Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 148-150

Ang buong nilalang ay pinapagpupuri sa Panginoon.

148 Purihin ninyo ang Panginoon.
Purihin ninyo ang Panginoon mula sa mga langit:
Purihin ninyo siya sa mga kaitaasan.
(A)Purihin ninyo siya, ninyong lahat niyang mga anghel:
Purihin ninyo siya, buo niyang hukbo.
Purihin ninyo siya, araw at buwan:
Purihin ninyo siya, ninyong lahat na mga bituing maliwanag.
Purihin ninyo siya, ninyong mga langit ng mga langit,
(B)At ninyong tubig na nasa itaas ng mga langit.
Purihin nila ang pangalan ng Panginoon:
Sapagka't (C)siya'y nagutos, at sila'y nangalikha.
(D)Kaniya rin namang ipinagtatatag magpakailan-kailan man:
Siya'y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi.
Purihin ninyo ang Panginoon mula sa lupa,
Ninyong mga buwaya, at lahat ng mga kalaliman:
Apoy at granizo, nieve at singaw;
Unos na hangin, na (E)gumaganap ng kaniyang salita:
(F)Mga bundok at lahat ng mga gulod;
Mga mabungang kahoy at lahat ng mga cedro:
10 Mga hayop at buong kawan;
Nagsisiusad na bagay at ibong lumilipad:
11 Mga hari sa lupa at lahat ng mga bayan;
Mga pangulo at lahat ng mga hukom sa lupa:
12 Mga binata at gayon din ng mga dalaga;
Mga matanda at mga bata:
13 Purihin nila ang pangalan ng Panginoon;
Sapagka't ang kaniyang pangalang magisa ay nabunyi:
Ang kaniyang kaluwalhatian ay nasa itaas ng lupa at mga langit.
14 At itinaas niya ang sungay ng kaniyang bayan,
Ang papuri ng lahat niyang mga banal;
Sa makatuwid baga'y ng mga anak ni Israel, (G)na bayang malapit sa kaniya.
Purihin ninyo ang Panginoon.

Ang Israel ay pinapagpupuri sa Panginoon.

149 Purihin ninyo ang Panginoon.
Magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit,
At ng kaniyang kapurihan (H)sa kapisanan ng mga banal.
(I)Magalak nawa ang Israel sa kaniya na lumalang sa kaniya:
Magalak nawa ang mga anak ng Sion sa kanilang Hari.
(J)Purihin nila ang kaniyang pangalan sa sayaw:
Magsiawit sila ng mga pagpuri sa kaniya na may pandereta at alpa.
Sapagka't ang Panginoon ay nalulugod sa kaniyang bayan:
(K)Kaniyang pagagandahin ng kaligtasan ang maamo.
Pumuri nawa ang mga banal sa kaluwalhatian:
(L)Magsiawit sila sa kagalakan sa kanilang mga higaan.
Malagay nawa sa kanilang bibig ang pinakamataas na pagpuri sa Dios,
At (M)tabak na may dalawang talim sa kanilang kamay;
Upang magsagawa ng panghihiganti sa mga bansa,
At mga parusa sa mga bayan;
Upang talian ang kanilang mga hari ng mga tanikala,
At ang kanilang mga mahal na tao ng mga panaling bakal;
Upang magsagawa sa kanila ng hatol na (N)nasusulat:
Mayroon ng karangalang ito ang lahat niyang mga banal.
Purihin ninyo ang Panginoon.

Tawag upang purihin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga panugtog.

150 Purihin ninyo ang Panginoon.
Purihin ninyo ang Dios (O)sa kaniyang santuario:
Purihin ninyo siya sa langit ng kaniyang kapangyarihan.
Purihin ninyo siya dahil sa kaniyang mga makapangyarihang gawa:
Purihin ninyo siya ayon sa kaniyang marilag na kadakilaan.
Purihin ninyo siya ng tunog ng pakakak:
(P)Purihin ninyo siya ng salterio at alpa.
Purihin ninyo siya (Q)ng pandereta at sayaw:
Purihin ninyo siya (R)ng mga panugtog na kawad at ng (S)flauta.
Purihin ninyo siya ng mga (T)matunog na simbalo.
Purihin ninyo siya sa pinaka matunog na mga simbalo.
(U)Purihin ng bawa't bagay na may hininga ang Panginoon.
Purihin ninyo ang Panginoon.

Mga Awit 114-115

Ang pagliligtas ng Panginoon sa Israel mula sa Egipto.

114 Nang (A)lumabas ang Israel sa Egipto,
Ang sangbahayan ni Jacob (B)mula sa bayang may ibang wika;
(C)Ang Juda ay naging kaniyang santuario,
(D)Ang Israel ay kaniyang sakop.
Nakita (E)ng dagat, at tumakas;
Ang Jordan ay napaurong.
(F)Ang mga bundok ay nagsiluksong parang mga lalaking tupa,
Ang mga munting gulod na parang mga batang tupa.
(G)Anong ipakikialam ko sa iyo, Oh dagat, na ikaw ay tumatakas?
Sa iyo Jordan, na ikaw ay umuurong?
Sa inyo mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong parang mga lalaking tupa;
Sa inyong mga munting gulod, na parang mga batang tupa?
Mayanig ka, ikaw na lupa, sa harapan ng Panginoon,
Sa harapan ng Dios ni Jacob;
(H)Na pinapagiging tipunan ng tubig ang malaking bato.
Na bukal ng tubig ang pingkiang bato.

Ang ibang mga Dios ay ipinaris sa Panginoon.

115 Huwag (I)sa amin, Oh Panginoon, huwag sa amin,
Kundi sa iyong pangalan ay (J)magbigay kang karangalan,
Dahil sa iyong kagandahang-loob, at dahil sa iyong katotohanan.
Bakit sasabihin ng mga bansa,
(K)Saan nandoon ngayon ang kanilang Dios?
Ngunit ang aming Dios ay nasa mga langit:
Kaniyang ginagawa ang kaniyang ibigin.
(L)Ang kanilang mga diosdiosan ay pilak at ginto,
(M)Yari ng mga kamay ng mga tao.
Sila'y may mga bibig, (N)nguni't sila'y hindi nangagsasalita;
Mga mata'y mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakakita;
Sila'y may mga tainga, nguni't hindi sila nangakakarinig;
Mga ilong ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakaamoy;
Mayroon silang mga kamay, nguni't hindi sila nangakatatangan;
Mga paa ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakalalakad;
Ni nangagsasalita man sila sa kanilang ngalangala.
(O)Ang nagsisigawa sa kanila ay magiging gaya nila;
Oo, bawa't tumitiwala sa kanila.
(P)Oh Israel, tumiwala ka sa Panginoon:
Siya'y kanilang saklolo at (Q)kanilang kalasag.
10 Oh sangbahayan ni Aaron, magsitiwala kayo sa Panginoon:
Siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.
11 Kayong nangatatakot sa Panginoon, magsitiwala kayo sa Panginoon;
Siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.
12 Inalaala tayo ng Panginoon; kaniyang pagpapalain tayo:
Kaniyang pagpapalain ang (R)sangbahayan ni Israel,
Kaniyang pagpapalain ang sangbahayan ni Aaron.
13 Kaniyang pagpapalain ang nangatatakot sa Panginoon,
Ang mababa at gayon ang mataas.
14 (S)Palalaguin kayo ng Panginoon ng higit at higit,
Kayo at ang inyong mga anak.
15 Pinagpala kayo ng Panginoon,
Na gumawa ng langit at lupa.
16 (T)Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon;
Nguni't ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
17 Ang patay ay (U)hindi pumupuri sa Panginoon,
Ni sinomang nabababa sa katahimikan;
18 (V)Nguni't aming pupurihin ang Panginoon
Mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan.
Purihin ninyo ang Panginoon.

1 Samuel 17:50-18:4

Ang mga Filisteo ay nangalat.

50 (A)Sa gayo'y nanaig si David sa Filisteo sa pamamagitan ng isang panghilagpos at ng isang bato, at sinaktan ang Filisteo at pinatay niya siya; nguni't walang tabak sa kamay ni David.

51 Nang magkagayo'y tumakbo si David, at tinunghan ang Filisteo, at kinuha ang kaniyang tabak, at binunot sa kaniyang kaluban, at pinatay siya, at (B)ipinagpugot ng kaniyang ulo. At nang makita ng mga Filisteo na ang kanilang bayani ay patay na, sila'y tumakas.

52 At nagsibangon ang mga lalake ng Israel at ng Juda, at humiyaw at hinabol ang mga Filisteo hanggang sa Gath, at sa mga pintuang-bayan ng (C)Ecron. At ang mga sugatan sa mga Filisteo ay nabuwal sa daang patungo sa (D)Saraim, hanggang sa Gath, at sa Ecron.

53 At nagsibalik ang mga anak ni Israel sa paghabol sa mga Filisteo, at kanilang sinamsam ang kanilang kampamento.

54 At kinuha ni David ang ulo ng Filisteo, at dinala sa (E)Jerusalem; nguni't kaniyang inilagay ang sandata niya sa kaniyang tolda.

Si David ay dinala kay Saul.

55 At nang makita ni Saul si David na lumalabas laban sa Filisteo, kaniyang sinabi kay (F)Abner, na kapitan ng hukbo, Abner, (G)kaninong anak ang batang ito? At sinabi ni Abner, (H)Buhay ang iyong kaluluwa, Oh hari, hindi ko masabi.

56 At sinabi ng hari, Usisain mo kung kaninong anak ang (I)batang ito.

57 At pagbalik ni David sa pagpatay sa Filisteo, kinuha siya ni Abner, at dinala siya sa harap ni Saul (J)na dala ang ulo ng Filisteo sa kaniyang kamay.

58 At sinabi ni Saul sa kaniya, Kaninong anak ka, binata? At sumagot si David, Ako'y anak ng iyong lingkod na si Isai na Beth-lehemita.

Si Saul ay nainggit kay David.

18 At nangyari, nang siya'y makatapos na magsalita kay Saul, na (K)ang kaluluwa ni Jonathan ay nalakip sa kaluluwa ni David, (L)at minahal ni Jonathan siya na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.

At kinuha siya ni Saul nang araw na yaon, (M)at hindi na siya tinulutang umuwi sa bahay ng kaniyang ama.

Nang magkagayo'y si Jonathan at si David ay nagtibay ng isang tipan, sapagka't minahal niya siya na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.

At hinubad ni Jonathan ang kaniyang balabal na nakasuot sa kaniya, at ibinigay kay David, at ang kaniyang kasuutan pati ng kaniyang tabak, at ng kaniyang busog at ng kaniyang pamigkis.

Roma 10:4-17

Sapagka't si (A)Cristo ang kinauuwian ng kautusan sa ikatutuwid ng bawa't sumasampalataya.

Sapagka't isinulat ni Moises na (B)ang tao na gumagawa ng katuwirang ayon sa kautusan ay mabubuhay dahil dito.

Datapuwa't sinasabi ng katuwiran ayon sa pananampalataya ang ganito, (C)Huwag mong sabihin sa iyong puso, Sino ang aakyat sa langit? (sa makatuwid baga'y (D)upang ibaba si Cristo:)

O, Sino ang mananaog sa kalalimlaliman? (sa makatuwid baga'y upang iakyat si Cristo mula sa mga patay.)

Datapuwa't ano ang sinasabi nito? Ang salita ay (E)malapit sa iyo, sa iyong bibig, at sa iyong puso: sa makatuwid baga'y ang salita ng pananampalataya na aming ipinangangaral:

Sapagka't (F)kung ipahahayag mo ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang maguli ng Dios sa mga patay ay maliligtas ka:

10 Sapagka't ang tao'y nanampalataya ng puso sa ikatutuwid; at ginagawa sa pamamagitan ng bibig ang pagpapahayag sa ikaliligtas.

11 Sapagka't sinasabi ng kasulatan, (G)Ang lahat na sa kaniya'y nagsisisampalataya ay hindi mapapahiya.

12 Sapagka't (H)walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego: sapagka't ang Panginoon din ay (I)siyang Panginoon ng lahat, at mayaman siya sa lahat ng sa kaniya'y nagsisitawag:

13 Sapagka't, Ang (J)lahat na nagsisitawag sa pangalan ng Panginoon ay mangaliligtas.

14 Paano nga silang magsisitawag doon sa hindi nila sinampalatayanan? at paano silang magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? at paano silang mangakikinig na walang tagapangaral?

15 At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila mga (K)sinugo? gaya nga ng nasusulat, (L)Anong pagkaganda ng mga paa niyaong mga nagdadala ng masasayang balita ng mga bagay na mabuti!

16 Datapuwa't hindi silang lahat ay nakinig ng masasayang balita. Sapagka't sinasabi ni Isaias, (M)Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?

17 Kaya nga ang paniniwala'y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.

Mateo 23:29-39

29 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at (A)inyong ginayakan ang mga libingan ng mga matuwid,

30 At sinasabi ninyo, Kung kami sana ang nangabubuhay nang mga kaarawan ng aming mga magulang disi'y hindi kami nangakaramay nila sa dugo ng mga propeta.

31 Kaya't kayo'y nangagpapatotoo sa inyong sarili, na (B)kayo'y mga anak niyaong mga nagsipatay ng mga propeta.

32 Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang.

33 Kayong mga ahas, (C)kayong mga lahi ng mga ulupong, paanong mangakawawala kayo sa kahatulan sa impierno?

34 (D)Kaya't, narito, sinusugo ko sa inyo ang mga propeta, at mga pantas na lalake, at mga (E)eskriba: ang mga iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus; (F)at ang mga iba sa kanila'y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga, at sila'y inyong paguusigin sa bayan-bayan:

35 (G)Upang mabubo sa inyo ang lahat na matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, (H)buhat sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni (I)Zacarias na anak ni Baraquias na pinatay ninyo sa pagitan ng santuario at ng dambana.

36 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.

37 Oh Jerusalem, Jerusalem, (J)na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinusugo sa kaniya! makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ay ayaw kayo!

38 Narito, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak.

39 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, Buhat ngayon ay hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, (K)Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978