Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
10 O kabiyak nitong hari, ang payo ko'y ulinigin;
ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.
11 Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin;
siya'y iyong Panginoon, marapat na iyong sundin.
12 Yaong mga taga-Tiro, handog nila ay dadalhin,
pati mga mayayaman sa iyo ay susuyo rin.
13 Ang prinsesa sa palasyo'y pagmasdan mo't anong ganda;
sinulid na gintung-ginto ang hinabing damit niya.
14 Sa magara niyang damit, sa hari ay pinapunta,
mga abay ay kasama, haharap sa hari nila.
15 Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak
nagsipasok sa palasyo, kanyang hari ay hinanap.
16 Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari,
kapalit ng ninuno mo sa sinundang mga lahi.
17 Dahilan sa aking awit, ikaw nama'y dadakila,
kailanma'y pupurihin nitong lahat na nilikha!
Ipinanganak sina Esau at Jacob
19 Ito naman ang kasaysayan ni Isaac na anak ni Abraham. 20 Apatnapung taon na si Isaac nang mapangasawa niya si Rebeca, anak na dalaga ni Bethuel, isang Arameong taga-Mesopotamia. Si Rebeca'y kapatid ni Laban, isa ring Arameo. 21 Hindi magkaanak si Rebeca, kaya't nanalangin kay Yahweh si Isaac. Dininig naman siya at si Rebeca'y naglihi. 22 Kambal ang kanyang dinadala at nasa tiyan pa'y nagtutulakan na ang dalawa. Kaya't nasabi ng ina, “Kung ngayon pa'y ganito na ang nangyayari sa akin, bakit pa ako mabubuhay?” Kaya't siya'y nagtanong kay Yahweh. 23 Ganito(A) naman ang sagot ni Yahweh:
“Dalawang sanggol ang dala mo sa loob ng iyong tiyan,
larawan ng dalawang bansa na magiging magkalaban;
magiging higit na malakas ang mas bata kaysa sa nauna,
kaya maglilingkod ang mas matanda sa bata niyang kapatid.”
24 Dumating ang panahon at nanganak nga siya ng kambal. 25 Mamula-mula ang kutis at mabalahibo ang katawan ng panganay, kaya't Esau[a] ang ipinangalan dito. 26 Nang lumabas ang pangalawa, nakahawak ito sa sakong ng kanyang kakambal, kaya Jacob[b] naman ang itinawag sa kanya. Animnapung taon si Isaac noon.
Ipinagbili ni Esau ang Kanyang Karapatan
27 Lumaki ang mga bata. Naging mahusay na mangangaso si Esau at sa kaparangan na halos tumitira. Si Jacob naman ay tahimik at lagi sa bahay.
Wala na sa Ilalim ng Kautusan
7 Mga kapatid, ako'y nagsasalita sa inyo na mga nakakaunawa ng batas. Alam ninyong ang isang tao'y nasasakop lamang ng batas habang siya'y nabubuhay. 2 Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang isang babae ay nasasakop ng kanyang asawa habang nabubuhay ito. Subalit kung mamatay na ang lalaki, malaya na ang babae sa batas na nagtatali sa kanya sa lalaking iyon. 3 Kaya nga, siya'y magkakasala ng pangangalunya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas na iyon, at mag-asawa man siya sa ibang lalaki, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya. 4 Gayundin naman mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, at ngayon kayo ay kabilang na sa mga nakipag-isa sa kanya na muling binuhay, upang magbunga tayo ng mabubuting gawa para sa Diyos. 5 Noong tayo'y namumuhay pa ayon sa ating likas na pagkatao, ang ating mga masasamang hilig na pinupukaw ng Kautusan ay nag-uudyok sa mga bahagi ng ating katawan na gumawa ng mga bagay na hahantong sa kamatayan. 6 Ngunit malaya na tayo ngayon mula sa Kautusan dahil namatay na tayo sa kasalanang dating umaalipin sa atin. Kaya, tayo'y naglilingkod sa Diyos hindi ayon sa lumang batas na nakasulat, kundi ayon sa bagong buhay ng Espiritu.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.