Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Kaligtasan ng mga Lingkod ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
125 Parang Bundok Zion, ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala,
kailanma'y di makikilos, hindi mauuga.
2 Itong Jerusalem ay naliligiran ng maraming bundok,
gayon nagtatanggol
sa mga hinirang si Yahweh, ating Diyos.
3 Taong masasama
ay di hahayaang laging mamahala,
pagkat maaaring ang mga pinili, mahawa sa sama.
4 Ang mga mabait na tapat sumunod sa iyong kautusan,
sana'y pagpalain mo sila, O Yahweh, sa kanilang buhay.
5 Ngunit ang masama, sa kanilang hilig iyong parusahan,
parusahan sila, dahil sa di wasto nilang pamumuhay.
Kapayapaan para sa Israel!
10 Makinig ka, aking anak, payo ko ay tanggapin,
lalawig ang iyong buhay, maraming taon ang bibilangin.
11 Ika'y pinatnubayan ko sa daan ng karunungan,
itinuro ko sa iyo ang daan ng katuwiran.
12 Hindi ka matatalisod sa lahat ng iyong hakbang,
magmabilis man ng lakad ay hindi ka mabubuwal.
13 Panghawakan mo nga ito at huwag pabayaan,
ito ay ingatan mo pagkat siya'y iyong buhay.
14 Ang daan ng kasamaan ay huwag mong lalakaran,
at ang buhay ng masama, huwag mo ngang tutularan.
15 Kasamaa'y iwasan mo, ni huwag lalapitan,
bagkus nga ay talikuran mo, tuntunin ang tamang daan.
16 Sila'y hindi makatulog kapag di nakagawa ng masama,
at hindi matahimik kapag nasa'y di nagawa.
17 Ang kanilang kinakain ay buhat sa kasamaan,
ang kanilang iniinom ay bunga ng karahasan.
18 Ngunit ang daan ng matuwid, parang bukang-liwayway,
tumitindi ang liwanag habang ito'y nagtatagal.
19 Ang daan ng masama'y pusikit na kadiliman,
ni hindi niya makita kung saan siya nabubuwal.
20 Aking anak, salita ko ay pakinggan mong mabuti,
pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi.
21 Huwag itong babayaang mawala sa paningin,
sa puso mo ay iukit nang mabuti at malalim.
22 Pagkat itong kaalaman ay daan ng buhay,
nagbibigay kalusuga't kagalingan ng katawan.
23 Ang puso mo'y ingatang mabuti at alagaan,
pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay.
24 Ilayo mo sa iyong bibig ang salitang mahahalay,
ilayo ang mga labi sa kasinungalingan.
25 Palaging sa hinaharap ang pukol ng iyong tanaw,
ituon ang iyong pansin sa iyong patutunguhan.
26 Siyasatin(A) mong mabuti ang landas na lalakaran,
sa gayon ang lakad mo ay laging matiwasay.
27 Huwag kang liliko sa kaliwa o sa kanan;
humakbang nang papalayo sa lahat ng kasamaan.
12 Ang mga Hentil ay walang Kautusan ni Moises. Sila ay nagkakasala at paparusahan nang hindi batay sa Kautusan. Ang mga Judio ay mayroong Kautusan. Sila ay nagkakasala at hahatulan batay sa Kautusan. 13 Sapagkat hindi ang mga nakikinig sa Kautusan, kundi ang sumusunod dito, ang siyang pawawalang-sala ng Diyos.
14 Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas na pag-iisip, ito'y nagiging kautusan na para sa kanila. 15 Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagkat kung minsan sila'y sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila'y ipinagtatanggol nito sa kanilang isipan.
16 Ayon sa Magandang Balitang aking ipinapangaral, gayon ang mangyayari sa Araw na ang mga lihim ng mga tao'y hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus.[a]
by