Book of Common Prayer
Panalangin para Ingatan ng Panginoon
5 O Panginoon, pakinggan nʼyo po ang aking mga hinaing at iyak.
2 Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong, O Dios ko at aking Hari,
dahil sa inyo lamang ako lumalapit.
3 Sa umaga, O Panginoon naririnig nʼyo ang aking panalangin, habang sinasabi ko sa inyo ang aking mga kahilingan at hinihintay ko ang inyong kasagutan.
4 Kayo ay Dios na hindi natutuwa sa kasamaan,
at hindi nʼyo tinatanggap ang taong namumuhay sa kasalanan.
5 Ang mga mapagmataas ay hindi makalalapit sa inyong harapan,
at ang mga gumagawa ng kasamaan ay inyong kinasusuklaman.
6 Lilipulin nʼyo ang mga sinungaling.
Kinasusuklaman nʼyo ang mga mamamatay-tao at mga mandaraya.
7 Ngunit dahil sa dakila nʼyong pag-ibig sa akin,
makakapasok ako sa banal nʼyong templo.
At doon akoʼy sasamba nang may paggalang sa inyo.
8 O Panginoon, dahil napakarami ng aking mga kaaway,
gabayan nʼyo ako tungo sa inyong matuwid na daan.
Gawin nʼyong madali para sa akin ang pagsunod ko sa inyong kagustuhan.
9 Hindi maaasahan ang sinasabi ng aking mga kaaway,
laging hangad nilaʼy kapahamakan ng iba.
Ang kanilang pananalita ay mapanganib katulad ng bukas na libingan,
at ang kanilang sinasabi ay puro panloloko.
10 O Dios, parusahan nʼyo po ang aking mga kaaway.
Mapahamak sana sila sa sarili nilang masamang plano.
Itakwil nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan,
dahil silaʼy sumuway sa inyo.
11 Ngunit magalak nawa ang lahat ng nanganganlong sa inyo;
magsiawit nawa sila sa kagalakan.
Ingatan nʼyo silang mga nagmamahal sa inyo, upang sa inyo magmula ang kanilang kagalakan.
12 Pinagpapala nʼyo Panginoon ang mga matuwid.
Ang pag-ibig nʼyo ay parang kalasag na nag-iingat sa kanila.
Panalangin para Tulungan ng Dios
6 O Panginoon, huwag nʼyo akong parusahan kahit na kayo ay nagagalit sa akin.
2 Maawa po kayo sa akin at akoʼy pagalingin,
dahil akoʼy nanghihina na.
3 O Panginoon, akoʼy labis na nababagabag.
Kailan nʼyo po ako pagagalingin?
4 Dinggin nʼyo ako Panginoon at akoʼy palayain.
Iligtas nʼyo ako sa kamatayan alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin.
5 Dahil kung akoʼy patay na ay hindi na kita maaalala,
sa lugar ng mga patay ay hindi na rin ako makakapagpuri pa.
6 Akoʼy pagod na sa sobrang pagdaing.
Gabi-gabiʼy basa ng luha ang aking unan, dahil sa labis na pag-iyak.
7 Ang aking mga mataʼy namumugto na sa kaiiyak,
dahil sa ginagawa ng lahat kong mga kaaway.
8 Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng kasamaan,
dahil narinig ng Panginoon ang aking pag-iyak.
9 Narinig niya ang paghingi ko ng tulong,
at sasagutin niya ang aking dalangin.
10 Mapapahiya at matatakot ang lahat ng aking kaaway,
kaya bigla silang tatakas dahil sa sobrang kahihiyan.
Panalangin upang Tulungan
10 Panginoon, bakit parang kay layo nʼyo sa akin?
Bakit sa panahon ng kaguluhan kayo ay nagtatago sa amin?
2 Ang dukha ay pinahihirapan ng masasama at mayayabang.
Sanaʼy mangyari rin sa kanila ang kanilang masasamang plano.
3 Ipinagmamalaki nila ang kanilang masasamang kagustuhan.
Pinupuri nila ang mga sakim,
ngunit kinukutya ang Panginoon.
4 Dahil sa kahambugan ng mga taong masama,
binabalewala nila ang Dios,
at ayaw nila siyang lapitan.
5 Ang kanilang pamumuhay ay laging matagumpay,
at hindi man lang sila nag-aalala na silaʼy inyong hahatulan.
Hinahamak nila ang lahat ng kanilang mga kaaway.
6 Akala nilaʼy walang mangyayaring masama sa kanila at wala silang magiging problema.
7 Silaʼy lapastangan kapag nagsalita, sinungaling at mapagbanta,
at sila na rin ang nagsasabi ng masasakit at masasamang salita.
8 Sa liblib na mga lugar silaʼy nagtatago,
at nag-aabang sa mga inosente na kanilang papatayin.
9 Naghihintay silang nakakubli na parang leon,
upang sakmalin at kaladkarin ang mahihirap.
10 Dahil malakas sila, ibinabagsak nila ang mga kawawa,
hanggang sa hindi na makabangon.
11 Ang akala nilaʼy hindi sila pinapansin ng Dios at hinding-hindi niya nakikita ang kanilang mga ginagawa.
12 Sige na Panginoong Dios, parusahan nʼyo na po ang mga taong masama.
Huwag nʼyong pababayaan ang mga inaapi.
13 O Dios, bakit nilalait kayo ng mga taong masama?
Sinasabi pa nila, “Hindi tayo parurusahan ng Dios.”
14 Ngunit nakikita nʼyo, O Dios, ang mga taong nagdurusa at naghihirap.
Lumalapit sa inyo ang mga kaawa-awa tulad ng mga ulila,
at nakahanda kayong tumulong sa kanila.
15 Alisan nʼyo ng lakas ang mga taong masama,
at parusahan nʼyo sila hanggang sa silaʼy tumigil na sa paggawa ng masama.
16 Panginoon, kayo ay Hari magpakailanman!
At ang masasamang tao ay maglalaho sa mundo.
17 Panginoon, narinig nʼyo ang dalangin ng mga mahihirap.
Pakinggan nʼyo po sila at palakasin.
18 Bigyan nʼyo ng katarungan ang mga ulila at mga api,
upang wala ng mga taong mananakot ng kapwa, dahil silaʼy tao rin lang.
Pagtitiwala sa Panginoon
11 Nagtitiwala ako sa Panginoon na aking kanlungan.
O tao, bakit ninyo sinasabi sa akin,
“Tumakas ka papuntang kabundukan, at lumipad tulad ng ibon.[a]
2 Inihanda na ng mga masama ang kanilang mga pana,
para panain nang palihim ang mga matuwid.
3 Ano ang magagawa ng mga matuwid kung ang batas
na pundasyon ng bayan ay wala nang halaga?”
4 Ang Panginoon ay nasa kanyang templo;
at nasa langit ang kanyang trono.
Tinitingnan niya at sinisiyasat ang lahat ng tao.
5 Sinisiyasat niya ang matutuwid at masasama.
At siyaʼy napopoot sa malulupit.
6 Pauulanan niya ng lumalagablab na baga at asupre ang masasama;
at ipapadala niya ang mainit na hangin na papaso sa kanila.
7 Dahil ang Panginoon ay matuwid at iniibig niya ang mga gawang mabuti,
kaya ang mga namumuhay nang tama ay makakalapit sa kanya.[b]
3 Kayong mga taga-Israel, na ang mga ninuno ay inilabas ng Panginoon sa Egipto, pakinggan ninyo ang sasabihin niya laban sa inyo: 2 Sa lahat ng bansa sa buong mundo, kayo lamang ang aking pinili na maging mga mamamayan ko. Kaya parurusahan ko kayo dahil sa lahat ng inyong mga kasalanan.
Itinalaga ng Dios ang Gawain ng mga Propeta
3 Maaari bang magsama sa paglalakbay ang dalawang tao kung hindi sila magkasundo? 4 Umaatungal ba ang leon sa kagubatan kung wala siyang mabibiktima? Aatungal ba siya sa loob ng kanyang yungib kung wala siyang nahuli? 5 Mahuhuli ba ang ibon kung walang pain na inilagay sa bitag? At iigkas ba ang bitag kung walang nahuli? 6 Hindi baʼt nanginginig sa takot ang mga tao sa tuwing patutunugin ang trumpeta na nagpapahiwatig na may paparating na kaaway? Mangyayari ba ang kapahamakan sa isang lungsod kung hindi ito pinahintulutan ng Panginoon?
7 Sa katunayan, hindi gumagawa ng anuman ang Panginoong Dios na hindi muna niya ipinababatid sa kanyang mga lingkod na propeta.
8 Sino ang hindi matatakot kung umaatungal na ang leon? Sino kaya ang hindi magpapahayag ng mensahe ng Panginoong Dios kung ang Panginoong Dios na mismo ang nagsasalita sa kanya?
Ang Hatol ng Dios sa Samaria
9 Sabihin ninyo sa mga pinunong nakatira sa matitibay na bahagi ng Ashdod[a] at Egipto na magtipon sila sa mga burol sa paligid ng Samaria[b] at tingnan nila ang kaguluhang nangyayari sa lungsod na ito at ang panggigipit sa mga mamamayan nito. 10-11 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Dios laban sa Samaria: “Hindi sila marunong gumawa ng matuwid. Ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod ay puno ng mga bagay na ninakaw at sinamsam. Kaya lulusubin sila ng mga kaaway at gigibain ang kanilang mga kampo. Sasamsamin ng mga kaaway ang mga ari-arian sa matitibay na bahagi ng kanilang lungsod.”
12 Kaya lagi ko kayong pinapaalalahanan tungkol sa mga bagay na ito, kahit alam nʼyo na ang mga ito at matatag na kayo sa katotohanang tinanggap ninyo. 13 At sa palagay ko, nararapat lang na paalalahanan ko kayo sa mga bagay na ito habang nabubuhay pa ako, 14 dahil alam kong hindi na ako magtatagal sa mundong ito. Ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo ang nagpahayag nito sa akin. 15 Kaya gagawin ko ang lahat para makatiyak akong maaalala nʼyo pa rin ang mga itinuro ko kahit wala na ako rito.
Naging Saksi Kami sa Kapangyarihan ni Cristo
16 Ang mga ipinangaral namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi kwentong gawa-gawa lang. Nasaksihan namin mismo ang kadakilaan niya. 17 Sapagkat nang parangalan at papurihan si Jesu-Cristo ng Dios Ama, narinig namin ang tinig ng Makapangyarihang Dios na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.” 18 Narinig namin mismo ang tinig na nanggaling sa langit noong kasama namin si Jesus doon sa banal na bundok. 19 Dahil nga rito, lalong tumibay ang paniniwala namin sa mga ipinahayag ng mga propeta noon. Kaya nararapat lang na bigyan nʼyo ng pansin ang mga sinabi nila, dahil para itong ilaw na tumatanglaw sa madilim na lugar hanggang sa araw ng pagdating ng Panginoon. Tulad siya ng tala sa umaga na nagbibigay-liwanag sa isipan ninyo.[a] 20 Higit sa lahat, dapat ninyong tandaan na ang lahat ng isinulat ng mga propeta sa Kasulatan ay hindi ayon sa sarili nilang interpretasyon. 21 Sapagkat hindi galing sa sarili nilang kalooban ang mga ipinangaral nila kundi sa Banal na Espiritu na nag-udyok sa kanila upang sabihin ang salita ng Dios.
Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(A)
12 Pumunta si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapating inihahandog sa templo. 13 Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang bahay ko ay bahay-panalanginan.’[a] Pero ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!”[b]
14 May mga bulag at pilay na lumapit kay Jesus doon sa templo, at pinagaling niya silang lahat. 15 Nagalit ang mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa ni Jesus, at nang marinig nila ang mga batang sumisigaw doon sa templo ng “Purihin ang Anak ni David!”[c] 16 Sinabi nila kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?” Sumagot si Jesus, “Oo. Hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa Kasulatan na kahit ang maliliit na bata ay tinuruan ng Dios na magpuri sa kanya?”[d] 17 Pagkatapos, iniwan sila ni Jesus. Lumabas siya ng lungsod at nagpunta sa Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.
Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(B)
18 Kinaumagahan, nang pabalik na sina Jesus sa lungsod ng Jerusalem, nagutom siya. 19 May nakita siyang puno ng igos sa tabi ng daan, kaya nilapitan niya ito. Pero wala siyang nakitang bunga kundi puro mga dahon. Kaya sinabi niya sa puno, “Hindi ka na mamumunga pang muli!” At agad na natuyo ang puno. 20 Namangha ang mga tagasunod ni Jesus nang makita nila iyon. Sinabi nila, “Paanong natuyo kaagad ang puno?” 21 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo at walang pag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos. At hindi lang iyan, maaari rin ninyong sabihin sa bundok, ‘Lumipat ka sa dagat!’ at lilipat nga ito. 22 Anumang hilingin ninyo sa Dios sa panalangin ay matatanggap ninyo kung sumasampalataya kayo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®