Book of Common Prayer
Ang Haring Hinirang ng Panginoon
2 Bakit nagsipagtipon ang mga bansa sa pagpaplano ng masama?
Bakit sila nagpaplano ng wala namang patutunguhan?
2 Ang mga hari at mga pinuno sa mundo ay nagsama-sama,
at nagsipaghanda sa pakikipaglaban sa Panginoon,
at sa hari na kanyang hinirang.
3 Sinabi nila,
“Huwag tayong pasakop o sumunod man sa kanilang pamamahala!”
4 Ngunit siyang nakaupo sa kanyang trono sa langit ay natatawa lang, at kumukutya sa kanila.
5 Sa galit ng Dios, silaʼy binigyang babala,
at sa tindi ng kanyang poot silaʼy natatakot.
6 Sinabi niya,
“Iniluklok ko na ang hinirang kong hari sa kanyang trono sa Zion,[a] sa banal kong bundok.”
7 Sinabi ng hari na hinirang ng Dios,
“Sasabihin ko ang sinabi sa akin ng Panginoon: ‘Ikaw ang Anak ko,
at ngayon, ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.[b]
8 Hilingin mo sa akin ang mga bansa sa buong mundo,
at ibibigay ko ito sa iyo bilang mana mo.
9 Pamumunuan mo sila,
at walang sasalungat sa iyong pamamahala.
Silaʼy magiging parang palayok na iyong dudurugin.’ ”
10 Kaya kayong mga hari at pinuno sa buong mundo,
unawain ninyo ang mga salitang ito at pakinggan ang mga babala laban sa inyo.
11 Paglingkuran ninyo ang Panginoon nang may takot,
at magalak kayo sa kanya.
12 Magpasakop kayo sa hari na kanyang hinirang,
kung hindi ay baka magalit siya at kayoʼy ipahamak niya.
Mapalad ang mga nanganganlong sa Panginoon.
Panalangin para sa Kabutihan ng Bansa
85 Panginoon, naging mabuti kayo sa inyong lupain.
Ibinalik nʼyo sa magandang kalagayan ang Israel.[a]
2 Pinatawad nʼyo ang kasamaan ng inyong mga mamamayan;
inalis nʼyo ang lahat ng aming kasalanan.
3 Inalis nʼyo na rin ang inyong matinding galit sa amin.
4 Minsan pa, O Dios, na aming Tagapagligtas, ibalik nʼyo kami sa magandang kalagayan.
Kalimutan nʼyo na ang inyong galit sa amin.
5 Habang buhay na ba kayong magagalit sa amin,
hanggang sa aming mga salinlahi?
6 Hindi nʼyo na ba kami ibabalik sa magandang kalagayan upang kami ay magalak sa inyo?
7 Panginoon, ipakita nʼyo sa amin ang inyong pag-ibig at kami ay iligtas.
8 Pakikinggan ko ang sasabihin ng Panginoong Dios,
dahil mangangako siya ng kapayapaan sa atin na kanyang mga tapat na mamamayan;
iyan ay kung hindi na tayo babalik sa ating mga kamangmangan.
9 Tunay na ililigtas niya ang may takot sa kanya,
upang ipakita na ang kapangyarihan niya ay mananatili sa ating lupain.
10 Ang pag-ibig at katapatan ay magkasama at ganoon din ang katarungan at kapayapaan.
11 Ang katapatan ng tao sa mundo ay alam ng Dios sa langit,
at ang katarungan ng Dios sa langit ay matatanggap ng tao sa mundo.
12 Tiyak na ibibigay sa atin ng Panginoon ang mabuti
at magkakaroon ng ani ang ating lupain.
13 Ang katarungan ay parang tagapagbalita na mauunang dumating para ihanda ang daan ng Panginoon.
Ang Panginoon at ang Kanyang Hinirang na Hari
110 Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,[a]
“Maupo ka sa kanan ko hanggang mapasuko ko sa iyo ang mga kaaway mo.”
2 Palalawakin ng Panginoon ang iyong kaharian mula sa Zion,
at paghaharian mo ang iyong mga kaaway.
3 Sa panahon ng iyong pakikidigma sa mga kaaway, kusang-loob na tutulong sa iyo ang iyong mga tao.
Ang mga kabataang iyong nasasakupan ay pupunta sa iyo doon sa banal na burol katulad ng hamog tuwing umaga.
4 Ang Panginoon ay sumumpa at hindi magbabago ang pasya niya,
na ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melkizedek.
5 Ang Panginoon ay kasama mo.
Parurusahan niya ang maraming hari sa oras ng kanyang galit.
6 Parurusahan niya ang mga bansa,
at marami ang kanyang papatayin.
Lilipulin niya ang mga namumuno sa buong mundo.
7 Mahal na Hari, kayo ay iinom sa sapa na nasa tabi ng daan,
kaya muli kayong lalakas at magtatagumpay.
Papuri sa Templo ng Dios
132 Panginoon, huwag nʼyong kalilimutan si David at ang lahat ng paghihirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin nʼyo ang pangako niya sa inyo Panginoon, kayo na Makapangyarihang Dios ni Jacob.
Ipinangako niya,
3 “Hindi ako uuwi o mahihiga man sa aking higaan
4 o matulog
5 hanggaʼt hindi ako nakakakita ng lugar na matitirhan ng Panginoon, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”
6 Nang kami ay nasa Efrata nabalitaan namin kung nasaan ang Kaban ng Kasunduan,
at natagpuan namin ito sa kapatagan ng Jaar.
7 Sinabi namin, “Pumunta tayo sa tirahan ng Panginoon, at sumamba tayo sa kanya sa harap ng kanyang trono.”
8 Sige na po Panginoon, pumunta na kayo sa inyong templo kasama ng Kaban ng Kasunduan na sagisag ng inyong kapangyarihan.
9 Sanaʼy palaging mamuhay ng matuwid ang inyong mga pari,
at umawit nang may kagalakan ang inyong mga tapat na mamamayan.
10 Alang-alang kay David na inyong lingkod,
huwag nʼyong itatakwil ang haring inyong hinirang.
11 Nangako kayo noon kay David,
at itoʼy tiyak na inyong tutuparin at hindi babawiin.
Sinabi nʼyo, “Isa sa iyong angkan ang papalit sa iyo bilang hari.
12 At kung ang mga hari na nagmula sa iyong angkan ay susunod sa aking kasunduan at mga turo sa kanila,
ang kanilang mga anak ay maghahari rin magpakailanman.”
13 Hinangad at pinili ng Panginoon ang Zion na maging tahanan niya.
Sinabi niya,
14 “Ito ang aking tirahan magpakailanman;
dito ako maninirahan dahil ito ang nais ko.
15 Bibigyan ko ang Zion ng lahat niyang pangangailangan,
at kahit ang mga mamamayan niyang dukha ay bubusugin ko ng pagkain.
16 Ililigtas ko ang kanyang mga pari,
at ang kanyang tapat na mamamayan ay aawit sa kagalakan.
17 “Paghahariin ko sa Zion, ang haring mula sa angkan ni David,
at gagawin ko siyang parang ilawang pumapatnubay sa mga tao.
18 Hihiyain ko ang kanyang mga kaaway, ngunit pauunlarin ko ang kaharian niya.”
Ang Kautusan ng Panginoon ay Magbibigay ng Kapayapaan(A)
4 Sa mga huling araw, ang bundok na kinatatayuan ng templo ng Panginoon ay magiging pinakamahalaga sa lahat ng bundok. Dadagsa rito ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bansa. 2 Sasabihin nila, “Tayo na sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Dios ni Jacob. Tuturuan niya tayo roon ng kanyang mga pamamaraan upang sundin natin.”
Kaya magsisiuwi ang mga tao mula sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, na dala ang Kautusan ng Panginoon. 3 At sa pamamagitan ng mga kautusan niya, pagkakasunduin niya ang maraming bansa, pati na ang mga makapangyarihang bansa sa malayo. Kaya hindi na magdidigmaan ang mga bansa, at hindi na rin sila magsasanay ng mga sundalo para sa digmaan. Gagawin na lang nilang talim ng araro ang kanilang mga espada, at gagawing karit na pantabas ang kanilang mga sibat. 4 Ang bawat tao ay uupo sa ilalim ng kanilang tanim na ubas at puno ng igos nang walang kinatatakutan. Mangyayari ito, dahil sinabi mismo ng Panginoong Makapangyarihan. 5 Kahit na sumunod ang mga tao sa mga dios-diosan nila, kami ay patuloy pa ring susunod sa Panginoon na aming Dios magpakailanman.
Ang Ipinangakong Pinuno mula sa Betlehem
2 Sinabi ng Panginoon, “Betlehem Efrata, kahit na isa ka sa pinakamaliit[a] na bayan sa Juda, manggagaling sa iyo ang taong maglilingkod sa akin bilang pinuno ng Israel. Ang kanyang mga ninuno ay kilalang-kilala noong unang panahon.”
3 Kaya ang mga mamamayan ng Israel ay ipapaubaya ng Panginoon sa kanilang mga kaaway hanggang sa maisilang ng babaeng namimilipit sa sakit[b] ang sanggol na lalaki na mamumuno sa Israel. Pagkatapos, ang mga kababayan ng pinunong ito na nabihag ng ibang bansa ay babalik sa kanilang mga kapwa Israelita. 4 Pamamahalaan niya ang mga mamamayan ng Israel sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan ng Panginoon. Ang katulad niyaʼy isang pastol na nagbabantay ng kanyang kawan. Kaya mamumuhay sila nang mapayapa dahil kikilalanin ng mga tao sa buong mundo[c] ang kanyang kadakilaan.
Ang Dios ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo dahil ang pag-ibig ay mula sa Dios. Ang umiibig sa kanyang kapwa ay anak ng Dios at kumikilala sa Dios. 8 Ang sinumang hindi umiibig sa kanyang kapwa ay hindi kumikilala sa Dios dahil ang Dios ay pag-ibig. 9 Ipinakita ng Dios ang kanyang pag-ibig sa atin nang isinugo niya ang kanyang kaisa-isang[a] anak dito sa mundo, upang sa pamamagitan niya ay magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. 10 Ito ang tunay na pag-ibig: hindi tayo ang umibig sa Dios kundi siya ang umibig sa atin; at isinugo niya ang kanyang anak upang akuin ang ating mga kasalanan para sa kapatawaran natin.
11 Mga minamahal, kung ganoon na lamang ang pag-ibig ng Dios sa atin, nararapat lamang na mag-ibigan tayo. 12 Wala pang tao na nakakita sa Dios. Ngunit kung nagmamahalan tayo, ang Dios ay sumasaatin at lubos na natupad ang kanyang pag-ibig sa atin.
13 Nalalaman nating tayoʼy nasa Dios at ang Dios ay sumasaatin dahil ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu. 14 Nakita at pinatototohanan namin na isinugo ng Ama ang kanyang anak bilang Tagapagligtas ng mundo. 15 Ang sinumang kumikilala na si Jesus ay Anak ng Dios, ang Dios ay nasa kanya at siya naman ay nasa Dios. 16 Kaya nakilala na natin at pinaniwalaan ang pag-ibig ng Dios sa atin.
Ang Dios ay pag-ibig. At ang nabubuhay nang may pag-ibig ay nananatili sa Dios at nananatili rin sa kanya ang Dios.
Ang Nagmula sa Langit
31 Sinabi pa ni Juan, “Si Cristoʼy nagmula sa langit, kaya dakila siya sa lahat. Tayo naman ay taga-lupa at nagsasalita tungkol lang sa mga bagay dito sa lupa. Ngunit si Cristo na nagmula sa langit ay dakila sa lahat. 32 Ipinapahayag niya ang nakita at narinig niya sa langit, ngunit ilan lang ang naniniwala sa kanyang pahayag. 33 Ngunit ang naniniwala sa pahayag niya ay nagpapatunay na totoo ang mga sinasabi ng Dios. 34 Sapagkat si Cristo na sinugo ng Dios ay nagpapahayag sa atin ng mga sinasabi ng Dios, dahil lubos na ipinagkaloob sa kanya ang Banal na Espiritu. 35 Mahal ng Ama ang kanyang Anak, at ipinailalim sa kapangyarihan niya ang lahat. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ng Dios ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa kanya ay hindi magkakaroon ng buhay na walang hanggan kundi mananatili sa kanya ang galit ng Dios.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®