Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 73:21-28

21 Nang ang aking isip hindi mapalagay,
    at ang damdamin ko'y labis na nasaktan,
22 di ko maunawa, para akong tanga,
    sa iyong harapa'y hayop ang kagaya.
23 Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako,
    sa aking paglakad ay inaakay mo.
24 Ang mga payo mo'y umakay sa akin,
    marangal na ako'y iyong tatanggapin.
25 Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang,
    at maging sa lupa'y, aking kailangan?
26 Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man,
    ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan.

27 Yaong hihiwalay sa iyo'y mamamatay,
    at ang nagtataksil wawasaking tunay.
28 Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako!
    Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag,
    ang kanyang ginawa'y aking ihahayag.

Mga Kawikaan 22:1-21

22 Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan,
    kaysa pilak at ginto o anumang kayamanan.
Kay Yahweh ay pareho ang mayama't mahirap,
    pagkat siya ang may lalang sa kanilang lahat.
Kung may dumarating na panganib, ang matalino'y nag-iingat,
    ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya'y napapahamak.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh at ang kapakumbabaan
    ay nagbubunga ng yaman, buhay at karangalan.
Sa landas ng masama ay may tinik at mga patibong,
    at ang nagmamahal sa sarili ay umiiwas doon.
Ituro(A) sa bata ang daang dapat niyang lakaran,
    at hanggang sa paglaki'y di niya ito malilimutan.
Ang mahirap ay nasa kapangyarihan ng mayaman,
    ang nangangailangan ay alipin ng nagpapahiram.
Ang naghahasik ng kasamaan ay mag-aani ng kamalasan,
    at hindi magtatagal ang kanyang kasamaan.
Ang mahirap ay bahaginan mo ng pagkain,
    at tiyak na ikaw ay pagpapalain.
10 Palayasin mo ang mga sulsol at mawawala ang alitan,
    at matitigil ang kaguluhan pati pag-aaway.
11 Ang magiliw mangusap at may pusong dalisay,
    pati ang hari'y magiging kaibigan.
12 Binabantayan ni Yahweh ang mga nag-iingat ng kaalaman,
    ngunit di niya pinagtatagumpay ang salita ng mga mangmang.
13 Ang tamad ay ayaw lumabas ng bahay,
    ang idinadahila'y may leon sa daan.
14 Ang salita ng mapang-apid ay isang patibong
    at ang mga hindi nagtitiwala kay Yahweh ang nahuhulog doon.
15 Likas sa mga bata ang pagiging pilyo,
    ngunit sa pamamagitan ng palo, sila'y matututo.
16 Ang nagreregalo sa mayaman o umaapi sa mahirap para magpayaman
    ay mauuwi rin sa karalitaan.

Tatlumpung mga Kawikaan

17 Pakinggan mo at pag-aralang mabuti ang aking mga ituturo. 18 Ito'y magdudulot sa iyo ng kaligayahan kung isasaulo mo. 19 Sinasabi ko ito sa iyo sapagkat nais kong si Yahweh ang iyong panaligan. 20 Tatlumpu ang kawikaang ito. Bawat isa ay magandang panuntunan at magdudulot ng kaalaman. 21 Ituturo nito sa iyo kung ano ang katotohanan. Sa gayon, may maisasagot ka kung may magtanong sa iyo.

Roma 3:9-20

Walang Sinumang Matuwid

Ano ngayon? Ang kalagayan ba nating mga Judio ay mas mabuti[a] kaysa sa mga Hentil? Hindi! Tulad nga ng aming napatunayan na ang lahat ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, maging Judio o Hentil man. 10 Ayon(A) sa nasusulat,

“Walang matuwid, wala kahit isa.
11 Walang nakakaunawa,
    walang naghahanap sa Diyos.
12 Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama.
    Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”
13 “Parang(B) bukás na libingan ang kanilang lalamunan;
    pananalita nila'y pawang panlilinlang.
    Ang labi nila'y may kamandag ng ahas.”
14 “Punô(C) ng pagmumura at masasakit na salita ang kanilang bibig.”
15 “Wala silang atubili sa pagpatay ng kapwa.
16 Parang dinaanan ng salot ang kanilang madaanan,
17 hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.”
18 “Hindi(D) sila marunong matakot sa Diyos.”

19 Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos. 20 Walang(E) taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat ang ginagawa ng Kautusan ay ang ipaalam sa tao na siya'y nagkasala.