Book of Common Prayer
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Miktam[a] ni David.
16 Ingatan mo sana ako, O Diyos, sa iyo ako nanganganlong at nagtitiwalang lubos.
2 Ang sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang Panginoon ko,
kabutihang tinatamasa ko, lahat ay mula sa iyo.”
3 Mga lingkod ng Panginoon ay dakila't mararangal!
Sila'y nagmumula sa iba't ibang bayan; ligaya ng sarili ang sila'y aking makapisan.
4 Ang mga bumabaling sa ibang diyos, sulirani'y sunud-sunod,
sa mga paghahandog nila'y hindi ako sasama;
at sa kanilang mga diyos, ako'y hindi sasamba,
hindi rin maglilingkod, ni pupuri sa kanila.
5 Ikaw lamang, Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
lahat ng kailangan ko'y iyong ibinibigay,
kinabukasan ko'y nasa iyong mga kamay.
6 Mga kaloob mo sa akin ay kahanga-hanga,
napakaganda ng iyong pamana!
7 Pinupuri ko si Yahweh na sa aki'y pumapatnubay,
at sa gabi, sa budhi ko siya ang gumagabay.
8 Alam(A) kong kasama ko siya sa tuwina;
hindi ako matitinag pagkat kapiling siya.
9 Kaya't ako'y nagdiriwang, puso't diwa ko'y nagagalak,
hindi ako matitinag sapagkat ako'y panatag.
10 Pagkat(B) di mo tutulutang ang mahal mo ay masadlak,
sa daigdig ng mga patay at doon ay maagnas.
11 Ituturo mo ang landas na patungo sa buhay,
sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
Panalangin ng Isang Walang Sala
Panalangin ni David.
17 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
dinggin mo ako sa aking kahilingan;
dalangin ko sana'y iyong pakinggan, sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.
2 Hahatol ka para sa aking panig,
pagkat alam mo kung ano ang matuwid.
3 Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
walang kasamaan maging sa aking bibig.
4 Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
5 Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
hindi ako lumihis doon kahit kailan.
6 Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
7 Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.
8 Ako'y bantayan mo, ang paborito mong anak,
at palagi mong ingatan sa lilim ng iyong pakpak;
9 mula sa kuko ng masasama ako'y iyong iligtas.
Napapaligiran ako ng malulupit na kaaway,
10 mayayabang magsalita, suwail at matatapang;
11 saanman ako magpunta'y lagi akong sinusundan,
naghihintay ng sandali na ako ay maibuwal.
12 Para silang mga leon, na sa aki'y nag-aabang,
mga batang leon na nakahandang sumagpang.
13 Lumapit ka, O Yahweh, mga kaaway ko'y hadlangan,
sa pamamagitan ng tabak, ako'y ipaglaban!
14 Sa lakas ng iyong bisig ako'y iyong isanggalang, sa ganitong mga taong sagana ang pamumuhay.
Ibagsak mo sa kanila ang parusang iyong laan,
pati mga anak nila ay labis mong pahirapan
at kanilang salinlahi sa galit mo ay idamay!
15 Dahil ako'y matuwid, ang mukha mo'y makikita;
at sa aking paggising, sa piling mo'y liligaya.
Panambitan at Awit ng Papuri
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.
22 O(A) Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
2 Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
3 Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
4 Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,
sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
5 Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,
nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.
6 Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,
hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
7 Pinagtatawanan(B) ako ng bawat makakita sa akin,
inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
8 Sabi(C) nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,
darating ang kanyang saklolo!”
9 Noong ako ay iluwal, ikaw, O Diyos, ang patnubay,
magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.
10 Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,
mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.
11 Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,
pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.
12 Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,
mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.
13 Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,
umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.
14 Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,
ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;
pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,
parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!
15 Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,
ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,
sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.
16 Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid,
para akong nasa gitna ng mga asong ganid;
mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit.
17 Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto,
tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko.
18 Mga(D) damit ko'y kanilang pinagsugalan,
at mga saplot ko'y pinaghati-hatian.
19 O Yahweh, huwag mo sana akong layuan!
Ako ay tulungan at agad na saklolohan!
20 Iligtas mo ako sa talim ng tabak,
at sa mga asong sa aki'y gustong kumagat.
21 Sa bibig ng mga leon ako'y iyong hanguin,
sa sungay ng mga toro ako ay iyong sagipin.
O Yahweh, panalangin ko sana'y dinggin.
22 Mga(E) ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,
sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.
23 Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin!
Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain,
bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin!
24 Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak,
hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap;
sinasagot niya agad ang mga kapus-palad.
25 Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,
sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,
ang panata kong handog ay doon ko iaalay.
26 Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,
mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.
Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!
27 Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,
lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.
28 Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
naghahari siya sa lahat ng mga bansa.
29 Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,
yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.
30 Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,
ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.
31 Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,
“Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”
Pinakasalan ni Boaz si Ruth
4 Nagtungo si Boaz sa may pintuan ng lunsod at naupo roon. Di nagtagal, dumaan ang tinutukoy niyang pinakamalapit na kamag-anak ni Elimelec. “Pinsan, sandali lang. Maupo ka rito at may sasabihin ako sa iyo,” sabi niya. Lumapit naman ang tinawag at naupo sa tabi ni Boaz. 2 Tumawag si Boaz ng sampung pinuno ng bayan at inanyayahan ding maupo roon. 3 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang kamag-anak, “Ngayong nagbalik na si Naomi buhat sa Moab, nais niyang ipagbili ang bukid ng kamag-anak nating si Elimelec. 4 Sa palagay ko'y dapat mo itong malaman sapagkat ikaw ang unang may karapatang bumili niyon. Kung gusto mo, bilhin mo iyon sa harap ng mga saksing pinuno ng bayan. Kung ayaw mo naman, ako ang bibili.”
“Bibilhin ko,” sagot ng lalaki.
5 Agad na sinabi ni Boaz, “Kung bibilhin mo kay Naomi ang bukid, kasama sa bilihan si Ruth,[a] ang Moabitang biyuda ng ating pinsan, upang ang bukid ay manatili sa angkan ng namatay.”
6 Pagkarinig niyon, sumagot ang lalaki, “Kung ganoon, hindi ko na gagamitin ang aking karapatan, sapagkat manganganib namang mawala ang sarili kong mana. Ikaw na ang bumili.”
7 Ganito(A) ang kaugalian sa Israel noong unang panahon: kapag tinubos o binili ang isang ari-arian, hinuhubad ng nagpatubos o nagbenta ang kanyang sandalyas at ibinibigay sa bumili, bilang katibayan ng kanilang kasunduan. 8 Kaya't nang sabihin ng lalaki kay Boaz na siya na ang bumili, hinubad nito ang kanyang sandalyas at ibinigay kay Boaz.[b] 9 Matapos tanggapin iyon, sinabi ni Boaz sa matatandang pinuno at sa ibang naroroon, “Kayo ang saksi ko na binili ko kay Naomi ang lahat ng nasa pangalan ni Elimelec, at nina Quelion at Mahlon. 10 Kasama(B) sa bilihang ito ay magiging asawa ko si Ruth, ang Moabitang biyuda ni Mahlon, upang manatili sa angkan ng namatay ang mga ari-arian. Sa pamamagitan nito'y mananatiling buháy ang kanyang pangalan sa hanay ng kanyang kamag-anakan at sa kanyang bayan. Inuulit ko, saksi kayo sa bagay na ito.”
11 At(C) sila'y sumagot, “Oo, saksi kami.” Sinabi naman ng matatanda, “Pagpalain nawa ni Yahweh ang babaing iyon, at bigyan ng maraming anak gaya nina Raquel at Lea, na pinagmulan ng lahing Israel. Ikaw naman, Boaz, sumagana ka nawa sa Efrata at kilalanin sa buong Bethlehem. 12 Matulad(D) nawa sa sambahayan ni Fares, na anak nina Juda at Tamar, ang mga anak na ibibigay sa inyo ni Yahweh sa pamamagitan ng kabataang babaing ito.”
13 Napangasawa nga ni Boaz si Ruth at iniuwi sa kanyang tahanan. Pinagpala ni Yahweh si Ruth kaya't ito'y nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki. 14 Sinabi ng kababaihan kay Naomi, “Purihin si Yahweh! Binigyan ka niya sa araw na ito ng isang apo na kakalinga sa iyo. Maging tanyag nawa sa Israel ang bata! 15 Maghatid nawa siya ng kaaliwan sa puso mo at mag-alaga sa iyong pagtanda. Ang mapagmahal mong manugang, na nagsilang sa bata, ay higit kaysa pitong anak na lalaki.” 16 Kinuha ni Naomi ang bata, magiliw na kinalong, at inalagaang mabuti. 17 Siya'y tinawag nilang Obed. Ipinamalita nilang nagkaapo ng lalaki si Naomi. Si Obed ang siyang ama ni Jesse na ama naman ni David.
17 Ang mga matatandang pinuno ng iglesya na mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran, lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos. 18 Sapagkat(A) sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Nasusulat din, “Karapat-dapat lamang na bayaran ang manggagawa.”
19 Huwag(B) mong tatanggapin ang anumang paratang laban sa isang matandang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi.
20 Pagsabihan mo sa harap ng lahat ang sinumang ayaw tumigil sa paggawa ng masama para matakot ang iba.
21 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng kanyang banal na mga anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga bagay na ito nang walang kinikilingan o itinatangi. 22 Huwag mong ipapatong agad ang iyong kamay sa sinuman upang bigyan ito ng kapangyarihang mamahala. Ingatan mong huwag kang masangkot sa kasalanan ng iba; manatili kang walang dungis.
23 Huwag tubig lamang ang iyong inumin; uminom ka rin ng kaunting alak para sa madalas na pagsakit ng iyong sikmura.
24 May mga taong lantad na ang kasalanan bago pa dumating ang paghuhukom. At mayroon din namang ang kasalanan ay mahahayag sa bandang huli. 25 Gayundin naman, may mabubuting gawa na kapansin-pansin; at kung hindi man mapansin, ang mga ito'y hindi maililihim habang panahon.
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Manas
14 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo, at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos. 2 Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may manas. 3 Kaya't tinanong niya ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?”
4 Ngunit hindi sila umimik, kaya't hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. 5 Pagkatapos(A) ay sinabi niya sa kanila, “Kung ang inyong anak o ang inyong baka ang mahulog sa balon, hindi ba't iaahon ninyo ito kaagad kahit Araw ng Pamamahinga?”
6 Hindi sila nakasagot sa tanong na ito.
Pagmamataas at Pagpapakumbaba
7 Napansin ni Jesus na pinipili ng ilang mga panauhin ang mga upuang pandangal. Kaya't sinabi niya ang talinghagang ito sa kanila. 8 “Kapag(B) inanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang uupo agad sa upuang pandangal. Baka may inanyayahang mas kilala kaysa sa iyo. 9 Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa at sabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo sa pinakaabang upuan. 10 Mabuti pa, kapag naanyayahan ka, doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan. Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi, ‘Kaibigan, dito ka sa kabisera,’ mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng mga panauhin. 11 Sapagkat(C) ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.