Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
21 Ipasakop ninyo ang inyong mga sarili sa isa’t isa sa pagkatakot sa Diyos.
Mga Asawang Babae at Mga Asawang Lalaki
22 Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyo-inyong asawa gaya ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon.
23 Ito ay sapagkat ang asawang lalaki ay siyang ulo ng asawang babae, tulad ni Cristo na ulo ng iglesiya at tagapagligtas ng katawan. 24 Kung papaanong ang iglesiya ay nagpasakop kay Cristo, gayundin ang mga asawang babae ay magpasakop sa sarili nilang mga asawa sa lahat ng mga bagay.
25 Mga asawang lalaki, ibigin ninyo ang inyong asawa tulad ng pagmamahal ni Cristo sa iglesiya at ipinagkaloob niya ang kaniyang sarili para dito. 26 Ito ay upang kaniyang gawing banal ang iglesiya sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig sa salita. Ipinagkaloob niya ang kaniyang sarili upang gawing banal ang iglesiya. 27 Ito ay upang maiharap niya ang iglesiya sa kaniyang sarili na isang marilag na iglesiya, walang batik o kulubot o anumang mga gayong bagay, sa halip, ang iglesiya ay maging banal at walang kapintasan. 28 Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kanilang mga asawa tulad ng pag-ibig nila sa kanilang sariling katawan. Siya na nagmamahal sakaniyang asawa ay nagmamahal sa kaniyang sarili. 29 Ito ay sapagkat wala pang sinumang namuhi sa kaniyang sariling katawan kundi inaalagaan ito at minamahal tulad ng ginagawa ng Panginoon sa iglesiya. 30 Ito ay dahil tayo ay bahagi ng kaniyang katawan, ng kaniyang laman at ng kaniyang mga buto.
31 Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at makikipag-isa sa kaniyang asawa at ang dalawa ay magiging isang laman.
32 Ito ay isang dakilang hiwaga, ngunit nagsasalita ako patungkol kay Cristo at sa iglesiya. 33 Gayunman, ang bawat isa sa inyo ay magmahal sa kaniyang asawang babae tulad sa kaniyang sarili. Ang asawang babae ay magpitagan sa kaniyang asawa.
Mga Anak at Mga Magulang
6 Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon dahil ito ay matuwid.
2 Igalang ninyo ang inyong ama at ina. Ito ang unang utos na may pangako:
3 Gawin ninyo ito upang maging mabuti para sa inyo at kayo ay mamuhay nang matagal sa lupa.
4 Mga ama, huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak sa halip ay alagaan ninyo sila sa pagsasanay at sa turo ng Panginoon.
Mga Alipin at Mga Panginoon
5 Mga alipin, maging masunurin kayo sa inyong panginoon ayon sa laman at sundin ninyo sila nang may pagkatakot at panginginig at sa katapatan ng inyong mga puso tulad ng pagsunod ninyo kay Cristo.
6 Sumunod kayo hindi upang magbigay lugod sa kanila tuwing sila ay nakatingin sa inyo, kundi bilang mga alipinni Cristo na gumagawa ng kalooban ng Diyos mula sa inyong kaluluwa. 7 Sumunod kayo nang may mabuting kalooban na gumagawa ng paglilingkod sa Panginoon at hindi sa tao. 8 Nalalaman ninyo na ang anumang mabuting nagawa ng bawat isa, gayundin ang tatanggapin niya mula sa Panginoon, maging siya ay alipin o malaya.
9 Mga panginoon, gawin ninyo ang gayunding mga bagay sa kanila. Tigilan ninyo ang pagbabanta dahil nalalaman ninyo na ang sarili ninyong Panginoon ay nasa langit at siya ay hindi nagtatangi ng mga tao.
Copyright © 1998 by Bibles International