Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 144:9-15

O Diyos, may awitin akong bagung-bago,
    alpa'y tutugtugin at aawit ako.
10 Tagumpay ng hari ay iyong kaloob,
    at iniligtas mo si David mong lingkod.
11 Iligtas mo ako sa mga malupit kong kaaway;
    sa kapangyarihan ng mga banyaga ay ipagsanggalang;
    sila'y sinungaling, di maaasahan,
    kahit may pangako at mga sumpaan.

12 Nawa ang ating mga kabataan
    lumaking matatag tulad ng halaman.
Ang kadalagaha'y magandang disenyo,
    kahit saang sulok ng isang palasyo.
13 At nawa'y mapuno, mga kamalig natin
    ng lahat ng uri ng mga pagkain;
at ang mga tupa'y magpalaanakin,
    sampu-sampung libo, ito'y paramihin.
14 Mga kawan natin, sana'y dumami rin
    at huwag malagas ang kanilang supling;
sa ating lansangan, sana'y mawala na ang mga panaghoy ng lungkot at dusa!

15 Mapalad ang bansang kanyang pinagpala.
    Mapalad ang bayang si Yahweh'y Diyos na dinadakila!

Awit ni Solomon 8:5-7

Ang Ikaanim na Awit

Mga Babae:

Sino itong dumarating na buhat sa kaparangan,
    hawak-hawak pa ang kamay ng kanyang minamahal?

Babae:

Sa puno ng mansanas, ikaw ay aking ginising,
    doon mismo sa lugar na iyong sinilangan.
Kaya ako'y mahalin mo, sa bisig mo ay ikulong.
O kay lakas ng pag-ibig, panibugho man ay gayon;
    sinlakas ng kamatayan, tumutupok, parang apoy.
Kahit baha ay di kayang pigilin itong paggiliw,
    buhusan man nitong tubig, di makuhang palamigin.
Subukin mong ang pag-ibig ay sa yaman mo daanin,
    baka nga ang mangyari ay ikaw pa ang siyang kutyain.

Marcos 7:9-23

Sinabi pa ni Jesus, “Ang gagaling ninyo! Para lamang masunod ang inyong mga tradisyon, pinapawalang-bisa ninyo ang utos ng Diyos! 10 Halimbawa,(A) iniutos ni Moises na ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’, at ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ 11 Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Naihandog ko na sa Diyos[a] ang mga tulong ko sa inyo’; 12 ang taong iyon ay hindi na ninyo pinapatulong sa kanilang mga magulang. 13 Sa gayong paraan, pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga itinuturo ninyo. At marami pa kayong ginagawang katulad nito.”

Ang Nagpaparumi sa Tao(B)

14 Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat at unawain ang aking sasabihin! 15 Hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing pumapasok sa kanyang bibig, kundi dahil sa lumalabas dito. [16 Makinig ang may pandinig!]”[b]

17 Iniwan ni Jesus ang mga tao, at nang makapasok na siya sa bahay, siya'y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. 18 “Pati ba naman kayo ay hindi pa rin makaunawa?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing ipinapasok niya sa kanyang bibig, 19 sapagkat hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” (Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin.)

20 At sinabi rin niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos. 21 Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, 22 mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan. 23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay nanggagaling sa puso at dahil sa mga ito ay nagiging marumi ang tao.”