Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
9 Dahil sa udyok ng pagka-inggit, si Jose ay ipinagbili ng mga patriarka sa Egipto. Gayunman, ang Diyos ay sumasakaniya. 10 At siya ay iniligtas ng Diyos sa lahat ng kaniyang mga paghihirap. Siya ay kinalugdan ng Diyos at binigyan ng karunungan sa harap ni Faraon na hari ng Egipto. Itinalaga siyang gobernador ni Faraon sa buong Egipto at sa kaniyang buong sambahayan.
11 Ngunit dumating ang taggutom sa buong bayan ng Egipto at Canaan. Nagkaroon ng malaking kahirapan at walang nasumpungang pagkain ang ating mga ninuno. 12 Ngunit nang marinig ni Jacob na may trigo sa Egipto, isinugo niya ang ating mga ninuno sa unang pagkakataon. 13 Sa ikalawa nilang pagparoon ay nagpakilala si Jose sa kaniyang mga kapatid. Nahayag kay Faraon ang angkan ni Jose. 14 Isinugo niya si Jose at ipinatawag ni Jose ang kaniyang amang si Jacob at ang lahat ng kaniyang kamag-anakan na pitumpu’t limang katao. 15 Lumusong si Jacob sa Egipto. Doon na siya namatay at gayundin ang ating mga ninuno. 16 Sila ay inilipat sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham ng isang halaga ng salapi sa mga anak ni Hamor sa Shekem.
Copyright © 1998 by Bibles International