Book of Common Prayer
Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.
87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
2 ang lunsod na ito'y
higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
3 Kaya't iyong dinggin
ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]
4 “Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
5 At tungkol sa Zion,
sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
6 Si Yahweh ay gagawa,
ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
7 sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
“Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”
IKAAPAT NA AKLAT
Ang Diyos at ang Tao
Panalangin ni Moises, ang lingkod ng Diyos.
90 Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan,
buhat pa nang simulang lumitaw ang aming angkan.
2 Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,
hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
ikaw noon ay Diyos na,
pagkat ika'y walang hanggan.
3 Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
4 Ang(A) sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
5 Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
6 Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak,
kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.
7 Sa tindi ng iyong galit, para kaming nauupos,
sa simbuyo ng galit mo'y lubos kaming natatakot.
8 Aming mga kasalanan, sa harap mo'y nahahayag,
mga sala naming lihim ay kita mo sa liwanag.
9 Sa kamay mo'y nagwawakas itong hiram naming buhay,
parang bulong lamang ito na basta lang dumaraan.
10 Buhay(B) nami'y umaabot ng pitumpung taóng singkad,
minsan nama'y walumpu, kung kami'y malakas;
ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa't hirap,
pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag.
11 Ang tindi ng iyong galit sino kaya ang tatarok?
Sino kaya ang susukat niyong ibubungang takot?
12 Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
13 Hanggang kailan pa ba, Yahweh, ang ganitong kalagayan?
Parang awa mo na, mga lingkod mo'y iyong tulungan!
14 Kung umaga'y ipadama iyong wagas na pag-ibig,
at sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit.
15 At ang aming kahirapan palitan mo ng ginhawa,
singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
16 Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayon din.
17 Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,
magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin!
Magtagumpay nawa kami!
Awit ng Pagpapasalamat
136 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
2 Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
3 Ang Panginoon ng mga panginoon ay ating pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
4 Dakilang himala at kababalaghan, tanging kanya lamang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
5 Itong(B) kalangitan kanyang ginawa nang buong kahusayan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
6 Nilikha(C) ang lupa at pati ang tubig nitong kalaliman.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
7 Siya(D) ang lumikha, siya ang gumawa, ng araw at buwan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
8 Nilikha ang araw upang sa maghapon ay siyang tumanglaw.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
9 At kanyang nilikhang pananglaw kung gabi, bituin at buwan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
10 Ang(E) mga panganay ng mga Egipcio ay kanyang pinatay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
11 Mula(F) sa Egipto kanyang inilabas ang bayang hinirang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
12 Ang ginamit niya'y mga kamay niyang makapangyarihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
13 Ang(G) Dagat na Pula,[a] kanyang inutusan at nahati naman.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
14 Ang pinili niyang bayan ng Israel ay doon dumaan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
15 Ngunit nilunod niya itong Faraon at hukbong sandatahan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
16 Nang mailabas na'y siya ang kasama habang nasa ilang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
17 Pinagpapatay niya yaong mga haring may kapangyarihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
18 Maging mga haring bantog noong una ay kanyang pinatay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
19 Siya(H) ang pumatay sa haring Amoreo, ang haring si Sihon.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
20 Siya(I) rin ang pumatay sa bantog na si Og, ang hari ng Bashan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
21 Ang lupain nila'y ipinamahagi sa kanyang hinirang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
22 Ipinamahagi niya sa Israel, bayang minamahal.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
23 Di niya nilimot nang tayo'y malupig ng mga kaaway.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
24 Pinalaya tayo, nang tayo'y masakop ng mga kalaban.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
25 Lahat ng pagkain ng tao at hayop, siya'ng nagbibigay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
26 Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
4 Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, pumunta ka sa sambayanang Israel at sabihin mo ang ipinapasabi ko sa iyo. 5 Ang pupuntahan mo ay ang sambayanang Israel, at hindi ibang bansang mahirap unawain ang salita. 6 Ang pupuntahan mo'y mga taong nakakaunawa sa mga sasabihin mo. 7 Ngunit hindi sila makikinig sa iyo pagkat ako mismo'y ayaw nilang pakinggan. Matigas ang ulo nila. 8 Ngunit ikaw ang gagawin kong katapat nila. Patitigasin ko ang iyong kalooban, tulad nila. 9 Patatatagin kita tulad ng isang batong-buháy. Huwag kang matatakot sa mapaghimagsik na sambayanang iyon.”
10 Sinabi pa niya sa akin, “Pakinggan mong mabuti at tandaan itong sasabihin ko: 11 Pumunta ka sa mga kababayan mong dinalang-bihag na tulad mo. Sa makinig sila at sa hindi, sabihin mo ang ipinapasabi ko.”
12 Ako'y itinaas ng Espiritu, at narinig ko ang ugong ng isang malakas na tinig na nagsasabi: Purihin ang kaluwalhatian ni Yahweh, ang Panginoon ng kalangitan. 13 At narinig ko ang pagaspas ng pakpak ng mga nilalang na buháy at ugong ng kanilang mga gulong na parang ugong ng malakas na lindol. 14 Naramdaman ko ang kapangyarihan ni Yahweh at nag-aalab ang galit ko habang ako'y inililipad ng Espiritu. 15 At dumating ako sa Tel-abib, sa baybay ng Ilog Kebar, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Pitong araw akong natigilan at hindi makapagsalita.
Ang Bantay ng Israel
16 Pagkaraan ng pitong araw, sinabi sa akin ni Yahweh, 17 “Ezekiel, anak ng tao, ginagawa kitang bantay ng bansang Israel. Makinig ka sa aking sasabihin, at bigyan mo sila ng babala.
7 Noong(A) si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbaba. 8 Kahit na siya'y Anak ng Diyos, natutunan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. 9 At nang siya'y maging ganap, siya ang naging sanhi upang magkamit ng walang hanggang kaligtasan ang lahat ng mga masunurin sa kanya. 10 Ginawa siya ng Diyos na Pinakapunong Pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Babala Laban sa Pagtalikod
11 Marami pa kaming masasabi tungkol sa bagay na ito, ngunit mahirap ipaliwanag sa inyo sapagkat napakabagal ninyong umunawa. 12 Dapat(B) sana'y mga tagapagturo na kayo, subalit hanggang ngayo'y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin ng Salita ng Diyos. Dapat sana'y kumakain na kayo ng matigas na pagkain ngunit hanggang ngayon, gatas pa lamang ang inyong kaya. 13 Ang sanggol pa ay nabubuhay sa gatas at wala pang karanasan tungkol sa mabuti at masama. 14 Ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang at dahil sa pagsasanay ay marunong nang kumilala ng pagkakaiba ng mabuti at masama.
Pinagaling ang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)
37 Kinabukasan, bumabâ sila mula sa bundok at si Jesus ay sinalubong ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay may isang lalaking sumigaw, “Guro, nakikiusap ako sa inyo, tingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban siya ng isang espiritu at bigla na lamang siyang nagsisisigaw at nangingisay hanggang sa bumula ang bibig. Lubha po siyang pinapahirapan at halos ayaw nang tigilan nito. 40 Nakiusap po ako sa inyong mga alagad na palayasin nila ito ngunit hindi nila magawa.”
41 Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” At sinabi niya sa lalaki, “Dalhin ninyo rito ang iyong anak.”
42 Nang papalapit na ang bata, pinangisay na naman ito ng demonyo at bumagsak sa lupa. Ngunit sinaway ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata; pagkatapos ay ibinigay sa ama nito. 43 At namangha ang mga tao sa nakita nilang kapangyarihan ng Diyos.
Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(B)
Hangang-hanga ang lahat ng mga tao sa ginawa ni Jesus, ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, 44 “Pakinggan ninyo at tandaan itong sasabihin ko: ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao.” 45 Ngunit hindi nila ito naunawaan sapagkat inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Natakot naman silang magtanong sa kanya kung ano ang ibig niyang sabihin.
Ang Pinakadakila(C)
46 At(D) nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos(E) ay sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang pinakaaba sa inyong lahat ay siyang pinakadakila.”
Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin(F)
49 Sinabi ni Juan, “Panginoon, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan po namin siya sapagkat hindi natin siya kasamahan.”
50 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kakampi ninyo.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.