Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pumili Sila ng Pito
6 Sa mga araw na iyon na dumarami ang mga alagad, nagkaroon ng bulung-bulungan ang mga Judio, na ang wika ay Griyego, laban sa mga Hebreo sapagkat ang kanilang mga babaeng balo ay nakakaligtaan sa araw-araw na paglilingkod.
2 Kaya tinawag ng labindalawa ang napakaraming alagad. Sinabi nila: Hindi nararapat na iwanan namin ang salita ng Diyos upang maglingkod sa hapag. 3 Kaya nga, mga kapatid, humanap kayo mula sa inyong mga sarili ng pitong lalaki na may magandang patotoo, puspos ng Banal na Espiritu at karunungan na itatalaga natin sa gawaing ito. 4 Kami ay matatag na magpapatuloy sa pananalangin at paglilingkod para sa salita.
5 Ang sinabing ito ay nakalugod sa buong karamihan. Pinili nila si Esteban, isang lalaking puspos ng pananampalataya at ng Banal na Espiritu. Pinili rin nila sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas at Nicolas na taga-Antioquia na naging Judio. 6 Iniharap nila ang mga ito sa mga apostol. Pagkatapos manalangin, ipinatong ng mga apostol ang kanilang mga kamay sa kanila.
7 Lumago ang salita ng Diyos at lubhang dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem. Malaking karamihan ng mga saserdote ang tumalima sa pananampalataya.
Copyright © 1998 by Bibles International