Book of Common Prayer
Awit ng Parangal para sa Templo
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
132 Alalahanin mo, O Yahweh, si David na iyong alipin;
huwag mong lilimutin ang lahat ng hirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin mo ang kanyang pangakong ginawa sa iyo,
O Dakilang Diyos ng bansang Israel, wika niya'y ganito:
3-5 “Di ako uuwi, nangangako ako na hindi hihimlay,
hangga't si Yahweh ay wala pang lugar na matitirahan,
isang templong laan sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
6 Aming(A) nabalitaang nasa Bethlehem ang Kaban ng Tipan,
sa bukid ng Jaar namin nasumpungan.
7 Ang aming sinabi, “Ang templo ni Yahweh ay puntahan natin,
sa harap ng trono siya ay sambahin!”
8 Sa iyong tahanan, Yahweh, pumasok ka kasama ang kaban,
ang kabang sagisag ng kapangyarihan.
9 Iyong mga pari, hayaang maghayag ng iyong pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak!
10 Alang-alang naman sa lingkod mong si David,
ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.
11 Ang(B) iyong pangako, kay David mong lingkod,
huwag mong babawiin,
ganito ang iyong pangakong habilin:
“Isa sa anak mo ang gagawing hari upang mamahala,
matapos na ika'y pumanaw sa lupa.
12 Kung magiging tapat ang mga anak mo sa bigay kong tipan,
at ang mga utos ko ay igagalang,
ang mga anak mo'y pawang maghaharing walang katapusan.”
13 Pinili ni Yahweh,
na maging tahanan ang Lunsod ng Zion.
14 Ito ang wika niya: “Doon ako titira panghabang panahon,
ang paghahari ko'y magmumula roon.
15 Ang lahat ng bagay na hingin ng Zion, aking ibibigay,
hindi magugutom ang dahop sa buhay.
16 Iyong mga pari hayaang maghayag sa aking pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak.
17 Sa(C) lipi ni David, ako ay kukuha ng haring dakila,
upang maingatan ang pagpapatuloy ng pamamahala.
18 Yaong kaharian niya ay uunlad at mananagana,
ngunit kaaway niya'y lahat mapapahiya.”
Ang Mapayapang Kaharian
11 Naputol(A) na tulad ng punongkahoy, ang paghahari ng anak ni Jesse.
Ngunit katulad ng pag-usbong ng mga bagong sanga sa pinutol na puno, sa lahi niya'y lilitaw ang isang bagong hari.
2 Mananahan sa kanya ang Espiritu[a] ni Yahweh,
ang espiritu ng karunungan at pang-unawa,
ng mabuting payo at kalakasan,
kaalaman at pagsunod at paggalang kay Yahweh.
3 Kagalakan niya ang sumunod at gumalang kay Yahweh.
Hindi siya hahatol ayon sa kanyang nakita,
o magpapasya batay sa kanyang narinig.
4 Ngunit(B) hahatulan niya ng buong katuwiran ang mga dukha,
at ipagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.
Tulad ng pamalo ang kanyang mga salita,
sa hatol niya'y mamamatay ang masasama.
5 Maghahari(C) siyang may katarungan,
at mamamahala ng may katapatan.
6 Maninirahan(D) ang asong-gubat sa piling ng kordero,
mahihiga ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
magkasamang manginginain ang guya at ang batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanila'y isang batang paslit.
7 Ang baka at ang oso'y magkasamang manginginain,
ang mga anak nila'y mahihigang magkakatabi,
ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
8 Maglalaro ang sanggol sa tabi ng lungga ng ahas,
hindi mapapahamak ang batang munti kahit pa isuot nito ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
9 Walang(E) mananakit o mamiminsala
sa nasasaklaw ng aking bundok na pinagpala;
sapagkat ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala kay Yahweh,
kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.
Ang Pagbabalik ng mga Itinapon
10 Sa(F) araw na iyon, lilitaw ang isang hari mula sa angkan ni Jesse,
at ito ang magiging palatandaan para sa mga bansa.
Ang mga bansa'y tutungo sa banal na lunsod upang siya'y parangalan.
11 Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga taong ito ay iisa, kaya't hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid. 12 Sinabi(A) niya sa Diyos,
“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.”
13 Sinabi(B) rin niya,
“Ako'y mananalig sa Diyos.”
At dugtong pa niya,
“Narito ako, at ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos.”
14 Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa pamamagitan din ng kanyang kamatayan ay pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila'y inalipin ng takot sa kamatayan. 16 Hindi(C) ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay ang mga anak ni Abraham. 17 Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Upang siya'y maging isang Pinakapunong Pari na mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao. 18 At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay tinukso at nagdusa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.