Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 146-147

Papuri sa Dios na Tagapagligtas

146 Purihin ang Panginoon!
    Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
    Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.

Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
    dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
    at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.
Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
    na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
    Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
    at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
    Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
    pinalalakas ang mga nanghihina,
    at ang mga matuwid ay minamahal niya.
Iniingatan niya ang mga dayuhan,
    tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
    ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.

10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.

    Purihin ang Panginoon!

Papuri sa Dios na Makapangyarihan

147 Purihin ang Panginoon!
    Napakabuting umawit ng pagpupuri sa ating Dios.
    Napakabuti at nararapat lang na siya ay purihin.
Itinatayong muli ng Panginoon ang Jerusalem,
    at muli niyang tinitipon ang mga nabihag na Israelita.
Pinagagaling niya ang mga pusong nabigo,
    at ginagamot ang kanilang mga sugat.
Ang bilang ng mga bituin ay kanyang nalalaman
    at ang bawat isa ay binigyan niya ng pangalan.

Makapangyarihan ang ating Panginoon.
    Ang kanyang karunungan ay walang hangganan.
Tinutulungan ng Panginoon ang mga inaapi,
    ngunit nililipol niya nang lubos ang masasama.
Umawit kayo ng pasasalamat sa Panginoon.
    Tumugtog kayo ng alpa para sa ating Dios.
Pinupuno niya ng mga ulap ang kalawakan,
    at pinauulanan niya ang mundo,
    at pinatutubo ang mga damo sa kabundukan.
Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at ang mga inakay na uwak kapag dumadaing ang mga ito.
10 Hindi siya nalulugod sa lakas ng mga kabayo o sa kagitingan ng mga kawal.
11 Ang Panginoon ay nalulugod sa mga may takot sa kanya
    at nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.

12 Purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, kayong mga naninirahan sa Zion, ang bayan ng Jerusalem!
13 Dahil pinatitibay niya ang pintuan ng inyong bayan,
    at kayoʼy kanyang pinagpapala.
14 Binibigyan niya ng kapayapaan ang inyong lugar,
    at binubusog niya kayo ng pinakamabuting trigo.
15 Inuutusan niya ang mundo,
    at agad naman itong sumusunod.
16 Inilalatag niya sa lupa ang nyebe na parang mga puting kumot,
    at ikinakalat na parang abo.
17 Nagpapadala siya ng ulan na yelo na parang maliliit na bato.
    Kahit sino ay walang makatagal sa lamig nito.
18 Sa kanyang utos, ang yelo ay natutunaw.
    Pinaiihip niya ang hangin, at ang yelo ay nagiging tubig na umaagos.
19 Ipinahayag niya ang kanyang mga salita, mga tuntunin at mga utos sa mga taga-Israel na lahi ni Jacob.
20 Hindi niya ito ginawa sa ibang mga bansa;
    hindi nila alam ang kanyang mga utos.

    Purihin ang Panginoon!

Salmo 111-113

Pagpupuri sa Dios

111 Purihin ang Panginoon!
    Buong puso kong pasasalamatan ang Panginoon sa pagtitipon ng mga matuwid.
Napakadakila ng mga gawa ng Panginoon;
    iniisip ito ng lahat ng nagagalak sa kanyang mga gawa.
Ang lahat ng kanyang mga gawa ay nagpapakita ng kanyang kapangyarihan at karangalan.
    At ang kanyang katuwiran ay nagpapatuloy magpakailanman.
Ipinaaalala niya ang kanyang mga kahanga-hangang gawa.
    Siya ay mapagbiyaya at mahabagin.
Binibigyan niya ng pagkain ang mga may takot sa kanya,
    at ang kanyang kasunduan sa kanila ay hindi niya kinakalimutan.
Ipinakita niya sa kanyang mga mamamayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
    sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga lupain ng ibang mga bansa.
Tapat at matuwid ang lahat niyang ginagawa,
    at mapagkakatiwalaan ang lahat niyang mga utos.
Ang kanyang mga utos ay mananatili magpakailanman,
    at itoʼy ibinigay niya nang buong katapatan at ayon sa katuwiran.
Tinubos niya ang kanyang mga mamamayan,
    at gumawa siya ng kasunduan na pangwalang hanggan.
    Banal siya at kahanga-hanga.

10 Ang pagkatakot sa Panginoon ang pinagmumulan ng karunungan.
    Lahat ng sumusunod sa kanyang mga utos ay may mabuting pang-unawa.
    Purihin siya magpakailanman.

Mapalad ang Taong may Takot sa Panginoon

112 Purihin ang Panginoon!
    Mapalad ang taong may takot sa Panginoon at malugod na sumusunod sa kanyang mga utos.
Ang mga anak niya ay magiging matagumpay,
    dahil ang angkan ng mga namumuhay nang matuwid ay pagpapalain.
Yayaman ang kanyang sambahayan,
    at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
Kahit sa kadiliman, taglay pa rin ang liwanag ng taong namumuhay nang matuwid,
    at puno ng kabutihan, kahabagan at katuwiran.
Pagpapalain ang taong mapagbigay at nagpapahiram,
    at hindi nandaraya sa kanyang hanapbuhay.
Tiyak na magiging matatag ang kanyang kalagayan
    at hindi siya makakalimutan magpakailanman.
Hindi siya matatakot sa masamang balita,
    dahil matatag siya at buong pusong nagtitiwala sa Panginoon.
Hindi siya matatakot o maguguluhan,
    dahil alam niyang sa bandang huliʼy makikita niyang matatalo ang kanyang mga kalaban.
Nagbibigay siya sa mga dukha,
    at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
    Ang kanyang kakayahan ay lalo pang dadagdagan ng Dios upang siyaʼy maparangalan.
10 Makikita ito ng mga taong masama at magngangalit ang kanilang mga ngipin sa galit, at parang matutunaw sila dahil sa kahihiyan.
    Hindi magtatagumpay ang naisin ng taong masama.

Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios

113 Purihin nʼyo ang Panginoon!
    Kayong mga lingkod ng Panginoon, purihin nʼyo siya!
Purihin nʼyo ang Panginoon,
    ngayon at magpakailanman.
Mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw,
    ang pangalan ng Panginoon ay dapat papurihan.

Maghahari ang Panginoon sa lahat ng bansa,
    ang kanyang kaluwalhatian ay hindi mapapantayan.
Walang katulad ang Panginoon na ating Dios,
    na nakaupo sa kanyang trono sa itaas.
Yumuyuko siya upang tingnan ang kalangitan at ang sanlibutan.
Tinutulungan niya ang mga dukha at nangangailangan sa kanilang kagipitan.
At silaʼy pinararangalang kasama ng mararangal na tao
    mula sa kanyang mga mamamayan.
Pinaliligaya niya ang baog na babae sa tahanan nito,
    sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga anak.

    Purihin ninyo ang Panginoon!

Amos 1:1-5

Ito ang mensahe ni Amos na isang pastol ng mga tupa na taga-Tekoa. Ang mensaheng ito ay tungkol sa Israel. Ipinahayag ito sa kanya ng Dios dalawang taon bago lumindol, noong panahon na si Uzia ang hari ng Juda at si Jeroboam na anak ni Joash ang hari ng Israel.

Sinabi ni Amos: “Umaatungal ang Panginoon mula sa Zion;[a] dumadagundong ang tinig niya mula sa Jerusalem. Dahil dito natutuyo ang mga pastulan ng mga pastol at nalalanta ang mga tanim sa tuktok ng Bundok ng Carmel.”

Ang Parusa sa Bansang Syria

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Syria: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Damascus,[b] parurusahan ko sila. Sapagkat pinagmalupitan nila ang mga taga-Gilead na parang giniik ng tabla na may mga ngiping bakal sa ilalim. Kaya susunugin ko ang palasyo ni Haring Hazael at ang matitibay na bahagi ng Damascus na ipinagawa ng anak niyang si Haring Ben Hadad. Wawasakin ko ang pintuan ng Damascus at papatayin ko ang pinuno ng Lambak ng Aven at ng Bet Eden.[c] Bibihagin at dadalhin sa Kir ang mga mamamayan ng Syria.[d] Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Amos 1:13-2:8

Ang Parusa sa Bansang Ammon

13 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Ammon: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Ammon, parurusahan ko sila. Sapagkat nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead nang salakayin nila ito, upang mapalawak ang kanilang lupain. 14 Kaya susunugin ko ang mga pader ng Rabba[a] at ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito habang nagsisigawan ang mga kaaway na sumasalakay sa kanila, na parang umuugong na bagyo. 15 At bibihagin ang hari ng Ammon gayon din ang kanyang mga opisyal. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Parusa sa Bansang Moab

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Moab: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Moab, parurusahan ko sila. Sapagkat sinunog nila ang mga buto ng hari ng Edom hanggang sa maging abo ito. Kaya susunugin ko ang Moab pati na ang matitibay na bahagi ng Keriot.[b] Mamamatay ang mga taga-Moab habang nagsisigawan at nagpapatunog ng mga trumpeta ang kanilang mga kaaway na sumasalakay sa kanila. Mamamatay pati ang kanilang hari at ang lahat ng kanyang mga opisyal. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Parusa sa Bansang Juda

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Juda: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Juda, parurusahan ko sila. Sapagkat itinakwil nila ang aking mga kautusan at hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin. Iniligaw sila ng paglilingkod nila sa mga dios-diosan na pinaglingkuran din ng kanilang mga ninuno. Kaya susunugin ko ang Juda pati na ang matitibay na bahagi ng Jerusalem.”

Ang Parusa sa Bansang Israel

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Israel,[c] parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbibili nila bilang alipin ang mga taong walang kasalanan dahil lamang sa kanilang utang. Ginagawa rin nila ito sa mga mahihirap kahit na isang pares lang na sandalyas ang utang. Ginigipit nila ang mga mahihirap at hindi binibigyan ng katarungan. Mayroon sa kanila na mag-amang nakikipagtalik sa iisang babae. Dahil dito nilalapastangan nila ang aking banal na pangalan. Natutulog sila sa kanilang sambahan[d] na suot ang damit na isinangla sa kanila ng mga mahihirap.[e] At nag-iinuman sila sa aking templo ng alak na binili galing sa ibinayad ng mga mahihirap na may utang sa kanila.

1 Tesalonica 5:1-11

Maging Handa sa Pagbalik ng Panginoon

Mga kapatid, hindi ko na kailangang isulat pa sa inyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na ito, dahil alam na ninyo na ang pagbabalik ng Panginoon ay katulad ng pagdating ng isang magnanakaw sa gabi. Mangyayari ito habang inaakala ng mga tao na mapayapa at ligtas ang kalagayan nila. Biglang darating ang kapahamakan nila katulad ng pagsumpong ng sakit na nararamdaman ng babaeng manganganak na. At hindi sila makakaligtas. Ngunit kayo, mga kapatid ay hindi namumuhay sa kadiliman. Kaya hindi kayo mabibigla sa araw ng pagbabalik ng Panginoon katulad ng pagkabigla ng isang tao sa pagdating ng magnanakaw. Dahil namumuhay na kayong lahat sa liwanag at hindi sa kadiliman. Kaya nga, huwag tayong maging pabaya katulad ng iba na natutulog, kundi maging handa at mapagpigil sa sarili. Sapagkat ang taong namumuhay sa kadiliman ay katulad ng taong pabaya na natutulog o katulad ng lasing na walang pagpipigil sa sarili.[a] Pero dahil namumuhay na tayo sa liwanag, dapat ay may pagpipigil tayo sa sarili. Gawin natin bilang panangga sa dibdib ang pananampalataya at pag-ibig, at bilang helmet naman ang pag-asa natin sa pagliligtas sa atin ng Dios. Sapagkat hindi tayo itinalaga ng Dios para sa kaparusahan, kundi para sa pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin, para kahit buhay pa tayo o patay na sa pagbalik niya ay mabuhay tayo sa piling niya. 11 Dahil dito, patuloy ninyong pasiglahin at patatagin ang isaʼt isa, katulad nga ng ginagawa ninyo.

Lucas 21:5-19

Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

May ilan doon na nag-uusap tungkol sa mga mamahaling bato ng templo at mga palamuti nito na inihandog ng mga tao. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Darating ang araw na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay magigiba at walang maiiwang bato na magkapatong.”

Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(B)

Tinanong nila si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan kung malapit nang mangyari iyon?”

Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo malinlang ninuman. Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihin nilang sila ang Cristo, at sasabihin din nilang dumating na ang panahon. Huwag kayong maniniwala sa kanila. At kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa kaagad darating ang katapusan.”

10 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa ibaʼt ibang lugar. At makakakita kayo ng mga nakakatakot at nakakamanghang palatandaan mula sa langit.

12 “Ngunit bago mangyari ang lahat ng iyan ay uusigin muna kayo at dadakpin ng mga tao. Dadalhin nila kayo sa mga sambahan ng mga Judio upang akusahan at ipabilanggo. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador dahil sa pagsunod ninyo sa akin. 13 Magiging pagkakataon nʼyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin. 14 Kaya itanim ninyo sa inyong isip na hindi kayo dapat mabalisa kung ano ang inyong isasagot. 15 Sapagkat bibigyan ko kayo ng karunungan sa pagsagot para hindi makaimik ang inyong mga kalaban. 16 Ibibigay kayo sa inyong mga kaaway ng sarili ninyong mga magulang, kapatid, kamag-anak at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. 18 Ngunit hindi kayo mapapahamak.[a] 19 At kung magpapakatatag kayo, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®