Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 139:13-18

13 Ang anumang aking sangkap, ikaw, O Diyos, ang lumikha,
    sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
14 Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
    ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay;
    sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
15 Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
    sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin;
lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
16     Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang,
batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;
    pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan,
    matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
17 Tunay,(A) Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip,
    ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid;
18 kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin,
    sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.

Genesis 33:1-17

Nagkita sina Jacob at Esau

33 Natanaw ni Jacob na dumarating si Esau kasama ang apatnaraan niyang tauhan. Kaya't pinasama niya ang mga bata sa kani-kanilang ina. Nasa unahan ang dalawang asawang-lingkod at ang kanilang mga anak, kasunod si Lea at ang kanyang mga anak, at sa hulihan si Raquel at ang anak nitong si Jose. Umuna si Jacob sa kanilang lahat at pitong ulit na yumukod hanggang sa makarating sa harapan ng kapatid. Siya'y patakbong sinalubong ni Esau, niyakap nang mahigpit at hinagkan. Nag-iyakan ang magkapatid. Nang makita ni Esau ang mga babae at mga bata, itinanong niya kung sino sila.

“Iyan ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos,” tugon ni Jacob. Nagsilapit ang mga asawang-lingkod na kasama ang mga bata at yumukod; sumunod si Lea at ang kasamang mga bata, at sa katapus-tapusa'y si Jose at si Raquel. Yumukod silang lahat at nagbigay-galang kay Esau.

“Ano naman ang mga kawan na nasalubong ko?” tanong ni Esau.

“Iyon ay mga pasalubong ko sa iyo,” sagot niya.

Ngunit sinabi ni Esau, “Sapat na ang kabuhayan ko. Sa iyo na lang iyan.”

10 Sinabi ni Jacob, “Hindi! Para sa iyo talaga ang mga iyan; tanggapin mo na kung talagang ako'y pinapatawad mo. Pagkakita ko sa mukha mo at madama ang magandang pagtanggap mo sa akin, para ko na ring nakita ang Diyos! 11 Kaya, tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo. Naging mabuti sa akin ang Diyos; hindi ako kinapos sa anumang bagay.” At hindi niya tinigilan si Esau hanggang sa tanggapin nito ang kanyang kaloob.

12 “Sige, umalis na tayo, at ako na ang mauuna sa inyo,” sabi ni Esau.

13 Sinabi ni Jacob, “Ang mga bata'y mahina pa. Inaalaala ko rin ang mga tupa at bakang may bisiro. Kung tayo'y magmadali para makatipid ng isang araw, baka naman mamatay ang mga ito. 14 Mabuti pa, mauna ka na at kami'y susunod sa inyo. Sisikapin ko namang bilis-bilisan ang lakad hanggang kaya ng mga hayop at bata, at mag-aabot din tayo sa Seir.”

15 “Kung gayon, pasasamahan ko kayo sa ilang tauhan ko,” sabi ni Esau.

“Hindi na kailangan. Labis-labis na ang iyong kagandahang-loob sa akin,” sabi naman ni Jacob. 16 Nang araw na iyon ay umuna na si Esau papuntang Seir. 17 Pumunta naman si Jacob sa Sucot[a] at nagtayo roon ng kanyang toldang tirahan at kulungan ng mga hayop. Kaya, tinawag na Sucot ang lugar na iyon.

Galacia 4:21-5:1

Ang Paghahambing kina Hagar at Sara

21 Sabihin nga ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng Kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang sinasabi ng Kautusan? 22 Sinasabi(A) roon na si Abraham ay nagkaanak ng dalawang lalaki, isa sa aliping babae at isa sa malayang babae. 23 Ang anak niya sa aliping babae ay ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, ngunit ang anak niya sa malayang babae ay ipinanganak bilang katuparan ng pangako ng Diyos. 24 Ito'y isang paghahambing. Ang dalawang babae ay larawan ng dalawang kasunduan, ang isa ay ang tipan sa Bundok ng Sinai na kinakatawan ni Hagar at ng kanyang mga anak, na pawang mga alipin. 25 Si Hagar ay kumakatawan sa Bundok ng Sinai na nasa Arabia,[a] at larawan ng kasalukuyang Jerusalem sapagkat siya'y nasa pagkaalipin, kasama ng kanyang mga mamamayan. 26 Ngunit ang Jerusalem na nasa langit ay malaya, at siya ang ating ina. 27 Ayon(B) sa nasusulat,

“Magsaya ka, O babaing hindi magkaanak!
    Humiyaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakaranas ng hirap sa panganganak!
Sapagkat higit na marami ang anak ng babaing nangungulila
    kaysa babaing may asawa.”

28 Mga kapatid, tulad ni Isaac, tayo'y mga anak ayon sa pangako. 29 Kung(C) noong una, ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay inuusig ng ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, gayundin naman ngayon. 30 Ngunit(D) ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Palayasin mo ang babaing alipin at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng alipin ay hindi dapat makibahagi sa mana ng anak ng malaya.” 31 Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo anak ng alipin kundi ng malaya.

Manatili Kayong Malaya

Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.