang ng mali laban sa kanilang kapwa.
Dumating sana ang salot sa mga taong malupit upang lipulin sila.
12 Panginoon, alam kong iniingatan nʼyo ang karapatan ng mga dukha,
at binibigyan nʼyo ng katarungan ang mga nangangailangan.
13 Tiyak na pupurihin kayo ng mga matuwid at sa piling nʼyo silaʼy mananahan.
Panalangin para Iligtas ng Dios
142 Tumawag ako nang malakas sa inyo, Panginoon.
Nananalangin ako na kaawaan nʼyo ako.
2 Sinasabi ko sa inyo ang aking mga hinaing at mga suliranin.
3 Kapag akoʼy nawawalan na ng pag-asa, kayo ay nariyan na nagbabantay kung ano ang nangyayari sa akin.
Ang aking mga kaaway ay naglagay ng bitag sa aking dinadaanan.
4 Tingnan nʼyo ang aking paligid, walang sinumang tumutulong sa akin.
Walang sinumang nangangalaga at nagmamalasakit sa akin.
5 Kaya tumawag ako sa inyo, Panginoon.
Sinabi ko, “Kayo ang aking kanlungan,
kayo lang ang kailangan ko rito sa mundo.”
6 Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong,
dahil wala na akong magawa.
Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin,
dahil silaʼy mas malakas sa akin.
7 Palayain nʼyo ako sa bilangguang ito,
upang akoʼy makapagpuri sa inyo.
At ang mga matuwid ay magtitipon sa paligid ko,
dahil sa kabutihan nʼyo sa akin, Panginoon.
Panalangin para Ilayo sa Kasamaan
141 Panginoon, tumatawag ako sa inyo; agad nʼyo akong tulungan.
Dinggin nʼyo ang panawagan ko sa inyo.
2 Tanggapin nʼyo sana ang dalangin ko bilang insenso,
ang pagtataas ko ng aking mga kamay bilang handog panggabi.[a]
3 Panginoon, tulungan nʼyo akong huwag makapagsalita ng masama.
4 Ilayo nʼyo ako sa gawaing masama at sa mga taong gumagawa nito.
Ilayo nʼyo rin ako sa kanilang mga handaan upang huwag makisalo.
5 Tatanggapin ko ang parusa at pagsaway ng taong matuwid,
dahil ginagawa nila ito na may pag-ibig at pagmamalasakit sa akin.
Itoʼy parang langis sa aking ulo.
Pero sa masasamang tao ang lagi kong panalangin ay laban sa kanilang masasamang gawain.
6 Kapag itinapon na ang kanilang mga pinuno sa mabatong bangin,
maniniwala silang totoo ang mga sinasabi ko.
7 Sasabihin nila, “Kakalat sa libingan ang mga buto natin katulad ng mga bato na naglalabasan at kumakalat kapag inaararo ang lupa.”
8 Panginoong Dios, akoʼy lumalapit sa inyo.
Hinihiling ko sa inyo na ingatan nʼyo ako,
huwag nʼyong hahayaang akoʼy mamatay.
9 Ilayo nʼyo ako mula sa mga bitag na inilaan sa akin ng masasamang tao.
10 Sila sana ang mahulog sa sarili nilang bitag, habang ako naman ay makakaiwas doon.
Panalangin sa Oras ng Kahirapan
143 Panginoon, dinggin nʼyo ang aking panalangin.
Dinggin nʼyo ang aking pagsusumamo.
Tulungan nʼyo ako dahil kayo ay matuwid at tapat.
2 Huwag nʼyong hatulan ang inyong lingkod,
dahil walang sinumang matuwid sa inyong harapan.
3 Tinugis ako ng aking mga kaaway.
Tinalo ako at inilagay sa madilim na bilangguan;
tulad ako ng isang taong matagal nang patay.
4 Kaya nawalan na ako ng pag-asa,
at punong-puno ng takot ang puso ko.
5 Naalala ko ang inyong mga ginawa noong una;
pinagbulay-bulayan ko ang lahat ng inyong ginawa.
6 Itinaas ko ang aking mga kamay sa inyo at nanalangin,
kinauuhawan ko kayo tulad ng tuyong lupa na uhaw sa tubig.
7 Panginoon, agad nʼyo akong sagutin.
Nawawalan na ako ng pag-asa.
Huwag nʼyo akong layuan, baka akoʼy mamatay.
8 Bawat umaga, ipaalala nʼyo sa akin ang inyong pag-ibig,
dahil sa inyo ako nagtitiwala.
Ipakita nʼyo sa akin ang tamang daan na dapat kong daanan,
dahil sa inyo ako nananalangin.
9 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway,
dahil sa inyo ako humihingi ng kalinga.
10 Turuan nʼyo akong sundin ang inyong kalooban,
dahil kayo ang aking Dios.
Patnubayan sana ako ng inyong butihing Espiritu sa landas na walang kapahamakan.
11 Iligtas nʼyo ako, Panginoon, upang kayo ay maparangalan.
Dahil kayo ay matuwid, iligtas nʼyo ako sa kaguluhan.
12 Alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin na inyong lingkod,
lipulin nʼyo ang aking mga kaaway.
14 Ang mga matitirang tao ay sisigaw sa kaligayahan. Ang mga nasa kanluran ay magpapahayag tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon. 15 Kaya nararapat ding purihin ng mga tao sa silangan at ng mga lugar na malapit sa dagat[a] ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 16 Maririnig ang awitan kahit saang dako ng mundo, “Purihin ang matuwid na Dios.”
Pero nakakaawa ako. Akoʼy nanghihina! Sapagkat patuloy ang pagtataksil ng mga taong taksil. 17 Kayong mga mamamayan ng mga bansa sa buong mundo, naghihintay sa inyo ang takot, hukay, at bitag. 18 Ang tumatakas dahil sa takot ay mahuhulog sa hukay at mabibitag ang mga lumalabas dito.
Uulan nang malakas at mayayanig ang pundasyon ng lupa. 19 Bibitak ang lupa at mabibiyak. 20 At magpapasuray-suray ito na parang lasing at parang kubong gumagalaw-galaw sa ihip ng hangin. Ang lupa ay mabibigatan dahil sa kasalanan, at mawawasak ito at hindi na muling makakabangon.
21 Sa araw na iyon, parurusahan ng Panginoon ang mga makapangyarihang nilalang sa langit,[b] pati ang mga hari rito sa mundo. 22 Sama-sama silang ihuhulog sa hukay na katulad ng mga bilanggo. Ikukulong sila at saka parurusahan. 23 Magdidilim ang araw at ang buwan dahil maghahari ang Panginoong Makapangyarihan sa Bundok ng Zion, sa Jerusalem. At doon mahahayag ang kanyang kapangyarihan sa harap ng mga tagapamahala ng kanyang mga mamamayan.
13 Sino ang gagawa ng masama sa inyo kung laging mabuti ang ginagawa nʼyo? 14 Pero kung usigin kayo dahil sa kabutihang ginagawa nʼyo, mapalad kayo. Huwag kayong matakot o mag-alala sa ano mang gawin nila sa inyo. 15 Alalahanin nʼyo na si Cristo ang dapat ninyong parangalan at sundin. Dapat lagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo. 16 At maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagsagot. Tiyakin ninyong laging malinis ang inyong konsensya, para mapahiya ang mga taong minamasama ang mabubuti ninyong gawa bilang mga tagasunod ni Cristo. 17 Mas mabuti pang magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng mabuti, kung ito talaga ang kalooban ng Dios, kaysa sa magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo ngaʼy pinatay kahit wala siyang nagawang masama. At minsan lang siya namatay para mapatawad ang mga kasalanan natin. Siya na walang kasalanan ay pinatay alang-alang sa atin na mga makasalanan, para madala niya tayo sa Dios. Pinatay siya sa laman pero binuhay siya sa espiritu. 19-20 At sa kalagayan niyang espiritwal, nangaral siya kahit sa mga espiritu ng mga taong nakabilanggo, na hindi sumunod sa Dios noong panahon ni Noe. Sa panahong iyon, matiyagang hinintay ng Dios ang pagsampalataya nila sa kanya habang ginagawa ang barko. Ngunit walong tao lang ang sumampalataya at pumasok sa barko at nakaligtas sa tubig. 21 Ang tubig na itoʼy larawan ng bautismong nagliligtas sa atin sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Hindi ito paghuhugas ng dumi sa katawan, kundi pangako natin sa Dios na hindi na tayo gagawa ng anumang bagay na alam nating labag sa kalooban niya. 22 Si Jesu-Cristo ay nasa langit na ngayon, sa kanan ng Dios,[a] at ipinasakop sa kanya ang lahat ng anghel at ang lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan.
Ang Bagong Buhay
4 Dahil naghirap si Cristo sa katawang-tao niya, dapat ay handa rin kayong maghirap. Sapagkat hindi na gumagawa ng kasalanan ang taong nagtitiis ng hirap. 2 Hindi na siya sumusunod sa masasama niyang ugali kundi sumusunod na siya sa kalooban ng Dios. 3 Kaya huwag na ninyong gawin ang mga ginagawa nʼyo noon, ang mga bagay na gustong gawin ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Puno ng kahalayan ang buhay nʼyo noon at sinunod nʼyo ang nasa ng inyong laman. Palagi kayong nagtitipon-tipon para mag-inuman at gumagawa ng mga bagay na kahiya-hiya. At sa pagsamba ninyo sa inyong mga dios-diosan, kung anu-ano pang masasamang bagay ang ginagawa ninyo. 4 Pero nagtataka ngayon sa inyo ang mga taong hindi kumikilala sa Dios kung bakit hindi na kayo nakikisama sa magulo at maluho nilang pamumuhay. Kaya nagsasalita sila ng masama sa inyo. 5 Ngunit mananagot sila sa Dios sa ginagawa nila, dahil hahatulan ng Dios ang lahat ng tao, buhay man o patay. 6 Ito ang dahilan kung bakit ipinangaral ang Magandang Balita sa mga taong patay na. Nang sa ganoon, kahit patay na sila sa laman, at mahatulan tulad ng lahat ng tao, mabubuhay pa rin sila sa espiritu gaya ng Dios.
Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
17 Habang naglalakad sina Jesus papuntang Jerusalem, inihiwalay niya ang 12 tagasunod sa mga tao. Sinabi niya sa kanila, 18 “Pupunta na tayo sa Jerusalem, at ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila ako ng kamatayan 19 at ibibigay sa mga hindi Judio para insultuhin, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit mabubuhay akong muli sa ikatlong araw.”
Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(B)
20 Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedee, kasama ang dalawang anak niyang lalaki. Lumuhod siya kay Jesus dahil may gusto siyang hilingin. 21 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mo?” Sumagot siya, “Kung maaari po sana, kapag naghahari na kayo, paupuin nʼyo ang dalawa kong anak sa tabi nʼyo; isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 22 Pero sinagot sila ni Jesus, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong tiisin ang mga pagdurusang titiisin ko?”[a] Sumagot sila, “Opo, kaya namin.” 23 Sinabi ni Jesus, “Maaaring kaya nga ninyong tiisin. Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o sa kaliwa ko. Ang mga lugar na iyon ay para lang sa mga pinaglaanan ng aking Ama.”
24 Nang malaman ng sampung tagasunod kung ano ang hiningi ng magkapatid, nagalit sila sa kanila. 25 Kaya tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit anong gustuhin nila ay nasusunod. 26 Ngunit hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27 At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo. 28 Maging ako na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para maligtas ang maraming tao.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®