Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 97

Ang kapangyarihan ng Panginoon at ang kaniyang nasasakupan.

97 Ang Panginoon ay (A)naghahari; magalak ang lupa;
Matuwa ang karamihan ng mga pulo.
(B)Mga ulap at kadiliman ay nasa palibot niya:
Katuwiran at kahatulan ay patibayin ng kaniyang luklukan.
Apoy ay nagpapauna sa kaniya, At sinusunog ang kaniyang kaaway sa buong palibot.
Tumatanglaw (C)ang mga kidlat niya sa sanglibutan:
Nakita ng lupa, at niyanig.
(D)Ang mga bundok ay natunaw na parang pagkit sa harap ng Panginoon,
Sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.
Ipinahahayag (E)ng langit ang kaniyang katuwiran,
At nakita ng lahat na bayan ang kaniyang kaluwalhatian.
Mangahiya silang lahat na nangaglilingkod sa mga larawan,
Nangaghahambog tungkol sa mga diosdiosan:
Kayo'y magsisamba sa kaniya (F)kayong lahat na mga dios.
Narinig ng Sion, at natuwa,
At ang mga anak na babae ng Juda ay nangagalak;
Dahil sa iyong mga kahatulan, Oh Panginoon.
Sapagka't ikaw, Oh Panginoon, ay (G)kataastaasan sa buong lupa:
Ikaw ay nataas na totoong higit kay sa lahat na mga dios.
10 Oh kayong nagsisiibig sa Panginoon, (H)ipagtanim ninyo ang kasamaan.
Kaniyang iniingatan ang mga kaluluwa ng kaniyang mga banal;
Kaniyang iniligtas sila (I)sa kamay ng masama.
11 (J)Liwanag ang itinanim na ukol sa mga banal,
At kasayahan ay sa may matuwid na puso.
12 Mangatuwa kayo sa Panginoon, kayong mga matuwid;
(K)At mangagpasalamat sa kaniyang banal na pangalan.

Mga Awit 99-100

Pagpuri sa Panginoon dahil sa kaniyang kahabagan sa Israel.

99 Ang Panginoon ay (A)naghahari: manginig ang mga bayan.
(B)Siya'y nauupo sa mga querubin; makilos ang lupa.
Ang Panginoon ay dakila sa Sion; At siya'y mataas na higit sa lahat ng mga bayan.
Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan:
Siya'y (C)banal.
Ang lakas naman ng hari ay umiibig ng kahatulan;
Ikaw ay nagtatatag ng karampatan,
Ikaw ay nagsasagawa ng kahatulan at katuwiran sa Jacob.
Ibunyi ninyo ang Panginoon nating Dios,
At magsisamba kayo (D)sa harap ng kaniyang tungtungan;
(E)Siya'y banal.
(F)Si Moises at si Aaron sa gitna ng kaniyang mga saserdote, At si (G)Samuel sa kanila na nagsisitawag sa kaniyang pangalan;
Sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at siya'y sumasagot sa kanila.
Siya'y nagsasalita sa kanila (H)sa haliging ulap:
Kanilang iniingatan ang kaniyang mga patotoo, at ang palatuntunan na ibinigay niya sa kanila.
Sumagot ka sa kanila, Oh Panginoon naming Dios;
(I)Ikaw ay Dios na nagpatawad sa kanila,
(J)Bagaman nanghiganti ka sa kanilang mga gawa.
Ibunyi ninyo ang Panginoon nating Dios,
At magsisamba kayo sa kaniyang (K)banal na bundok;
Sapagka't ang Panginoon nating Dios ay banal.

Awit na pagpapasalamat.

100 Magkaingay kayo na (L)may kagalakan sa Panginoon, kayong lahat na lupain.
Mangaglingkod kayo na may kasayahan sa Panginoon;
Magsilapit kayo sa kaniyang harapan na may awitan.
Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios;
(M)Siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kaniya:
(N)Tayo'y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan.
(O)Magsipasok kayo sa kaniyang mga pintuang-daan na may pagpapasalamat,
At sa kaniyang looban na may pagpupuri:
Mangagpasalamat kayo sa kaniya, at purihin ninyo ang kaniyang pangalan.
Sapagka't ang Panginoon ay mabuti; ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man;
At ang kaniyang pagtatapat ay sa lahat ng sali't saling lahi.

Mga Awit 94-95

Tinawagan ang Panginoon upang ipaghiganti ang kaniyang bayan.

94 Oh Panginoon, ikaw na (A)Dios na kinauukulan ng panghihiganti,
Ikaw na Dios na kinauukulan ng panghihiganti, sumilang ka.
Bumangon ka, (B)ikaw na hukom ng lupa:
Ibigay mo sa palalo ang panghihiganti sa kanila.
Panginoon, (C)hanggang kailan ang masama,
Hanggang kailan magtatagumpay ang masama?
Sila'y dumadaldal, sila'y nagsasalita na may kapalaluan:
Lahat na manggagawa ng kasamaan ay nangagmamalaki.
Kanilang pinagwawaraywaray ang iyong bayan, Oh Panginoon,
At dinadalamhati ang iyong mana.
Kanilang pinapatay ang bao at ang taga ibang lupa,
At pinapatay ang ulila.
At (D)kanilang sinasabi, Ang Panginoo'y hindi makakakita,
Ni pakukundanganan man ng Dios ni Jacob ito.
Gunitain ninyo, ninyong mga hangal sa gitna ng bayan:
At ninyong mga mangmang, kailan tayo magiging pantas?
(E)Siyang lumikha ng pakinig, hindi ba siya makakarinig?
Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?
10 (F)Siyang nagpaparusa sa mga bansa, (G)hindi ba siya sasaway,
Sa makatuwid baga'y siyang nagtuturo sa tao ng kaalaman?
11 (H)Nalalaman ng Panginoon ang mga pagiisip ng tao,
Na sila'y pawang walang kabuluhan.
12 (I)Mapalad ang tao na iyong pinarurusahan, Oh Panginoon,
At tinuturuan mo sa iyong kautusan.
13 Upang iyong mabigyan ng kapahingahan sa mga kaarawan ng kasakunaan,
(J)Hanggang sa mahukay ang hukay na ukol sa masama.
14 (K)Sapagka't hindi itatakuwil ng Panginoon ang kaniyang bayan,
Ni pababayaan man niya ang kaniyang mana.
15 Sapagka't kahatulan ay babalik sa katuwiran:
At susundan ng lahat na matuwid sa puso.
16 Sino ang babangon dahil sa akin laban sa mga manggagawa ng kasamaan?
Sinong tatayo dahil sa akin laban sa mga manggagawa ng kasamaan?
17 (L)Kundi ang Panginoon ay naging aking katulong,
Ang kaluluwa ko'y tumahang madali sana sa katahimikan.
18 Nang aking sabihin, (M)Ang aking paa ay natitisod;
Inalalayan ako ng iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon.
19 Sa karamihan ng aking mga pagiisip sa loob ko
Ang iyong mga pagaliw ay nagbibigay lugod sa aking kaluluwa.
20 Makikisama ba sa iyo ang luklukan (N)ng kasamaan,
Na nagaanyo ng pagapi sa pamamagitan ng palatuntunan?
21 Sila'y nagpipisan laban sa kaluluwa ng matuwid,
At (O)pinarusahan nila ang walang salang dugo.
22 Nguni't ang Panginoon ay naging aking matayog na moog;
At ang Dios ko'y (P)malaking bato na aking kanlungan.
23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan,
At ihihiwalay niya sila sa kanilang sariling kasamaan;
Ihihiwalay sila ng Panginoon naming Dios.

Pagpuri sa Panginoon at babala laban sa di pagsampalataya.

95 (Q)Oh magsiparito kayo, tayo'y magsiawit sa Panginoon:
(R)Tayo'y magkaingay na may kagalakan (S)sa malaking bato na ating kaligtasan.
Tayo'y magsiharap sa kaniyang harapan na may pagpapasalamat,
Tayo'y magkaingay na may kagalakan sa kaniya na may mga pagaawitan.
Sapagka't ang (T)Panginoon ay dakilang Dios,
At dakilang Hari sa lahat ng mga dios,
Na sa kaniyang kamay ang mga malalim na dako ng lupa,
Ang mga kataasan ng mga bundok ay kaniya rin.
Ang dagat ay kaniya, at kaniyang ginawa:
At ang kaniyang mga kamay ay lumikha ng tuyong lupa.
Oh magsiparito kayo, tayo'y magsisamba at magsiyukod;
Tayo'y magsiluhod sa harap ng Panginoon na May-lalang sa atin.
Sapagka't siya'y ating Dios,
At tayo'y (U)bayan ng kaniyang pastulan, at mga tupa ng kaniyang kamay.
Ngayon, kung (V)inyong didinggin ang kaniyang tinig!
Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa Meriba,
Gaya sa kaarawan ng Masa (W)sa ilang:
(X)Nang tuksuhin ako ng inyong mga magulang,
Tinikman ako, at nakita ang gawa ko.
10 Apat na pung taong namanglaw ako sa lahing yaon,
At aking sinabi, Bayan na nagkakamali sa kanilang puso.
At hindi naalaman ang aking mga daan:
11 Kaya't ako'y sumumpa sa aking poot,
(Y)Na sila'y hindi magsisipasok sa aking (Z)kapahingahan.

Jeremias 17:19-27

Ang sabbath ay dapat na pakabanalin.

19 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon, at tumayo ka sa pintuang-bayan ng mga anak ng bayan, na pinapasukan, at nilalabasan ng mga (A)hari sa Juda, at sa lahat ng pintuang-bayan ng Jerusalem;

20 At iyong sabihin sa kanila, Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong mga hari sa Juda, at ng buong Juda, at ng lahat na nananahan sa Jerusalem, na nagsisipasok sa pintuang-bayang ito:

21 Ganito ang sabi ng Panginoon, (B)Mangagingat kayo sa inyong sarili, at huwag kayong mangagdala ng pasan sa araw ng sabbath, o mangagpasok man sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem;

22 Huwag din kayong maglabas ng pasan sa inyong mga bahay sa araw ng sabbath, o magsigawa man kayo ng anomang gawain: kundi inyong ipangilin ang araw ng sabbath, (C)gaya ng iniutos ko sa inyong mga magulang.

23 Nguni't hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg, upang huwag nilang marinig, at huwag makatanggap ng turo.

24 At mangyayari, kung kayo'y mangakinig na maingat sa akin, sabi ng Panginoon, na huwag magpasok ng pasan sa mga pintuan ng bayang ito sa araw ng sabbath, kundi ipangilin ang araw ng sabbath, upang huwag gawan ng anomang gawain;

25 Kung magkagayo'y magsisipasok (D)sa mga pintuan ng bayang ito ang mga hari at mga prinsipe na nangauupo sa luklukan ni David, na nangakakaro at nangakakabayo, sila at ang kanilang mga pangulo, ang mga lalake ng Juda, at ang mga taga Jerusalem; at ang bayang ito ay mananatili magpakailan man.

26 At sila'y manganggagaling sa (E)mga bayan ng Juda, at sa (F)mga palibot ng Jerusalem, at sa lupain ng Benjamin, at sa (G)mababang lupain, at sa mga bundok, at (H)sa Timugan, na magdadala ng mga handog na susunugin, at ng mga hain, at ng mga alay, at ng kamangyan, at mangagdadala ng mga hain na pasalamat sa bahay ng Panginoon.

27 Nguni't kung hindi ninyo didinggin ako upang ipangilin ang araw ng sabbath, at huwag mangagdala ng pasan at pumasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem sa araw ng sabbath; kung magkagayo'y (I)magsusulsol ako ng apoy sa mga pintuang-bayan niyaon, at pupugnawin niyaon ang mga palacio sa Jerusalem, at hindi mapapatay.

Roma 7:13-25

13 Ang mabuti nga baga ay naging kamatayan sa akin? Huwag nawang mangyari. Kundi ang kasalanan, upang maipakilalang kasalanan, sa pamamagitan ng mabuti ay gumawa sa akin ng kamatayan;—na sa pamamagitan ng utos ang kasalanan ay maging lalong sala.

14 Sapagka't nalalaman natin na ang kautusa'y (A)sa espiritu: nguni't ako'y sa laman, na (B)ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.

15 Sapagka't ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman: (C)sapagka't ang hindi ko ibig, ang ginagawa ko; datapuwa't ang kinapopootan ko, yaon ang ginagawa ko.

16 Nguni't kung ang hindi ko ibig, ang siyang ginagawa ko, ay sumasangayon ako na mabuti ang kautusan.

17 Kaya ngayo'y hindi ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin.

18 Sapagka't nalalaman ko na (D)sa akin, sa makatuwid ay sa aking laman, ay hindi tumitira ang anomang bagay na mabuti: sapagka't ang pagnanasa ay nasa akin, datapuwa't ang paggawa ng mabuti ay wala.

19 Sapagka't ang mabuti na aking ibig, ay hindi ko ginagawa: nguni't ang masama na hindi ko ibig, ay siya kong ginagawa.

20 Datapuwa't kung ang hindi ko ibig, ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin.

21 Kaya nga nasumpungan ko ang isang kautusan na, kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang masama ay nasa akin.

22 Sapagka't (E)ako'y nagagalak sa kautusan ng Dios (F)ayon sa pagkataong loob:

23 Datapuwa't (G)nakikita ko ang ibang kautusan sa (H)aking mga sangkap na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pagiisip, at dinadala akong bihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.

24 Abang tao ako! sino ang magliligtas sa akin sa (I)katawan nitong kamatayan?

25 Nagpapasalamat ako sa Dios (J)sa pamamagitan ni Jesucristo na Panginoon natin. Kaya nga tunay kong ipinaglilingkod ang aking pagiisip, sa kautusan ng Dios; datapuwa't ang laman ay sa kautusan ng kasalanan.

Juan 6:16-27

16 At nang kinahapunan, ay nagsilusong ang kaniyang mga alagad sa dagat;

17 At nagsilulan sila sa isang daong, at kanilang tinatawid ang dagat hanggang sa (A)Capernaum. At madilim na nga, at hindi dumarating sa kanila si Jesus.

18 At lumalaki ang dagat dahil sa isang malakas na hanging humihihip.

19 Nang sila nga'y mangakagaod na ng may (B)dalawangpu't lima o tatlongpung (C)estadio, ay kanilang nakita si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat, at lumalapit sa daong: at sila'y nangahintakutan.

20 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Ako nga; huwag kayong mangatakot.

21 Malugod nga nilang tinanggap siya sa daong: at pagdaka'y dumating ang daong sa lupang kanilang tinutumpa.

22 Nang kinabukasan ay nakita ng karamihang nakatayo sa (D)kabilang ibayo ng dagat na doo'y walang ibang daong, kundi isa, at hindi lumulan sa daong si Jesus na kasama ng kaniyang mga alagad, kundi ang kaniyang mga alagad lamang ang nagsipaglayag

23 (gayon man ay may mga daong na nagsidating na mula sa Tiberias malapit sa dako na kanilang kinainan ng tinapay pagkatapos na makapagpasalamat ang Panginoon):

24 Nang makita nga ng karamihan na wala roon si Jesus, ni ang kaniyang mga alagad man, ay nagsilulan sila sa mga daong, at nagsidating sa Capernaum, na hinahanap si Jesus.

25 At nang siya'y kanilang masumpungan sa kabilang ibayo ng dagat, ay kanilang sinabi sa kanila, Rabi, kailan ka dumating dito?

26 Sinagot sila ni Jesus at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako'y inyong hinahanap, hindi dahil sa inyong nangakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo'y nagsikain ng tinapay, at kayo'y nangabusog.

27 Magsigawa kayo hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal (E)sa buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao: (F)sapagka't siyang tinatakan ng Ama, sa makatuwid baga'y ang Dios.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978