Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 124

Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
    O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
“Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
    noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
    sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
    naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
    sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.

Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
    pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
    lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
    pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.

Ester 1:1-21

Ang Panaginip ni Mordecai[a]

1-3 Si(A) Mordecai, na isang Judiong kabilang sa lipi ni Benjamin, ay dinalang-bihag kasama ni Haring Jeconias ng Juda noong mahulog ang Jerusalem sa kamay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Si Mordecai ay anak ni Jair na anak ni Simei at apo ni Kis. Ngayo'y naninirahan siya sa lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng Persia. Doon ay isa siyang mataas na pinuno sa kaharian ng Dakilang Haring Xerxes.

Noong unang araw ng unang buwan, ikalawang taon ng paghahari ni Haring Xerxes, si Mordecai ay nanaginip ng ganito: Maraming boses at matinding kaguluhan, kulog, at lindol sa buong daigdig. Walang anu-ano'y may lumitaw na dalawang dragong umaatungal nang malakas at handang maglaban. Nang marinig ang kanilang atungal, ang mga bansa ay humanda upang digmain ang matuwid na bayan ng Diyos. Naghari sa daigdig ang karimlan, kapanglawan, kaguluhan at pagkabahala. Nasira at gumuho ang lahat. Nagulo ang matuwid na bansa dahil sa takot sa kapahamakang nagbabanta sa kanila, ngunit handa silang mamatay. Subalit nanalangin sila sa Diyos, at ang panalangin nila'y naging parang isang napakalaking ilog na umagos mula sa isang maliit na bukal. 10 Sumikat ang araw at muling nagliwanag. Pinalakas ng Diyos ang mga mapagpakumbaba kaya nalipol nila ang mga mapagmataas nilang kaaway.

11 Sa panaginip na iyon, nakita ni Mordecai ang binabalak gawin ng Diyos. Nang siya'y magising, maghapon niyang pinilit na maunawaan ang panaginip na iyon.

Iniligtas ni Mordecai ang Buhay ng Hari

12 Noon, si Mordecai ay nagpapahinga sa bakuran ng palasyo, kasama sina Gabata at Tara na mga eunukong bantay roon. 13 Narinig niya ang pag-uusap ng dalawa at nalaman niyang balak ng mga ito na patayin si Haring Xerxes. Kaya't siya'y nagpunta sa hari at ito'y kanyang ipinaalam. 14 Ang dalawa ay ipinatawag ng hari at tinanong kung totoo ang paratang ni Mordecai. Nang umamin ang dalawa, sila'y ipinabitay ng hari.

15 Ang buong pangyayari'y ipinasulat ng hari sa isang aklat. Isinulat din ni Mordecai ang mga pangyayaring ito. 16 Bilang gantimpala sa kanyang ginawa, si Mordecai ay binigyan ng hari ng tungkulin sa palasyo mula noon.

17 Ngunit si Haman na anak ni Hamedata na isang Agagita,[b] ay malapit sa hari. Gumawa siya ng paraan para ipahamak si Mordecai at ang mga kababayan nito dahil sa pagkamatay ng dalawang eunuko.

Sinuway ni Reyna Vasti si Haring Xerxes

Si(B) Haring Xerxes ay naghari sa 127 lalawigan mula sa India hanggang Etiopia.[c] Ang kanyang palasyo ay nasa Lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng kaharian ng Persia.

Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, naghanda siya ng isang piging para sa isang natatanging grupong tinatawag na “Mga Kaibigan”. Inimbitahan rin niya ang kanyang mga pinuno, mga lingkod, mga pinunong kawal ng Persia at Media, pati mga maharlikang tao at mga gobernador ng mga lalawigan. Ipinagparangalan niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian at ang maringal niyang pamumuhay. Ang handaan ay tumagal nang sandaan at walumpung araw.

Pagkaraan nito, pitong araw naman siyang nagdaos ng handaan para sa lahat ng mga naninirahan sa Susa, dayuhan man o katutubo. Ginanap ito sa bulwagang nasa hardin ng palasyo. Puting-puti ang mga kurtina at maraming palawit na kulay asul. Ang mga tali nito'y nilubid na pinong lino at kulay ube, at nakasabit sa mga argolyang pilak. Marmol ang mga haligi ng palasyo. Gawa naman sa ginto't pilak ang mga upuan. Ang sahig ay nalalatagan ng mga baldosang yari sa puting marmol, malalaking perlas, at mamahaling bato. Ang mga kopitang ginamit na inuman ay gawa sa ginto at pilak. Inilabas din ng hari ang isang kopitang punung-puno ng mamahaling hiyas na aabot ang katumbas na halaga sa tone-toneladang pilak. Napakarami ring ipinamahaging alak na tanging ang hari lamang ang nakakainom. Ipinag-utos ng hari sa mga tagapagsilbi na bigyan ng alak ang mga panauhin ayon sa kagustuhan ng bawat isa.

Samantala, nagdaos naman ng isang handaan para sa kababaihan si Reyna Vasti sa palasyo ng Haring Xerxes.

10 Nang ikapitong araw ng pagdiriwang, nalasing ang hari at ipinatawag niya sina Mehuman, Bizta, Harvona, Bigta, Abagta, Zetra at Carcas, ang pitong eunuko na personal na naglilingkod sa kanya. 11 Ipinasundo niya si Reyna Vasti sa mga ito upang humarap sa kanya na suot ang korona upang ipakita sa lahat ng naroon ang kagandahan ng reyna sapagkat ito naman ay tunay na napakaganda. 12 Ngunit tumangging sumama si Reyna Vasti sa mga sinugong eunuko. Napahiya ang hari kaya't labis itong nagalit.

13 Sa mga ganitong pangyayari sumasangguni ang hari sa mga pantas na dalubhasa sa batas at paghatol. 14 Ito'y sina Carsena, Setar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena at Memucan, ang pitong pangunahing pinuno ng Persia at Media. Malapit sila sa hari,[d] at mga kilalang tagapanguna sa kaharian. 15 Itinanong ng hari, “Ano ba ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil sa pagsuway niya sa aking utos na ipinasabi ko sa pamamagitan ng mga sugo?”

16 Sumagot si Memucan, “Nagkasala si Reyna Vasti, hindi lamang sa hari kundi pati sa mga pinuno at sa lahat ng nasasakupan ng Haring Xerxes. 17 Tiyak na malalaman ng lahat ng babae sa kaharian ang pangyayaring ito. Dahil dito, may dahilan na sila para sumuway sa kani-kanilang asawa. Idadahilan nilang si Reyna Vasti mismo ay hindi humarap sa hari nang ipatawag ito. 18 Ngayon pa ay natitiyak kong alam na ito ng mga pangunahing babae ng Persia at Media at sasabihin na sa mga pinuno ng hari. Dahil dito, lalapastanganin na ng mga babae ang mga lalaki. 19 Kaya, kung inyong mamarapatin, mahal na hari, magpalabas kayo ng isang utos na magiging bahagi ng mga batas ng Persia at Media para hindi mabago. Sa bisa ng utos na ito, aalisin kay Vasti ang pagiging reyna at papalitan siya ng mas mabuti kaysa kanya. 20 Kapag ito'y naipahayag na sa inyong malawak na kaharian, tiyak na igagalang ng mga babae ang kani-kanilang asawa, mayaman o mahirap man.”

21 Nagustuhan ng hari at ng kanyang mga pinuno ang payo ni Memucan.

Mga Gawa 4:13-31

13 Nagtaka ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nakapag-aral. Nabatid nilang dating kasamahan ni Jesus ang mga ito. 14 Ngunit dahil kaharap nila ang taong pinagaling, na nakatayo sa tabi nina Pedro at Juan, wala silang masabi laban sa dalawa. 15 Kaya't ang dalawa ay pinalabas muna ng Kapulungan, at saka sila nag-usap. 16 “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito?” tanong nila. “Hayag na sa buong Jerusalem na isang pambihirang himala ang naganap sa pamamagitan nila at hindi natin ito maikakaila. 17 Upang huwag nang kumalat ang balita tungkol dito, pagsabihan na lamang natin sila na huwag nang magsalita kaninuman sa pangalan ni Jesus.” 18 Kaya't muli nilang ipinatawag sina Pedro at pinagsabihang huwag nang magsalita o magturo pang muli sa pangalan ni Jesus.

19 Subalit sumagot sina Pedro at Juan, “Kayo na ang humatol kung alin ang tama sa paningin ng Diyos, ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos. 20 Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig.”

21 Wala silang makitang paraan upang parusahan ang dalawa, sapagkat ang mga tao'y nagpupuri sa Diyos dahil sa nangyari. Kaya't binalaan nila ang dalawa nang lalo pang mahigpit, at saka pinalaya. 22 Ang lalaking pinagaling ay mahigit nang apatnapung taong gulang.

Panalangin Upang Magkaroon ng Katapangan

23 Nang palayain na sina Pedro at Juan, pumunta sila sa mga kasamahan nila at ibinalita ang sinabi ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan. 24 Nang(A) marinig ito ng mga mananampalataya, sama-sama silang nanalangin sa Diyos, “Panginoon, kayo po ang lumikha ng langit at ng lupa, ng dagat at ng lahat ng nasa mga ito! 25 Kayo(B) po ang nagsalita sa pamamagitan ng aming ninunong si David na inyong lingkod nang sabihin niya sa patnubay ng Espiritu Santo,

‘Bakit galit na galit ang mga Hentil,
    at ang mga tao'y nagbalak ng mga bagay na walang kabuluhan?
26 Naghanda para sa digmaan ang mga hari sa lupa,
    at nagtipon ang mga pinuno
    laban sa Panginoon at sa kanyang Hinirang[a].’

27 Nagkatipon(C) nga sa lungsod na ito sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ang mga Hentil at ang buong Israel, laban sa inyong banal na Lingkod na si Jesus, ang inyong Hinirang. 28 Nagkatipon sila upang isagawa ang lahat ng bagay na inyong itinakda noong una pa man ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban. 29 At ngayon, Panginoon, tingnan ninyo, pinagbabantaan nila kami. Bigyan ninyo ng katapangan ang inyong mga alipin upang ipangaral ang inyong salita. 30 Iunat ninyo ang inyong kamay upang magpagaling, at loobin ninyo na sa pangalan ng inyong banal na Lingkod[b] na si Jesus ay makagawa kami ng mga himala.”

31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at buong tapang na nangaral ng salita ng Diyos.