Book of Common Prayer
Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap
Awit ni David; inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.
38 Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!
O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.
2 Ang iyong palaso'y tumama sa akin;
at iyong mga kamay, hinampas sa akin.
3 Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit;
dahil sa sala ko, ako'y nagkasakit.
4 Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha;
mabigat na lubha itong aking dala.
5 Malabis ang paglala nitong aking sugat,
dahil ginawa ko ang hindi nararapat;
6 Wasak at kuba na ang aking katawan;
sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.
7 Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,
lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.
8 Ako'y nanghihina at nanlulupaypay,
puso'y dumaraing sa sakit na taglay.
9 O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid;
ang mga daing ko'y iyong dinirinig.
10 Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos;
ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.
11 Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw
dahil sa sugat ko sa aking katawan;
lumalayo pati aking sambahayan.
12 Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;
ang may bantang ako'y saktan at wasakin,
maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.
13 Para akong bingi na di makarinig,
at para ring pipi na di makaimik;
14 sa pagsasanggalang ay walang masabi,
walang marinig katulad ng isang bingi.
15 Ngunit sa iyo, Yahweh, ako'y may tiwala,
aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.
16 Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan,
sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.
17 Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,
mahapdi't makirot ang aking katawan.
18 Aking ihahayag ang kasalanan ko,
mga kasalanang sa aki'y gumugulo.
19 Mga kaaway ko'y malakas, masigla;
wala mang dahila'y namumuhi sila.
20 Ang ganting masama ang sukli sa akin,
dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.
21 Yahweh, huwag akong iiwan;
maawaing Diyos, huwag akong layuan;
22 aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan!
Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh
(Daleth)
25 Ako'y gapi't lupasay na sa bunton ng alikabok,
sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
26 Ang aking mga gawang kamalia'y pinatawad mo,
ang tuntunin mo at aral, sa lingkod mo'y ituro.
27 Tulungang maunawaan, iyong mga kautusan,
iyong kahanga-hangang gawa, lubos kong pag-aaralan.
28 Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot;
sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
29 Sa landas na di matuwid, huwag mo akong hahayaan,
pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
30 Ang pasya ko sa sarili, ako'y maging masunurin,
sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
31 Itong mga tuntunin mo, O Yahweh, ay sinunod ko;
huwag nawang hahayaang mapahiya ang lingkod mo.
32 Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin,
dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin.
Panalangin Upang Makaunawa
(He)
33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.
Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh
(Vav)
41 Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42 upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43 Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48 Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.
25 “Kahit gaano katagal ang abutin ninyo roon, kahit kayo'y magkaanak at magkaapo, huwag kayong gagawa ng mga larawan upang sambahin sapagkat magagalit sa inyo si Yahweh na inyong Diyos. Masama ito sa kanyang paningin. 26 Saksi ang langit at ang lupa na kapag nilabag ninyo ang utos na ito, hindi kayo magtatagal sa lupaing iyon sa kabila ng Jordan sapagkat malilipol kayo nang lubusan. 27 Paghihiwa-hiwalayin(A) kayo ni Yahweh sa iba't ibang bansa at kaunti lamang ang matitira sa inyo. 28 At sa lugar na pagtatapunan sa inyo ay maglilingkod kayo sa mga diyus-diyosang kahoy at bato na gawa ng mga tao. Sila'y hindi nakakakita, nakakarinig, nakakaamoy ni nakakakain. 29 Gayunman,(B) matatagpuan ninyong muli si Yahweh kung siya'y buong puso ninyong hahanapin. 30 Kapag nangyari na ang lahat ng ito, at kayo'y nasa matinding kahirapan, manunumbalik na kayo kay Yahweh at maglilingkod sa kanya. 31 Siya ay mahabagin. Hindi niya kayo pababayaang malipol sapagkat hindi niya kakalimutan ang kanyang kasunduan sa inyong mga ninuno.
23 Saksi ko ang Diyos, alam niya ang laman ng aking puso. Hindi muna ako pumunta riyan sa Corinto sapagkat kayo rin ang inaalala ko. 24 Hindi sa nais naming pangunahan kayo sapagkat alam naming sinisikap ninyong maging matatag sa pananampalataya. Nais lamang naming tumulong upang maging maligaya kayo.
2 Sapagkat[a] ipinasya kong huwag na munang pumunta riyan upang hindi kayo muling madulutan ng kalungkutan. 2 Dahil kung dudulutan ko kayo ng kalungkutan, sino pa ang aaliw sa akin? Hindi ba't kayo rin? 3 Kaya sumulat muna ako sa inyo noon upang sa pagpunta ko riyan ay hindi ako mabigyan ng lungkot ng mga taong dapat sana ay magpasaya sa akin. Sapagkat natitiyak kong ang aking kagalakan ay kagalakan din ninyong lahat. 4 Ang puso ko'y puno ng kalungkutan at pag-aalala nang sulatan ko kayo, at maraming luha ang tumulo habang sinusulat ko iyon. Sumulat ako sa inyo hindi upang kayo'y dulutan ng kalungkutan kundi upang ipadama kung gaano kalaki ang aking pagmamahal sa inyo.
Patawarin ang Nagkasala
5 Kung may nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi ito sa akin idinulot; hindi sa pinalalaki ko ang bagay na ito, pero ang totoo, kayong lahat ang dinulutan niya ng kalungkutan. 6 Sapat na ang parusang iginawad sa kanya ng nakararami sa inyo. 7 Dapat na ninyo siyang patawarin at aliwin upang hindi naman siya tuluyang masiraan ng loob dahil sa matinding lungkot. 8 Kaya nakikiusap akong ipadama ninyo sa kanya na siya'y mahal pa rin ninyo.
9 Ang isa pang dahilan ng pagsulat ko sa inyo noon ay upang subukin kayo at alamin kung sinusunod ninyo ang lahat ng ipinangaral ko sa inyo. 10 Ang sinumang pinatawad ninyo ay pinatawad ko na rin. Ang pinatawad ko, kung mayroon man akong dapat patawarin, ay pinatawad ko na sa harapan ni Cristo alang-alang sa inyo, 11 upang hindi tayo malamangan ni Satanas, sapagkat hindi lingid sa atin ang kanyang mga pamamaraan.
Hindi Mapanatag si Pablo sa Troas
12 Nang(A) dumating ako sa Troas upang mangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, nagbukas ang Panginoon ng pintuan upang maisagawa iyon. 13 Ngunit hindi rin ako mapanatag sapagkat hindi ko natagpuan doon si Tito na ating kapatid. Kaya ako'y nagpaalam sa mga tagaroon at nagtuloy sa Macedonia.
Nagtagumpay Dahil kay Cristo
14 Ngunit salamat sa Diyos at lagi niya kaming isinasama sa parada ng tagumpay ni Cristo, dahil sa aming pakikipag-isa sa kanya. At sa pamamagitan namin ay pinalalaganap ng Diyos sa lahat ng dako ang mabangong halimuyak ng pagkakilala sa kanya. 15 Para kaming mabangong samyo ng insensong inihahandog ni Cristo sa Diyos at nalalanghap naman ng mga naliligtas at ng mga napapahamak. 16 Sa mga napapahamak, ito'y parang alingasaw na nakamamatay, ngunit sa mga naliligtas, ito'y halimuyak na nagdudulot ng buhay. Sino ang may sapat na kakayahang gumawa ng mga bagay na ito? 17 Hindi kami katulad ng marami na kinakalakal ang salita ng Diyos. Sa halip, bilang sugo ng Diyos, sa kanyang harapan at sa aming pakikipag-isa kay Cristo ay buong katapatan kaming nangangaral.
Ang Dalawang Anak
11 Sinabi pa ni Jesus, “May isang tao na may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi sa kanya ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian. 13 Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili[a] ng bunso ang kanyang bahagi at nagpunta sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa mga bisyo ang lahat niyang kayamanan. 14 Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang maghirap. 15 Namasukan siya sa isang tagaroon, at siya'y pinagtrabaho nito sa isang babuyan. 16 Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa wala namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga pinagbalatan ng mga bungangkahoy na pinapakain sa mga baboy. 17 Ngunit napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, ‘Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa gutom! 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. 19 Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.”’ 20 At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila.
“Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan. 21 Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’ 22 Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Dali! Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya! Suotan ninyo siya ng singsing at ng sandalyas. 23 Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo'y kumain at magdiwang. 24 Sapagkat ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’ At sila nga'y nagdiwang.
25 “Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi siya at malapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, ‘Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?’ 27 ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ sagot ng alila. ‘Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong kapatid ay nakabalik nang buháy at walang sakit.’ 28 Nagalit ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapan. 29 Ngunit sumagot siya, ‘Pinaglingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para magkasayahan kami ng aking mga kaibigan. 30 Subalit nang dumating ang anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!’ 31 Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. 32 Nararapat lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.