Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 18

Ang Panginoon ay pinuri dahil sa pagbibigay ng tagumpay at kapangyarihan. Sa Pangulong Manunugtog. Awit (A)ni David na lingkod ng Panginoon, na siyang nagsalita sa Panginoon ng mga salita ng awit na ito sa kaarawan na iniligtas siya ng (B)Panginoon sa kamay ng lahat niyang kaaway, at sa kamay ni Saul; at kaniyang sinabi,

18 (C)Iniibig kita, Oh Panginoon, na aking (D)kalakasan.
Ang Panginoon ay aking (E)malaking bato, at aking kuta, at aking tagapagligtas;
Aking Dios, aking malaking bato na sa kaniya'y manganganlong ako;
Aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, aking matayog na moog.
Ako'y tatawag sa Panginoon, na marapat na purihin:
Sa gayo'y maliligtas ako sa aking mga kaaway.
Pinamuluputan ako ng mga tali ng kamatayan,
At tinakot ako ng mga baha ng kasamaan.
Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko:
Ang mga silo ng kamatayan ay dumating sa akin.
Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon,
At dumaing ako sa aking Dios:
Dininig niya ang aking tinig mula sa kaniyang templo,
At ang aking daing sa harap niya ay dumating sa loob ng kaniyang mga pakinig.
Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa,
Ang mga patibayan naman (F)ng mga bundok ay nakilos,
At nauga, sapagka't siya'y napoot.
Napailanglang ang usok mula sa kaniyang mga butas ng ilong,
At (G)apoy na mula sa kaniyang bibig ay sumupok:
Mga baga ay nangagalab sa pamamagitan niyaon.
Kaniya namang iniyuko ang mga langit, at ibinaba;
At salimuot na kadiliman ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa.
10 At siya'y sumakay sa isang querubin, at lumipad:
(H)Oo, siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niya ang kadiliman na kaniyang kublihang dako, (I)ang kaniyang kulandong sa buong palibot niya;
Mga kadiliman ng tubig, masinsing mga alapaap sa langit.
12 Sa kakinangan sa harap niya ay dumaan ang kaniyang mga masinsing alapaap,
(J)Mga granizo at mga bagang apoy.
13 Ang Panginoon naman ay kumulog sa mga langit,
(K)At pinatunog ng Kataastaasan ang kaniyang tinig;
Mga granizo, at mga bagang apoy.
14 (L)At kaniyang inihilagpos ang kaniyang mga pana, at pinapangalat sila;
Oo, mga kidlat na di masayod at ginulo sila.
15 (M)Nang magkagayo'y nagsilitaw ang mga lagusan ng tubig,
At ang mga patibayan ng sanglibutan ay nangahubdan,
Sa iyong pagsaway, Oh Panginoon,
Sa hihip ng hinga ng iyong mga butas ng ilong.
16 Siya'y nagsugo mula sa itaas, kinuha niya ako;
Sinagip niya ako sa maraming tubig.
17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
At sa mga nangagtatanim sa akin, sapagka't sila'y totoong makapangyarihan sa ganang akin.
18 Sila'y nagsidating sa akin sa kaarawan ng aking kasakunaan,
Nguni't ang Panginoon ay siyang aking gabay.
19 (N)Inilabas naman niya ako sa maluwag na dako;
Iniligtas niya ako, sapagka't siya'y nalulugod sa akin.
20 (O)Ginanting-pala ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
Ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ay ginanting-pala niya ako.
21 Sapagka't aking iningatan ang mga daan ng Panginoon,
At hindi ako humiwalay ng masama sa aking Dios.
22 Sapagka't lahat niyang mga kahatulan ay nangasa harap ko,
At (P)hindi ko inihiwalay ang kaniyang mga palatuntunan sa akin.
23 Ako rin nama'y sakdal sa kaniya,
At ako'y nagingat ng aking sarili sa aking kasamaan.
24 (Q)Kaya't ginanting-pala ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
Ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kaniyang paningin.
25 (R)Sa mahabagin ay pakikilala kang mahabagin;
Sa sakdal na tao ay pakikilala kang sakdal;
26 Sa dalisay ay pakikilala kang dalisay;
At sa matigas na loob ay pakikilala kang (S)mapagmatigas.
27 Sapagka't iyong ililigtas ang napipighating bayan:
Nguni't ang mga (T)mapagmataas na mata ay iyong ibababa.
28 (U)Sapagka't iyong papagniningasin ang aking ilawan;
Liliwanagan ng Panginoon kong Dios ang aking kadiliman.
29 Sapagka't sa pamamagitan mo ay dadaluhungin ko ang isang hukbo;
At sa pamamagitan ng aking Dios ay lulukso ako sa kuta.
30 Tungkol sa Dios ang kaniyang lakad ay sakdal:
(V)Ang salita ng Panginoon ay subok;
Siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kaniya,
31 (W)Sapagka't sino ang Dios, liban sa Panginoon?
At sino ang malaking bato maliban sa ating Dios?
32 Ang Dios na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
At nagpapasakdal sa aking lakad.
33 (X)Kaniyang ginagawa ang aking mga paa na gaya ng mga paa ng mga usa:
At (Y)inilalagay niya ako sa aking mga mataas na dako.
34 (Z)Kaniyang tinuturuan ang aking mga kamay na makipagdigma,
Na anopa't ang aking mga kamay ay bumabali ng busog na tanso.
35 Iyo namang ibinigay sa akin ang kalasag na iyong pangligtas:
At inalalayan ako ng iyong kanan,
At pinadakila ako ng iyong kahinahunan.
36 Iyong pinalaki ang aking mga hakbang sa ilalim ko,
At ang aking mga paa ay hindi nangadulas.
37 Aking hahabulin ang aking mga kaaway, at aabutan ko sila:
Hindi man ako babalik hanggang sa sila'y malipol.
38 Aking sasaktan sila, na anopa't sila'y huwag makatayo:
Sila'y mangalulugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39 Sapagka't iyong binigkisan ako ng kalakasan sa pagbabaka:
Iyong pinasuko sa akin yaong nagsisibangon laban sa akin.
40 Iyo rin namang pinatatalikod sa akin ang aking mga kaaway,
Upang aking maihiwalay silang nangagtatanim sa akin.
41 Sila'y nagsihiyaw, nguni't walang magligtas:
(AA)Pati sa Panginoon, nguni't hindi niya sinagot sila.
42 Nang magkagayo'y aking dinurog sila na gaya ng alabok sa harap ng hangin:
(AB)Aking inihagis sila na gaya ng putik sa mga lansangan.
43 (AC)Iniligtas mo ako sa mga pakikipagtalo sa bayan;
(AD)Iyong ginawa ako na pangulo ng mga bansa:
(AE)Isang bayan na hindi ko nakilala ay maglilingkod sa akin.
44 (AF)Pagkarinig nila sa akin ay tatalimahin nila ako;
Ang mga taga ibang lupa ay magsisisuko sa akin.
45 Ang mga taga ibang lupa ay manganghihiluka,
At sila'y magsisilabas na nanganginginig mula sa kanilang mga taguang dako.
46 Mabuhay nawa ang Panginoon at maging mapalad nawa ang aking malaking bato;
At dakilain ang Dios ng aking kaligtasan:
47 Sa makatuwid baga'y ang Dios na ipinanghihiganti ako,
At (AG)nagpapasuko ng mga bayan sa akin.
48 Kaniyang inililigtas ako sa aking mga kaaway:
Oo, itinataas mo ako sa nagsisibangon laban sa akin:
Iyong inililigtas ako sa mangdadahas na tao.
49 (AH)Kaya't ako'y magpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
At aawit ako ng mga pagpupuri sa iyong pangalan.
50 (AI)Dakilang kaligtasan ay ibinibigay niya sa kaniyang hari;
At nagpapakita ng kagandahang-loob sa (AJ)kaniyang pinahiran ng langis.
Kay David at sa kaniyang binhi (AK)magpakailan man.

1 Samuel 16:14-17:11

Si David ay hinirang upang maging hari.

14 (A)Ang Espiritu nga ng Panginoon ay humiwalay kay Saul, at isang masamang espiritu na mula sa Panginoon ay (B)bumagabag sa kaniya.

15 At sinabi ng mga bataan ni Saul sa kaniya, Narito ngayon, isang masamang espiritu na mula sa Dios ay bumabagabag sa iyo.

16 Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga bataan na nasa harap mo na humanap ng isang lalake na bihasang manunugtog ng alpa; at mangyayari, pagka ang masamang espiritu na mula sa Dios ay nasa iyo na (C)siya'y tutugtog ng kaniyang kamay at ikaw ay bubuti.

17 At sinabi ni Saul sa kaniyang mga bataan, Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalake na makatutugtog na mabuti, at dalhin ninyo sa akin siya.

18 Nang magkagayo'y sumagot ang isa sa mga bataan, at nagsabi, Narito, aking nakita ang isang anak ni Isai na Beth-lehemita, na bihasa sa panunugtog, (D)at makapangyarihang lalake na may tapang, at lalaking mangdidigma, at matalino sa pananalita, at makisig na lalake, (E)at ang Panginoon ay sumasa kaniya.

19 Kaya't nagsugo si Saul ng mga sugo kay Isai, at sinabi, (F)Suguin mo sa akin si David na iyong anak, na nasa kawan ng mga tupa.

20 At kumuha si Isai ng (G)isang asno na may pasang tinapay, at isang balat ng alak, at isang anak ng kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kaniyang anak.

21 At dumating si David kay Saul at (H)tumayo sa harap niya: at minahal niya siyang mainam; at siya'y naging tagadala ng sandata niya.

22 At nagpasabi si Saul kay Isai, Isinasamo ko sa iyo na bayaang tumayo si David sa harapan ko, sapagka't siya'y nakasumpong ng biyaya sa aking paningin.

23 At nangyari, pagka ang (I)masamang espiritu na mula sa Dios ay sumasa kay Saul, ay kinukuha ni David ang alpa, at tinutugtog ng kaniyang kamay: gayon nagiginhawahan si Saul, at bumubuti, at ang masamang espiritu ay nahihiwalay sa kaniya.

Ang paghamon ni Goliath.

17 Ngayo'y pinisan ng mga Filisteo ang kanilang hukbo upang bumaka at sila'y nagpipisan sa Socho, na nauukol sa Juda, at nagsihantong sa pagitan ng Socho at ng Azeca, sa Ephesdammim.

At nagpipisan si Saul at ang mga lalake ng Israel, at nagsihantong sa (J)libis ng Ela, at nagsihanay sa pakikipagbaka laban sa mga Filisteo.

At nagsitayo ang mga Filisteo sa isang dako sa bundok, at tumayo ang Israel sa kabilang dako sa bundok: at may isang libis sa pagitan nila.

At lumabas ang isang bayani sa kampamento ng mga Filisteo na nagngangalang Goliath, taga (K)Gath, na ang taas ay anim na siko at isang dangkal.

At siya'y mayroong isang turbanteng tanso, sa kaniyang ulo, at siya'y nasusuutan ng isang baluti sa katawan; at ang bigat ng baluti ay limang libong siklong tanso.

At siya'y mayroong kasuutang tanso sa kaniyang mga hita, at isang sibat na tanso sa pagitan ng kaniyang mga balikat.

At ang puluhan ng kaniyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi; at ang dulo ng kaniyang sibat ay may anim na raang siklong bakal ang bigat: at ang kaniyang tagadala ng kalasag ay nauuna sa kaniya.

At siya'y tumayo at humiyaw sa mga hukbo ng Israel, at nagsabi sa kanila, Bakit kayo'y lumabas na nagsihanay sa pakikipagbaka? hindi ba ako'y Filisteo, at kayo'y (L)mga lingkod ni Saul? pumili kayo ng isang lalake sa inyo, at pababain ninyo siya sa akin.

Kung siya'y makalaban sa akin at mapatay ako, magiging alipin nga ninyo kami; nguni't kung ako'y manaig laban sa kaniya, at mapatay ko siya ay magiging alipin nga namin kayo at maglilingkod sa amin.

10 At sinabi ng Filisteo, (M)Aking hinahamon ang mga hukbo ng Israel sa araw na ito; bigyan ninyo ako ng isang lalake, upang maglaban kami.

11 At nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga salitang yaon ng Filisteo, sila'y nanglupaypay, at natakot na mainam.

Mga Gawa 10:17-33

17 Samantalang natitilihang totoo si Pedro sa kaniyang sarili, kung ano ang kahulugan ng pangitaing kaniyang nakita, narito, ang mga taong sinugo ni Cornelio, nang maipagtanong ang bahay ni Simon, ay nangagsitayo sa harapan ng pintuan.

18 At nangagsitawag at nangagtanong kung si Simon, na pinamagatang Pedro, ay nanunuluyan doon.

19 At samantalang iniisip ni Pedro ang tungkol sa pangitain, ay sinabi sa kaniya ng Espiritu, Narito, hinahanap ka ng (A)tatlong tao.

20 Datapuwa't magtindig ka, at manaog ka, at sumama ka sa kanila, na huwag kang magalinlangan ng anoman: sapagka't sila'y aking sinugo.

21 At pinanaog ni Pedro ang mga tao, at sinabi, Narito, ako ang hinahanap ninyo: ano baga ang dahil ng inyong ipinarito?

22 At sinabi nila, Ang senturiong si Cornelio, na taong matuwid at matatakutin sa Dios, at may mabuting patotoo ng buong bansa ng mga Judio, ay pinagpaunawaan ng Dios sa pamamagitan ng isang banal na anghel na ikaw ay paparoonin sa kaniyang bahay, at upang makarinig sa iyo ng mga salita.

23 Kaya't sila'y pinapasok at pinatuloy sila.

At nang kinabukasa'y nagbangon siya at umalis na kasama nila, (B)at siya'y sinamahan ng ilang kapatid na mula sa Joppe.

24 At nang kinabukasa'y nagsipasok sila sa (C)Cesarea. At sila'y hinihintay ni Cornelio, na tinipon nito ang kaniyang kamaganakan at ang kaniyang mga kaibigang minamahal.

25 At nangyari, na pagpasok ni Pedro, ay sinalubong siya ni Cornelio, at (D)nagpatirapa sa kanyang paanan, at siya'y sinamba.

26 Datapuwa't itinindig siya ni Pedro, na sinasabi, Magtindig ka; (E)ako man ay tao rin.

27 At sa pakikipagsalitaan niya sa kaniya, ay pumasok siya, at kaniyang naratnan ang (F)maraming nangagkakatipon:

28 At sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo na hindi matuwid sa isang taong Judio na (G)makisama lumapit sa isang taga ibang bansa; at gayon ma'y ipinakilala (H)sa akin ng Dios, na sinomang tao'y huwag kong tawaging marumi o karumaldumal:

29 Dahil din dito'y naparito akong hindi tumutol ng anoman, nang ako'y ipasundo. Itinatanong ko nga kung sa anong kadahilanan ipinasundo ninyo ako.

30 At sinabi ni Cornelio, (I)May apat nang araw, hanggang sa oras na ito, na aking ginaganap ang pananalangin sa oras na (J)ikasiyam sa bahay ko; at narito, tumindig sa harapan ko ang (K)isang lalake na may pananamit na nagniningning,

31 At sinabi, Cornelio, dininig ang dalangin mo, at ang iyong mga paglilimos ay inaalaala sa paningin ng Dios.

32 Magsugo ka nga sa Joppe, at ipatawag mo si Simon, na pinamagatang Pedro; siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simong mangluluto ng balat, na nasa tabi ng dagat.

33 Pagdaka nga'y nagsugo ako sa iyo; at mabuti ang ginawa mo't naparito ka. Ngayon nga'y kaming lahat ay nangaririto sa paningin ng Dios, upang dinggin ang lahat ng mga bagay na sa iyo'y ipinagutos ng Panginoon.

Lucas 24:36-53

36 At (A)samantalang kanilang pinaguusapan ang mga bagay na ito, siya rin ay tumayo sa gitna nila, at sa kanila'y nagsabi, Kapayapaa'y suma inyo.

37 Datapuwa't sila'y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang (B)espiritu.

38 At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangagugulumihanan? at bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso?

39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: (C)hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.

40 At pagkasabi niya nito, ay ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang mga paa.

41 At samantalang hindi pa sila nagsisisampalataya dahil sa galak, at nagsisipanggilalas, ay sinabi niya sa kanila, (D)Mayroon baga kayo ritong anomang makakain?

42 At binigyan nila siya ng isang putol na isdang inihaw.

43 At kaniyang inabot yaon, (E)at kumain sa harap nila.

44 At sinabi niya sa kanila, (F)Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, nang ako'y sumasa inyo pa, na kinakailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nangasusulat tungkol sa akin sa (G)kautusan ni Moises, at sa mga propeta, at sa (H)mga awit.

45 Nang magkagayo'y binuksan niya ang kanilang mga pagiisip, upang mapagunawa nila ang mga kasulatan;

46 At sinabi niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na (I)kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw;

47 At ipangaral sa kaniyang pangalan (J)ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan (K)sa lahat ng mga bansa, (L)magbuhat sa Jerusalem.

48 (M)Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito.

49 At narito, (N)ipadadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, datapuwa't magsipanatili kayo sa bayan, (O)hanggang sa kayo'y masangkapan ng (P)kapangyarihang galing sa itaas.

50 At kaniyang dinala sila sa labas (Q)hanggang sa tapat ng Betania: at itinaas niya ang kaniyang mga kamay, at sila'y binasbasan.

51 At nangyari, (R)na samantalang sila'y binabasbasan niya, ay iniwan niya sila; at dinala siya sa itaas sa langit.

52 At (S)siya'y sinamba nila, at nagsibalik sila sa Jerusalem (T)na may malaking galak:

53 At palaging sila'y (U)nasa templo, na nangagpupuri sa Dios.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978