Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 125

Kaligtasan ng mga Lingkod ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

125 Parang Bundok Zion, ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala,
    kailanma'y di makikilos, hindi mauuga.
Itong Jerusalem ay naliligiran ng maraming bundok,
    gayon nagtatanggol
    sa mga hinirang si Yahweh, ating Diyos.

Taong masasama
    ay di hahayaang laging mamahala,
pagkat maaaring ang mga pinili, mahawa sa sama.
Ang mga mabait na tapat sumunod sa iyong kautusan,
    sana'y pagpalain mo sila, O Yahweh, sa kanilang buhay.
Ngunit ang masama, sa kanilang hilig iyong parusahan,
parusahan sila, dahil sa di wasto nilang pamumuhay.

Kapayapaan para sa Israel!

Mga Kawikaan 1:1-19

Ang Kahalagahan ng mga Kawikaan

Ang(A) mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.

Sa pamamagitan nito, ang tao'y magtatamo ng karunungan at pang-unawa sa mga salitang puno ng aral sa buhay. Itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, katuwiran, katarungan, at katapatan. Mabibigyan nito ng talino ang mga walang karanasan, at ang mga kabataa'y matuturuang magpasya nang tama. Sa pamamagitan nito, lalong tatalino ang matalino at magiging dalubhasa ang kakaunti ang kaalaman. Sa gayon, lubos nilang mauunawaan ang mga kawikaan, gayon din ang palaisipan ng mga marurunong.

Payo sa mga Kabataan

Ang(B) paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,
    ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway.

Anak ko, dinggin mo ang aral ng iyong ama,
    at huwag ipagwalang-bahala ang turo ng iyong ina;
sapagkat ang mga iyon ay parang korona sa iyong ulo,
    parang kuwintas na may dalang karangalan.
10 Aking anak, sakali mang akitin ka ng mga makasalanan,
    huwag kang papayag, tanggihan mo sila.
11 Kung sabihin nilang, “Halika't tayo ay mag-abang,
    bilang katuwaa'y daluhungin ang mga walang malay.
12 Sila'y ating dudumugi't walang awang papatayin,
    at sila ay matutulad sa patay na ililibing.
13 Ating sasamsamin ang lahat nilang kagamitan,
    bahay nati'y mapupuno ng malaking kayamanan.
14 Halika at sa amin ikaw nga ay sumama,
    lahat ng masasamsam, bibigyan ang bawat isa.”
15 Aking anak, sa kanila ay iwasan mong makisama,
    umiba ka ng landas mo, papalayo sa kanila.
16 Ang lagi nilang hangad, gumawa ng kasamaan,
    sa tuwina ang bisig ay nakahanda sa pagpatay.
17 Sa pag-uumang ng bitag ay walang mangyayari,
    kung nakikita ng ibon na nais mo siyang mahuli.
18 Ngunit hindi nalalaman ng mga taong iyon,
    bitag nila ang sisilo sa sarili nilang ulo.
19 Ganyan ang uuwian ng nabubuhay sa karahasan,
    sa ganyan nga magwawakas ang masamang pamumuhay.

Roma 2:1-11

Matuwid ang Hatol ng Diyos

Kaya(A) nga, sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. Hinahatulan mo ang mga gumagawa ng mga bagay na ginagawa mo rin. Akala mo ba'y makakaiwas ka sa hatol ng Diyos? O(B) hinahamak mo ang Diyos, sapagkat siya'y napakabait, matiisin, at mapagpasensya? Hindi mo ba alam na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo upang magsisi at tumalikod sa kasalanan? Ngunit dahil matigas ang iyong ulo at ayaw mong magsisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa Araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatarungang paghatol ng Diyos. Sapagkat(C) igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. Buhay na walang hanggan ang ibibigay niya sa mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, at naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sumusunod sa kasamaan. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil. 10 Ngunit kapurihan, karangalan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil 11 sapagkat(D) walang kinikilingan ang Diyos.