Book of Common Prayer
Ang Pangako ng Hari
Isang Awit na katha ni David.
101 Ang aking awitin ay ang katapatan at ang katarungan;
ako'y umaawit patungkol sa iyo, O Yahweh kong mahal;
2 ang aking susunding lagi ay ugaling walang kapintasan,
kailan ka kaya darating sa aki't ako'y lalapitan?
Malinis ang budhing mamumuhay ako sa aking tahanan,
3 sa buhay kong ito ang gawang masama'y di ko tutulutan.
Ang sinumang taong gawai'y masama, di ko sasamahan,
di ko papansinin kung sinuman siyang ang Diyos ay kalaban.
4 Aking sisikapin na ang masunod ko'y ang gawaing tapat;
maging sa isipan di ko iisipin ang gawang di tumpak.
5 Siyang naninira ng kanyang kapwa'y aking wawasakin;
di ko papayagan ang mapagmalaking hambog kung tumingin.
6 Ang lahat ng taong nagtatapat sa Diyos, ako ay kaisa,
sa aking palasyo ay papayagan ko na doon tumira,
kung tunay na tapat ay tutulutan ko na maglingkod sila.
7 Sa aking palasyo yaong sinungaling di ko papayagan,
sa aking presensya ang mapagkunwari'y di ko tutulutan.
8 Lahat ng masama, araw-araw sila'y aking wawasakin;
lahat ng masama sa lunsod ni Yahweh ay palalayasin!
Panalangin Upang Iligtas Laban sa Masasama
Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
109 Pinupuri kita; O Diyos, huwag ka sanang manahimik,
2 ako ngayo'y nilulusob niyong mga malulupit,
mga taong sinungaling na manira lang ang nais.
3 Kay rami ng sinasabing pangungusap na di tunay,
kinakalaban nga ako kahit walang madahilan.
4 Bagaman sila'y minahal ko, masama rin ang paratang,
kahit ko pa idalangin, masama pa rin yaong bintang.
5 Sa mabuting ginawa ko, iginanti ay masama,
kapalit ng pag-ibig ko ay galit at alipusta.
6 Ang itapat mo sa kanya'y masama ring tulad niya,
kaaway ang pausigin, nang magtamo ng parusa,
7 pagkatapos na malitis, bayaan mo na magdusa,
kahit siya manalangin, huwag mo nang dinggin pa.
8 Ang(A) dapat ay paikliin tinataglay niyang buhay,
kuhanin ng ibang tao maging kanyang katungkulan.
9 Silang mga anak niya ay dapat na maulila,
hayaan mong maging biyuda, itong giliw nilang ina.
10 Bayaan ang mga supling, maglakad at mamalimos,
sa nawasak na tahanan palayasin silang lubos.
11 Ang lahat ng yaman niya'y ilitin ng nagpautang,
agawin ng ibang tao, ang bunga ng pagpapagal.
12 Hindi siya nararapat kahabagan nino pa man,
kahit anak na ulila sa hirap ay pabayaan.
13 Pati angkan niya't lahi, ay bayaang mamatay,
sa sunod na lahi niya, ngalan niya ay maparam.
14 Gunitain sana ni Yahweh ang sala ng kanyang angkan,
at ang sala nitong ina ay di dapat malimutan.
15 Huwag din sanang malimutan ni Yahweh ang sala nila,
ngunit sila naman mismo ay dapat na malimot na!
16 Pagkat mga taong iyo'y wala namang natulungan,
bagkus pa ang mahirap inuusig, pinapatay.
17 Mahilig sa pagsumpa, kaya dapat na sumpain,
yamang ayaw na magpala, di dapat pagpalain.
18 Ang pagsumpa sa kapwa sa kanya ay parang damit, kasuotang oras-oras nagagawa ang magbihis;
sana'y siya ang ginawin, katulad ng nasa tubig
tumagos sa buto niya, iyong sumpang parang langis.
19 Sana'y maging kasuotang nakabalot sa katawan,
na katulad ng sinturong nakabigkis araw-araw.
20 Ang ganitong kaaway ko, Yahweh, iyong parusahan,
sa dami ng ginagawa't sinasabing kasamaan.
21 Katulad ng pangako mo, Yahweh, ako ay tulungan,
yamang ika'y mapagmahal, ako'y ipagtanggol naman.
22 Pagkat ako ay mahirap, laging nangangailangan,
labis akong naghihirap sa ganitong kalagayan.
23 Anino ang katulad ko na kung gabi'y nawawala,
parang balang na lumipad, kapag ako ay inuga.
24 Mahina na ang tuhod ko, dahilan sa di pagkain,
payat na ang katawan ko, buto't balat sa paningin.
25 Ang(B) sinumang makakita sa akin ay nagtatawa,
umiiling silang lahat kapag ako'y nakikita.
26 Tulungan mo ako, Yahweh, sana naman ay iligtas,
dahilan sa pag-ibig mong matatag at di kukupas.
27 Bayaan mong makilala na ikaw ang nahahabag,
ipakita sa kaaway na ikaw ang nagliligtas.
28 Ako'y iyong pagpalain, kung kanilang sinusumpa,
sa kanilang pag-uusig bayaan mong mapahiya;
ako namang iyong lingkod mabubuhay na may tuwa.
29 Silang mga nang-uusig, bayaan mong mabahala,
ang damit ng kahihiyan, isuot mo sa kanila.
30 Kay Yahweh ay buong puso akong magpapasalamat,
sa gitna ng karamiha'y magpupuri akong ganap;
Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh
(Ayin)
121 Ang matuwid at mabuti ay siya kong ginampanan,
sa kamay ng kaaway ko, huwag mo akong pabayaan.
122 Aming Diyos, mangako kang iingatan ang iyong lingkod,
at hindi mo babayaang guluhin ng mga hambog.
123 Malamlam na ang mata ko, sa tagal ng paghihintay,
sa pangako mo sa aking tatanggapi'y kaligtasan.
124 Sang-ayon sa pag-ibig mo, gayon ang gawing pagtingin,
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro na sa akin.
125 Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong
abang lingkod,
upang aking maunawa ang aral mo't mga utos.
126 Panahon na, O Yahweh, upang ikaw ay kumilos,
nilalabag na ng tao ang bigay mong mga utos.
127 Mahal ko ang iyong utos nang higit pa kaysa ginto,
kaysa gintong dinalisay, utos mo'y isinapuso.
128 Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod,
pagkat ako'y namumuhi sa anumang gawang buktot.
Paghahangad na Sundin ang Kautusan ni Yahweh
(Pe)
129 Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo;
lahat aking iingata't susundin nang buong puso.
130 Ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw,
nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.
131 Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan,
na matamo yaong aking minimithing kautusan.
132 Ako'y iyong kahabagan, ngayon ako ay lingapin,
at sa mga taong tapat, itulad mo ang pagtingin.
133 Sang-ayon sa pangako mo, huwag mo akong hahayaang
mahulog sa gawang mali at ugaling mahahalay.
134 Sa sinumang naghahangad na ako ay alipinin,
iligtas mo ang lingkod mo't ang utos mo ang susundin.
135 Sa buhay ko'y tumanglaw ka at ako ay pagpalain,
at ang iyong mga utos ay ituro mo sa akin.
136 Parang agos na ng batis ang daloy ng aking luha,
dahilan sa mga taong sa utos mo'y sumisira.
Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh
(Tsade)
137 Matuwid ka, O Yahweh, matapat ka nga at banal,
matapat ang tuntunin mo sa bigay mong kautusan.
138 Yaong mga tuntunin mong iniukol mo sa amin,
sa lahat ay naaangkop, at matapat ang layunin.
139 Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab,
pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak.
140 Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis,
kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig.
141 Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil,
gayon pa man, ang utos mo'y hindi pa rin lilimutin.
142 Ang taglay mong katapatan, kailanma'y di kukupas,
katuruan mo'y totoo at ito ay walang wakas.
143 Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin,
ngunit ang iyong kautusan ang sa aki'y umaaliw.
144 Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan,
bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay.
Muling Titipunin ang mga Natirang Israelita
14 Sinabi sa akin ni Yahweh, 15 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kapatid mo at mga dinalang-bihag tulad mo, ang buong sambahayan ni Israel, ay pinagsabihan ng mga nakatira ngayon sa Jerusalem ng, ‘Lumayo kayo kay Yahweh, ang lupaing ito'y ibinigay na sa amin.’ 16 Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Pinangalat ko sila sa iba't ibang dako kaya maaari nila akong sambahing pansamantala saanman sila napatapon.’ 17 Sabihin mo na muli ko silang titipunin mula sa mga bansang kinatapunan nila at ibibigay kong muli sa kanila ang lupain. 18 At pagbalik nila roon, aalisin nila ang mga kasuklam-suklam na mga bagay roon. 19 Bibigyan(A) ko sila ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin nilang puso ay papalitan ko ng pusong masunurin 20 upang lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin at sumunod sa aking mga utos. Sa gayon, magiging bayan ko sila at ako ang kanilang magiging Diyos. 21 Ngunit pagbabayarin ko ang mga gumawa ng karumal-dumal at kasuklam-suklam na bagay.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh.
Inalis ng Panginoong Yahweh ang Kanyang Kaluwalhatian sa Jerusalem
22 Pumaitaas(B) ang mga kerubin, kasama ang mga gulong, at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila. 23 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa lunsod at nagpunta sa ibabaw ng bundok sa gawing silangan. 24 Inilipad ako ng Espiritu[a] at sa pamamagitan ng pangitain ay dinala ako sa Babilonia, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Doon natapos ang pangitain. 25 At sinabi ko sa mga dinalang-bihag ang lahat ng ipinakita sa akin ni Yahweh sa pamamagitan ng pangitain.
Ang Paring si Melquisedec
7 Ang(A) Melquisedec na ito ay hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos. Nang pabalik na si Abraham mula sa pagpuksa sa mga hari, sinalubong siya ni Melquisedec at siya ay binasbasan nito. 2 Ibinigay ni Abraham kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng nasamsam niya mula sa labanan. Ang unang kahulugan ng pangalang Melquisedec ay “Hari ng Katuwiran”. At dahil siya'y hari din ng Salem, ibig sabihin, siya ay “Hari ng Kapayapaan”. 3 Walang nababanggit tungkol sa kanyang ama at ina, o sa angkang pinagmulan niya. Hindi rin natala ang kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya'y pari magpakailanman.
4 Tingnan ninyo kung gaano kadakila si Melquisedec! Ipinagkaloob sa kanya ni Abraham na ating ninuno ang ikasampung bahagi ng nasamsam niya mula sa labanan. 5 Ayon(B) sa Kautusan, ang mga pari mula sa angkan ni Levi ay inutusang kumuha ng mga ikapu mula sa mga Israelita, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham. 6 Si Melquisedec ay hindi kabilang sa lipi ni Levi, ngunit tumanggap siya ng ikasampung bahagi mula kay Abraham at pinagpala niya ang taong ito na pinangakuan ng Diyos. 7 Hindi maipagkakaila na ang nagbibigay ng basbas ay mas dakila kaysa kanyang binabasbasan. 8 Ang mga Levita, na tumatanggap ng ikasampung bahagi ay may kamatayan, ngunit buháy si Melquisedec ayon sa kasulatan. 9 Kaya't masasabi na rin na maging si Levi na tumatanggap ng ikasampung bahagi, ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham. 10 Sapagkat masasabing si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong si Abraham nang ito'y salubungin ni Melquisedec.
11 Batay sa pagkapari ng mga Levita ang Kautusan ay ibinigay sa mga Israelita. Kung ang pagkapari ng mga Levita ay walang kapintasan, hindi na sana kinailangan pa ang ibang pagkapari na ayon sa pagkapari ni Melquisedec, at hindi ayon sa pagkapari ni Aaron. 12 Nang baguhin ang pagkapari, kinailangan ding baguhin ang kautusan. 13 Ang ating Panginoon ang paring tinutukoy dito ay kabilang sa ibang lipi, kung saan ay wala ni isa man na naglingkod bilang pari. 14 Alam ng lahat na ang ating Panginoon ay mula sa lipi ni Juda, at tungkol sa liping ito ay walang sinabi si Moises tungkol sa mga pari.
Ibang Pari, Tulad ni Melquisedec
15 Ang bagay na ito ay lalo pang naging maliwanag nang magkaroon ng ibang pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec. 16 Naging pari siya dahil sa kapangyarihan ng buhay na kailanma'y hindi matatapos, at hindi dahil sa lahing pinagmulan na itinatakda ng Kautusan. 17 Sapagkat(C) ito ang sinasabi ng kasulatan tungkol sa kanya, “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”
Bumalik ang Pitumpu't Dalawa
17 Masayang-masayang bumalik ang pitumpu't dalawa.[a] Iniulat nila, “Panginoon, kahit po ang mga demonyo ay napapasunod namin dahil sa kapangyarihan ng inyong pangalan.”
18 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nakita kong parang kidlat na nahulog si Satanas mula sa langit. 19 Binigyan(A) ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at daigin ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo. 20 Ngunit magalak kayo, hindi dahil sa napapasunod ninyo ang masasamang espiritu, kundi dahil nakatala sa langit ang inyong mga pangalan.”
Nagalak si Jesus(B)
21 Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.[b] Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga walang muwang. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari.
22 “Ibinigay(C) sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at wala namang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong minarapat ng Anak na makakilala sa Ama.”
23 Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, “Pinagpala kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon. 24 Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at marinig ang inyong naririnig, subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.