Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
UNANG AKLAT
Ang Tunay na Kagalakan
1 Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama,
at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa.
Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya
at hindi nakikisangkot sa gawaing masama.
2 Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh.
Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.
3 Katulad(A) niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan,
laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon.
Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.
4 Hindi gayon ang sinumang gumagawa ng masama,
ito ay tulad ng ipa, hangin ang siyang nagtatangay.
5 Sa araw ng paghuhukom, parusa niya'y nakalaan
siya'y ihihiwalay sa grupo ng mga banal.
6 Sa taong matuwid, si Yahweh ang pumapatnubay,
ngunit ang taong masama, kapahamakan ang hantungan.
Walang Kabuluhan ang Lahat
1 Ito ang mga katuruan ng Mangangaral, ang anak ni David na hari ng Israel.
2 “Napakawalang kabuluhan![a] Napakawalang kabuluhan;[b] lahat ay walang kabuluhan,”[c] sabi ng Mangangaral. 3 Nagpapakapagod ka nang husto sa pagtatrabaho sa mundong ito.
Ngunit para saan ba ang mga pagpapagod na ito? 4 Patuloy(A) ang pagpapalit-palit ng mga lahi ngunit hindi nagbabago ang daigdig. 5 Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa pinanggalingan. 6 Ang hangin ay umiihip patungong timog, papuntang hilaga, buong araw na paikut-ikot. 7 Lahat ng tubig ay umuuwi sa dagat ngunit hindi ito napupuno. Ang tubig ay bumabalik sa batis na pinagmulan upang muling umagos patungong karagatan. 8 Ang lahat ng bagay ay nakababagot, hindi makayanang ipaliwanag. Walang sawa ang paningin ng tao; walang tigil ang kanyang pakinig. 9 Ang naganap noon ay nangyayari rin ngayon. Ang mga nagawa noon ay nagagawa rin ngayon; walang bagong pangyayari sa mundong ito. 10 Ang sabi ng iba, “Halikayo! Ito'y bago.” Ngunit naganap na iyon noong di pa tayo tao. 11 Hindi na maalala ang mga nauna. At ang nangyayari ngayon ay malilimutan din sa hinaharap.
Ang Karanasan ng Mangangaral
12 Ako, ang Mangangaral, ay naging hari ng Israel. 13 Siniyasat ko at pinag-aralang mabuti ang lahat ng bagay sa buong mundo. At nakita kong ang tao'y itinalaga ng Diyos sa matinding paghihirap. 14 Nakita kong ang lahat ng gawa ng tao sa mundong ito ay walang kabuluhan;[d] ito'y tulad lang ng paghahabol sa hangin. 15 Hindi na maitutuwid ang baluktot at hindi na maibibilang ang wala.
16 Sinabi(B) ko sa aking sarili, “Ang karunungan ko'y higit sa sinundan kong mga hari ng Jerusalem. Alam ko kung ano ang tunay na karunungan at kaalaman.” 17 Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at ng kamangmangan, ng katalinuhan at ng kabaliwan. Ngunit napatunayan kong ito rin ay tulad lang ng paghahabol sa hangin. 18 Habang lumalawak ang karunungan ay dumarami ang alalahanin, at habang dumarami ang nalalaman ay lalong tumitindi ang kapighatian.
Paparusahan ang mga Mapagkunwari(A)
29 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagpapagawa kayo ng libingan para sa mga propeta, at pinapaganda ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, ‘Kung kami sana'y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi kami makikiisa sa pagpatay sa mga propeta.’ 31 Sa sinabi ninyong iyan, inaamin ninyong kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta! 32 Sige! Tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga(B) ahas! Lahi ng mga ulupong! Hindi kayo makakaiwas na maparusahan sa impiyerno! 34 Kaya nga, magsusugo ako sa inyo ng mga propeta, mga matatalinong tao at mga tagapagturo! Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang iba'y ipapako sa krus. Ang iba'y hahagupitin ninyo sa inyong mga sinagoga at uusigin sa bayan-bayan. 35 Kaya(C) nga, paparusahan kayo dahil sa pagkamatay ng lahat ng taong pinatay na walang sala, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Baraquias. Pinaslang ninyo si Zacarias sa pagitan ng Templo at ng dambanang sunugan ng mga handog. 36 Tandaan ninyo: ang parusa sa lahat ng mga pagpatay na iyon ay babagsak sa salinlahing ito.”
Ang Pag-ibig ni Jesus sa Jerusalem(D)
37 “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinugo sa iyo! Ilang ulit kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, kung paano tinitipon ng isang inahin ang kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo. 38 Kaya't(E) ang inyong Templo ay iiwan na lubusang pinabayaan. 39 Sinasabi(F) ko sa inyo, hindi na ninyo ako makikita hanggang dumating ang oras na sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”
by